Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Ang librong ito ay naglalaman ng ibat ibang kwento na hango sa mensahe at liriko ng ibat ibang awitinIkaw, anong kanta ang nababagay sa love life mo

Ang Pagtataksil


“Nang dahil sa ‘yo, nawala ang anak ko! Mahal na mahal ka ni RJ, pero ano’ng ginawa mo? Iniwan mo siya sa mismong araw ng kasal niyo! Ano bang pagkukulang ni RJ sa ‘yo? Ibinigay naman niya sa ‘yo ang lahat-lahat, ‘di ba? Minahal ka niya ng totoo! Pero ano’ng isinukli mo? Iniwan mo siya! Sinaktan mo siya!”


Paulit-ulit kong naririnig sa utak ko ang mga katagang binitawan ng ina ni RJ, at wala akong magawa para pigilan ang pag-echo ng mga ito sa isipan ko. Tama naman kasi siya. Kasalanan ko kung bakit nawala ang anak niya. Kasalanan ko kung bakit namatay si RJ, ang lalaking walang sawang nagmahal sa akin pero nagawa ko pa ring saktan.


Isang linggo na ang nakalilipas mula noong ilibing si RJ. Si RJ ang lalaking dapat ay pakakasalan ko.


Dapat.


Dapat masaya na kami ngayon. Dapat buhay pa rin siya. Dapat hindi ako nagmumukmok ngayon sa kwarto ko. Dapat hindi nag-e-echo sa utak ko ang mga katagang binitawan ng nanay niya.


Bakit ba naman kasi ang tanga-tanga ko? Bakit ba mas pinili ko pang sumama sa lalaking minsan na akong niloko at sinaktan? Bakit hindi ko pinili ang lalaking nagmamahal sa akin ng tapat?


Limang buwan bago ang kasal namin ni RJ ay nagkita kaming muli ni Rafael, ang ex-boyfriend ko na minsan na akong niloko. Humingi siya ng tawad sa mga ginawa niya noon at dahil mahal ko pa rin siya, pinatawad ko siya. Oo, mahal ko pa rin si Rafael kahit na fiancé ko na si RJ. Sa umpisa pa lang naman kasi ay ginawa ko ng panakip butas si RJ. Panakip lang siya sa katotohanang mahal ko pa rin ang ex-boyfriend ko.

Naging malapit ulit kami sa isa’t isa ni Rafael. Hanggang sa sabihin niya sa akin na mahal niya pa rin ako at gusto niyang makipagbalikan sa akin. Noong marinig ko ang mga salitang iyon ay hindi na ako nagdalawang-isip at agad akong nakipagbalikan sa kanya… kahit pa nga, malapit na kaming ikasal ni RJ.

Noong gabi ring iyon ay may nangyari sa amin ni Rafael. Oo, ibinigay ko sa kanya ang dapat sana’y kay RJ ko ibibigay. Pero nilamon ako ng kasiyahan. Kasiyahang akin na ulit ang lalaking mahal ko.


Don’t get me wrong, mahal ko rin naman si RJ. Naa-appreciate ko lahat ng ginawa niya sa akin. Nararamdaman ko ang pagmamahal niya sa akin. Pero hindi ko siya magawang mahalin gaya ng pagmamahal niya sa akin. Tinanggap ko ang alok niyang kasal dahil nagbabakasakali ako na kapag nagsama na kami ni RJ at kapag nagkaanak na kami ay makakalimutan ko na si Rafael. Nagbabakasakali ako na mawawala na ang nararamdaman ko para sa lalaking minahal ko ng limang taon pero nagawa akong pagtaksilan.

Natawa ako at kasabay noon ang pagpatak ng mga luha ko. Nagalit ako noon kay Rafael dahil sa ginawa niyang pagtataksil, pero ano ba ang ginawa ko kay RJ? Hindi ba’t nagtaksil din ako?


Ang isang gabing pinagsaluhan namin ni Rafael ay naging dalawa hanggang sa maging tatlo at nasundan pa. Paulit-ulit. Alam ko na nakakahalata na si RJ na may inililihim ako sa kanya, pero hindi niya ako tinanong. Hindi siya nag-usisa. Dahil alam niya na kapag handa na akong sabihin ang problema ko ay magsasabi ako.

Hindi rin alam ni Rafael ang tungkol kay RJ. Hindi naman kasi siya nagtatanong. Hindi rin naman kami nagde-date. Ite-text niya lang ako kapag gusto niya kaming magkita, at sa tuwing nagkikita kami ay may nangyayari sa aming dalawa.


Dalawang linggo bago ang kasal namin ni RJ ay nalaman kong buntis ako. Agad kong pinuntahan si Rafael sa tinutuluyan niyang apartment at nang malaman niyang magkakaanak na kami ay nagalit siya. Ayaw niyang magkaanak. Ayaw niyang maging ama. At noong araw rin na ‘yon ay inamin niyang pampalipas oras niya lang ako. Na isa lang ako sa mga sex buddy niya. At ang pinakamasakit sa lahat ay inamin niyang hindi niya talaga ako mahal.

Sinubukan kong balikan si Rafael. Pinakiusapan ko siya na panagutan niya ang anak namin. Na pakasalan niya ako. Pero hindi siya pumayag. Paulit-ulit ko siyang pinakiusapan. Tumigil lang ako noong mahuli ko siyang may kasiping na tatlong babae. Nakita nila ako pero hindi sila tumigil. Wala akong nagawa no’n kun’di ang umiyak nang umiyak sa labas ng apartment ni Rafael.


Dalawang araw akong hindi lumabas ng bahay noon. Nagpapanggap lang ako na okay ako kapag nasa harapan ako ng mga magulang ko at ng mga katulong namin sa bahay. Mabuti na lang nga at may wedding planner kami ni RJ kaya hindi ako masyadong abala. May mga oras na kailangan naming pumunta ni RJ sa simbahan at reception para i-check kung maayos na ba ang lahat, minsan ay nakakapunta ako at minsan naman ay gumagawa na lang ako ng kung anu-anong excuses kay RJ. Mabuti na lang at mahal niya ako kaya hinahayaan niya ako. At hinahayaan niya rin ako dahil umaasa siya na ilang linggo na lang naman ay magiging kanya rin ako.


Pagkatapos ng dalawang araw na pagmumukmok sa bahay ay napagdesisyunan kong puntahan si RJ. Sinubukan kong maging masaya. Sinubukan kong kalimutan si Rafael at nag-focus ako sa kasal namin ni RJ. Pero ayaw akong tantanan ng konsensya.


Kaya naman noong araw ng kasal ay hindi ako nagpakita.


Nagpakalayo-layo muna ako. Kahit ang mga magulang ko ay hindi alam kung saan ako nagpunta at kung ano’ng nangyari sa akin. Pinag-isipan kong mabuti kung paano ko haharapin ang mga magulang ko at si RJ. Pinag-isipan ko kung paano ko ipaliliwanag sa kanila ang mga nangyari. At nang handa na ako ay ang mga magulang ko ang una kong nilapitan. Sinabi ko sa kanila ang mga nangyari sa amin ni Rafael at ang tungkol sa dinadala kong bata. Sinabi nila na aminin ko ang lahat kay RJ. At kung hindi man daw ako patawarin ng lalaki ay lalayo na lang kami.

Nagdesisyon na akong puntahan si RJ. Bago makarating sa kanila ay naisipan ko munang dumaan sa isang grocery store. Nasa tapat na ako ng tawiran, hinihintay ko na lang ang signal para makatawid nang makita ko ang isang lalaki na naglalakad sa kalsada habang nakatingin sa akin.


Si RJ.


Naglalakad siya sa kalsada kahit na may mga dumaraang sasakyan. Para bang wala siyang naririnig na busina at ugong ng mga sasakyan. Parang wala siyang pakialam kung malapit na siyang masagasaan o hindi. Basta sa akin lang siya nakatingin. Sa akin lang nakatuon ang atensyon niya. Ako lang ang nakikita niya.


Huminto si RJ sa gitna ng kalsada at mukhang hindi niya narinig ang isang paparating na sasakyan kaya nabangga siya nito. Sobrang bilis ng sasakyan kaya naman malakas din ang naging impact nito kay RJ. Lumipad siya patungo sa harapan ko. Sa mismong kinatatayuan ko.

Naaalala ko pa ang mga mata niyang nakatingin sa akin. Umupo ako no’n sa tapat niya at ipinatong ko sa aking mga hita ang kanyang ulo.

“Napakasama mo! Bakit kung kailan handa na akong ipaliwanag sa ‘yo ang lahat ay saka naman nangyari ‘to?! Nananadya ka ba, ha? Kinukunsenya mo ba talaga ako?!” Iyon ang mga katagang binitawan ko sa kanya noon.


Sa tuwing umiiyak ako, laging pinupunasan ni RJ ang mga luha ko. Ayaw na ayaw niya akong umiiyak. Pero ngayon ay hindi niya ‘yon magawa. At kailanman ay hindi na niya ‘yon magagawa pa.


Kung maibabalik ko lang ang nakaraan… hindi ko hahayaang mangyari ‘to. Hindi ko hahayaang mamatay si RJ. At hindi ko na gagawin sa kanya ang ginawa ko. Hindi ko na siya pagtataksilan.


Kung maibabalik ko lang sa lahat ang dati…


Kung maibabalik ko lang…


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE