Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Ang librong ito ay naglalaman ng ibat ibang kwento na hango sa mensahe at liriko ng ibat ibang awitinIkaw, anong kanta ang nababagay sa love life mo

The Answer


“Good evening, Ma’am! Nag-iisa lang po?” tanong sa akin ng crew na nakabantay sa entrance ng ferris wheel.

Naramdaman ko ang pangingilid ng aking mga luha nang mag-sink in sa isip ko `yung sinabi niya. Tumingin ako sa aking likuran kung nasaan ang mga taong sasakay rin sa ferris wheel, karamihan sa kanila ay mga magkakasintahan na mukhang nagde-date. Huminga ako nang malalim saka tiningnan nang masama `yung crew.

“Oo, nag-iisa lang ako. Iniwan niya kasi ako, eh. Pinipilit ko siyang manatili sa aking tabi pero ayaw na raw niya. Oo, nag-iisa lang ako. Alam ko na `yon, kaya sa susunod pwede bang `wag mo nang ipamukha sa akin? Ang sakit, eh…”

Natulala naman `yung crew dahil sa mga sinabi ko. Naglakad na ako at sumakay sa ferris wheel. Nakita ko namang natauhan na `yung crew at isasara na sana niya `yung pinto nang may sabihin siya.

“Ma’am, baka naman po kasi kapag pinilit pa niyang manatili, masaktan lang kayong dalawa. It’s better to let go than to stay.” Saka niya isinara `yung pinto.

Ako naman ang natulala. Mukhang may pinagdaraanan din ang crew na `yon, ah?


Nagsimula nang umandar ang ferris wheel pero pahinto-hinto dahil may mga sumasakay pa. Tumingin naman ako sa labas ng bintana at hinayaang lumipad ang aking isip. Pero walanghiya, dapat pala hindi ko na hinayaang lumipad ang isip ko. Naalala ko na naman kasi siya.

Bwisit! Bakit ko ba kasi hinayaang sakupin niya ang puso’t isip ko?! Edi sana hindi ako nagkakaganito ngayon. Nagmahal ka kasi, sagot naman ng inner self ko. Napabuntong hininga ako. Oo nga pala, nagmahal ako kaya ako nagkakaganito. Unti-unti ay naalala ko na naman ang araw ng paghihiwalay namin ni Daryl, ang ex-boyfriend ko.


“Please, Daryl, stay. Ayokong mawala ka. Dito ka lang, please?” pagmamakaawa ko habang nakayakap sa kanya.

Inalis niya ang pagkakayakap ko saka humarap sa akin. “Vivian, tama na `to. `Wag kang magmakaawa dahil kung ganyan ang gagawin mo, balikan man kita ay dahil na lang sa awa.”

“Wala akong pakialam! Basta ayokong mawala ka sa tabi ko. Please… Mahal kita.”

“Hindi sapat ang salitang mahal, Vivian.”

“Wala na ba talagang pag-asa na bumalik tayo sa dati, Daryl? Hindi na ba natin pwedeng ayusin `to? Talaga bang wala na? Talaga bang… Talaga bang… h-hindi mo na ako… mahal?”

“I’m sorry, Vivian. Ngayon ko napatunayan na hindi naman mahalaga kung gaano kahaba o katagal ang pinagsamahan. Darating `yung oras na mawawalan ka na talaga ng gana at mawawala na lang bigla `yung nararamdaman mo para sa isang tao.”

“No! Hindi ako naniniwala riyan. Kung mahal mo talaga ang isang tao, hindi mo siya magagawang iwan.”

“I’m sorry, pero wala na talaga akong nararamdaman para sa `yo. Hindi na kita mahal, Vivian.”

Nang marinig ko ang huli niyang sinabi ay tuluyan na akong napaupo at humagulgol. Kahit nanlalabo ang aking paningin dahil sa mga luha ay pinilit ko pa ring tingnan si Daryl.

“Daryl! Please! Stay! `Wag mo `kong iwan! Mahal… na mahal… kita.”

Pero hindi niya ako pinakinggan. Unti-unti siyang naglakad palayo sa akin at hindi na muling lumingon pa. Naiwan akong nakaupo sa gilid ng kalsada at umiiyak. Naiwan akong nag-iisa. Iniwan ako ng lalaking pinakamamahal ko.


Iniwan niya ako… ni Daryl.


Pinunasan ko ang mga luhang umagos sa aking pisngi, pero kahit anong punas ang aking gawin ay may bumabagsak pa rin. Nakakainis naman ang mga luhang `to! Noong isang linggo pa kayo kumakawala, ah? Hindi ba talaga kayo nauubos?!

Isang linggo na mula noong hiwalayan ako ni Daryl… mula noong iwan niya ako. Ilang beses akong nagpabalik-balik sa bahay nila, nagmamakaawang balikan niya ako, nagmamakaawang subukan ulit namin, pero hindi na talaga niya ako binalikan. Kahit na nagwawala na ako sa labas ng kanilang bahay ay hindi siya lumabas. Ay mali, lumabas pala siya, pero dahil lang `yon sa pinalalayas at pinaaalis na niya ako sa harap ng kanilang bahay. Nakakahiya na raw kasi ang mga pinaggagagawa ko at kahit ano raw ang aking gawin ay hinding-hindi na niya ako babalikan.

Hindi ko alam kung ano’ng nangyari sa amin ni Daryl at napunta kami sa ganitong sitwasyon. Hindi ko alam kung may nagawa ba ako na ikinagalit niya kaya nawala ang nararamdaman niya para sa akin. Ilang beses kong inisip kung ano ang maaaring dahilan kaya niya ako iniwan, pero kahit anong pag-iisip ko ay walang pumapasok sa aking isip. Masaya naman kasi kami. Bihira kaming magkaroon ng problema at naaayos din namin `yon agad. Nag-e-effort din naman kami pareho, give and take ang relasyon namin. Mahal na mahal din naman namin ang isa’t isa… noon.


Ilang beses kong tinanong si Daryl kung ano bang kasalanan ko at bakit nawala ang pagmamahal niya sa akin. Pero tangina, binanatan ba naman ako ng isang gasgas na linya.

“It’s not you, it is me.”

Natawa ako nang mapakla. Sa anim na taong pagsasama namin, lahat ng problema ay sinasabi namin sa isa’t isa. Wala kaming isinisikreto, tapos babanatan niya ako ng ganoon? Gago ba siya? Akala ba niya nasa pelikula kami?


“Ma’am, baka naman po kasi kapag pinilit pa niyang manatili, masaktan lang kayong dalawa.”


Naalala ko `yung sinabi ng crew. Sinabi rin `yon sa akin ni Daryl, na kung mananatili pa raw siya ay pareho lang kaming masasaktan. Hindi na raw kami magiging masaya kagaya ng dati. Magkasama nga kami pero `yung nararamdaman namin ay magkaiba na, magkahiwalay na.

Sa ngayon wala na akong ibang magagawa kung hindi ang bumitaw. Hindi madaling mag-move on pero kung iyon ang gustong mangyari ni Daryl ay gagawin ko… pipilitin ko. Kahit punung-puno ng tanong ang aking isipan ay susubukan kong isantabi lahat ng `yon. Kahit na hindi ko alam ang tunay na dahilan kung bakit niya ako iniwan ay susubukan kong kalimutan ang mga nangyari.


Natapos na ang pag-ikot ng ferris wheel at bumaba na ako. Nginitian ako ng crew pagkababa ko, nginitian ko na lang din siya, `yung ngiting malungkot. Pero nakakailang hakbang pa lang ako palayo sa kanya ay narinig ko pa siyang nagsalita at tingin ko’y para sa akin `yon.

“Ma’am! Iniwan ka man niya, tandaan mong isa lang siyang nang-iwan sa `yo. Out of 10, may siyam pang natitira kaya ngumiti ka na po, marami pang nagmamahal sa `yo.”

Nilingon ko siyang muli at nakita kong nakangiti pa rin siya sa akin. I mouthed ‘thank you’ at tuluyan nang naglakad paalis. Naglibot pa ako sa loob ng amusement park ng isang oras. Ito `yung amusement park na madalas naming puntahan ni Daryl noon. Sa totoo lang ay hindi ko alam kung bakit pa ako nagpunta rito, ang dami naming masasayang alaala sa lugar na `to. Gustung-gusto ko talagang sinasaktan ang aking sarili.


Ilang minuto pa’y naisipan ko nang umalis at umuwi. Tama na ang pagbabalik-tanaw sa mga alaalang hindi na maibabalik pa. Palabas na sana ako pero ewan ko ba, nakaramdam ako na parang may nakatingin sa akin. Lumingon ako sa gawing kanan at doon ay nakita ko ang isang lalaki na nakatayo habang nakatingin sa akin. Nakita ko ang gulat sa kanyang mga mata, hindi niya siguro inaasahan na makikita niya ako sa lugar na `to.

“Babe! Nakabili na ako ng ticket!”

Biglang sumulpot ang isang babae at ipinulupot nito ang mga kamay sa braso ng lalaki na hanggang ngayo’y nakatingin pa rin sa akin. Napansin yata ng babae na may tinitingnan siya kaya napatingin din ang babae sa akin at nagtanong pa ito kung kilala ba ako ng lalaking kasama niya. Narinig ko namang sumagot si Daryl.

“S-She’s… she’s nothing.”


She’s nothing. Sapat na ang mga salitang `yon para putulin ko ang titigan portion namin at tuluyang lumabas ng amusement park. Pagkalabas na pagkalabas ko ay muling tumulo ang aking mga luha. Ilang beses kong tinanong ang aking sarili kung bakit niya ako iniwan. Sumakit pa ang aking ulo sa pag-iisip at halos mawala ako sa sarili dahil hindi ko mahanap ang sagot. Pero akalain mo nga naman, ang pinakakaraniwang dahilan pala ang sagot sa aking mga katanungan.

May mahal na siyang iba.

Muli akong tumingin sa amusement park at napangiti nang malungkot. Kanina tinatanong ko ang aking sarili kung bakit ako nagpunta sa lugar na `to, `yon pala ay dahil dito ko makukuha ang sagot sa aking mga katanungan.

Pinunasan ko ang aking mga luha at muling tinalikuran ang lugar na isasama ko sa mga bagay na ibabaon ko na sa limot. Kung ang pakikipaghiwalay sa akin ang makakapagpasaya sa kanya at kung ang pananatili sa piling ko ang makakapanakit sa aming dalawa, sige, gagayahin ko na lang siya. Iiwanan ko na lang din itong nararamdaman ko para sa kanya. At sa pang-iiwan na gagawin ko, may isang bagay na habambuhay kong tatandaan.


It’s better to let go than to stay.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE