Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Ang librong ito ay naglalaman ng ibat ibang kwento na hango sa mensahe at liriko ng ibat ibang awitinIkaw, anong kanta ang nababagay sa love life mo

Siya na nga kaya?


“Parekoooy!!”

Agad akong niyakap ni West nang makalapit siya sa akin. Niyakap niya ako nang sobrang higpit na halos hindi na ako makahinga.

“W-West… H-Hindi ako m-makahinga…”

Tinawanan niya ako saka bumitiw. “Na-miss kita, parekoy! Mabuti naman at naisipan mong magbakasyon dito ngayong summer?”

Kinuha niya ang mga gamit ko at ipinasok sa loob ng aking kwarto. Sumunod naman ako at nahiga sa kama.

“Hindi ako nakauwi noong Pasko kaya gusto kong bumawi kina Lolo at Lola.”

“Eh, sa akin, hindi ka babawi?”

Tiningnan ko siya saglit saka pumikit. “Hindi. Sino ka ba?”

“Aba!” Ilang saglit pa’y nakaramdam ako na parang may kumikiliti sa aking paa. “Hindi pala, ah. Lagot ka sa akin ngayon!”

“Waaaahh!!!”

Kiniliti niya ako sa paa at naupo pa siya sa binti ko para hindi ako makapalag. Alam na alam niya talaga ang kahinaan ko!

“O ano, hindi pa rin ba ako kasali sa mga taong babawian mo?”

“O-Oo na! Oo na! Tigilan mo na `yaaaaan!”

Umalis siya sa pagkakaupo sa aking binti saka nahiga sa aking tabi. Tawa siya nang tawa nang makita niya ang namumula kong mukha. Ganito kasi ako kapag tumatawa nang sobra.

“Letse ka talaga! Alam na alam mo kung ano’ng kahinaan ko!” Hinampas ko si West sa braso.

“Oo, alam na alam ko kung ano ang kahinaan mo, at alam ko rin na hindi ang pagbawi kina Lolo at Lola ang dahilan kaya ka umuwi rito, Sweetlyn.”

Napaiwas naman ako ng tingin. Ito ang hirap sa may childhood friend, eh. May isang taong nakakakilala nang sobra sa akin. Pero sa kabilang banda, nagpapasalamat ako dahil hindi ko na kailangan pang magsinungaling sa kanya.


Kadarating lang namin ng pamilya ko sa probinsya ni Lola Nene, dito sa Quezon, at dito namin planong magbakasyon ng isang linggo. Imbitado rin kasi kami sa kasal ni Kuya Mac, kuya ni West. Hindi naman dapat talaga ako sasama pero bigla kong na-miss ang best friend ko at may ikukwento rin ako sa kanya kaya sumama na rin ako.

“Parekoy, pumunta tayo sa Twin Bridge mamaya. Nami-miss ko nang magbike ro’n, eh,” sabi ko kay West.

“Sure! Basta ililibre mo `ko ng street foods, ah!”

“Mukha ka pa ring libre hanggang ngayon!”

Tinawanan niya lang naman ako saka siya lumabas ng aking kwarto para makapagbihis ako at makapag-ayos ng mga gamit.

Sa Manila na ako nag-aaral mula nang pumasok ako sa kolehiyo samantalang naiwan naman dito sa probinsya si West. Pangarap ko kasing makapag-aral sa Manila kaya kahit ayaw ko ay iniwan ko ang aking childhood friend slash best friend. Pero hindi naman kami nawawalan ng komunikasyon. Madalas pa rin kaming magka-text, magkatawagan, at magka-usap sa video call. Sobrang close namin ni West at dahil doon ay pinagselosan siya ni Patrick, ang ex-boyfriend ko.

Napahinga ako nang malalim. Hindi ko siya dapat iniisip ngayon. I need to move on. I need to forget my feelings for that guy.


Nagbihis na ako at nag-ayos ng aking mga gamit saka lumabas. Hinanap ko si West at nakita ko siyang inilalabas ang aming bike.

“Mukhang inaalagaan mo nang maayos `yang bike ko, ah?” tanong ko kay West.

“Oo naman! Hindi kita maalagaan nang maayos, eh, kaya kahit dito man lang sa bike mo ay makabawi ako.”

“Sus! Nami-miss mo na naman ako, eh, nandito na nga ako,” biro ko sa kanya saka ko siya siniko sa tiyan.

“Araw-araw naman kasi kitang nami-miss. Ikaw nga lang ang hindi nakaka-miss sa akin, eh!”

May sinabi siya pero hindi ko narinig. “Ano?”

“Wala! Sabi ko ang gwapo ko talaga! O ano, tara na?” Tumango naman ako saka kami nagsimulang mamasyal.


Kung saan-saan muna kami nagpunta at kumain pa kami ng street food hanggang sa nagpunta na kami sa Twin Bridge. Dalawang mahabang tulay ito at sa dulo ay may makikitang dagat, parang beach. Naniniwala ang mga taga-rito na kapag naglakad daw ang dalawang taong nagmamahalan sa Twin Bridge at sabay silang nakarating sa dulo ay sila raw ang magkakatuluyan sa huli. Ibig sabihin din daw noon ay kakayanin nila ang anumang pagsubok na dumating sa kanila, basta magkasama silang dalawa.

Kami naman ni West, naglalaro lang kami rito sa Twin Bridge kahit noong mga bata pa kami. Madalas kaming magpunta sa dagat at magbisikleta rito sa tulay. Minsan ay nagpapaunahan pa kami na makarating sa dulo.

“Ano, Sweetlyn, paunahan ulit?”

“Sure!”

“Siguraduhin mong mananalo ka dahil kapag hindi…”

Napatingin ako kay West na kasalukuyan palang nakatingin sa akin. “Kapag hindi… ano?”

Lumapit siya sa akin at bumulong sa aking tenga. “You will be my girlfriend.”

Natulala naman ako sa kanyang sinabi at hindi agad nakagalaw. Hindi ko tuloy namalayang nagsimula na ang aming karera.

“Hoy, Sweetlyn! Mauunahan na kita!”

No’n lang ako nagising kaya mabilis akong sumakay sa bik. “Bwisit ka, West! Humanda ka sa akin kapag naunahan kita!”

Narinig ko pa ang tawa niya bago kami tuluyang nagkahiwalay, sa kaliwang tulay siya at ako naman sa kanan.


Alam ko naman na may gusto sa akin si West. Hindi man niya sinasabi pero nararamdaman at nakikita ko naman `yon sa bawat kilos niya at kung paano niya ako itrato. Sa totoo lang, gusto ko rin naman si West pero hindi kasing lalim ng nararamdaman niya para sa akin. Madalas niya akong biruin tungkol sa nararamdaman niya at alam kong ang iba sa mga iyon ay totoo, hindi niya lang talaga masabi nang seryoso. Pero hindi ko rin naman magawang seryosohin ang mga sinasabi niya. Ayaw ko siyang masaktan dahil alam kong hindi pa ako handa sa magiging kapalit kung sakaling manligaw siya sa akin. O kung maging kami man.

Sobrang cliché na ng love story namin at sa dami ng librong nababasa ko tungkol sa magkaibigan na nagiging magkasintahan, lalo akong natatakot para sa aming dalawa ni West.


Nakarating na ako sa dulo ng tulay at hindi ko nakita si West. Hindi kaya nauna ako sa kanya? Hinihintay niya kasi ako sa dulo ng tulay kapag nauuna siya sa akin.

Ilang minuto pa akong naghintay pero walang West na dumarating, kaya naisipan kong pumunta na sa tabing-dagat.

“Ang tagal mo naman yata?”

“Anak ng tilapia! Kanina ka pa rito?!” gulat kong tanong kay West na nakahiga sa buhanginan.

“Mga 30 minutes na siguro.” Tumingin siya sa akin saka ngumisi. “Paano ba `yan? Natalo kita.”

Namula naman ako nang maalala ko ang ibinulong niya kanina bago kami magsimula.

“S-Seryoso ka ba talaga s-sa sinabi mo?”

“Hindi ako nagbibiro, Sweetlyn.”

Tumingin ako sa mga mata ni West at wala akong makitang pagbibiro sa mga iyon. Seryoso nga talaga siya. Pinagmasdan kong mabuti si West. Kung nasa isang fairytale ako, hihilingin ko sa fairy godmother na sana ay si West ang aking prince charming. Siya ang lalaking nakakaintindi sa akin mula noon. Siya ang madalas kong kasama, kakwentuhan, at sa kanya ko rin sinasabi ang mga problema ko.

Noon pa ako naghahanap ng lalaking kaya akong tanggapin sa kung ano ako at `yung lalaking mamahalin ako sa kung sino man ako. Si West na nga kaya ang lalaking hinahanap ko? Siya na nga kaya? Pero… hindi pa ako handang harapin ang mga magiging kapalit kapag naging kaming dalawa.


Ilang sandali pa’y narinig kong tumawa si West. Kumunot naman ang aking noo at nagtatakang tinanong siya.

“Bakit ka tumatawa? Ano’ng nakakatawa?”

“Ikaw! `Yung mukha mo! Ang epic, grabe!” Tawa pa rin siya nang tawa, parang wala ng bukas kung tumawa siya. “Nagbibiro lang ako, parekoy! Alam ko namang hindi tayo pareho ng nararamdaman.”

Ngumiti siya sa akin kaya napangiti na lang din ako. I’m sorry, West.

Humiga siya sa buhanginan at naupo naman ako sa kanyang tabi.

“Bakit ka sumama kina Tita sa pag-uwi rito?” tanong niya sa akin.

Huminga ako nang malalim saka sinagot ang kanyang tanong. “Wala na kami ni Patrick.”

“Ano’ng nangyari? Pinagselosan niya pa rin ako?”

Tumango ako. “Kahit anong paliwanag ang gawin ko, ayaw niyang maniwala na wala tayong relasyon. Naging madalas ang pag-aaway namin hanggang sa papiliin niya ako, kung ikaw o siya.”

Napaupo si West at nakita ko ang galit sa kanyang mukha.

“That’s bullshit! Kung talagang mahal ka niya, paniniwalaan ka niya! Saka nagkausap naman na kami, ah? Sinabi ko sa kanya na walang namamagitan sa ating dalawa!”

“Hayaan mo na. Sa tingin ko naman ginawa niya lang excuse `yon upang makipaghiwalay sa akin.”

“Ha? Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Bago pa kami maghiwalay, nakita ko siyang may kasamang ibang babae. Iisipin ko sana na pinsan o kaibigan niya lang `yon pero nang makita ko kung paano sila maghalikan, doon ko nalaman na nambababae pala siya.”

Hindi nagsalita si West at alam kong pinipigilan niyang magsalita nang hindi maganda. Pinipigilan niya ang kanyang sarili na sumabog dahil alam niyang kahit ako ay matatakot kapag nagalit siya nang sobra.

Nakita ko siyang tumayo at umalis. Hindi ko na siya sinundan o tiningnan pa. Alam kong pakakalmahin niya lang ang kanyang sarili, babalik din siya kapag ayos na siya. Pero laking gulat ko nang maramdaman ko ang isang mainit na yakap mula sa aking likuran.

“Ayos lang umiyak, lalo na ngayong magkasama tayo, ayos lang ibuhos lahat ng sakit.”

At para bang naging cue ang mga salitang `yon dahil biglang bumuhos ang aking mga luha na ilang linggo ko nang itinatago. Nakayakap lang sa akin si West at hindi siya nagsasalita, hinayaan niya lang akong umiyak at sabihin ang mga gusto kong sabihin.


Pagkatapos ng halos isang oras na pagdadrama ay nanatiling nakayakap sa akin si West. Gumaan ang aking pakiramdam pagkatapos kong ilabas ang mga problema ko. Masarap talaga sa pakiramdam kapag may isang taong handang makinig sa `yo.

Pumunta si West sa aking harapan at tinitigan niya ako sa aking mga mata. Lumapit pa siya at may ibinulong sa akin.

“Ako na lang kasi... Ako na lang ang mahalin mo, Sweetlyn.”

“West…”

“Mahal na mahal kita noon pa. Ilang beses kong pinigilan ang aking sarili na magtapat sa `yo dahil alam kong hindi tayo pareho ng nararamdaman. Sa tuwing may lalaking dumarating sa buhay mo, hinahayaan kita, lalo na kapag nakikita kong masaya ka. Pero nakakasawa na, Sweetlyn. Nakakasawang makita na umiiyak ka dahil sa mga lalaking hindi ka naman kayang mahalin ng totoo. Hindi ko sinasabing mahihigitan ko sila pero alam kong mas magagawa kitang pasayahin. Mas mamahalin kita, Sweetlyn.”

“West…” Napayuko ako at nag-isip nang sasabihin. Ano bang dapat kong isagot?

“Hindi kita minamadali. Kung kailangan kong maghintay at ligawan ka, gagawin ko.”

Nginitian ako ni West at wala na akong nagawa kung hindi ang yakapin siya.

***

“May I have this dance?”

Iniabot ko kay West ang aking kamay saka kami nagpunta sa dance floor. Katatapos lang ng kasal ng kuya ni West at nandito na kami sa reception. Tradisyon na rin dito sa amin ang magkaroon ng sayawan tuwing may ikinakasal.

Dalawang araw na ang nakalilipas mula nang umamin sa akin si West. Noong una ay nagkakailangan pa kaming dalawa pero ilang saglit lang ay bumalik kami sa kung ano kaming dalawa tuwing magkasama kami. Napag-usapan din namin na walang dapat magbago. Meron man ay hindi dapat sobrang laki.

“Sweetlyn,” napatingin ako kay West, “…ang ganda mo ngayon.”

“Ngayon lang?”

“Araw-araw, minu-minuto, at bawat segundo ay maganda ka.”

“Bolero!”

Natawa na lang kaming dalawa at nagpatuloy sa pagsayaw. Nakayakap kami sa isa’t isa at alam kong pinagtitinginan kami ng ibang tao, pero wala kaming pakialam sa kanila. Gusto ko rin kasing sulitin ang oras na `to dahil tatlong araw na lang at uuwi na ako sa Manila.

“Sweetlyn, kagaya ng sinabi ko noong nasa tabing-dagat tayo, handa akong maghintay. Isang taon na lang at matatapos na tayo sa pag-aaral natin. Susundan kita sa Manila at sisimulan ko ang panliligaw sa `yo.”

Tumingin ako kay West habang nakangiti. “I’m always dreaming of someone who can be my prince charming and knight in shining armor. Bata pa lang tayo sumasagi na sa isip ko na ikaw ang lalaking hinahanap ko. Pero dahil takot akong masira ang ating pagkakaibigan, inalis ko agad sa isip ko na ikaw ang prince charming ko.”

“Huwag kang matakot dahil kahit ano’ng mangyari, ikaw ang childhood friend slash best friend ko. Kahit na ma-basted ako, ako pa rin si West, ang parekoy mo.”

Napangiti kaming pareho at muling nagyakap. Inaya na ako ni West na maupo pero bago kami maupo ay may sinabi pa siya.

“Patutunayan ko sa `yo na ako ang lalaking hinahanap mo. I am your prince charming in this story, Sweetlyn.”

Napailing na lang ako habang nakangiti. Pero napapaisip din ako. Si West na nga kaya ang lalaking hinahanap ko? Si West na kaya ang lalaking magmamahal sa akin ng totoo? Si West na kaya ang tatanggap sa kung ano at sino ako?


Siya na nga kaya?


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE