Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Ang librong ito ay naglalaman ng ibat ibang kwento na hango sa mensahe at liriko ng ibat ibang awitinIkaw, anong kanta ang nababagay sa love life mo

What if’s…


“Aimee ko!”

Napalingon ako sa taong sumigaw at nakita ko ang isang lalaki na tumatakbo patungo sa aking direksyon. Kumakaway siya habang nakangiti. Punung-puno ng pagmamahal at kasiyahan ang kanyang mga mata. Iba talaga kapag in love.

Itataas ko na sana ang aking kamay upang kawayan siya pabalik pero bigla niya akong nilagpasan. Sinundan ko siya nang tingin at nakita ko na lumapit siya sa isang babae. Sinalubong naman siya ng yakap ng babae pagkatapos ay nagtitigan silang dalawa habang nakangiti. Ang saya nilang pagmasdan. Nakikita ko na mahal na mahal nila ang isa’t isa. Ang sweet.

Iniwas ko na ang aking paningin sa kanilang dalawa, yumuko saka pinunasan ang magkabilang gilid ng aking mga mata. Isang eksena na naman mula sa nakaraan ang nakita ko. Muli kong itinaas ang aking ulo saka ngumiti. Ngumiti ako kahit na sa loob-loob ko’y nasasaktan ako. Dito naman ako magaling, eh, ang magpanggap na masaya kahit na hindi.


Naglakad akong muli at pinagmasdan ang buong parke. Nandito ako sa parke na nasa loob ng subdivision na aming tinitirhan. Wala pa ring pagbabago ang parke, sampung taon na ang nakalilipas mula nang huli ko itong makita pero hanggang ngayon ay maganda at malinis pa rin ito. Kung meron mang nagbago, `yon ay ang mas gumanda, umayos, at luminis pa ito. Mabuti pa `tong parke, gumanda. Eh, `yung relasyon namin? Ayon, nga-nga.

Naupo muna ako sa isang upuan at pinagmasdan ang papalubog na araw. Mabuti pa ang araw, kahit na lumubog tuwing hapon, siguradong lilitaw pa rin sa umaga. Eh, `yung relasyon namin? Simula noong lumubog ito ay hindi na ulit lumitaw. Napanguso ako. `Yung totoo, pwede ko na bang palitan si Angelica Panganiban sa pagiging hugot queen?


Habang pinagmamasdan ko ang paglubog ng araw ay hindi ko na napigilang alalahanin ang mga araw na kasama ko siya—si Michael. He was my childhood best friend, first crush, first love, first boyfriend, and my knight in shining armor. Second year high school nang maging kami at dahil magkakaibigan ang aming mga magulang ay hindi sila tumutol sa aming relasyon. Isa pa nilang katwiran noon ay kabataan na kami, normal lang na maranasan namin ang mga ganoong bagay.

Maganda ang naging relasyon namin ni Michael. Maraming estudyante ang naiinggit sa amin dahil perfect couple raw kami. Walang nagbago sa amin ni Michael kahit na naging magkasintahan na kami. Sweet, laging nag-aasaran, tinuturuan ko siya sa mga academics, at tinuturuan naman niya ako na maglaro ng mga sports. Akala ko mananatili na kaming gano’n. Akala ko pang-habambuhay na kaming mag-aasaran, pero hindi ko naalalang walang permanente sa mundo. Lahat ay nagbabago at ang sakit dahil inasar kami ng tadhana.


First year high school pa lang kami ay varsity na ng basketball si Michael. Nang mag-fourth year kami ay siya na ang naging team captain kaya naman naging sobrang abala siya. Nabawasan ang oras niya sa relasyon namin. Kahit weekend ay hindi ko na siya nakakasama. Bumabawi naman siya tuwing may libre siyang oras pero hindi naging sapat sa akin `yon.

Binalewala ko `yung mga effort niya, `yung minsang pagtakas niya sa practice o `di naman kaya’y pagsisinungaling sa coach nila na may sakit siya para lang makasama ako. Hindi ko pinansin `yung mga regalo at surpresang ginawa niya noong mga monthsary namin. Hindi ko madalas sagutin ang mga text, chat, at tawag niya. Kapag pumupunta siya sa bahay ay malamig ang pakikitungo ko sa kanya. Nawalan ako ng gana sa relasyon naming dalawa.

Akala ko no’n ako lang ang nawalan ng gana pero si Michael din pala. Sinabi niya na napapagod na siya sa panunuyo sa akin. Pilit naman daw siyang bumabawi pero binabalewala ko lang ang mga `yon. Para raw siyang naghahabol sa isang tao na pilit lumalayo sa kanya. Ilang beses na rin daw siyang napagalitan ng coach nila dahil sa pagtakas niya sa practice at muntikan pa raw siyang alisin bilang team captain.


November 10, `yon ang petsa kung kailan natapos ang halos tatlong taon naming relasyon.


Nang matapos ang laban nila ng basketball ay humingi siya sa akin ng pangalawang pagkakataon, pero hindi ko siya pinagbigyan. Hindi dahil sa hindi ko na siya mahal, pero dahil noong mga oras na `yon ay naghahanda na ako sa pag-alis. Nakakuha ako ng scholarship sa ibang bansa, sa pangarap kong unibersidad, at kung bibigyan ko ng pangalawang pagkakataon si Michael ay baka hindi ako makaalis.

Nakakainis! Kung kailan handa na siyang magsimula kaming muli at kung kailan maibibigay na niya sa akin ang oras niya ay saka naman ako aalis. Pero kagaya ng ginawa ni Michael ay pinili ko ang aking pangarap. Naisip ko no’n, gaganti ako sa kanya. Pinili niya ang pangarap niya kaysa sa akin kaya gagawin ko rin `yon sa kanya. Gusto ko siyang magsisi sa pagsuko niya sa akin noon.


Pero sa huli ay ako pa ang nagsisi.


Noong nasa ibang bansa na ako, naisip ko na hindi naman talaga ako sinukuan ni Michael. Ako ang unang bumitaw. Kung hindi ako nawalan ng gana sa aming relasyon, kung hindi ko siya binalewala, hindi naman niya ako susukuan. Hindi niya ako bibitiwan. Sinubukan kong makipag-ayos kay Michael kahit na nasa ibang bansa ako pero hindi ko na siya mahanap. Sinabi sa akin ng mama ni Michael na umalis din siya ng Pilipinas at ayaw niyang malaman ko kung nasaan siya. At hanggang ngayon, sampung taon na ang nakalilipas, ay hindi pa rin kami nagkikita.


Pinunasan ko ang aking mga luha. Akala ko naka-move on na ako kay Michael, pero hindi pa rin pala. Akala ko ayos na ako kaya ako bumalik ng Pilipinas pero bakit ngayong inaalala ko ang lahat ay masakit pa rin?

Napakarami kong tanong na hanggang ngayon ay hindi pa rin nasasagot. Paano kung inintindi ko si Michael noon? Paano kung hindi ako nawalan ng gana sa aming relasyon? Paano kung sinuportahan ko na lang siya sa pangarap niya imbis na magtampo sa kawalan niya ng oras? Paano kung hindi ko siya binalewala? Kami pa rin kaya hanggang ngayon? Masaya pa rin ba kami kagaya ng dati? Patuloy pa rin ba kaming mag-aasaran gaya ng ginagawa namin noong mga bata pa kami? Napakaraming tanong pero alam ko namang hindi na `to masasagot.

Kasalanan ko ang lahat. Kasalanan ko kung bakit ako nagkakaganito ngayon kaya dapat unti-unti ko na lang tanggapin. Kailangan kong tanggapin na hindi ko na maibabalik ang oras. Hindi ko na kayang baguhin ang mga nangyari noon. Kung ano man ang nangyari sa relasyon namin ni Michael, habambuhay ko na iyong pagsisisihan.


Pinunasan kong muli ang aking mga luha at tumayo. Gabi na, kailangan ko ng umuwi. Maglalakad na sana ako pero hindi ko naituloy. Natigilan ako sa aking kinatatayuan at hindi ko maialis ang aking paningin sa taong nasa harapan ko. Halata rin sa mga mata niya ang gulat. Naramdaman kong muli ang aking mga luha na nag-uunahang bumagsak.

“Aimee…”

Muling bumalik ang mga tanong sa aking isipan. Paano kung hindi ako gumanti? Paano kung hindi ako umalis? Paano kung binigyan ko ng pangalawang pagkakataon si Michael? Kung kaya ko lang ibalik ang nakaraan, babaguhin ko ang aking desisyon. Babaguhin ko ang mga nangyari at hindi ko hahayaang mawala sa akin ang lalaking pinakamamahal ko. Hindi ko pakakawalan ang lalaking nasa harap ko ngayon.


“Michael…”


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE