Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




Happily NEVER After Mga Kwentong Walang Forever

Image Description MrWordsmith1995   |   05 November 2019


Five stories that are interconnected of the premise of Nahulog sa tingin, umibig mula sa tanaw, at nagmamahal sa mga alaala and a writer who struggles from his past

Ang pag-ibig ay parang isang kape. Napakasarap kapag ito ay mainit. Napakasarap kapag ito ay bago. Pero tulad ng kape, kahit gaano ito kainit ay darating ang panahong ito ay maiiwang nanlalamig, matabang, at nasayang lamang. Pero kung handa ba kayong ipaglaban ang isa’t isa at iwaksi sa isipan ang salitang pagsuko, dagdagan ng kaunting tiyaga at pag-unawa ay muling iinit ito.

Ang tanong – kanino mo iaalay ang kape mo?

Year 1984

“VVVIIIILLLLLLLMMMMAAAAAAA!!!!” ang malakas na hiyaw ni Milagros na bumulabog sa buong boarding house. “Vilma gumising ka na! 7:15 na ng umaga male-late na tayo sa school!”

Mabilis na bumangon dahil sa gulat si Vilma Borromeo at tinignan ang orasan sa tabi ng kaniyang kama. 7:15 na ng umaga at 7:30 ang kaniyang klase.

Mabilis na kinuha ni Milagros ang kaniyang twalya, underwear, at ang basket niyang naglalaman ng shampoo, conditioner, sabon, toothpaste, toothbrush, moisturizer, toner, at kung anu-ano pang pinapahid sa mukha habang pinapanood lamang siya ni Vilma.

“Vilma bakit hindi ka pa gumagalaw diyan? Mahuhuli na tayo sa klase!” ang sabi ni Milagros. “Para kang batang nakatingin lang sa akin.”

“Milagros...” sinubukan siyang pigilan ni Vilma ngunit sadyang nagmamadali ang kaniyang roommate. Nagawa pa nitong buksan ang kabinet ni Vilma at ihagis sa kaniyang mukha ang sarili nitong twalya at salawal.

“Vilma bilisan mo na!” ang nayayamot na sinabi ni Milagros.

“Milagros ano ka ba...” Ngunit nakalabas na ng kwarto si Milagros bago pa man makapagrason si Vilma.

Bumalik sa higaan si Vilma at nagtalukbong na lamang ng kumot. Ngunit hindi nagtagal ay sumilip siya sa at tumingin sa nakabukas niyang kabinet. Doon ay nakadikit ang mga larawan ni Paul Melchor – ang pinagpapantasyahan niyang si Paul.

Sa kaniya, sa kaniya at tanging sa kaniya nais ialay ni Vilma ang kape – ang kaniyang pag-ibig.

Gwapo, mabait, at siya iyong tipo ni Vilma na i-uwi sa kanila upang ipakilala sa kaniyang napaka-istriktong mga tiyahing sa kaniya ay umampon, idagdag mo pa ang kaniyang mga magulang na napakalupit pagdating sa lovelife nilang magkakapatid.

Si Vilma ay umiibig. Siya ay nahulog sa tingin, ang una sa tatlong senyales na ikaw ay sawi sa pag-ibig. Ang mahulog sa tingin, kapag ang kaniyang mga mata ang nais mong makita, sa mga pagkakataong siya ay napapatingin sa’yo – kahit abutin lamang ito ng kumulang kulang isang segundo – ay pakiramdam mo’y siya’y sumisisid sayong kaluluwa at matatawag mo siyang iyo at ganoon din siya sa’yo.

Ikalawa ang magmahal sa tanaw – ang mahalin siya mula sa malayo, ang mahalin siyang palihim. Doon pa lamang ay isa ka nang kaawa-awang nilalang. Iyong inalay ang iyong puso sa taong hindi mo naman alam kung aware bang ikaw ay ipinanganak sa daigdig.

“Bakit ganiyan ka makatingin?” ang maharot na bulong ni Vilma sa mga larawan ni Paul. “Naku, ikaw ha! Tigilan mo nga iyan at baka bumigay ako sa’yo! Hmmm! Sige na nga. Pero isang kiss lang ha!” tumayo si Vilma mula sa kaniyang pagkakahiga at lumapit sa mala-altar na kaniyang kabinet. Inilapat niya ang kaniyang nanginginig, nanlalamig at nagpapawis na palad sa mukha ni Paul.

Dahan dahan niyang inilapit ang kaniyang labi sa larawan ng matikas na binata...

Bumilis ang kabog ng kaniyang dibdib...

Ayan na – ang matamis na halik ni Vilma...

“VVVIIIILLLLLLLMMMMAAAAAAA!!!!” ang muling sigaw ni Milagros nang maabutan niya si Vilma na akmang gagahasain ang larawan ni Paul. “Mahuhuli na tayo sa klase tapos nakikipag-make out ka pa diyan sa altar ni Paul Melchor?”

“Tumigil ka nga Milagros,” ang sabi ni Vilma. “Linggo ngayon. Ikaw lang ang papasok sa school.”

Natigilan si Milagros, nabitiwan niya ang hawak na basket na naglalaman ng shampoo, conditioner, sabon, toothpaste, toothbrush, moisturizer, toner, at kung anu-ano pang pinapahid sa mukha kasabay ng pagkahulog ng twalyang sa kaniya ay nakatapis.

Biglang bumukas ang pintuan ng kanilang kwarto at sumilip ang kanilang uugod ugod na landlord. “Ano bang sigawan iyang kanina ko pa naririnig ha?” ang sabi nito. Nanlaki ang kaniyang mga mata sa nasaksihan sa loob ng kwarto.

“AHHHHHHHHH!!!!!” ang sigaw na gumising sa buong compound. Napapikit si Vilma sa tinis at lakas ng tili ni Milagros at nang kaniyang buksan ang kaniyang mga mata’y...

... bumalik siya sa kasalukuyan.

Dalawang taon na ang nakalipas. Dalawang napakahabang taon sa buhay ni Milagros ang lumipas. Ang kwento niya’y isang alaala, binubuo ng mga damdaming hanggang ngayon ay kaniya paring nadarama, siya’y hindi pinapatulog ng mga oras at pagkakataong kaniyang pinalampas, inuusig ng mga pagkakamali...

Dalawang taon na ang nakakalipas. Dalawang napakahabang taon na ang lumipas simula nang ang kapeng kaniyang inalay sa taong kaniyang mahal ay naiwang malamig, matabang, at labis na nasayang lang.

***

Bumaba sina Milagros at Vilma mula sa kanilang kwarto patungo sa kusina kung saan naroon na’t kumakain ang iba pa nilang boardmates. Kumuha si Vilma ng isang pirasong pandisal, inilagay iyon sa pagitan ng kaniyang mga ngipin at nagtungo sa lalagyan ng mga tasa upang magtimpla ng kape.

“Ako na,” ang sabi ni Ferdinand Dela Cruz – isa sa mga boardmates ni Vilma. Kinuha niya ang tasa na hawak ng dalaga at kumuha ng isang kutsarita. “Maupo ka na doon, ako nang magtitimpla ng kape mo.”

“Henkyu” ang sabi ni Vilma habang kagat-kagat nito ang pandisal.

Natawa si Ferdinand dahil hindi niya naintindihan ang sabi ni Vilma. “Ay ano ba yan Vilma. Kainin mo nga muna ‘yang nasa bibig mo. Kung masamang magsalita ng puno ang bibig, mas masamang magsalita na ang pagkain eh hindi pa nakakapasok ng buo sa bibig mo.” Kinuha niya ang pandisal na nasabibig ng dalaga.

Mabilis na nginuya ni Vilma ang pandisal na naiwan sa kaniyang bibig at mabilis itong nilunok. “Sabi ko thank you.” Mabilis niyang pinisil ang pisngi ni Ferdinand bago ito bumalik sa hapag kainan. Kumuha si Vilma ng panibagong pandisal at iniabot naman sa kaniya ng isa nilang boardmate ang keso.

“Uy, ang aga-aga may lumalandi ka,” ang sabi ni Milagros. “Mag-almusal ka kaya muna bago ka makipaglandian.”

“Ano bang sinasabi mo diyan? Tumigil ka nga baka may makarinig sayo” ang tugon ni Vilma.

“Friendship, kung may award para sa pinakamanhid na babae sa balat ng Earth eh wala nang competition ito – IKAW NA ANG MAG-UUWI NG KORONA!” Kumuha si Milagros ng pandisal at ipinatong iyon sa ulo ni Vilma na parang korona ni Gloria Diaz.

Kinuha ni Vilma ang pandesal at isimubo iyon sa bibig ng kaniyang kaibigang hindi tumitigil sa pagputak. “Kumain ka na nga diyan.”

“Hindi ba kasi obvious na may gusto sa’yo si Ferdinand?”

“Shhh! Baka marinig ka nung tao baka kung ano pang isipin. Tumigil ka nga.”

“Ayaw mo ba sa kaniya? Ang cute kaya niya! Tapos ang gentleman pa. Boyfriend material!”

“Mabait lang talaga siya,” ang sabi ni Vilma. “At isa pa, ayoko sa pulis. Para kay Paul Melchor lang ang puso ko.”

“Okay fine. Basta if engineers are made for nurses, teachers like you are born for policemen like him,” sabay turo kay Ferdinand na katatapos lang magtimpla ng kape. Napailing na lamang si Vilma at kinagatan ang kaniyang pandisal na may keso.

“Heto oh, kape mo,” ang sabi ni Ferdinand.

“Salamat,” ang sagot ni Vilma.

“With love,” bulong ni Milagros at napangiti naman si Ferdinand. “Thank you pogi!” dagdag pa nito. “Don’t you wish pandesal niya ang kasama sa kapeng iyan?”

Nabulunan si Vilma sa sinabing iyon ni Milagros at hindi napigilan ang sariling matawa. “Umagang umaga nambubwisit ka ah! Kumain ka na nga lang ng pandisal.”

Mabait at maginoo si Ferdinand – tall, dark and ‘handsome sa dark.’ Pero cute naman kapag maliwanag, pambawi ni Vilma. Iyong hitsura niya kasi, para kay Vilma, ay tipong sobrang bait – akala mo honor student ng mga elementary – parang hindi makakapatay ng lamok. Gusto ni Vilma ay iyong tipong tingin mo palang sa kaniya kaya ka nang ipagtanggol.

Ngunit gayon pa man ay nahulog na din ang loob ni Vilma kay Ferdinand. Oo, nahulog si Vilma kay Ferdinand. Nahulog, oo. Past tense. Kung tama man si Milagros na may pagtingin din si Ferdinand sa kaniya ay sana noon pa niya ito ipinagtapat. Naghintay si Vilma ngunit wala siyang napala. Kaya’t ibinaling niya ang kaniyang pagtingin sa iba – kay Paul Melchor, kung saan napatunayan niyang totoo ang love at first sight.

Ayaw niyang ubusin ang kaniyang oras na mahalin ang isang taong mahilig maglaro ng tagu-taguan. Tagu-taguan ng feelings.

“Ano ba kasing ayaw mo doon sa tao?” tanong ni Milagros.

“Nakikita mo to?” sabay turo ni Vilma sa kaniyang tasa. “Anong laman?”

“Kape,” sagot ni Milagros na nawirdohan sa tanong ng kaibigan. Magmamagic ba ito?

“Ang love, dear friendship, ay parang kape.”

“Ano ba yan, sa dinami-rami ng iko-compare mo sa pag-ibig eh kape pa.”

“Kasi tignan mo, hindi ba ang masarap na kape ay balanse ang pait at tamis? Gano’n din sa love. Kapag walang kaunting pait, hindi kape ‘yon – hindi siya love. Sa kape, package deal ang pait at tamis. Sa love, package deal ang saya at sakit.”

“O tapos?”

“Maraming klase ng kape,” patuloy ni Vilma. “May barako, may instant tulad nitong kape ko, may ibang ayaw ng sobrang asukal, iyong iba naman gusto ng gatas or creamer na kasama, ang matindi may 3-in-1. Tulad din ng pag-ibig – maraming klase, at dipende yan sa timplang gusto mo.”

“So ayaw mo ng kape ni Ferdinand?”

“In a literal sense gusto ko,” ang sagot ni Vilma.

“Pero in a metaphorical sense? Kape as in pag-ibig?”

Ibinaling ni Vilma ang tingin sa nakatalikod na si Ferdinand na nakatayo sa may pintuan habang humihigop ng kape mula sa kaniyang tasa. Hindi sumagot si Vilma. Hindi niya kailanman nasagot ang tanong na iyon ni Milagros.

Ngunit makalipas ang dalawang taon sa buhay ni Vilma ay wala siyang nais kundi sagutin ang tanong na iyon na naiwang walang kasagutan. “Oo, gustong gusto ko.”

***

Wala na atang mas sasaya pa sa pakiramdam na ikaw ay kaniyang mapansin, na sa wakas matapos ang napakahabang panahon ng pagkahulog sa tingin at pagmamahal sa tanaw ay kaniyang nabigyang pansin na ikaw pala ay buhay at humihingang nilalang. Ano pa bang tatalo sa sarap na dulot na ikaw – sa wakas – ay kaniyang makilala? Ano bang dadaig sa mala-musikang tunog ng kaniyang boses sa iyong tenga nang una niyang banggitin ang iyong pangalan? Isang musika na inaawitan ang iyong puso.

“Ay Vilma, kasama ko pala itong kaibigan kong si Paul Melchor,” pakilala ng kaniyang pinsang si Jules Gaspar. “Kasama ko siya sa varsity. Paul, ito nga pala iyong pinsan kong si Vilma Borromeo.”

“Kumusta Vilma?” ang bati ni Paul at kinamayan ang dalaga. Nagkatitigan ang dalawa, ang kanilang mga kamay ay tila nagkadikit sa isa’t isa. Ayaw maghiwalay – pakiramdam ni Vilma’y ginawa ang kanilang mga kamay upang hawakan ang isa’t isa sa habang panahon.

“Oh sige, Vilma mauuna na kami. May game pa kami mamaya,” ang sabi ng kaniyang pinsan. “Manood ka ha? Dalhin mo iyong kaibigan mong si Milagros para sa akin.”

Binitiwan nina Vilma at Paul ang kamay ng isa’t isa at naglakad na patungo sa gymnasium sina Paul at Jules. Naiwang natutunaw ang dalaga sa kaniyang kinatatayuan. Hindi siya makapaniwala. Can’t believe it, bulong nito sa kaniyang sarili. Para siyang nabubuhay sa panaginip. He finally noticed her existence. At tinawag pa niya ako sa pangalan ko, nakamayan ko pa.

Nais lumipad ni Vilma sa kalangitan. Nais niyang ipagsigawang “YES! MAGKAKILALA NA KAMI!” Dahil ano nga bang mas sasarap pa sa pakiramdam na ikaw, sa wakas, ay kaniyang mabigyan ng pansin? Wala na yata. Ngunit doon nagkamali si Vilma.

Lumingon si Paul sa kaniyang likod at iniwan ng isang makahulugang kindat si Vilma.

Nais nang himatayin ng ating bida.

***

Ang pag-ibig parang laro ng basketball. Ang isang team – ang puso. Ang kalabang team – ang utak. Maglalaban sila para sa matamis mong ‘Oo.’ Kanino ma iaalay ang pag-ibig mo – sa idinidikta ng iyong isipan o sa isinisigaw ng iyong damdamin? Puso o utak? Puso o utak? Kailan ma’y hindi iyan magtutugma, kailan ma’y hindi sila magkakasundo, kailan ma’y hind sila maghahati sa iisang desisyon. Is it a smart choice or is it your heart’s choice?

Katatapos lamang ng laro ng basketball sa kanilang campus. Naglalaban ang Department of Education – ang departamento nina Vilma laban sa Department of Engineering – ang departamento nina Paul at ng pinsan ni Vilma na si Jules.

“Eh iyong Sabsaban 5 ba naman kasi ang kalaban, talagang matatalo tayo,” ang sabi ni Milagros na kasama ni Vilma na hinihintay makalabas ang karamihan ng mga estudyante na nagtutulakan upang makalabas ng gymnasium.

Ang Sabsaban 5 – sina Paul Melchor, Jules Gaspar, Carlos Baltazar, Miguel Tatlonghari Jr, at si Danny Jay Belen. Kapag sila ang naglaro sa court, maaga ang pasko sa Department of Engineering. Kaya naman ang maskot ng kanilang basketbal team ay isang puti at mabuhok na tupa. Sila ang mga halimaw ng court, mga diyos ng bola.

Tumayo sina Vilma at Milagros mula sa pagkakaupo at nagsimulang maglakad patungo sa labas ng gym nang biglang sumulpot sa kanilang harap ang pawisang si Paul Melchor in red jersey number 4. Pinunasan niya ang kaniyang pawis sa noo gamit ang isang bimpo na sing puti ng isang kalapati. “Hi,” bati nitong humahangos ng hininga kay Vilma at sa kaibigan nitong si Milagros.

“Oh my gosh, kinakausap ba niya tayo o nag-iilusyon lang ako?” ang bulalas ni Milagros na sa sobrang gulat ay mas mabilis pa sa alas quatro kung magsalita.

Ngumiti lamang si Vilma at lumapit kay Paul. Kinuha niya ang bimpo sa kamay nito’t pinunasan ang kaniyang pawis na pawis na noo pababa sa kaniyang ilong at pisngi at pati na rin ang kaniyang leeg. “Ang galing mo kanina ah,” ang sabi ni Vilma. “Puro tres, pasok lahat!”

“Kailangan kong magpasikat eh,” tugon ni Paul. “Nanonood ka kasi.”

Napangiti si Vilma, habang hinawi naman ni Paul ang kulot na buhok na tumatakip sa magandang mukha ng dalaga. “Tama ba ang nakikita ko?” ang sabi ni Milagros, hindi makapaniwala.

“Magsi-celebrate ang team mamayang gabi, kakain kami sa labas,” ang sabi ni Paul. “Iniisip ko sanang isama ka. Iyon eh kung gusto mo lang naman.”

“Talaga? Gusto ko sana kaso may plano na kasi kami ni Milagros mamayang dinner.”

“Ay hindi, go lang sister!” pag-uudyok ni Milagros. “Oks lang ako. Bukas nalang tayo pumunta doon sa restaurant na last month pa nating gustong puntahan kaso isang buwan tayong nag-ipon para makakain doon! Okay lang, bukas nalang!”

“Sure ka?” tanong ni Paul.

“Bakit parang kinokonsensya mo naman ako?” tanong ni Vilma.

“Hindi, sinusuportahan na nga kita eh.”

“So susunduin kita sa inyo bandang alas sais ng gabi,” ang sabi ni Paul.

Napasinghap si Vilma nang siya’y muling magbalik sa kasalukuyan mula sa mga alaala nila ni Paul. Sa kaniyang kamay ay mga larawang kuha noong gabing iyon na isinama siya ni Paul sa selebrasyon ng kanilang basketball team mula sa pagkakapanalo.

Naging mabilis ang panliligaw ni Paul sa kaniya noong taong iyon. Ipinakilala siya ng kaniyang pinsang si Jules kay Paul. Hindi nagtagal ay napadalas ang pagdalaw ni Jules kay Vilma sa kaniyang tinitirahang boarding house, ngunit ngayona y kasama niya lagi si Paul. Ang hindi alam ng dalaga ay si Paul ang mapilit na kanilang dalawin ang pinsan ni Jules. Dala nila sa bawat pagbisita ay iba-iba – mula sa pinakapopular na dalhin sa pagbisita tulad ng bulaklak, tsokolate, cake, at doughnuts hanggang sa pinakawirdong regalo tulad ng de lata’t instant noodles, isang kabang bigas, mga gulay tulad ng talong, kamatis, repolyo, upo, labanos, kalabasa at patatas.

Niligawan ni Paul si Vilma, at makalipas ang walong buwang pagliligawan at pagdadala ni Paul ng pangkabuhayan package at nang kaniyang makumpleto ang lahat ng gulay sa bahay kubo ay sinagot din siya ni Vilma. Nakuha niya ang napakatamis na ‘Oo’ ng dalaga. Hindi niya sinabi kay Milagros iyon hanggang sa araw na mapanood nila ang laro nina Paul laban sa Department of Education.

Sa bawat araw na bumibisita si Paul kay Vilma, napupuno ng kilig at saya ang bawat araw ng dalaga, na tila ang buhay niya’y punung puno ng matitingkad na kulay. Ngunit sa bawat araw na pagdalaw ni Paul dala ang mga bulaklak, tsokolate, gulay at de lata ay may isang pusong nasasaktan.

Isang pusong tila dinudurog...

Isang puso na walang maialay na bulaklak, tsokolate, gulay, de lata at pangkabuhayan package.

Isang puso na ang tanging kayang i-alay ay pandesal at isang tasa ng mainit na kape sa umaga.

Nadudurog ang puso ni Ferdinand.

Si Ferdinand na ang tanging nais ay masuklian ang kaniyang lihim na pagtingin. Si Ferdinand na walang ibang ginawa kundi siya’y mahalin. Si Ferdinand at ang kaniyang pusong durog na ang tanging nais ay ipagsigawang “Vilma mahal na mahal kita” ngunit nariyan din si Ferdinand at ang kaniyang dilang pipi pagdating sa tunay niyang nararamdaman kay Vilma.

Ang hindi alam ni Ferdinand ay naroon parin si Vilma at ang parte ng kaniyang pusong nakalaan lamang para sa kaniya. Nakatago, ibinaoon – oo. Pero hindi nawala. Naroon parin at nagmamahal sa kaniya.

***

Kung may paborito man si Vilma sa mga regalo ni Paul ay marahil iyon na ang gold fish na bigay nito. Niregalo ito sa kaniya noong kanilang unang anibersaryo. Nasa isang fishbowl na nakalagay sa mesang katabi ng kama ni Vilma kung saan niya inilipat ang altar na ginawa noon para kay Paul na dati’y nasa loob ng kaniyang aparador.

Araw araw niyang pinapakain ang gold fish, inaalagaan niya ito. Tulad ng kanilang pag-ibig na araw araw ay kanilang inaalagaan at pinapatibay.

“Parang isang panaginip na ika’y dumating sa buhay ko,” ang sabi ni Paul. “Sa piling mo lang ako sumaya ng ganito. Sa’yo ko lang naramdaman ang ganitong kaligayahan.”

Napakatamis ng mga salitang iyon ni Paul, tila baliw na laging naririnig ni Vilma ang kaniyang mga salita at humahalik sa kaniyang tenga at naninirahan sa kaniyang puso.

Ang isda. Ang mga salita.

Habang si Ferdinand ay nanatiling kape’t pandisal ang kayang ialay. Kaniyang bibig ay nanatiling nakasara, ngunit ay puso’y patuloy na bukas upang ibigin siya. Patuloy parin siya’ng minamahal mula sa tanaw. Patuloy parin siyang nasasaktan. Patuloy parin siya kahit na dahil sa kaniyang pag-ibig mula na tanaw ay pauloy siyang nasasaktan.

Sa pag-ibig laging may masasaktan kaya huwag kang magdrama. Ang pagpipilian mo lang ay kung ikaw ba ang masasaktan o ikaw ang mananakit. Kung ikaw ang nasaktan, sino bang nanakit sa’yo – ang taong mahal mo o ikaw mismo? Ngunit ano pa man ang nangyari, sa huli ikaw parin ang tunay na nanakit sa’yong sarili. Bakit, sino ba ang umasa?

Sino ba ang naniwalang mamahalin ka niya? Na masusuklian ang pag-ibig na inalay mo?

Sino ba ang nagmahal?

Sino ba ang nagbigay ng lahat?

Hindi ba’t ikaw?

Malinaw iyon kay Ferdinand kaya kahit na ang pag-ibig niya’y sayang lamang, kahit na ang puso niya’y durog na, kahit na ang tangi lamang niyang nararamdaman mula sa pag-ibig na inaalay ay sakit at pait ay patuloy parin siyang nagmamahal. Bakit? Dahil sa pag-ibig walang natatalo, kahit ano pa man ang naging bunga ng pagmamahal mo.

Ngunit ang sakit ay hindi mo dapat minamaliit. Minsan ang sakit binibigyan ka nito ng lakas ng loob. Minsan dahil sa sobrang sakit, nagagawa mo ang ilang bagay na ni minsan hindi mo naisip na magagawa mo.

At doon nagsimula ang kwentong pagkakamali ni Vilma.

Nagbalik sa kasalukuyan si Vilma nang bumukas ang pintuan ng isang restaurant. Isang lalaking nakauniporme ng asul ang pumasok. May tiyapa sa kaniyang dibdib, pitong nakasuksok sa bulsa ng uniporme, at baril na nakasukbit sa kaniyang baywang. Pinagpag niya ang tubig ulan mula sa kaniyang buhok at iginala ang tingin sa loob ng restaurant. May ilang napatingin sa kaniyang boyish school boy na mukha, at sa unipormeng kaniyang suot.

Iyon na si Ferdinand makalipas ang higit sa dalawang taon. SPO1 Ferdinand Dela Cruz.

***

Bagong police lamang noon si Ferdinand, bata pa kaya’t siya’y madalas mabigyan ng assignment na maging traffic enforcer sa bayan. Siya’y madalas ibilad sa tirik na araw upang ayusin ang daloy ng trapiko. Siya din ang madalas utusan ng mga nakatatandang pulis na bumili ng maiinom o makakain nila sa patrol booth na laging nakaantabay sa harap ng plaza.

Isang araw, habang nakabilad sa ilalim ng araw ay kaniyang itinaas ang kamay upang pahintuin ang mga sasakyan sa kaniyang kanan at kaniyang sinenyasan ang mga taong tatawid. Nagsimula silang humakbang at tumawid patungo sa kabilang dulo ng kalsada. Pumito si Ferdinand, sensyales na kailangang bilisan ng mga tao sa paglalakad at pagtawid. Ngunit tila bumagal ang mundo sa nakita ni Ferdinand.

Si Paul, may kasamang ibang babae. Hindi niya kilala ngunit nakaakbay ito sa dalaga, hawak niya’y isang bugkos ng bulaklak sabay hinalikan niya ito sa pisngi. Nais ng kaniyang utak na basagin ang bungo ng binata – ang taong nangako sa kaniyang kaibigan ng isang libo’t isang taon ng kaligayahan. Ngunit hindi siya gumalaw, nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan.

Iyon na marahil ang naging pinakamahabang araw ni Ferdinand. Nais niyang umuwi upang makausap si Vilma ngunit hindi niya maaaring basta basta iwan na lamang ang trabaho. Isa pa’y nasa eskwela pa lamang si Vilma at mamayang hapon pa siya uuwi. Kaya’t walang nagawa si Ferdinand at buong pasensya na lamang niyang hinintay ang paglubog ng araw.

Maaga siyang nagpaalam na umuwi, alas otso na ng gabi nang siya’y payagang umuwi at nang makarating sa boarding house ay nadatnan niya si Vilma sa sala kasama ng kasintahan nitong Paul. Tama siya, si Paul nga ang kanina’y kaniyang nakita. Pareho ang suot ni Paul at ng lalaking kaniyang nakita sa daan na may kasamang ibang babae.

“Anong ginagawa mo dito?” galit na bulalas ni Ferdinand. Nagulat ang iba nilang kasama sa boarding house sa biglang pagtaas ng kaniyang boses – ang taong pinakamahinahon sa kanila sa boarding house. “Ang kapal din ng mukha mo eh no?”

“Ferdinand bakit?” nagtaka si Vilma sa inasal ng kaibigan. “May problema ba tayo?”

“Pare anong problema?” tanong ni Paul.

“Ikaw, ikaw ang problema,” ang sagot ni Ferdinand. “Akala mo ba hindi ko alam ang mga kalokohan mo? Akala mo ba hindi ko alam na niloloko mo lang si Vilma?”

“Hindi ko alam ang sinasabi mo.”

“Nakita kita, hayup ka!” bulalas ni Ferdinand. “Nakita kita habang nagtatrapik ako sa kalsada kanina. Tumawid ka at nadaanan mo ako.”

“Anong masama sa pagtawid?”

“May kasama kang babae, nakaakbay ka’t hinalikan mo pa sa pisngi.”

“Wala akong alam sa mga akusasyon mo,” ang sabi ni Paul.

Sa inis at galit ay bigla na lamang binigwasan ni Ferdinand sa mukha si Paul. Natumba si Paul sa sopa kung saan hinila siyang muli ni Ferdinand sa kaniyang kwelyo at muling sinuntok sa mukha. Agad na lumapit ang mga kasama nila sa boarding house at inawat si Ferdinand at siya’y inilayo na lamang kay Paul na ngayo’y dumudugo ang labi.

“Ferdinand ano ba!” ang sabi ni Vilma. “Tumigil ka nga! Paul, pasensya ka na. Umuwi ka na muna sa inyo’t ako ang bahala dito.”

Agad na tumayo si Paul at gan’on na lamang lumabas ng boarding house.

“Ano? Hindi ka lalaban? Duwag ka pala eh!” pahabol na singhal ni Ferdinand.

“FERDINAND TUMIGIL KA NA!” sigaw ni Vilma. Sinampal niya ng napakalakas sa pisngi si Ferdinand, akala ng binata’y sumama ang kaniyang mukha sa palad ni Vilma sa lakas nito. “Ano ba sa tingin mo ang ginagawa mo, ha? Walang ginagawa sa’yo iyong tao tapos bigla ka nalang susugod?”

“Pinoprotektahan lang kita,” ang sagot ni Ferdinand. “Pinoprotektahan lang kita mula sa panloloko niyang si Paul.”

“Ano bang pumapasok sa isipan mo’t sinasabi mo iyan? Hindi magagawa sa akin ni Paul iyon.”

“Alam ko ang nakita ko!”

“Madumi lang ang isip mo?”

“Madumi lang ba ang isip ko o bulag ka lang, ha? Madumi ba ang isip ko o nagtatanga tangahan ka lang sa lalaking iyan?!” biglang lumabas sa bibig ni Ferdinand. “Ako na ang nagmalasakit, ako pa ang mali. Ako na ang nagmamahal bakit ako pa ang nasasaktan?”

“Ano bang pinagsasasabi mo?”

Ano ka ba, Vilma? Bulag ka ba?! Alam ko torpe ako, alam ko hindi ko alam sabihin ang mga nararamdaman ko pero alam kong hindi ka tanga, hindi ka bulag at lalong hindi ka manhid! Alam kong alam mong mahal kita! Mahal kita Vilma! Oo matagal na! At kahit nasasaktan akong nagmahal ka ng iba ay wala akong pakialam dahil alam kong masaya ka. Pero hindi ko hahayaang lolokohin at sasaktan ka lang niya!”

Hindi nakapagsalita si Vilma. Natulala siya’t tumulo ang mga luha sa kaniyang mga mata.

“Oo, matagal na kitang gusto,” patuloy ni Ferdinand. “Matagal na akong nagmamahal ng lihim sa’yo. At labis ang panghihinayang ko na naunahan ako ng iba. Labis akong nanghihinayang na dahil sa katorpehan ko’y hindi ako ang may hawak sa puso mo ngayon. Pero Vilma, mahal na mahal kita.”

Tumakbo paakyat ng kwarto si Vilma at nagtago sa ilalim ng kaniyang kumot. Nang gabing iyon ay hindi siya lumabas ng kwarto at tanging si Milagros ang kaniyang kasama at siya’y pinatatahan. Hindi na tinanong ni Milagros kung bakit umiiyak si Vilma dahil alam na niya ang kasagutan. Panghihinayang. Nanghihinayang ang kaniyang kaibigan dahil napalampas niya ang lalaking tunay niyang mahal.

Hindi nakalimutan ni Vilma ang gabing iyon kahit na sa loob ng mahabang panahong nagdaan. Ang kwento nila’ng naging isang alaala, kwentong binubuo ng mga damdaming hindi makalimutan ngayo’y nagbabalik.

Naupo sa harap ni Vilma si Ferdinand. Nagkita sila sa loob ng isang restaurant dahil na rin sa pakiusap ni Vilma. Sa loob ng higit dalawang taon ay ngayon lamang sila nagkita muli ni Ferdinand. Malaki ang pinagbago ng hitsura ng binata – lumbaki ang katawan nito, hindi na din kasing itim ng dati ngunit mukha paring honor student ng isang elemementary school.

“Kumusta?” tanong ni Ferdinand. “Ang tagal nating hindi nagkita.”

“Higit dalawang taon din,” ang sabi ni Vilma. “Naging maayos naman ako. Teacher na ako ngayon sa Bayambang. Ikaw, kumusta ka na?”

“Heto, pulis parin dito sa San Carlos,” ang sabi naman ni Ferdinand. “Napromote, tumaas ang ranggo mula noong huli tayong magkita. Parang wala kang ipinagbago, pero napansin kong pinaunat mo na ang buhok mo.”

“Ikaw ang laki naman ng pinagbago mo,” tugon ni Vilma.

“Ano palang sadya mo?” tanong ni Ferdinand. “Bakit naisipan mo biglang makipagkita sa akin?”

Hindi nakasagot si Vilma. Tila hindi niya inaasahang itatanong sa kaniya iyon agad ni Ferdinand. Natigilan siya’t nablanko sa loob ng ilang sandali saka napakamot ng kilay. “Ano kasi, may kinukuha akong credentials sa school tapos naisipan kong hanapin ka.”

Kinagat ni Ferdinand ang kaniyang labi. “Hindi maganda ang nangyari noong huli tayong magkita. Kaya naman natuwa ako nang mag-iwan ka ng mensahe sa istasyon ng pulisya para makipagkita sa akin.”

Natuwa si Vilma sa narinig. “Narito din ako dahil na rin sa nangyari nang huli tayong magkita.” Ito na ata ang pagkakataon ko upang itama ang mga mali ko, ang sabi ni Vilma sa sarili.

Ilang linggo din ang nakalipas na hindi nag-usap sina Vilma at Ferdinand simula nang ipagtapat ng binata ang kaniyang nararamdaman para sa dalaga. Ilang linggo ng ilangan, iwasan ng tingin, iniiwasan ang isa’t isa at tila hindi nag-eexists ang isa’t isa sa kani-kaniyang mundo.

Ngunit isang umaga, hindi pa sumisikat ang araw ay bumangon na sa kama si Vilma at bumaba sa kusina. Doon ay kaniyang naabutan si Ferdinand na mag-isang nakaupo sa kusina. May kape sa kaniyang harap, at doon lamang siya nakita ni Vilma na nanigarilyo si Ferdinand. Kumuha ng tasa si Vilma at nagbuhos ng mainit na tubig. “Naninigarilyo ka na pala,” iyon ang unang mga katagang binitiwan ni Vilma kay Ferdinand sa loob ng ilang linggo.

“Sana ang nararamdaman ng isang tao ay parang sigarilyo,” ang sabi ni Ferdinand.

“Bakit?” tanong ni Vilma. Kinuha niya ang kaniyang tasa ng kape at humigop mula dito.

“Para sa tuwing hinihithit mo ito, na sa tuwing mas dinadama mo ay mas mabilis itong nauubos,” ang sagot ni Ferdinand. “Para habang lalong sumasakit, alam mong palapit na ng palapit ang araw na mawawala din iyon. Pero hindi eh, sa totoong buhay kapag mas masakit mas hindi ka makakamove on.”

Naupo si Vilma sa tabi ni Ferdinand. Ipinatong niya ang kaniyang tasa ng kape malapit sa kaniya at huminga ng malalim, nalalanghap ang bango ng kape at ang usok ng sigarilyo. “Aalis ka na daw mamaya sabi ng Land Lord?” tanong ni Vilma.

“Oo,” maikling sagot ng binata.

“Bakit?”

Hindi sumagot si Ferdinand. Sa halip ay nagpatuloy lamang siya sa paninigarilyo. Humigop ng kape mula sa kaniyang tasa. At muling nagpatuloy manigarilyo. Wala mang sinabi ay tila alam na ni Vilma ang sagot sa sariling tanong.

“Hindi ako galit sa’yo,” paliwanag ni Vilma. “Galit ako sa sarili ko.”

“Bakit?”

“Kasi hindi kita nahintay.”

Natigilan si Ferdinand sandali dahil sa narinig. Ngunit muli niyang inilagay ang kaniyang sigarilyo sa pagitan ng kaniyang mga labi at humithit ng usok mula dito.

“Nasabi mo na sa akin ang nararamdaman mo noon, ngayon ako naman ang magsasabi ng nararamdaman ko.”

“Huwag na,” ang sabi ni Ferdinand. “Huwag na nating saktan pa ang isa’t isa. Ipabaon mo na sa akin iyon sa pag-alis ko.”

“Pero kailangan mong marinig,” pagpupumilit ni Vilma. “Hindi kita matignan sa mga mata mo, iniiwasan kita kasi naiinis ako sa sarili ko. Bakit ba kita pinalampas? Bakit hindi ako naghintay na handa ka na? Mahal naman kita, mahal na mahal.”

“Anong sabi mo?” Hindi makapaniwala si Ferdinand sa narinig mula kay Vilma.

“Mula noong una kitang makita, naramdaman ko na ang lahat,” ang pagpapatuloy ni Vilma. “Naramdaman ko na ang lahat para sa’yo. Pero siguro nga, hindi ikaw iyong tipo ng lalaking sasabihin kung ano ang kaniyang nararamdaman.”

Tumulo ang luha ni Vilma, at ganoon din ang mga luha ni Ferdinand. Sa loob ng ilang minuto ay walang nagsalita sa kanilang dalawa. Hinayaan lamang nila na malunod sila sa kanilang mga nararamdaman.

“Pero kaya ni Paul,” ang sabi ni Vilma. “Kaya niyang sabihin ang nararamdaman niya, at alam kong sasaya ako sa piling niya. Iyon lang naman ang gusto ko – ang maging masaya. At sana ikaw din, mahanap mo iyong babaeng magpapasaya sa’yo.”

Tumayo si Ferdinand, pinatay ang alab ng kaniyang sigarilyo sa ash tray at inilagay sa lababo ang nagamit na tasa ng kape. “Nahanap ko na siya,” ang sabi ni Ferdinand. “Pero siguro hindi talaga kami para sa isa’t isa.”

Pero siguro hindi talaga kami para sa isa’t isa.

Siguro hindi talaga kami para sa isa’t isa.

Hindi talaga kami para sa isa’t isa.

Iyon ang mga katagang huling binitiwan ni Ferdinand kay Vilma. Iyon din ang mga katagang laging naririnig ni Vilm sa tuwing siya’y mapag-iisa, sa kaniyang mga panaginip at sa kaniyang pag-iisip.

Pati na ngayon – matapos ang higit sa dalawang taon – nagkita silang muli ni Ferdinand. “Pero siguro hidni talaga kami para sa isa’t isa,” pag-uulit ni Ferdinand matapos ang higit sa dalawang taon. At tulad noon, napaksakit parin ng mga salitang ito para kay Vilma.

***

Truth hurts.

Bakit? Kasi hindi mo na pwedeng lokohin pa ang sarili mo. Hindi mo na pwedeng ipagkaila pa na oo niloloko ka niya, na oo hindi ka na pwedeng magbulagbulagan pa. Truth hurts dahil kapag sinampal ka na ng katotohanan at pinalaklak ka na ng reyalidad, alam mong ang perpekto mong love story ay isa lamang ilusyon.

The truth will set you free.

Oo masasaktan ka sa simula, pero tandaan iyon ang simula ng mas magandang bukas. Marahil kaya hindi nag-work ang relasyon niyo ay dahil hindi talaga kayo para sa isa’t isa, siguro hindi pa ito ang tamang panahon o di kaya’y tanging luha at sakit at pait lamang ang idudulot nito sa’yo. Mas mabuti nang masaktan ka ngayon at umiyak pero alam mong liligaya ka din bukas, kumpara sa iiyak ka hanggang sa iyong pagtanda.

Nakipagkita si Vilma sa isang babaeng nag-ngangalang Jem Flojo. Maganda ang dalaga, maputi ito’t mahaba ang kaniyang unat at itim na buhok. May maliit itong nunal sa kaniyang ilong malapit sa kaniyang kaliwang mata. Makinis at magaling magdala ng damit. Baka naman pinaghandaan lang niya ang pagkikita namin? bulong ng isip ni Vilma.

“Ikaw ba si Jem?” tanong ni Vilma. “Hi, ako si Vilma.”

“Alam ko,” ang sabi ng dalaga. Ngumiti ito sa kaniya’t kinamaya siya. “Please, maupo ka.”

Naupo si Vilma sa harap ni Jem. Ibinaba niya ang kaniyang bag at dalang libro sa kaniyang tabi bago tuluyang harapin ang dalaga. “Anong meron bakit nakipagkita ka sa akin? I mean, sorry ha? Pero ngayon lang kasi kita nakita sa buong buhay ko.”

“Huwag kang mag-alala, ako rin man ay hindi kita kilala ng personal,” pag-amin ni Jem. “Nakipagkita ako sa’yo dahil gusto kong tulungan ka.”

“Tulungan ako? Wow, napakabait mo naman kahit hindi mo ako kilala. Pero tutulungan mo ako saan?”

Iwanan mo na si Paul Melchor,” bulalas ni Jem.

Pumantig ang pandinig ni Vilma sa mga salitang binitiwan ni Jem. Kumabog ang kaniyang dibdib at halos marinig na niya ang tibok ng kaniyang puso at bawat puso sa katawan, nagpawis ang kaniyang mga palad at para siyang binuhusan ng malamig na tubig. “Anong sabi mo?”

“You heard me, leave Paul. Leave him before it’s too late,” ang sabi ni Jem. “Break his heart now before he breaks yours.”

“Anong ibig mong sabihin?”

“Kilala kita, Vilma Borromeo. I mean, I know the type of girl you are at alam kong ang mga tipo ni Paul Melchor ang hanap mo. No one can blame you, he’s dreamy and all. He’s the man of your dreams for all I know.”

“Go straight to the point, Jem,” biglang lumabas ang mga salitang iyon sa bibig ni Vilma. “Please.”

“Paul Melchor is a womanizer,” dahan-dahang binitiwan ni Jem ang mga salita. “He is a casanova.”

Babae ka ba niya?”

Tumaas ang kilay ni Jem nang marinig ang tanong ni Vilma. Kung literal lamang na kumukulo ang dugo ay bumubulwak na ang dugo niya, at marahil makikita mo na ang usok sa kaniyang ilong at tenga. “Ako? Babae niya? Please, darling huwag kang mag-assume.”

“Pwes ano ka niya? Kapatid? Pinsan?”

“I’m his fiancé,” mapag-asar na sagot ni Jem. “At least for now. I’m so breaking up with him after this. I’m planning to get even with him by leaving him in the altar. Anong tingin mo?”

“I don’t care about your plans.” Hindi na mapigilan ni Vilma ang kaniyang mga luhang umaagos kasabay ng pagsabog ng kaniyang mga emosyon. “I don’t care who you are pero hindi ako naniniwala sa’yo. Mahal ako ni Paul at ako lang ang babae sa buhay niya. Kung sino ka man na sumisira sa relsayon naming dalawala ay sorry ka nalang dahil hindi ka magtatagumay.”

“Bakit, anong pinakain sa’yo ni Paul para maniwala ka ng ganiyan sa kaniya? Ano, sinabi din niya na ikaw lang nakapagpasaya sa kaniya ng ganoon? Na sayo lamang siya lumigaya ng husto?” ang tanong ni Jem. “Para sabihin ko sayo sinabi niya ang lahat ng iyan sa lahat ng mga babae niya. Hindi lang ako at ikaw ang babae sa buhay niya, madami tayo. Actually, pang-lima ka na ngayong linggo na pinuntahan ko.”

“Hindi ako naniniwala sa’yo,” pagmamatigas ni Vilma. “Sinisiraan mo lang si Paul para iwan ko siya’t maagaw mo siya sa akin!”

“Bakit ba ganiyan ka kabulag, ha Vilma? Hulaan ko, binigyan ka din niya ng lamang dagat na aalagaan mo at sinabi niyang simbolo iyon ng pag-iibigan niyo? Huwag kang magpapaloko sa lalaking iyon. Binigyan niya ako ng maliit na bangus noong birthday ko. Ang sabi niya iyon daw ang simbolo ng pag-iibigan namin. Ako naman itong si tanga, naniwala at nagpadala naman ako.”

“Bakit mo ba sinasabi ang mga ito sa akin?”

“Tinutulungan lang kita, inililigtas lang kita mula sa gagong si Paul Melchor,” ang sabi ni Jem. “Alam mo ba kung anong ginawa ko sa bangus niya noong malaki na? Hiniwa ko ang bituka at inilabas ako ang hasang, niluto kong sinigang saka ko dinuraan at pinakain sa kaniya matapos kong malamang may mga babae siya at binigyan niya ng gold fish ang isa at pagong naman iyong isa. Baka isa ka sa mga maswerteng nakatanggap ng groceries at pangkabuhayan package?”

Dinampot ni Vilma ang kaniyang bag at libro. Nagmadali siyang lumabas ng restaurant kung saan siya nakipagkita kay Jem Flojo. Dahil sa sakit at sama ng loob buhat ng kaniyang mga nalaman ay hindi na siya bumalik sa campus, sa halip ay umiiyak siyang umuwi ng kanilang boarding house at nagkulong muli sa kaniyang kwarto.

At katulad ng mga babaeng lubos na nasasaktan, sinira ni Vilma ang altar ng kaniyang pagsamba kay Paul at pinagpupunit ang mga larawan niya. Nais niyang maghiganti, nais niya’y si Paul ay magulpi. Ang puso niyang kanina lamang ay puno ng pag-ibig ngayo’y nababalot ng sakit at pighati.

Hindi makakalimutan ni Vilma ang araw na iyon, at hanggang ngayon ay dala-dala parin niya sa kaniyang puso ang sakit. Sa tuwing maaalala si Paul ay nararamdaman parin niya ang sakit. Walang nagbago. Sing sakit parin ito ng kahapon.

Kaya naman nang makapagtapos bilang Magna Cum Laude ay agad siyang umalis ng San Carlos at nagpunta ng Maynila. Siya’y nagpakalayu-layo upang makalimot. Ngunit nang mapagtanto niyang hindi niya matatakbuhan ang pait ng kahapon, na kahit isang buwan, isang taon, isang bagyo at isang delubyo pa ang lumipas, kapa nasaktan ka, kapag nagmahal ka ay hidni ganoon kadaling mawawala iyon ay umuwi siya ng Pangasinan at nagturo bilang isang guro sa high school sa bayan ng Bayambang. Malapit ito sa San Carlos kung saan ipinanganak, lumaki at nagdalaga si Vilma.

Darating na lamang ang panahon na sasabihin mo sa iyong sarili na tama na at matatanggap mo kung ano na lamang kayo ngayon at hindi o na hahanapin ang kahapon. Nang mapagtanto iyon ni Vilma

Nang handa na siyang harapin ang mga iniwan at tinakbuhang multo ng kahapon ay nagbalik siya ng San Carlos upang bigyang tuldok ang lahat ng sakit at magsimula na ang kaniyang maliligayang araw. Kaya naman una niyang hinanap ang taong iniisip niyang magiging susi dito – si Ferdinand Dela Cruz.

Ang sabi nila, kung hindi ka naging handa para sa bukas, baka ang bukas naman ang maging hindi handa para sa’yo.

“Matagal na kitang gustong makita,” ang sabi ni Vilma kay Ferdinand. “Kaso naging busy ako at ngayon lang din ako nagkaroon ng lakas ng loob.”

“Bakit? Bakit kailangan mo pang mag-ipon ng lakas ng loob para lang makipagkita sa akin?”

“Alam naman natin kung saan natin iniwan ang kwento natin,” paalala ni Vilma. “Pareho tayong hindi naging handa sa para sa isa’t isa.”

Ngumiti si Ferdinand at hinawakan ang mga kamay ni Vilma. “Nakaraan na iyon,” ang sabi ni Ferdinand. “Hindi na dapat natin binabalikan pa ang mga masasakit na alaala.”

“Tama ka,” ang sabi ni Ferdinand. “Kaya naman nang umalis ako sa boarding house ay dinala ko ang lahat maliban sa sakit na naramdaman ko noon.” Tinitigan niya sa mga mata si Vilma bago niya sabihing “Kasama ka na doon.”

“Ferdinand,” bulong ni Vilma. Ang puso niya’y unti-unting nadurong, at ang pag-ibig na handa niyang ialay ay nanlamig na tulad ng isang kapeng naiwan at nasayang lamanag.

“I’ve moved on,” ang sabi ni Ferdinand. “Alam kong minahal mo din ako, at sayang dahil huli na nang malaman ko. Ikaw na ang nagsabi na nais mo lamang maging masaya, na nais mo lang maging maligaya. At sa piling ni Paul, ang sabi mo’y doon ka liligaya.”

“Pero...”

“Mahal kita kaya’t hinayaan kita kung saan ka sasaya. Sino ba ako para lumaban pa kung ang taong ipaglalaban ko saaki’y sumuko na? Hindi ako lumaban dahil wala akong labang pagtatagumpayan. Talo na ako agad kasi sumuko ka na sa akin. Hindi kita masisisi dahil kasalanan ko din naman – torpe ako, wala akong lakas ng loob, hindi ako karapat-dapat sa’yo. Kaya naman nang malaman kong nandito ka’t hinahanap ako ay hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Tuwa dahil sa loob ng higit dalawang taon ay magkikita tayong muli, o lungkot dahil naaalala ko ang lahat ng sakit.”

Hinawakan ni Vilma ang kamay ni Ferdinand ngunit agad na bumitaw ang binata. Tumulo ang luha ni Vilma, bakas sa kaniyang mukha ang biglang kirot na kaniyang naramdaman sa ginawa ni Ferdinand.

Tumayo si Ferdinand at nagpasalamat sa oras ni Vilma saka ito nagpaalam. “Alam kong hindi pa ito ang huli nating pagkikita, pero sa mga panahong tayo’y muling magkakahiwalay sana ay mahanap mo sa habambuhay – iyong tunay na magpapasaya sa’yo, iyong mamahalin ka ng higit sa pagmamahal ko sa’yo at lalong higit sa pagmamahal mo sa akin.”

Tumalikod si Ferdinand at naglakad palayo. Alam ni Ferdinand kung gaano kalayo ang dapat lakbayin ng isang tao upang mulang makaharap ang taong kaniyang tinalikuran – ang buong mundo.

Ang ikatlo sa tatlong sensyales na ikaw ay sawi sa pag-ibig – ang umibig sa alaala. Sa alaala ka na lamang kumakapit, na lagi mong inaalala ang masasayang sandali, ang mga araw na lahat ay hindi pa humahantong sa dulo, na tila ang lahat ay mananatili sa kung ano sila ngayon – na akala mo ay mayforever.

Ngunit wala, ang meron lamang ay katapusan. Lahat may katapusan. Kahit ang pinaka-wagas na kwento ng pagmamahalan ay nakatakdang humantong sa isang wakas. Walang happy ending. Walang happily ever after. Walang forever


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

Best Buddies

Kuwento ito ng dalawang magkaibigang anghel na sina Juno at Gabo Kung may pagka-mainipin at makulit si Juno, kabaliktaran naman ito ni Gabo isang araw

Image Description
GretSanDiego
28 November 2019
One Night Ride

A ride to remember or a ride to be forgotten. Sexy, bold, daring story of passion, love, anger and betrayal. A ride that will take you to the past full of vengeance.

Image Description
Mar_Mojica
24 January 2020
The Heiress Poor Charming

Sushmita Costales is a smart, spoiled and heartless heir of Costales conglomerate Her father, thinks that she lacks heart and compassion towards other people Pinatapon siya ng ama niya sa Guimaras

Image Description
WeirdyGurl
05 March 2020