Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Ang librong ito ay naglalaman ng ibat ibang kwento na hango sa mensahe at liriko ng ibat ibang awitinIkaw, anong kanta ang nababagay sa love life mo

Masakit na Panaginip


“Kinakabahan ka ba?” tanong sa akin ni Mama. Tumango ako bilang sagot saka pilit na ngumiti. Hinawakan naman niya ang aking kamay. “Kumalma ka lang. Magiging masaya ka naman pagkatapos nito.” Nginitian namin ang isa’t isa saka lumabas ng sasakyan.

Naglakad kami palapit sa pintuan ng simbahan at nang makarating kami ro’n ay napahawak ako nang mahigpit sa mga bulaklak na aking hawak. Ito na ang araw na pinakahihintay ko.

Nakarinig ako ng isang awitin na masarap pakinggan, ito ang paborito kong kanta—paborito naming dalawa. Nakita ko na unti-unti nang naglalakad ang mga taong nasa aking unahan. Sobrang lakas nang tibok ng aking puso. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman—matuwa, umiyak, kabahan, ma-excite—hindi ko alam. Basta ang alam ko, gustung-gusto ko nang makita ang taong naghihintay sa akin.

Unti-unting nabawasan ang mga taong nasa aking unahan at dumating na ang oras na ako naman ang maglalakad. Nasa magkabilang gilid ko sina Mama at Papa, ihahatid na nila ako patungo sa lalaking minamahal ko. Habang naglalakad ay pinagmamasdan ko ang mga taong nasa loob ng simbahan, karamihan ay ang mga kamag-anak at ang mga malalapit na tao sa aming dalawa. Lahat sila ay nakangiti at ang iba ay naluluha pa pero may ngiti pa rin sa kanilang labi. Hindi ko na rin napigilan ang mga luhang kanina pa gustong bumagsak. Alam kong hindi ito luha ng kalungkutan, luha ito ng sobrang kasiyahan na aking nararamdaman.


Ilang hakbang pa at natanaw ko na ang lalaking kanina pa naghihintay sa akin. Ang gwapo niya sa suot niyang tuxedo, bumagay sa kanyang maputing balat ang kulay nito. Nagsalubong ang aming mga mata at kahit na yumuko siya upang punasan ang kanyang luha ay nakita ko pa rin ito. Pareho kaming naiiyak sa sobrang kasiyahan. Matagal naming hinintay ang araw na ito, matagal ding pinagplanuhan at ngayon nga’y nangyayari na.

Nang makarating kami nina Mama at Papa sa altar ay ibinigay na nila ang aking kamay kay Joseph.

“Ilang beses ko nang sinabi sa `yo `to pero uulitin ko pa rin. Ingatan mo ang anak namin, mahalin mo siya ng buong puso,” sabi ni Papa na naiiyak na rin.

“Makakaasa po kayo, Papa,” sagot naman ni Joseph.

Kinuha na ni Joseph ang aking kamay. Ilang minuto kaming nagtitigan bago nagdesisyong pumunta sa harapan ng pari. Matagal kong hinintay ang araw na `to at hindi ko akalaing matutupad `to. Akala ko noon hanggang pangarap na lang ako, pero akalain mo nga naman, ikakasal na ako.


Ikakasal na ako sa lalaking pinakamamahal ko—kay Joseph.

***

Natapos na ang kasal namin ni Joseph at ngayon ay nasa reception na kami. Nabitiwan na namin ang mga pangako namin sa isa’t isa sa harapan ng Diyos. Alam kong mas magiging maganda pa ang aming pagsasama dahil kung noon na sa isa’t isa lang kami nangangako ay maganda na ang naging relasyon namin, ngayon pa kayang sa harapan na mismo ng Diyos?

Nakaupo kami ngayon sa harapan ng mga bisita at kumakain. Narinig namin ang pagtunog ng baso na parang kinakatok ng kutsara, signal na kailangan naming halikan ang isa’t isa sa labi. Humarap naman sa akin si Joseph nang nakangisi.

“Ikaw, ah. Enjoy na enjoy ka sa nangyayari,” sabi ko sa kanya.

Lalo naman siyang ngumisi. “Syempre naman. Inip na inip na nga ako, eh. Gusto na kitang masolo.”

Magsasalita pa sana ako pero hinalikan na niya ako sa labi. Hindi ito isang mabilis na halik, isa `tong halik na matagal at punung-puno ng pagmamahal. Narinig ko ang hiyawan ng mga bisita at napangiti kaming pareho ni Joseph.

“Mahal na mahal kita, Arriane.”

“Mahal na mahal din kita, Joseph.”

Hinalikan niya pa ako ng isang beses pero `yung mabilis na lang saka bumalik sa pagkain. Hindi ko mapigilang hindi kiligin at makaramdam ng sobrang kasiyahan. Alam ko noon pa man na si Joseph na ang lalaking para sa akin, kahit na dumaan kami sa iba’t ibang pagsubok ay nalagpasan naman namin. Ang saya. Ang sarap sa pakiramdam.


Ayoko nang matapos `to.


Mayamaya’y tinawag kami ni Joseph para simulan ang sweet dance. Tumayo na kami at inalalayan niya pa ako sa paglalakad. Napaka-gentleman niya talaga, isa sa mga bagay na nagustuhan ko sa kanya.

Nang makarating kami sa gitna ay ipinulupot ko sa kanyang leeg ang aking mga kamay at ang kanya naman ay sa aking bewang. Nagtitigan kaming dalawa habang nakangiti. Unti-unti ay sumayaw kami habang pinakikinggan ang isang magandang awitin. Hindi kami nag-uusap ni Joseph pero alam ko na ang mga puso na namin ang nag-uusap. Ipinikit ko ang aking mga mata at hindi ko napigilang balikan ang mga araw kung paano kami nahulog ni Joseph sa isa’t isa.


Sobrang cliché na ng aming kwento. Isa siyang campus heartthrob at isa naman akong campus queen, pareho kaming tinitingala ng mga estudyante sa university namin noon. Sikat na sikat kami kahit na sobrang laki ng school namin. Ang kaso… hindi kami magkasundo. Magkaklase kami at madalas kaming magtalo sa mga diskusyon sa klase. Kapag sumagot ang isa ay siguradong babarahin ng isa. Hindi lang kami nagtatalo kapag iisa ang sagot sa tanong.

Pareho kaming Dean’s Lister. Hindi naglalayo ang average namin kaya lalo kaming na-challenge sa isa’t isa. Pareho kaming may gustong patunayan at pareho naming gusto na matalo ang isa sa amin. Pero kagaya ng ibang love story, hindi namin sinasadyang mahulog sa isa’t isa. Third year college kami nang umamin sa akin si Joseph ng tunay niyang nararamdaman, at doon ko rin napagtanto na may nararamdaman din ako para sa kanya.

Ilang buwan kaming nagligawan at hindi rin nagtagal ay sinagot ko siya. Nabalita sa buong university `yon at dahil sikat kaming pareho ay hindi maiiwasan ang mga tsismis. Marami ring nagtangka na paghiwalayin kami pero hindi nila nagawa. Nanatili kaming magkasama.


Idinilat ko ang aking mga mata at nakita kong sobrang lapit ng mukha ni Joseph sa akin at nakita ko ang pag-aalala sa kanyang mukha.

“Ano’ng iniisip mo? Bakit ka umiiyak?” tanong niya saka pinunasan ang mga luha sa aking pisngi.

“Wala naman. Hindi ko lang napigilang isipin ang mga nangyari noong college tayo.”

Niyakap niya ako saka binulungan. “Ayos lang sa akin na isipin mo ang nakaraan, pero `wag mo nang isama `yung mga hindi magagandang pangyayari. Dahil sisiguraduhin ko na hindi na mauulit `yon. Hinding-hindi na.”

“Promise?”

“Promise.”



“Arriane…” naramdaman ko na may yumugyog sa aking katawan. “Arriane! Hoy!” naramdaman ko ulit ang pagyugyog na para bang ginigising ako. “Arriane Gutierrez!”

Binuksan ko ang aking mga mata at bumungad sa akin ang mukha ni Mama. Bakas sa kanya ang pag-aalala.

“Bakit po, Mama? Ano po bang meron at ginising mo `ko?”

“Eh, `di ba may meeting ka pa? Baka ma-late ka kaya kita ginising.”

“Eh? Mamaya pa pong 10 o’clock `yon.” Napatingin ako sa orasan sa aking kwarto. “6 o’clock pa lang po, oh.”

“Ay! Mamaya pa ba `yon? Akala ko naman maaga. Sige, bumalik ka na ulit sa pagtulog mo. Sorry!” Tumawa si Mama saka naglakad palabas ng aking kwarto. Pero bago pa siya makalabas ay may sinabi siya sa akin. “Anak, tama na, ha? Matuto ka namang mapagod.”

Nagtaka naman ako sa sinabi niya. “Hindi kita maintindihan, Mama.”

“May luha sa mga pisngi mo. Kaya rin kita ginising ay dahil narinig ko ang paghikbi mo. Tama na, anak. Kalimutan mo na siya.” Saka siya tuluyang lumabas ng kwarto.

Napahawak naman ako sa aking mga pisngi at oo nga, may nakapa akong tubig. Natigilan ako at unti-unting nag-sink in sa akin ang lahat. Umiiyak ako dahil napanaginipan ko na naman si Joseph. Sa panaginip ko’y natuloy ang pinapangarap kong kasal. Pero kabaliktaran iyon ng nangyari sa reyalidad.

Iniwan ako ni Joseph noong araw mismo ng kasal namin. Sa harapan mismo ng Diyos, sinabi niya na hindi na niya ako mahal at may nabuntis siyang iba. Lahat ng plano noong araw na `yon ay nabalewala. Walang pangakong binitawan dahil bago pa man `yon ay tumakbo na palabas ng simbahan si Joseph. Muling kumawala ang tubig sa aking mga mata at napayakap na lang ako sa aking sarili.


Ang ibang tao, tuwang-tuwa kapag nananaginip sila, pero ako… ayoko nang managinip. Kung sakaling mananaginip akong muli, sana… sana hindi na ganito kasakit. Sana hindi na isang masakit na panaginip.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE