Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Ang librong ito ay naglalaman ng ibat ibang kwento na hango sa mensahe at liriko ng ibat ibang awitinIkaw, anong kanta ang nababagay sa love life mo

Dying Without Knowing


“RJ! Oh my God! Ano ba `tong kwarto mo?! Teka, kwarto pa ba `to?” tanong ni Mama. Hindi ko siya sinagot. Nanatili lang akong nakatitig sa kisame. “Anak, wala ka na ba talagang ibang gagawin kung hindi ang magkulong dito sa kwarto mo? Hindi ka na pumapasok sa trabaho. Hindi ka na rin gumagala kasama ang mga kaibigan mo. Ano ba’ng plano mo sa buhay? Habambuhay mo na lang bang dadamdamin ang pang-iiwan sa `yo ni Thea?”

Naramdaman ko ang pangingilid ng aking mga luha. Heto na naman sila, aagos na naman. Mga hindi nagsasawang lumabas sa aking mga mata. Kahit anong punas ang gawin ko’y ayaw nilang tumigil. Sa tuwing naririnig ko ang pangalan ng babaeng minahal ko ng buong puso ay kusa na lang naglalabasan ang aking mga luha.

“RJ… Anak… Hindi rito natatapos ang pag-ikot ng mundo. `Wag mo namang tapusin dito ang ikot ng buhay mo.” Pagkasabi niya no’n ay lumabas na siya ng aking kwarto.


Ilang araw na nga ba akong nakakulong dito? Teka, mali, hindi pala araw kung hindi linggo. Tatlong linggo? Apat? Isang buwan? Hindi ko na matandaan. Basta ang alam ko lang ay iniwan ako ng babaeng pinakamamahal ko. Iniwan niya ako ng walang dahilan. Ang masakit pa no’n, iniwan niya ako sa araw mismo ng aming kasal.

Alam mo `yung pakiramdam na excited ka sa araw ng kasal mo dahil sa wakas ay ikakasal ka na sa taong gusto mong makasama habambuhay? Maaga kang nagising na akala mo’y maagang magsisimula ang kasal. Hindi ka halos nakatulog dahil hindi ka na makapaghintay na sumapit ang umaga, para kang bata na first time sasama sa fieldtrip. `Yung pakiramdam na kabang-kaba ka habang naghihintay sa harapan ng altar. Panay ang silip mo kung dumating na ba ang taong pakakasalan mo. `Yung tipong kahit init na init ka na sa suot mong tuxedo ay nagtiis ka dahil alam mong worth it ang pagsusuot no’n. Dahil alam mong isa `yon sa mga bagay na magpapaalala ng pinakamasayang araw mo.

Pero lahat ng `yon ay nawala dahil hindi dumating ang taong pakakasalan mo. Naghintay ka sa simbahan ng buong araw, buong magdamag. Nag-alisan na ang mga tao, sumapit na ang oras ng pagsisimba, inalis na lahat ng dekorasyon na binili at pinagawa mo. Napanis na ang mga pagkaing inihanda sa reception, nakatulog na ang mga waiter na magse-serve sana ng mga pagkain ng mga bisita, at umiyak ka na nang sobrang dami pero hindi pa rin siya dumating.


Sobrang sakit. Mas masakit pa sa pakiramdam kapag nahiwa ka ng kutsilyo. Mas mahapdi. Mas madugo. Mas nakakaiyak.


Hinanap ko si Thea. Pinuntahan ko ang mga lugar na posibleng puntahan at pagtaguan niya. Pati pamilya, mga kamag-anak, at kaibigan niya ay hinanap ko. Itinanong ko kung nasaan si Thea, pero ang tanging sagot nila ay huwag ko na raw hanapin ang taong ayaw magpakita.

Sinubukan kong magpakamatay pero hindi ako natuluyan. Maraming nagsasabi na baliw na raw ako. Pero sino ba namang tao ang hindi mababaliw kapag iniwan ng walang paalam? At sa mismong araw pa ng kasal niyo. Sa mismong araw na sana’y masaya kayo. Ginawa ko lang din naman `yon dahil nagbabakasakali ako na maawa sa akin si Thea at balikan ako. Pero hindi nangyari `yon.


Napakaraming tanong ang gumugulo sa aking isipan. Bakit niya ako iniwan? Bakit hindi siya nagpaalam? Bakit niya tinanggap ang proposal ko kung hindi rin naman pala niya ako pakakasalan? Bakit napaka-sweet niya noong araw bago ang kasal namin? Hindi kami nagkita no’n pero buong araw kaming magkausap sa text, call, at chat. Pinag-uusapan namin ang lahat ng mga plano na binuo namin. Nangako kami na gagawin namin ang lahat ng `yon nang magkasama. Nangako kami sa isa’t isa na tutuparin namin ang aming mga pangarap.


Pero nasaan siya ngayon? Bakit niya ako iniwan?


Sinubukan kong makalimot. Noong unang linggo na iniwanan niya ako ay sumama ako sa barkada sa pagpunta sa mga bar. Marami akong nakilalang babae. Maraming lumandi sa akin. Marami akong nahalikan pero hindi kami umabot sa sex. Oo, lalaki ako. May pangangailangan ako. Pero kapag ginawa ko ang bagay na `yon, si Thea lang ang gusto kong makasama. Naniniwala ako na siya lang ang para sa akin, at dahil sa paniniwalang `yon kaya hindi ako maka-move on. Ginawa ko ang lahat para makalimutan siya. Nagpakasubsob ako sa trabaho. Nakipag-date ako sa kung sino-sinong babae, pero sa huli ay siya pa rin ang nilalaman ng aking puso.

Si Thea kaya, naniniwala rin kaya siya na ako ang para sa kanya at siya ang para sa akin? Siguro hindi. Dahil kung oo, edi sana hindi niya ako iniwan. Edi sana masaya na kami ngayon. Hindi sana ako nakakulong sa madilim at magulong kwarto na `to. Hindi sana ako iiyak nang ganito. Hindi sana ako nababaliw nang ganito.



Lumabas ako ng kwarto at dumiretso sa kusina. Nakita ko ang gulat sa mga mata ni Mama dahil sa paglabas ko, pero lumabas lang naman talaga ako para kumuha ng beer. Binuksan ko ang ref at naghanap ng beer pero wala akong nakita.

“Nasaan `yung mga beer dito?” tanong ko.

“Wala na. Pinatapon ng papa mo dahil alam niyang kapag naubos ang stock sa kwarto mo ay `yung kanya ang gagalawin mo.”

“O, e `di ba umiinom din siya?”

“Nagsakripisyo siya para tumigil ka na. Hindi muna siya iinom para hindi magkaroon ng beer dito sa bahay.”

Napangisi ako. “Akala niyo mapapahinto niyo `ko?” Nawala ang ngisi sa aking mukha. “Kung ayaw niyo `kong bigyan, bibili ako.”

Bumalik ako sa kwarto at kinuha ang susi ng aking kotse, pati ang aking wallet. Mabuti na lang at may pera pa akong naitatabi. Lumabas akong muli sa kwarto at nagdiretso sa labas ng bahay. Narinig ko ang pagtawag sa akin ni Mama pero hindi ko siya pinansin. Beer na nga lang ang karamay ko tapos pagbabawalan pa nila ako?


Nag-drive ako papunta sa grocery store at bumili ng maraming beers. Pabalik na ako sa kotse nang may mahagip ang aking mga mata. Pinagmasdan kong mabuti ang babaeng nasa gilid ng kalsada at hinihintay na huminto ang mga sasakyan para makatawid siya. Hindi ako maaaring magkamali.


Si Thea `yon.


Muling bumalik sa aking isipan ang mga masasayang araw naming dalawa. Lahat ng mga pinagsamahan namin ay unti-unting lumalabas sa aking isipan. Lahat ng mga araw na magkasama kaming dalawa, mula noong magkakilala kami hanggang sa huling araw na nakausap ko siya. Napangiti ako. Mahal na mahal ko pa rin siya kahit na iniwan niya ako. Kahit napahiya ako sa harap ng maraming tao ay siya pa rin ang gusto kong makasama.


Siya lang, wala ng iba.


Tumakbo ako para puntahan si Thea. Nalaglag na ang dala kong mga beer pero wala akong pakialam. Beer lang ang mga `yon, si Thea pa rin ang pinakamahalaga para sa akin. Si Thea lang na kahit buhay ko ay kayang-kaya kong isugal.

Habang tumatakbo ay nakarinig ako ng mga sigawan, pero hindi ko sila maintindihan. Hindi ko naririnig ang mga sinasabi nila dahil nakatuon lang ang atensyon ko kay Thea. Wala akong pakialam sa mga isinisigaw nila dahil ipinagdarasal ko na sana… sana ito na `yung araw na pinakahihintay ko… ang araw na bumalik sa akin si Thea.

Nasa tapat na ako ng babaeng mahal ko, kailangan ko na lang tumawid para mayakap ko na siya. Sinimulan ko na ang paglalakad. Hindi alintana ang mga sasakyang dumadaan. Napahinto ako nang magtama ang mga mata namin ng babaeng mahal ko. Halata ang gulat sa kanyang mukha. Bakit siya nagulat? Dahil ba sa itsura ko? Dahil hindi ako nakaayos? Dahil hindi na ako kasing gwapo ng dati? O nagulat siya dahil ang lalaking iniwan niya ay kaharap niya ngayon?

“RJ!!!” tawag ni Thea sa pangalan ko.

Napangiti akong muli at kasabay no’n ang pagtulo ng aking mga luha. Sa wakas, magkakasama na kaming muli ng babaeng mahal ko. Makakapiling ko na siyang muli. At sa pagkakataong ito, hinding-hindi ko na siya pakakawalan. Sa ayaw man o sa gusto niya, hinding-hinding ko na siya bibitawan.


“RJ!!!” muling tawag niya.


Hahakbang na sana ako para makarating na sa kinatatayuan niya pero hindi ko naituloy dahil sa malakas na pagbangga sa akin ng isang sasakyan. Lumipad ako paitaas at bumagsak nang sobrang lakas sa gilid ng kalsada, sa harapan mismo ni Thea.

Nahihirapan man ay pinilit kong ngumiti. Hindi ko na pala kailangang maglakad para makarating sa harapan niya. Naririnig ko ang mga nagkakagulong tao. Humihingi sila ng tulong at ang iba ay nagpaplano na akong buhatin para madala sa hospital. Patuloy ang pag-agos ng aking mga luha. Kagaya ng dati ay ayaw nilang tumigil. Gusto ko silang punasan dahil ayaw kong makita ni Thea na umiiyak ako. Sa tuwing umiiyak kasi ako ay napapaiyak din siya. Nararamdaman din daw niya `yung sakit na nararamdaman ko.


Umupo si Thea at kinandong ang aking ulo. Umiiyak siya at kahit na gustung-gusto kong punasan ang kanyang mga luha ay hindi ko magawa dahil hindi ko maikilos ang aking mga kamay.

I’m sorry, Thea. Hindi ko mapunasan ang mga luha mo gaya ng ginagawa ko noon. `Wag ka ng umiyak, please? Nasasaktan din kasi ako.

“Napakasama mo! Bakit kung kailan handa na akong ipaliwanag sa `yo ang lahat ay saka naman nangyari `to?! Nananadya ka ba, ha? Kinukunsenya mo ba talaga ako?!” sigaw sa akin ni Thea.

Hindi, Thea! Hindi! Hindi kita kinukunsensya. Gusto ko lang makarating sa harapan mo. Gusto kong makausap ka. Gusto kong makasama ka.

“RJ naman, eh!!! Bakit mo ginagawa sa akin `to? Bakit?!”

I’m really sorry, Thea. Sorry kung sa ganitong pagkakataon pa tayo nagkita. Mahal na mahal kita, Thea. Tandaan mo sana `yan. Kahit na iniwan mo `ko, kahit na hindi ka nagpakita sa akin ng ilang linggo ay ikaw pa rin ang gusto kong makasama habambuhay, at kahit na hindi mo `ko hinanap-hanap kagaya ng ginawa ko, mahal pa rin kita.


Naramdaman ko ang pagbagal ng aking paghinga. Naramdaman ko rin ang unti-unting pagsasara ng aking mga mata. Siguro nga, ito na ang katapusan ng lahat ng paghihirap ko. Siguro hindi ko na talaga malalaman kung bakit ako iniwan ng babaeng umiiyak ngayon sa aking harapan. Mamamatay ako nang hindi ko nalalaman kung bakit. Pero kahit gano’n, masaya pa rin akong mawawala sa mundo. Masaya pa rin ako dahil... sa huling araw ko sa mundo, sa huling segundo ng buhay ko, at sa huling paghinga ko ay nakita ko ang babaeng pinakamamahal ko.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE