Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




Happily NEVER After Mga Kwentong Walang Forever

Image Description MrWordsmith1995   |   18 October 2019


Five stories that are interconnected of the premise of Nahulog sa tingin, umibig mula sa tanaw, at nagmamahal sa mga alaala and a writer who struggles from his past

Love.

Di naman nakakain iyon!

Love.

Yayaman ba ako doon?

Palibhasa, hindi pa natututong umibig si Roma. Masisisi mo ba siya? Paano niya malalamang masarap palang mag-mahal kung gayong ni minsan sa kaniyang 21 taon sa mundo ay hindi pa siya nahuhulog sa kung sino?

Kilig.

Oo naman sa mga teleserye.

Kilig.

Kapag nagluto ang Mama ko ng Sinigang, kikiligin ka sa asim.

Kilig.

Kapag umiihi ako lalo na kapag sobrang puno ang pantog ko.

Kilig.

Hanggang salita na lamang ito sa kaniya. Isang salita na idinudulot ng iba’t ibang bagay maliban na lamang ng ibang tao. Hindi alam ni Roma kung may mali ba sa kaniya, kung manhid lang siya o sadiyang hindi pa niya nakikilala ang kaniyang ‘Baby Boy.’

Iyon ang nais niyang itawag sa unang lalaking kaniyang mamahalin – Baby Boy. Dahil noong bata siya, Baby Girl ang tawag ng kaniyang ama sa kaniya. Nais niyang maniwala na mayroong ‘Forever’ na mayroong ‘Happy Ending.’ Pero sa dalawangpu’t isang taong niya sa daigdig, hindi parin dumarating ang kaniyang Prince Charming.

Nahulog ata sa kabayo niya papunta sa akin, ang sabi ni Roma sa kaniyang sarili. Baka naligaw, or patay na. Ay ewan, kung nasaan man siya matamaan sana ng kidlat.

Kawawa naman ang dalaga dahil hindi pa nararanasan ang sarap na dulot ng bawat umaga na sasalubungin ka ng ngiti ng taong bumihag sa iyong puso’t buong pagkatao, iyong saya na iyong mararanasan sa tuwing kayo’y magkasama at kaniyang hahawakan ang iyong mga kamay upang ipaalam sa mundo na ikaw ay kaniya at siya ay iyo. Hindi pa niya alam kung paano kasarap at kasakit umasa na ang iyo ay habambuhay na mananatiling iyo.

Kung may baterya ang puso, mukhang lowbat ata ang puso ng ating dalaga’t hindi pa ito tumitibok para sa ibang tao.

Ano bang kailangan ng isang puso kapag hindi ito tumitibok? Kuryente diba?

“I’m clear. You’re clear. Everybody clear,” ang sabi ng doktor.

“Clear,” ang sabay-sabay na isasagot ng lahat ng nurses at doktor.

Iyon ang karaniwang nasasaksihan ni Roma noong estudyante pa siya sa isang nursing school. Marami sa kaniyang mga nasaksihang pasyente na nag-agaw buhay ay muling dumilat ang mata. All it took is a jolt delivered to their hearts.

At iyon ang kailangan ng ating bida – kuryente.

“Anong hinahanap mong jowa, electrician?” bulalas ni Cindy, ang kaibigan niyang ipinaglihi sa manok – sobra kung makaputak.

“Mahahanap mo din iyong tao para sa’yo,” ang sabi naman ng kaibigan niyang si Charlene, na kina-career ang pagiging broken hearted.

Hindi alam ni Roma kung anong mas okay – maging bato dahil sa pag-ibig tulad ni Cindy o maging sawi tulad ni Charlene. Kung iyong dalawang iyon na lamang ang option na mundo ay iyo na yang kuryente niyo. Masaya na si Roma sa ganito.

Pero umaasa parin si Roma na balang araw ay kakatok sa kaniyang dibdib ang tamang tao, at kapag dumating iyon ay handa siyang papasukin ito upang bigyang kuryente ang kaniyang puso.

Zap!

Zing!

Blagadam!!!

Iyon ang hinihintay ni Roma, ang tamaan siya ng kidlat.

Tulad ng kidlat tuwing bagyo, hindi mo alam kung saan o kailan tatama ito. Maaaring ngayon, mamaya o bukas. Maaaring dito, doon o diyan. Pwede din namang dapat natamaan ka na pero nakaiwas ka.

Pero kailan nga ba ang tamang panahon para kay Roma?

Maulan nang araw na iyon. Unang araw ng kanilang review para sa board exam. Sa kaniyang tabi ay naroon ang kaniyang mga kaibigan na sina Cindy at Charlene. Pinagtutulungan nila ang kaibigang si Charlene na siyam na buwan nang nagmumukmok simula nang iwan ng kaniyang kasintahang si Myro Ramos.

Alam naman ni Roma na hindi nakikinig si Charlene sa mga litanya nila ni Cindy. Makikita sa kaniyang mga mata, sa mukha, sa isang tingin palang alam mo nang nasa ibang mundo si Charlene. Halata naman, bulong ni Roma sa kaniyang sarili.

“Ano ito, porque gwapo pwede ka nang iwan ng basta basta?” ang sabi ni Cindy. “Ay hindi sister, sa ganda mong iyan dapat ikaw ang iniiyakan. Huwag mong hayaang malotlot beauty mo dahil sa kaniya. Don’t spend every minute trying to get over one person.”

Nagulat si Roma nang mapansing naluha na pala si Charlene. Purong emosyon na nagkatawang tubig. Tumulo iyon mula sa kaniyang mga mata at gumuhit sa kaniyang pisngi. Parang biglang sinaksak sa dibdib si Charlene.

“Oh umiiyak na tuloy siya, hala ka Ate Cindy!” ang sabi ni Roma. Nakaramdam siya ng malakas na pagkakonsensya dahil mukhang sumobra ata sila ni Cindy sa pagpapaalala kay Charlene na hindi mo kailangang magpakatanga sa taong malinaw naman na hindi ka mahal.

It’s never okay to love somebody who doesn’t love you back.

“Sinasabi ko lang naman kasi iyong totoo. Reality check lang,” ang sabi ni Cindy. Niyakap niya ang kaniyang kaibigan ng mahigpit. Marahas mang magsalita si Cindy, wala mang kasing talim ang kaniyang dila ay alam naman nilang dulot lamang iyon ng labis niyang pagmamahal sa kanilang mga kaibigan niya. “Sorry na bebe, minsan talaga kailangan mo ng sampal sa mukha para matauhan.”

Hindi ba’t iyon naman ang kailangan ng mga taong mukhang tumatambay na sa Heart Break National Park? Konting sampal, konting tandyak at oras na para kaladkarin siya palabas at itulak sa kalsada ng reyalidad.

May mga taong parang hindi nalo-lowbat ang puso sa pagmamahal – nasaktan na, patuloy parin sa pagmamahal. Hindi ba dapat pag nasaktan ka na, bitaw na? Bakit saan ka nakakita nang napaso sa kaldero pero nakahawak parin dito? Sino ka, si Son Goku?

Hindi nagtagal ay pumasok ang ang kanilang unang reviewer. Nagpakilala ito bilang si Mr. Vinoya at ang topic na kaniyang idediscuss ay pediatric nursing at sinimulan nila ang umaga with an exercise. Ngunit bago tumayo ay bigla na lamang yumakap sa kanila ni Charlene si Cindy. “Shocks ang gwapo!!!” anito. “Kulang sa height pero bawing bawi sa pes! Wagi!”

“Cindy!” natawa lamang si Charlene.

Buti pa si Ate Cindy, tinamaan ng kidlat. Nakaramdam na naman ng kuryente. Eh ako? Kelan ba ang tamang panahon? bulong ni Roma sa kaniyang sarili.

Nag-simula nang magdiscuss ang kanilang lecturer. Nagsimula na ding magsulat ng kanilang notes ang lahat maliban kay Cindy na kulang nalang magkorteng puso at tumibok ang mga mata na dikit na dikit kay Mr. Vinoya. Kung makatingin akala mo nagamitan ng epoksi ang mata, kung makadikit ang tingin akala mo linta.

“The developmental task for infants according to Erik Ericson is Trust vs. Mistrust,” ang sabi ni Mr. Vinoya.

Parang sa pag-ibig, ang sabi ni Roma sa kaniyang sarili. Kapag may kumatok sa puso mo, diba pakikiramdaman mo kung mapagkakatiwalaan mo o hindi? At kapag kumatok ka sa puso ng iba, dapat ipakita mong pwede niyang ipagkatiwala sa’yo ang puso niya.

“Autonomy vs. Shame and Doubt naman ang developmental task ng mga toddlers,” patuloy ng kanilang reveiwer.

Dapat alam mo sa sarili mo na at the end of the day, ikaw parin ang may kontrol sa puso mo, ang sabi ni Roma. Walang ibang dapat magdikta kung papapasukin mo ba siya sa puso mo, sa buhay mo kundi ang sarili mo.

“Who could tell me what is the developmental task of pre-schoolers?” tanong ni Mr. Vinoya.

May nagtaas ng kamay sa bandang likuran ng function hall. “Initiative vs. Guilt,” ang sabi nito.

Dapat lang na may initiative kang gawin ang susunod mong action, hindi kasi lahat ng tao nakakaramdam. Kung ayaw mo sa taong iyon, sabihin mo na! Kung gusto mo, please huwag masiyadong pabebe lalo na kung kinapos ka sa ganda. Pero hindi naman ibig sabihin dapat sagutin mo agad, patuloy ni Roma. Kasi kung paaasahin mo lang iyong tao, makakasakit ka na hindi ka pa papatulugin ng konsensya mo. Kung mahirap manligaw, mahirap ding mambasted.

“Industry vs. Inferiority is the developmental task of schoolagers,” ang sabi ni Mr. Vinoya.

Kapag nagdesisyon kang maging kayo na nga, at hinayaan mo siyang pumasok at manirahan sa puso mo dapat pareho kayong nag-eeffort para sa relasyon niyo. Hindi iyong siya lang. Hindi iyong ikaw lang. Give and take ito. Hindi dapat laging ikaw ang umiintindi, at lalong hindi laging dapat ikaw ang iniintindi. Two way process ang isang relasyon. Kung gusto mong ikaw lang ang inaalagaan, maghanap ka ng caregiver. Kung gusto mong lagi ka nalang iniintindi eh di maghanap ka ng psychiatrist. Pwede ding interpreter, lakas maka-intindi no’n!

“The last stage before adulthood is adolescence, and their developmental task is what? Is it letter a. Intimacy vs. Isolation? B. Generativity vs. Stagnation? C. Ego integrity vs. Despair? or D. Identity vs. Role Confusion?” ang tanong ni Mr. Vinoya. “Is it America, Boston, California or Dalas?”

“Dalas,” sabay sabay na sagot ng mga reviewees.

“The answer is Dalas, very good,” ang sabi ni Mr. Vinoya.

Dapat sa isang relasyon pareho kayong nag-go-grow. Everyday you learn something new, everyday you change for the better. Kasi nga ang right person is not found, that person becomes right for you after some time, after a hundred thousand trials na pinagtagumpayan niyo. Pero kahit ganoon, hindi dapat nalolotlot ang tunay na ikaw, ang sabi ni Roma. At syota ka niya, hindi ka yaya, caregiver, nanay, taga gawa ng assignment, tatakbuhan lang kapag may problema.

Hindi alam ni Roma kung bakit siya ganito. I have understood love down to it’s very science pero bakit wala paring ZAP! ZING! Blagadam! Kelan ba ako makakaramdam no’n?

Matapos ang dalawa’t kalahating oras ay napansin ni Mr. Vinoya na nakakatulog na ang ilan sa mga reviewees kaya’t nakapagpasiya gisingin silang lahat. Minsan talaga ang pinakamabisang technique ng mga guro, propesor, at reviewers upang gisingin ang mga unti-unting nawawalan ng ulirat sa kanilang klase ay magtawag ng mga taong kakanta, sasayaw o aarte sa harap. Kahit isa lang ang tawagin mo, lahat ng mga iyan sabay-sabay didilat at aayos ng pagkakaupo sa kani-kanilang upuan.

“Mukhang natutulog na tayo,” ang sabi ni Mr. Vinoya at tumawa. “Sinong gustong mag-ice breaker sa harapan?”

Biglang tinuro ng mga reviewees na nakaupo sa bandang likuran ang isang binata na halatang kagigising lamang. “Hala bakit ako?” bigla siyang nagulat.

“Sir taga theater ito noong college,” ang sabi ng isa sa mga tumuro sa kaniya.

“Sige, may we call him to come in front,” ang sabi ni Mr. Vinoya.

Konting udyok, hila at tulak pa’y tumayo na din ang binata and he half heartedly walk in front. Sa kaniya’y inabot ang mikropono at tinignan niya ang mga tao – magkakahalo kilala at hindi ang kaniyang nakita. Napalunok siya at nagpakilala. “I’m Nigel Floresca.”

Mula sa kaniyang kwaderno, inilipat ni Roma ang kaniyang mga mata sa binatang nakatayo sa kaniyang harap.

Zap!

Zing!

Blagadam!

Kumidlat! Tinamaan si Roma. Siya’y nakuryente at nagtungo iyon sa kaniyang puso! Parang biglang may mga gumalaw sa kaniyang tiyan, at sigurado siyang hindi iyon ang kinain niyang ensaymada noong almusal. Parang mga pakpak, hindi ng mga paru-paro, kundi pakpak ng mga agila sa sobrang lakas nito.

Napatitig si Roma sa kulot at magulong buhok nito, nais niyang hawakan ang balat nitong may kaputian at natakam sa mga labing nakangiti at nang magtama ang kanilang mga tingin ay mabilis na pinigilan ni Roma ang tili na namumuo sa kaniyang bibig.

Nagsimulang umawit ang binata. Boy band style. Hindi iyong tipong kinakanta sa mga pelikula, o teleserye, o mga play sa tiyatro. Pero pareho parin ang epekto nito kay Roma – slow motion na paligid, naglalaho ang lahat maliban sa kaniya at sa binatang nasa kaniyang harapan, at pakiramdam niya’y lumulutang siya sa sarili niyang kalawakan.

Parang kinikiliti ang buong katawan ni Roma sa tuwi gagalaw si Nigel, ang bawat kumpas ng kaniyang kamay ay parang humahagod sa kaniyang buhok, ang bawat ngiti ay parang sinisiil ng halik ang kaniyang katawan at ang kaniyang mga mata sa kaniya’y tumutunaw.

Love.

Kilig.

Ito pala iyon.

Love.

Kilig.

It’s all clear to me now.

Love.

Kilig.

Kaya pala nahihibang ang karamihan dito. Nakaka-ulol.

Love.

Kilig.

“This must be love,” ang bulong ni Roma habang nakatanga siyang titig na titig kay Nigel. “This must be love.”

“Roma, okay ka lang?” tanong ni Charlene.

Dahan dahang ibinaling ni Roma ang kaniyang mga mata sa kaibigang labis na nagtataka sa ikinikilos niya. “Beb, I think in love na ako.”

“Come again?” Charlene asked in disbelief.

“I found my Baby Boy!” ang sagot ni Roma. At bigla na lamang siya nakisabay sa kababaihang nagtitilian.

***

Ang mahulog sa mga tingin, ang magmahal mula sa tanaw – dalawa sa pinakamasasarap at pinakamasasakit na karanasan kapag natuto kang umibig. Ang mahulog sa tingin, sa mga matang sa iyo ay sumisiil, sa mga titig na tumutunaw sa iyong katawan at ang iyong kaluluwa ay kaniyang inaangkin. Sa kaniyang mga mata ikaw ay nalulunod, tila may isang mundo na laan para sa’yo. Doon ay pwede kang manatili, tawagin iyon na sa iyo at magpatayo ng sarili mong palasyo kung saan siya ang hari at ikaw ang reyna.

Ang magmahal mula sa tanaw, ang mamuhay na tinatanong ang iyong sarili kung ikaw ba ay kaniyang napapansin. Ikaw ba ay bahagi ng mundong kaniyang ginagalawan o ang iyong presensya ay dinagaig ang multo sa pagpaparamdam. Buti pa ang patay nararamdaman niya, eh ikaw?

Iyon ang nararamdaman ni Roma sa tuwing pumapasok siya sa review, magmahal mula sa tanaw at mahulog sa bawat tingin. Ang tanong niya sa kaniyang saril ay may patutunguhan ba ang ganito? Minsan ka nalang mahulog sa isang tao, ganito pa, ang sabi niya. Minsan ka nalang matamaan ng kidlat, minamalas ka pa.

Sa kaniyang kwaderno at mga hand outs na binibigay sa review center, pati na din sa mga test questionnaires ay laging may nakasulat sa bawat pahina nito na mga letrang BB para sa Baby Boy at BG para sa Baby Girl na nasa loob ng isang puso.

Kung wala namang patutunguhan ang ganito, bakit patuloy parin siya sa pagmamahal kay Nigel? Pointless, useless, worthless. Pero nakaka-adik.

So bakit nga?

Siguro kasi minsan ang sakit habang tumatagal nagiging masarap.

“Masokista lang beh?” ang komento ni Cindy. “Sana lang hindi siya sadista kundi patay kayong dalawa.”

“Ate Cindy naman eh. Mukha namang good boy si Baby Boy,” ang sabi ni Roma.

“At ang laswa ah, ang sakit pag tumatagal sumasarap?”

“Hindi mo ba nasubukang maggym? It feels good kaya when you feel your muscles burning,” ang sabi ni Roma. “Malaswa lang ‘yon kung iisipin mong malaswa.”

“Basta tandaan mo kapag nagmahal ka, huwag mong ibibigay ang lahat,” payo ni Charlene. “Ang pag-ibig, iiwan ka niyang sugatan, uubusin ka niyan hanggang sa wala ka nang ibibigay pa.”

So ako na ang pinagkakaisahan ngayon? ang bulong ni Roma sa sarili. Minsan nga papaturo ako dito kay Charlene paano magbingi-bingihan.

Kailangan pa ba no’n?

Pag nagmahal ka nabibingi ka. Nabibingi ka sa katotohanan. Di mo naririnig ang mga sermon ng mga tao, ang pangaral ng mga eksperto sa larangan ng pag-ibig. Pumapasok sa tenga mo pero lumalabas sa kabilang butas maliban na lamang kapag ang narinig mo ay papuri sa kaniya o sa relasyon niyong dalawa.

Pag nagmahal ka nabubulag ka. Nakita mo siyang may kasamang iba? Naku baka kapatid o classmate lang niya iyon! Nakita mong may katext siyang iba. Baka naman iyong kabarkada lang niya. May kiss mark siya sa leeg o sa kwelyo! Ano ka ba baka pinagtripan lang siya ng mga barkada niya, loko loko iyong mga ‘yon eh.

Pag nagmahal ka nagiging tanga ka. Minsan bobo. Saan ang utak ‘teh? Nag-day off at puro puso ang ginagamit? Niloloko ka na, ang sabi mo pa wala lang iyon. Ikaw na pinagtanggol ng mga kaibigan mo, siya parin kakampihan mo. Sinasaktan ka na, minamahal mo pa. Pinagpalit ka na sa iba, siya parin ang tinitibok ng puso mo.

Pero wala pang nagmahal na naging pipi. Aba, boka dito boka doon. Ang sweet niya! Mahal na mahal namin ang isa’t isa. Ito text niya kagabi. Alam mo ba nagpunta kami doon tapos ganito ginawa namin. Hinawakan niya ang kamay ko mga 27 times! May flowers siyang dala, tatlong rose na may 37 petals each. Lahat ng detalye sa pang-araw-araw niyong pamumuhay ay nasa-ulo mo na. Pero kailangan bang i-share ang lahat ng detalye? Anong paki ng seatmate mo kung nagtext siya sayo ng “Kumain na ba u?” o “Tulog na ba u?” At kahit naghawak kayo ng kamay ng mga 100 times pa at bigyan ka niya ng korona ng patay na may ribong may sulat na ‘condolence’ na may 10 petals each ang bulaklak ay walang paki ang mga tao. Unless kaibigang sing harot mo.

Ang na-i-in love, nagbabago. May gumaganda, may lumulobo, may pumapayat, may lumulosyang. Pero kapag nasaktan, expect na mag-iimprove ‘yan para magsisi ang ex niya. Kapag hindi, eh baka iyon na talaga ang best look niya.

Biglang umahon si Roma sa lalim ng pag-iisip niya dahil biglang lumapit ang Baby Boy niya.

“Hi guys,” ang bati nito. Dala niya ay isang malaking plastic ware na naglalaman ng cup cakes. “Baka gusto niyong bumili ng cup cakes? Fund raising kasi ng club namin noong college. Graduate na ako pero tinutulungan ko parin iyong mga naiwan sa club.”

Sabay na tumingin sa loob at pumili sina Charlene at Cindy habang nakatitig lamang si Roma kay Nigel – tulala at laglag ang panga.

“Ikaw, baka gusto mo ng cup cakes ko?” tanong ni Nigel. “Masarap to, hindi ka magsisisi.”

“T-talaga?” ang sagot ni Roma. Naku, nasa cloud nine na ang ating bidang dalaga. Lumulutang na naman siya sa kalawakang sila lamang ni Nigel ang nag-e-exists.

“Oo naman,” ang sabi ni Nigel. “Masarap ito. Creamy iyong fillings. Medyo sticky pero manamis-namis siya. Masarap talaga.” Kumuha si Nigel ng isa at nagsimulang isubo ang isa at kagatin ito. Roma hangs to his every bite. Parang commercial sa TV – pero live.

“Gusto mong itry?” ang tanong ni Nigel sabay abot kay Roma ng cup cake na kanina lang ay kaniyang nginangasab.

Dahan-dahang inabot ni Roma ang cup cake na nasa kamay ni Nigel at inalalayan ang kamay niya sa pagsubo sa kaniya ng cup cake. Nang mahawakan niya ang kamay ng binatay ay nakaramdam siya ng napakalakas na kuryente na dumaloy mula sa magkalapat nilang mga kamay.

“Mesherep sye,” ang sagot ni Roma. “Eng Sherep Sherep.”

“Ay ano ba ito! Sa unang kagat tinapay lahat?” bulalas ni Cindy. Biglang bumalik sa tunay na mundo si Roma. Naudlot ang kaniyang pagpapantasya. “Akala ko ba may filling ito?”

“Eh walang filling yung kinuha mo eh, itong isa yung may filling,” ang sagot ni Nigel.

“Ay ganun? Sige pabili pa ng isa,” ang sabi ni Cindy.

“Ano bibili ka na ba?” ang tanong ni Nigel.

Biglang bumalik si Roma sa paglutang sa sariling kalawakan. Tumango sabay kagat ng labi at pinapungay pa ang mga mata.

Ngumiti si Nigel, biglang natunaw ang dalaga. “Anong gusto mo?”

“Ikaw,” ang bulong ni Roma. “Este, ikaw – anong masa-suggest mo?”

“Masarap itong chocolate truffle, pero baka mas magustuhan mo itong red velvet,” suhestiyon ni Nigel.

“Shege,” ang sabi ni Roma. “Esheng red velvet please.”

“Ay beb iyong smores nalang!” muling sabad ni Cindy na muling nagbalik kay Roma sa reyalidad.

Inilapat ni Roma ang kaniyang palad sa mukha ni Cindy at itinulak papalayo. “Sabing Red Velvet eh, wag nang mangi-alam.”

“Hindi beb masarap iyong smores.”

“Sinabi nang red velvet eh,” pinandilatan ni Roma ng mata si Cindy, nanlilisik ang mga ito. Muli niyang ibinaling ang tingin kay Nigel. “Esheng red velvet.”

“Final answer?”

“Yes, bossing. Final answer.”

***

“Oh Ate Charlene, bakit itinapon mo iyong kape?” ang tanong ni Roma nang sa kaniyang pagpasok ay naabutan si Charlene na nagtapon ng kape sa basurahan. “Sayang naman.”

“Matabang kasi,” ang sagot ni Charlene.

Magkasama silang umupo sa sulok ng classroom. Inilabas ni Roma ang kaniyang mga review materials habang isinuksok naman ni Charlene ang kaniyang earbuds sa kaniyang tenga at nakinig sa mga kantang nasa kaniyang phone.

Kinuha ni Roma ang kaniyang sariling phone sa kaniyang bag ngunit na-dismaya nang makitang walang baterya. Ngunit bigla na lamang siyang napangiti. Ang kaniyang phone – walang baterya, walang buhay, hindi gumagana. Tulad iyon ng kaniyang puso noon – hindi tumitibok. Anong kailangan nilang pareho?

Kuryente.

Kuryenteng dulot ng kaniyang ngiti, ng kaniyang mga tingin, ng kaniyang boses, pabango at bawat paglapat ng kaniyang palad sa anumang bahagi ng iyong katawan. Sa lakas nito’y mabubuhay ang katawang lupa mo.

Pero tulad ng baterya ng mga telepono, dapat alam mo kung kailan mo dapat hugutin ito mula sa pagkakasaksak para di ma-over charge. Masisira ang phone. Alam mo din dapat kung kailan i-chacharge. Huwag mo nang antaying mawalan ito ng baterya. May iba kasi, kung kailan ubos na ang baterya saka lang magchacharge. Parang pag-ibig, kung kailan wala na, saka mapagtatantong mahal mo pala.

“Peram naman ng power bank,” ang sabi ni Roma kay Charlene.

Ang phone pag naubusan ng baterya, hindi pwedeng hindi ka mag-charge. Parang puso, hindi pwedeng hindi ka mag-mahal. Masaktan ka man ng ilang ulit, durugin man nila ang puso mo ng ilang beses ay magmamahal at magmamahal ka parin.

Mabilis lang na lumipas ang araw na iyon. Buong maghapon ay exam lamang ang kanilang ginawa. Pigang piga ang utak ni Roma sa dami ng exam na binigay sa kanila. Naunang lumabas si Cindy sa kanilang tatlo nina Charlene, at pagkatapos ng sampung minuto ay sumunod na ding lumabas si Roma.

Si Cindy ang una niyang hinanap paglabas ng function hall ngunit hindi na niya ito namataan. Pagtingin niya sa kaniyang phone ay nagtext pala ang kaniyang kaibigan. Umuwi na ito dahil biglang dinatnan ng kaniyang buwanang dalaw.

“Ish, red tide,” ang sabi ni Roma sa kaniyang sarili.

“Roma,” tinawag ni Nigel ang kaniyang pangalan.

Nagulat si Roma. Hindi naman sila talaga nag-uusap ni Nigel. Hindi naman sila close. Pero upang siya ang lumapit at tawagin siya sa kaniyang pangalan? Oh my gosh! You can call me Roma, or you can call me yours!

Sa kaniyang pagharap ay bumungad sa kaniya ang mala-anghel na mukha ni Nigel na mabilis siyang dinala sa sariling kalawakan kung saan silang dalawa lamang muli ang naroroon at nagpapalutang lutang sa kawalan.

Sa bawat hakbang ni Nigel papalapit sa kaniya’y lalong lumalakas ang kabog ng kaniyang dibdib. Lub dub, lub dub, iyon ang tunog ng ng kaniyang puso. Parang may isang halimaw na kumakawala sa kaniyang dibdib na nais yakapin ng mahigpit si Nigel. “Oh, Nigel!” ang tangi niyang nasabi.

“May gagawin ka ba tonight?” tanong nito.

“H-ha?” napatanga si Roma. IS HE ASKING ME OUT? “W-wala, bakit?”

“Can you come with me?” tanong ni Nigel.

***

Ang pag-ibig, kapag ito’y tunay, ay parang isang kanta. Siya ang musika at ikaw ang liriko. Together, you make a beautiful song, the song is your story. At kayong dalawa lang ang dapat umawit nito. Sa awitin ng pag-ibig, masakit at malungkot ang solo performance – iyong magmahal mula sa tanaw, iyong magmahal ng ikaw lang ang nakakaramdam ng pagmamahal o one sided love. Dapat duet kayo para maramdaman niyo iyong mensahe ng kanta – iyong paano talaga magmahal at mahalin ng tunay. Pero sa pag-awit ng mga awiting isinulat ng tunay na pag-ibig hindi pwedeng trio o grupo, hindi ito choir. Wala dapat sumasabit, walang dapat kumakabit. Kung may sasabay mang back up singers ay pampaganda lamang iyon ng musikang nililikha niyong dalawa.

Buti nalang wala siyang girlfriend, ang sabi ni Roma sa kaniyang sarili.

Nakatayo ang ating bidang dalaga sa harap ng isang lumang simbahan. Sarado na ito at tanging ilaw na nagmumula sa mga poste at dumadaang mga sasakyan ang nagsisilbing tanglaw niya sa gabing iyon. May ilang batang lumapit sa kaniya upang humingi ng limos. May nais na sa kaniya’y magbenta ng balut. Pinipilahan siya ng mga tricycle driver at tinatanong ng “Miss sakay ka?” o “Ading tricycle?”

Nais hilain ni Roma ang oras. Napakatagal sumapit ng alas otso y media. Iyon ang takdang oras na sila ay magkikita ni Nigel sa harap ng simbahan. Walang ideya si Roma kung bakit doon ang lugar na kanilang tagpuan. Basta doon ang sinabi ni Nigel at iyon ang oras na kaniyang itinakda.

Napakaraming sinaryo ang pumapasok sa isipan ni Roma. Masiyadong wild ang kaniyang imahinasyon ng gabing iyon at hindi niya makontrol.

Scene 1

Humahangos na dumating si Nigel, tumatakbo papalapit mula sa kaliwa. Nakabukas ang suot nitong polo, hinahangin sa kaniyang pagtakbo. Bakas ang pawis sa kaniyang mabuhok na dibdib.

Agad niyang hinawakan ang kamay ng dalaga, walang hinahanging bestida dahil nakapantalon siya ng gabing iyon. Ngunit dama niya ang kuryente na nanggagaling sa mga kamay ni Nigel at dumadaloy iyon sa kaniyang puso. Bumilis ang tibok nito na akala mo’y isang kabayong nakikipagkarera.

“Roma, hindi ko na kaya itong nararamdaman ko,” ang sabi ni Nigel. “Tutol ang mga magulang ko ngunit ikaw talaga ang aking tanging ininibig.”

“Nigel ikaw lang din ang nasa puso ko,” ang sagot naman ni Roma.

“Sumama ka na sa akin!”

“Saan naman tayo pupunta, o aking irog?” tanong ng ating dalaga.

“Kahit saan,” ang sagot ni Nigel. “Hindi na mahalaga kung saan tayo dadalhin ng ating mga paa, ang mahalaga lamang ay magkasama tayong dalawa.”

“Oh Nigel.”

“Oh Roma.”

Sa mga sandaling iyon ang kanilang mga mata ay nagtagpo at nilulunod ang isa’t isa sa kanilang mga tingin, at dahan dahang lumapit ang kanilang mukha sa isa’t isa. Hindi alam ni Roma kung ano ang kaniyang nararamdaman – kung galak, kilig o nagugulat siya sa bilis ng mga pangyayari. Ang tanging nasa kaniyang puso ay ito na ang pinakahihintay niyang sandali.

Nararamdaman na niya ang hininga ni Nigel sa kaniyang pisngi. Amoy peppermint, wika ni Roma sa kaniyang sarili.

Inch by inch they drew each other closer...

Closer...

Closer... hanggang sa gahibla na lamang ng buhok ang distansya ng mga labi ni Nigel sa mga labi ni Roma.

“Nigel, hijo!” isang kahindik hindik na sigaw ang kanilang namalas bago pa man maglapat ang kanilang mga labi. Agad na lumingon ang dalawa at laking gulat nang makita nila ang Mamma ni Nigel. Inilabas niya ang isang napakalaking pamaypay. “What is the meaning of this?”

“Mamma, magpapaliwanag ako,” ang sabi ni Nigel. “Mahal ko siya. Pakakasalan ko siya. At hindi mo ako mapipigilan, Mamma. Kahit alisan mo pa ako ng mana!”

“Suwail!” ang sigaw ng kaniyang Mamma. “Wala kang utang na loob! Hinding hindi ako makakapayag na magwagi kayo sa inyong mga balak! Rogelio! Paslangin ang babaeng iyan!”

Biglang lumabas ang isang gahiganteng mama na nakasuot ng leather jacket, leather pants at leather boots at burdado ang katawan ng tattoo. Naglabas ito ng baril at itinutok sa dalaga.

Kinabahan si Roma. Nakaramdam siya ng isang matinding takot para sa kaniyang buhay. Dito na ba magwawakas ang 21 years ko sa surface ng earth?

Nang kalabitin ni Rogelio ang gantilyo ng baril ay parang nagslow motion ang lahat. Biglang humarang si Nigel sa pagitan nila at sinalo ang balang para dapat kay Roma.

“Nigel!” sigaw ni Roma, slow motion parin.

“Anak!” sigaw naman ng kaniyang Mamma, slow motion din.

“Tsk! Mintis,” ang bulalas naman ni Rogelio, naki-slow motion na din.

Bumagsak sa kanilang harapan si Nigel. Bumulagta ito’t gano’n na lamang siya kabilis binawian ng buhay. Natulala si Roma sa kaniyang namalas – si Nigel, ngayo’y patay na.

Hindi napansin ni Roma na muling itinutok ni Rogelio ang kaniyang baril sa kaniya at nang paputukin niya ito’y tinamaan ng bala si Roma sa kaniyang puso – ang puso niyang kamakailan lamang natutong tumibok, ang puso niyang kamakailan lamang natutong umibig. Ngayon ang tangi nitong laman ay isang piraso ng bala na bumutas sa kaniyang dibdib at bumaon sa kaniyang puso.

Bumagsak siya sa tabi ni Nigel, magkatabi silang nahimlay sa hagdan sa harap ng simbahan. Pinilit ni Roma na gamitin ang natitira niyang lakas upang hawakan ang mga kamay ni Nigel. Sa huling pagkakataon ay nais niyang maramdaman ang kuryente na pinaparanas sa kaniya ng binata – sa tingin, sa boses, sa amoy at sa bawat haplos.

At nang idilat ni Roma ang kaniyang mga mata ay nagbalik siya sa reyalidad. Halos nakasalampak na siya sa sahig, damang dama ang senaryong kanina lamang nilikha ng kaniyang napakalikot at napakaharot na imahenasyon.

Agad tumayo si Roma at kaniyang inayos ang sarili. Pinagpag ang alikabok sa kaniyang pantalon at damit. Paano kaya kung hindi kami parang Romeo at Juliet or Angelo Buenavista at Yna Macaspac? Gusto ko iyong parang superhero na dumarating kapag kailangan mo siya.

Scene 2

Nakatayo lamang si Roma sa harap ng simbahan. Ubos pasensya niyang inaantay si Nigel upang siya’y katagpuin sa harap ng simbahan – ang lugar na kanilang itinakda upang kanilang maging tagpuan.

“Psst.”

Sa di kalayuan ay nakarinig si Roma ng isang pagsutsot na sa kaniyang palagay ay naglalayong tawagin ang kaniyang atensyon. Aba walang hiya itong mga ito ah, kung makasutsot parang di nakakabastos. Nagpasiya si Roma na huwag na lamang pansinin ang sumusutsot sa kaniya.

“Psst.”

Ayan na naman. Nagsisimula nang mairita si Roma dahil sa pagsutsot sa kaniya. Ngunit hindi parin niya ito binigyang pansin. Tumingin siya sa kaniyang relo at nakitang halos alas otso y media na pala. Malapit nang dumating si Nigel. Inayos niya ang kaniyang buhok at nagsalamin – sinisiguradong kapag dumating ang kaniyang Baby Boy ay hindi ito madidismaya sa kaniyang hitsura.

“Psst.”

“Ano ba!” bulalas ni Roma sa sobrang pagkapikon. “Anong gusto niyo ha? Baka gusto niyo akong harapin hindi niyo alam expert ako sa karate!”

Biglang naglabasan ang tatlong kalalakihan. Pawang pare-pareho silang may kalakihan ang katawan, nakasuot ng itim na t-shirt at may suot na skii bonnet. Ang isa ay may tattoong dragon, ang isa naman ay may tattoong tigre habang ang ikatlo ay may tattoong agila.

Aba, isang butiki, isang kuting at isang tweety bird, bulong ni Roma sa kaniyang sarili. Ha! Kaya ko to.

Inikutan siya ng tatlo habang pumorma naman si Roma na parang isang Kung Fu Master. Naghihintay siya ng opening. Patuloy parin sa pag-ikot sa kaniya ang tatlong kalalakihan.

Nang makatiyempo ay nagpamalas ng isang napakaliksing galaw si Roma, ang lahat ng kaniyang muscle sa katawan ay gumalaw kasabay niya upang maisagawa ang kamangha-mangha at kagila-gilalas niyang plano. Hindi inakala ng tatlong lalaki ang kaniyang gagawing...

...pagtakbo.

Tumitiling tumatakbo si Roma papalayo. Sumisigaw ng tulong ngunit walang tao sa paligid upang siya’y tulungan. Ngunit sa kasamang palad, kung anong bilis niya’y doble ng liksi ng lalaking may tattoong tigre. Hinablot nito ang kaniyang kamay at hinila pabalik sa kanilang tatlo si Roma.

Nagpupumiglas si Roma mula sa pagkakahawak ng lalaking may tattoong tigre at tattoong agila. Habang sa kaniyang harap ay tumatawa ang lalaking may tattoong dragon at tila may napakasamang balak kay Roma. Dahil na din sa takot ay tumili ang dalaga ng napakalakas.

Iyon ang naging hudiyat ng kaniyang pagdating.

Napakabilis ng mga pangyayari, biglang naglaho ang lalaking may tattoong dragon nang suntukin siya ng isang misteryosong lalaking nakasuot ng orange na hoodie na lagi nitong suot, ang kaniyang kulot na buhok ay wumawagayway sa bawat galaw na kaniyang ginagawa.

Sipa!

Tadiyak!

Suntok!

Kulang na lamang ay Kamehame wave at magmimistula na siyang si Son Goku. Sa lakas, sa liksi, sa kisig at sa dating ay akala ni Roma’y dumating na si Superman. Superman in a hoodie – Orange Hoodie.

Nagtakbuhan ang tatlong kalalakihan na pawang mga asong nababahag ang buntot, mga batang nag-uunahang umuwi sa kanilang mga nanay upang magtago sa kani-kaniyang saya.

Tinitigan ni Roma ang mukha ng binatang sa kaniya’y nagligtas – hindi siya nagkakamali, si Nigel nga ito. Inabot ni Nigel ang kaniyang mga kamay at pinatayo si Roma mula sa kaniyang pagkakasalampak sa konkretong sahig.

“Okay ka lang ba, my Baby Girl?” tanong ni Nigel na labis ang pag-aalala.

“Okay na ako, my Baby Boy,” ang sagot ni Roma. “Lalo na’t nandito ka na.”

“Pasensya ka na medyo nahuli ako,” paghingi ng tawad ng binata.

“You’re not late,” wika ng dalaga. “You’re timing is just right.”

Nigel then swept her off her feet. Binuhat niya ang dalaga sa kaniyang mga bisig, hindi parin naghihiwalay ang kanilang mga mata na nangungusap sa isa’t isa. They long for each other’s embrace and...

...kiss.

HONK!!!!

Isang malakas na busina ang nagbalik kay Roma sa mundo ng reyalidad. Ay ano ba ‘yan, malapit na eh! Konti nalang mangangasab ko na iyong mga labi ni Baby Boy ko!!!

“Roma!” nagulat ang dalaga nang mapagtantong si Nigel pala ang bumusina sa kaniya. Gamit ni Nigel ang isang itim na SUV at nakangiti ito mula sa kaniya mula sa driver’s seat. Suot niya ang paborito niyang orange hoodie. “Halika na.”

Agad na lumapit si Roma, binuksan ang pintuan at sumakay sa tabi ni Nigel. Inayos niya ang kanyang buhok, ang kaniyang suot na damit at pinapungay ang kaniyang mga mata.

“Mag-seat belt ka,” ang sabi ni Nigel.

“Ha?” disoriented ang ating bidang dalaga.

Biglang lumapit si Nigel at inabot ang seat belt opposite to him. Nanlaki ang mga mata ni Roma dahil hindi niya inaasahan na ganoon na lamang kalapit ang magiging distansiya ng kaniyang mukha sa mukha ni Nigel. Halos amoy na niya ang hininga nito. Gahibla na lamang ng buhok at mahahalikan na niya ang mga labi nito.

Ang kanyang puso’y kumabog ng mabilis, ang katawa’y parang kinikiliti. Sa kaniyang tiyan ay muli siyang nakaramdam ng mga agilang nais kumawala dahil sa sobrang kilig. Hindi ko ata kakayanin ito, ang sabi ni Roma sa kaniyang sarili. Hindi ko ata kakayanin ito.

“Ready ka na?” tanong ni Nigel na inaayos parin ang seat belt ni Roma.

“S-saan?” Tanong ni Roma.

“Sa adventure nating ngayong gabi,” sagot ni Nigel. “Pasensya ka na medyo nahuli ako,” paghingi nito ng tawad.

“You’re not late,” wika naman ni Roma. Kumalma na ang kaniyang puso, ngunit may nararamdaman siyang kakaiba dito – init, saya, ligaya. Iyong sa wakas matapos ang dalawamput isang taon sa ibabaw ng daigdig ay alam na niya kung anong ibig sabihin ng hindi ka nag-iisa. “You’re timing is just right.”

***

Nakababa ang mga bintana sa magkabilang bahagi ng sasakiyang minamaneho ni Nigel. Kapwa inililipad ng hangin ang kanilang buhok ni Roma. Hinahalikan ng malamig na hangin ang kanilang mga mukhang unti-unting namamanhid at namumutla.

Gayon pa man ay walang paki-alam si Roma – sa lamig, sa hanging gumugulo sa kaniyang mahabang buhok. Ang tanging nasa isip niya’y ang alab na nasa kaniyang puso, ang alab na nilikha ng mga kuryente at kidlat na tumama dito. Ang apoy na nasa kaniyang pusong unti-unting nagliliyab dahil sa bagong emosyon at sensasyong kaniyang nararamdaman – pag-ibig. Sa wakas ay alam na ni Roma kung paano ang umibig.

Sa kaniyang kaliwa ay naroon ang taong sa kaniya’y unang nagparanas kung paano tamaan ng kidlat at makuryente dahil sa isang tingin, ngiti, haplos at sa bawat pagbigkas niya ng kaniyang ngalan. Roma. Amor kapag iyong binaligtad. Ang ibig sabihin nito’y pagmamahal. At si Nigel ang tanong nagturo sa kaniya kung paano nga ba ang mag-mahal.

Kanilang tinatahak ang isang kalsada patungo sa bayan ng San Jacinto. Inabot sila ng dalawang oras mula sa bayan na kanilang pinanggalingan – ang bayan ng San Carlos – kahit na hindi naman kasikipan ang trapiko.

“Bakit tayo nagpunta ng San Jacinto?” tanong ni Roma.

Hindi agad sumagot si Nigel. Iginala niya ang kaniyang mga mata sa paligid. Nakasara na ang mga bintana ng mga kabahayan. Wala nang halos taong nasa labas at naglalakad sa kalsada maliban na lamang sa ilang mama at mga tambay sa mga sari-sari store. “Dito nakatira ang Daddy ko,” ang sagot ni Nigel sa tanong ni Roma.

Oh. My. Gosh.

OH MY GOSH!

OMG!!! Ipapakilala na ba niya ako sa parents niya? pilit pinakakalma ni Roma ang kaniyang sarili. Napakabilis naman ng mga pangyayari! Ready na ba ako? Naku okay lang ba ang hitsura ko? Dapat pala nagbihis ako ng mas maganda. Tama sina Ate Cindy at Charlene, dapat nagdress ako.

Biglang inilabas ni Roma ang kaniyang salamin mula sa kaniyang hand bag at inayos ang kanyang buhok, nagre-touch ng kaniyang pampapula ng bibig, ng pisngi, ng eye liner, at nagspray ng konting pabango sa kanyang leeg.

Ang sabi ng Mommy ni Roma, kapag ipapakilala ka na daw ng iyong irog sa kaniyang pamilya ay dapat makagawa ka ng napakagandang impresyon sa simula pa lang. “Foundation is everything, anak,” ang sabi ng kaniyang Mommy. “Kaya dapat maganda ang maging pundasyon ng relasyon mo sa soon-to-be-in-laws mo!”

Ilang dipa pa’y ihininto ni Nigel ang kaniyang sasakyan sa tapat ng isang puting bahay. Nakapatay na ang mga ilaw maliban sa mga ilaw sa labas. Namangha si Roma sa malalagong tanim sa harap nito ngunit nagtaka siya kung bakit nakapatay ang mga ilaw sa loob ng puting bahay.

“We’re here,” ang sabi ni Nigel. Nagtaka si Roma kung bakit ganoon ang tono ni Nigel – magiliw, ngunit peke. Hindi totoo ang excitement napinapakita nito.

Kung may super powers man si Roma, marahil ay lagi niyang alam kung ayos lamang ang mga taong nasa paligid niya o kung may dinaramdam ba ang mga ito. Nagsimulang mapansin iyon ni Roma noong bata pa lamang siya. Minsa’y nagtalo ang kaniyang mga magulang dahil sa usaping pera. Umalis ng bahay ang kaniyang ama upang magpahangin at nang makauwi si Roma mula sa eskwela ay sinalubong siya ng ngiti, halik at yakap ng kaniyang ina tulad ng madalas nitong gawin araw-araw. Ngunit alam ni Roma na hindi okay ang kaniyang ina. Niyakap lamang niya ito, hinagod ang buhok at sinabing “okay lang iyan Mommy. Kaya natin ito.” Bigla na lamang humagulgol ang kaniyang ina at niyakap siya ng mahigpit.

Ganoon din nang maghiwalay sina Charlene at ang kasintahan nitong si Myro. Walang luha at parang ordinaryong araw lamang iyon nang makita niya si Charlene na nakaupo sa loob ng classroom. Sa kaniyang mga kamay ay hawak niya ang isang kapeng nanlamig, tumabang at nasayang lang. Ibinaba ni Roma ang kaniyang bag at tumabi sa kaniyang kaibigan. “Alam mo ba, binigyan ako ng Diyos ng tenga para makinig,” ang sabi niya.

Ngumiti si Charlene, ngunit bumagsak ang kaniyang mga luha. “Wala na kami,” aniya. Sabay abot ng dapat ay ireregalo niya kay Myro noong araw na iyon. “Wala na kami. Iniwan na niya ako. Hindi ko alam kung anong gagawin ko.”

At nang makita niya ang mga mata ni Nigel ay alam na niya na may mali.

“Are you okay?” mabilis na tanong ni Roma sa kaniyang kaibigan. Inabot niya ang kamay nito at marahang pinisil.

Ngumiti lamang si Nigel at hinigpitan ang hawak sa kamay ni Roma. “I’m fine. I’ll be fine.”

Sabay silang bumaba ng sasakyan. Kinuha ni Nigel ang isang black and red printed na backpack mula sa backseat ng SUV. Isinukbit niya iyon sa kaniyang balikat at lumapit kay Roma. “Dito nakatira ang Daddy ko.”

“Alam ba nilang darating tayo?” tanong ni Roma, nagtataka parin kung bakit nakapatay ang mga ilaw.

“Hindi,” ang sagot ni Nigel. Lumuhod siya’t kinapa sa ilalim ng mga halaman ang isang maliit na susi. Binuksan niya ang gate at dahan dahang lumapit sa pintuan ng puting bahay.

“Huy anong ginagawa natin?” pabulong na tanong ni Roma. “Mag-aakyat bahay ba tayo sa bahay ng sarili mong magulang?”

“Sa bahay ng tatay ko,” paglilinaw ng binata. “Bahay nila ng kabit niya.”

Bahagyang nalilinawanagan na si Roma sa kung ano ang ginagawa nila dito sa bayan ng San Jacinto, disoras ng gabi, at nag-aakyat bahay. Hindi pa sigurado si Roma kung ano, at nakapagdesisyon na siyang manatili sa tabi ni Nigel hanggang sa matapos ang napakahabang gabing kanilang pagsasamahan at kailan ma’y hindi nila malilimutan.

Muling lumuhod si Nigel, ngayon nama’y sa sahig ng azotea ng puting bahay ng kaniyang ama. Marahan niyang tinutuktok ang mga kahoy sa sahig. Isa isang pinakikinggan ang tunog na nililikha ng kaniyang kamao na tumatama sa kahoy. At nang makarinig ito ng kakaibang tunog ay kaniyang sinungkit ang kahoy sa sahig gamit ang susi na pinangbukas niya ng gate.

Sa ilalim ng kahoy ay may isang susi. “Susi ng front door,” paliwanag ni Nigel kay Roma. Tumayo si Nigel at binuksan ang pinto.

Inilabas ng binata ang isang flashlight mula sa kaniyang sukbit sukbit na backpack. Inilawan niya ang loob ng bahay. Hinawakan niya ang kamay ni Roma ng mahigpit at sabay silang pumasok sa loob ng puting bahay.

Hindi alam ni Roma kung bakit ngunit parang sumasabay na lamang sa agos ang kaniyang katawan. Ang manatili sa tabi ni Nigel ngayon mismo ang tanging nasa isip niya – hindi dahil mahal na niya ito kundi dahil alam niya sa kaniyang puso na kailangan siya nito.

Maayos ang loob ng bahay ng Daddy ni Nigel. Puno ng gamit ang sala, may maliit na bar na agad mong matatanaw pagpasok pa lamang sa pintuan. May mga nakasabit na paintings sa dingding at may mga larawan sa mga lamesita at maliit na piano sa tabi.

Binitiwan ni Roma ang kamay ni Nigel at lumapit sa mga larawan. Kamukha niya ang Daddy niya, ang sabi ni Roma sa kaniyang sarili. Parehong kulot na buhok at shape ng mukha. Pati iyong labi. Siguro sa Mommy niya siya nagmana ng mata at ilong.

Tumingala si Roma sa mga larawang nakasabit sa dingding – mga larawan ng madrasta ni Nigel. Mas bata ito ng hindi hamak sa Daddy niya, ngunit hndi mo mapagkakaila ang taglay na nakakahalinang ganda nito. Napapaisip tuloy si Roma kung anong hitsura ng Mommy ni Nigel. Mahaba kaya ang buhok nito? Matangkad din kaya tulad ni Nigel?

Speaking of Nigel. Hinanap ni Roma sa loob ang kanina lamang ay kaniyang kasamang si Nigel. Natagpuan niya ito sa harap ng isang altar. Nakatayo lamang si Nigel at nakayuko sa harap nito. Nagdadasal ba ito? tanong ni Roma sa kaniyang sarili. Lumapit siya sa binata at tumayo sa kanyang tabi.

“Urn ng Mommy ko,” ang sabi ni Nigel at itinuro ang ceramic urn na nasa altar.

“Oh my gosh,” bulong ni Roma. “Hindi ko alam I’m sorry.”

“Okay lang ano ka ba,” natawa si Nigel. “Okay na ako. Tanggap ko nang wala na si Mommy.”

Kinuha ni Nigel ang urn mula sa altar at ipinasok iyon sa loob ng kanyang bag. Nanlaki ang mga mata ni Roma sa gulat nang makita kung anong ginagawa ni Nigel. “Anong ginagawa mo?”

“Binabawi ko ang mga abo ng Mommy ko,” ang sagot ni Nigel. Inilabas niya mula sa loob ng kaniyang bag ang tatlong spray cans – kulay dilaw, asul at berde. “Kung mayroon mang mas may karapatan sa mga ito, it’s definitely not my Dad.”

“Para saan ang mga ito?”

“Naaalala mo ba kung gaano kasarap magdrawing sa mga pader noong bata ka pa?” tanong ni Nigel.

“Hindi ko na maalala, ang bata ko pa noon,” ang sagot naman ni Roma.

“Well, chance mo na para maalala ulit kung gaano kasayang maging bata,” ang sabi ni Nigel sabay abot ng green spray paint.

Magpoprotesta pa sana si Roma ngunit bigla na lamang nagsimulang pintahan ni Nigel ang mga dingding, mga paintings na nakasabit dito, kasama ang mga larawan at mga dekorasyong isinabit ng kaniyang madrasta. Napabuntong hininga na lamang si Roma at tinignan niya ang hawak na green spray paint.

At hindi na namalayan ni Roma na magkasama na nila ni Nigel na sinusulatan ng graffiti ang dingding.

Hindi maipaliwanag ni Roma ang saya at tuwa na namumutawi sa kaniyang puso’t isipan sa mga oras na iyon. Nawala sa isip niya na pumasok sila sa isang bahay, daig ang magnanakaw at heto’t niyuyurakan ang napakagandang tahanang sigurado siyang binuo sa pagsusumikap at pagmamahalan. Wala na siya sa tamang pag-iisip, wala na siya sa tamang katinuan – umiibig na siya.

Umiibig siya sa ideyang nariyan ang binatang nagpaparamdam sa kaniya ng kilig, ng kakaibang pakiramdam na ngayon lamang niya naramdaman. Nakaka-high. Nakaka-adik. The feeling is euphoric.

Umiibig siya sa ideyang ito ang una niyang pag-ibig, na sa dalawampu’t isang taon niya sa balat ng lupa ay ito ang kauna-unahang beses na tumibok ang kaniyang puso, na alam niyang ipinanganak siya upang makilala at mahalin ang binata na sa mga oras na iyon ay tangi niyang kapiling. Pakiramdam niya’y siya ang kaniyang kapareha. Kung si Roma ay kape, si Nigel naman ang pandesal. Kung si Roma ay Dinuguan, si Nigel ang puto.

Kung tulad ni Charlene ay masasaktan lamang siya ng labis dahil sa pag-ibig, o maging bato tulad ni Cindy, handa si Roma. Handa siyang masaktan kung dahil iyon kay Nigel. Handa siyang sumugal kung ang kapalit nito ay kahit isang segundong kasama siya at maramdamang mahal din siya nito.

Sa kaniyang mga titig na naglalaho ang lahat...

Sa mga tingin na tila ikaw lamang ang tangi niyang nakikita...

Sa kaniyang boses na tila ikaw ay dinuduyan...

Sa kaniyang mga haplos na dinadala ka sa kalawakan...

Kung ang kapalit ng lahat ng iyon ay ang sakit na dulot ng pagmamahal ay sa kaniyang pananaw ay handa na siya, handa na si Roma.

Pinagpupunit ni Nigel ang mga libro na nasa eskaparate. Ang mga bulaklak na nasa mga plorera naman ay kaniyang inalis, binunot ang bawat talulot at ikinalat sa buong sala, ibinuhos ang tubig na nasa plorera sa mga sopa. Kaniyang tinakpan ng asul na pintura ang limampung pulgadang flat screen TV at binutas ang home theater speakers.

“Kina-career mo ah,” bulong ni Roma.

“Hindi pa ako tapos,” wika ni Nigel. Ngumiti ito kay Roma at naglabas ito ng wire cutter.

“Para saan iyan?” tanong ng dalaga ngunit hindi siya sumagot.

Pumunta siya sa piano at lumapit. Binuksan niya ito’t isa isang pinagpuputol ang mga kable sa loob. Lumikha ito ng hindi kaaya-ayang mga tunog. Tinakpan ni Roma ang kaniyang mga tenga habang patuloy parin si Nigel sa pagputol ng mga kable sa loob.

“Baka magising sila,” ang sabi ni Roma.

“Hayaan mo,” ang sabi ni Nigel. “Nakakapagod, gusto mo ng drinks?” kaswal nitong tanong at dumiretso sa mini fridge na nasa mini bar. Binuksan niya ito’t naglabas ng dalawang canned soda. Inabot niya ang isa kay Roma at binuksan naman ang isa.

“We trashed your Dad’s house tapos magnanakaw pa tayo ng pagkain nila?” tugon ni Roma.

“Okay lang iyan, gusto naman ng asawa niyang magparedecorate ng bahay,” ang sabi ni Nigel. “Ang alam ko may pizza sa kusina, mahilig kasi doon si Daddy. Gusto mo?”

“Hay naku Nigel! Umalis na nga tayo bago pa magising ang Daddy mo o ang Stepmom mo.”

“Maganda nga iyon para alam nila kung sinong may gawa nito.”

“Siguro nga di ka ipapapulis ng Daddy mo dahil anak ka niya, pero pakiusap naman maawa ka sa akin.”

Natawa si Nigel at pinisil ang pisngi ni Roma. “Ang cute mo talaga, kaya gusto kita eh.”

“Anong sabi mo?” hindi naintindihan ni Roma ang sinabi ni Nigel.

“Wala, hayaan mo nalang.”

Ibinalik ni Nigel ang wire cutters, steak knife na ginamit niya upang sirain ang speakers pati narin ang yellow spray paint na may kaunti pang laman sa kaniyang bag. Muli niyang isinukbit sa kaniyang balikat ang backpack. “Halika na,” ang sabi niya kay Roma. Hinawakan niya ang kamay nito’t naglakad na sila palabas ng bahay.

Ngunit bago isara ni Nigel ang pintuan ay tumigil siya sandali, sumilip sa loob ng bahay at sandaling nag-isip.

“Nigel, huwag,” bulong ni Roma nang makitang nakatitig si Nigel sa isang mamahaling banga na nasa tabi ng pintuan. “Hala baliw ka ba?”

Tinignan siya ni Nigel sa mga mata at kumindat. “Minsan, masayang magpakabaliw.” Hinawakan niya ang banga at tinabig iyon.

Sa isang iglap, ang napakagandang banga ay nagkapira-piraso na sa sahig. Nanlaki at namilog ang mga mata ni Roma. Bumagsak ang kaniyang panga at napanganga sa ginawa ni Nigel. Bumilis ang kabog ng dibdib niya – hindi na dahil sa kilig kundi dahil na sa kaba.

Doon ay bigla silang nakarinig ng pagbukas ng pintuan mula sa itaas ng bahay. “Sinong nariyan?” galit na galit na tawag ng isang lalaki.

“Si N-” isisigaw pa sana ni Nigel ang kaniyang pangalan ngunit biglang tinakpan ni Roma ang kaniyang bibig at hinila siya papalayo at pabalik sa kaniyang kotse.

Hindi alam ni Roma kung saan nanggaling ang lakas niya’t nahila niya ng ganoon kabilis si Nigel na halos isang talampakan ang tangkad kumpara sa kaniya. Itinulak niya ito papunta sa driver’s seat at tumatakbo siyang sumakay sa tabi nito. Tumatawang pinaandar ni Nigel ang sasakyan at pinaharurot ito ng takbo.

Psychopath pala tong taong ito, ang sabi ni Roma. Criminal in the making.

“Sira ulo ka, ipapahamak mo pa tayo,” ang sabi ni Roma kay Nigel habang hinahampas niya ng kaniyang palad ang balikat nito. “Paano kapag nahuli tayo ng tatay mo ha? Baliw ka pala eh.” Hindi sumasagot si Nigel na lalong nagpabugso ng galit ni Roma. “Ano ha? Wala kang sasabihin? Hindi ka man lang magsosorry?” sabay kurot sa tagiliran nito.

“Aray! Aray! Sandali lang naman, ito kung makakurot parang hindi ako nagdadrive,” tugon ni Nigel. “Unang una, hindi naman tayo nahuli diba?”

“Eh paano kung nahuli nga?” nangigigil na hinampas muli ni Roma sa balikat si Nigel.

“Okay, pangalawa ang sakit na ng balikat ko,” patuloy ni Nigel. Mula sa kalsadang kanilang tinatahak pabalik ng San Carlos ay ibinaling niya ang mga mata kay Roma. “Pangatlo, thank you.”

Parang binuhusan ng tubig ang nagliliyab na galit ni Roma. Kumalma siya na animo’y lobo na unti-unting kumawala ang hangin.

“Thank you at sinamahan mo ako,” patuloy ni Nigel. “Hindi ko alam kung anong ginagawa ko ngayon kung wala ka diyan sa tabi ko. Ni hindi pa nga tayo gaanong magkakilala pero nariyan ka’t sinamahan ako sa kalokohan ko. Salamat. Salamat talaga!”

“Kaya dapat bumawi ka sa akin!” ang sabi ni Roma. “Naku Nigel ah, sinasabi ko sayo pag inaresto ako at ikinulong dahil sayo baka kung anong magawa ko sa’yo.” Ibinaba ni Roma ang bintana at sinalubong niya ang napakalakas na hangin.

“Ikukulong nalang kita sa mga bisig ko,” bulong ni Nigel.

“May sinasabi ka?”

“Ang sabi ko may pupuntahan pa tayo.”

“Saan na naman?” tanong ni Roma. “Baka kung ano na namang gagawin natin ha!”

“Hindi, ano ka ba,” ang sabi ni Nigel. “Gusto mong bumawi ako, hindi ba? Sige, babawi na ako ngayon mismo!”

“Agad-agad?” Hindi sigurado si Roma kung siya ba’y matutuwa dahil hahaba pa ang oras na kasama niya si Nigel at sila lamang dalawa o malulungkot dahil wala nang kasiguraduhan na magkakaroon ng ‘next time’ na sila’y magkasama.

***

Kung si Superman ay may Lois Laine, si Spiderman ay may Gwen Stacy, kung si Iron Man may Pepper Pots, kung si Hulk ay may Agent Romanov, si Roma ang kay Nigel. Hindi man sila tulad ng mga naunang nabanggit – isang superhero at isang damsel in distress – ay okay lang. Kahit para nalang silang si Joker at si Harley Quin – one sided affair.

He’s no hero, alam ni Roma iyon. But she’s no damsel in distress either.

Nakatitig lamang sa nagliliyab na apoy si Roma, nakaupo sa inilatag na kumot sa buhangin at niyayakap ang sarili dahil sa lamig. Suot niya ang paboritong orange hoodie ni Nigel na sa kaniya’y pinahiram.

Bumalik si Nigel at umupo sa kaniyang tabi. Dala niya’y ilan pang kahoy na napulot niya sa pampang ng dagat upang maging panggatong.

Dinala siya ni Nigel sa Bonuan – isang bayan sa siyudad ng Dagupan. Nagtungo sila sa pinakamalapit na beach resort. Halos nag-siuwian na ang mga turista, ang mga ilan namang nag-renta ng cottage at mag-o-over night ay patuloy parin sa pagkanta sa kani-kaniyang nirentahang video o’ke machine habang pinagsasaluhan nina Nigel at Roma ang baon ng binatang mallows, graham crackers at chocolate bars.

“Parang hindi ka ready ah,” biro ni Roma. “May kumot, smores, may baon ka pang cooler.”

“Just in case lang naman na gusto mong magpahangin bago umuwi,” ang sabi ng binata.

“Nigel, alam kong hindi pa tayo gaanong magkakilala at maiintindihan ko kung hindi mo sasagutin ang tanong ko pero...” pinapakiramdaman ni Roma kung dapat ba niyang ituloy ang balak na pang-uusisa sa buhay ni Nigel. “Bakit natin ninakaw ang abo ng Mommy mo? Hindi ka ba nakatira sa puder ng Daddy mo?”

Ngumiti si Nigel, natawa at napakamot ng ulo. “I guess you deserve to hear the truth from me, matapos ng mga sacrifices mo ngayong gabi para sa akin.” Inalis ni Nigel ang iniinit niyang mallows mula sa apoy at tinitigan niya ang usok na nagmumula sa nangingitim nitong balat. “Second year high school ako nang maghiwalay ang Mommy at Daddy ko. Naging sugarol si Daddy, noong una kasi okay lang namamanage naman niya kaso mas malaki na ang napapatalo niya sa sugal kesa sa kinikita niya sa isang buwan. Nagkanda-utang utang kami. Kumayod ng husto si Mommy para lang makabayad sa mga utang. Kaso si Daddy, huminto nga sa pagsusugal ay natuto namang mambabae di kalaunan. Iyong dapat pambayad namin sa mga utang ay binibigay niya sa mga babae niya.”

Nakatitig lamang si Roma sa mukha ni Nigel habang siya’y nagkukwento. Bakas sa mga mata ng binata ang lungkot at panghihinayang sa buhay na kaniyang kinagisnan.

“Tapos nadiagnosed si Mama ng bone cancer,” patuloy ni Nigel. “Wala naman kaming perang pampagamot at marami pang utang si Daddy. Siguro ang nasa isip mo dahil doon nagbago si Daddy, na naisip niya ang mga pagkukulang niya sa amin ng Mommy ko pero hindi. Noong nagkasakit si Mommy doon pa niya kami tuluyang iniwan.”

Roma covered her mouth with both of her hands in shock. “I’m sorry,” bulong nito. Naluluha na ang dalaga dahil sa kwento ni Nigel. Ang kanina’y panghihinayang sa mga mata ni Nigel ay napalitan ng labis na galit.

“Tapos noong namatay ang Mommy ko, kinuha niya ang mga abo at sinabing siya daw ang asawa, siya daw ang may karapatan sa mga abo niya. Eh anak ng puta naman! Hindi nga niya napanindigan ang pagiging asawa niya sa Mommy ko eh. Tapos iuuwi niya ang mga abo niya sa bahay nila ng babae niya? Punyeta!” Ibinato ni Nigel ang hawak na stick dahil sa galit. Nahulog ang mga luha mula sa kaniyang mga mata, tulad ng pagkahulog ng mga bituin sa langit. “Tapos anong sinabi niya sa akin noong burol ng Mommy ko? ‘Anak magpapakabait ka sa Tito’t Tita mo. Sila na ang mag-aalaga sa’yo’ dahil ayaw sa akin ng babae niya. At iniwanan niya ako ng isang maliit na vial na ang laman ay kapiranggot na abo ng Mommy ko.”

Hindi nakapagsalita si Roma sa kaniyang mga narinig. Hindi rin niya alam kung may dapat pa bang sabihin o sapat na ang katahimikan.

“Tapos noong magkokolehiyo ako, siya ang nag-paaral sa akin. Tuwing bakasyon ang gusto niya’y doon ako sa kanila tumira. Dahil doon alam ko kung nasaan ang mga nakatagong duplicate ng mga susi ng bahay. Hindi din ako nakakatagal doon dahil ayaw sa akin ng kabit niya. Ako daw ang paalala sa kaniya na hindi siya ang tunay na asawa, na kabit lang siya. As if naman hindi pa sapat na inuwi doon ng tatay ko ang abo ng Mommy ko. Kaya minsan kumuha ako ng alikabok at isinabog ko sa loob ng bahay. Binuksan ko iyong urn ni Mommy para magmukhang kumakawala sa urn ang mga abo niya. Sana nakuhanan ko ng video iyong reaction niya. Dahil doon napalayas ako ng wala sa oras at umuwi ako sa Tito’t Tita ko na tuwang tuwa naman sa ginawa ko. Pero dahil doon grounded ako ng two weeks, pero binilhan ako ng bagong game console bilang reward.”

Pareho silang natawa ni Roma.

“Hindi ko na ata siya mapapatawad sa lahat ng ginawa niya,” ang sabi ni Nigel. “Sinubukan ko, pero masiyado nang malalim ang pinag-uugatan ng sakit na nararamdaman ko.”

“Okay lang masaktan,” ang sabi ni Roma. Hinaplos niya ang likod ni Nigel upang ipadama dito na siya’y dinadamayan nito. “Pero huwag kang mag-aalaga ng galit. Sa huli kasi, ikaw din lang ang iiwang sugatan ng galit mo.”

“Lagi kong nararamdamang mag-isa ako,” ang sabi ni Nigel. “Parang walang nakakaintindi. Kaya thank you kasi nandiyan ka.”

“Ano ka ba wala iyon,” ang sagot naman ni Roma.

Nagkadikit ang kanilang mga mata, sinisiil ng tingin ang kaluluwa ng bawat isa.

Minsan, may mga bagay na dapat pag-isipan. Minsan may mga bagay na dapat binibigyang rason muna bago mo isagawa. Ngunit hindi ba’t minsan ang pinakamasarap na pangyayari sa ating buhay ay iyong mga pangyayaring bigla nalang naganap? Iyong damdamin mo ang nagdala sayo – puro, inosente, at puro unicorns and rainbows.

Pinaglapit ng kanilang mga damdamin sina Roma at Nigel. Parang sa mga teleserye – dahan-dahan at hindi pilit. Unti-unting naglapit ang kanilang mga labi.

Ngunit lumayo si Roma. Bigla na lamang siyang binatukan ng kaniyang konsensya.

“I’m sorry,” ang sabi ni Nigel.

“Ano ka ba, wala kang dapat ihingi ng tawad,” ang sabi ni Roma. “Halika na nga, madaling-araw na, baka makatunog ang parents ko na wala pa ako sa bahay.” Agad tumayo si Roma at pinagpag ang buhangin sa kaniyang pantalon.

“Bawi nalang ako next time,” ang sabi ni Nigel.

“Teka lang! Bawing bawi ka na nga ngayon eh,” ang sabi ni Roma. “Pero kung gusto mo talagang makabawi eh di kumanta ka nalang sa harap ng lahat bukas sa review.”

Ngumiti lamang si Nigel.

“Ang daya, iyang ngiting iyan parang ayaw mo naman eh,” ang sabi ni Roma.

“Hindi naman sa ayaw ko,” ang tugon naman ng binata. “Pero kung kakanta ako bukas, anong gusto mong kantahin ko?”

“Just sing a Michael Bublé song for me,” ang sabi ni Roma.

“Deal,” ang sagot ni Nigel. “The next time you’ll hear me sing, I’ll sing a Michael Bublé song.”

***

Sa pag-ibig walang natatalo. Kapag nagmahal ka, nasaktan ka man o hindi ay may matututunan ka kaya’t panalo ka parin. Hopia ka ma’y langit parin. Lotlot ka man sa pag-ibig, wagi parin sa ending.

Kaya si Roma, puya’t man ay masigla paring pumasok sa review center. Abot langit ang kaniyang ngiti, akala mo’y kaniyang mukha’y mapupunit. Suot niya ang paboritong orange na hoodie ni Nigel, kaniya pang nasasamyo ang bango ng magkahalong pawis at pabango ng binata na nanuot sa bawat hibla nito.

Ang alam ni Roma, kagabi hindi siya hopia sa pag-ibig. Winner beh! ang tugon ng ating bidang dalaga.

Ihinatid siya ni Nigel sa kanilang bahay sa San Carlos mula sa Bonuan. Ipinagbuksan pa siya nito ng pintuan ng sasakyan at inalalayan sa kaniyang pagbaba. Ihinatid pa siya sa harap ng kanilang pintuan.

“Paano ba yan, iimbitahan sana kita sa loob kaso baka habulin ka ng shot gun ng tatay ko kapag nakita niyang madaling araw na tayo nakauwi,” ang sabi ni Roma.

“Okay lang,” ang sagot naman ni Nigel. “Salamat sa pinakamasayang gabi ng buhay ko.”

“Ako ang dapat magpasalamat sa’yo,” ang sabi naman ni Roma. “Kasi sa loob ng ilang oras na kasama kita napadama mo sa akin ang ilang bagay na ngayon ko lang naramdaman. Salamat sa kakaibang experience, salamat sa pinakamahabang gabi ng buhay ko.”

Nais na bugbugin ng halik ni Nigel ang mga labi ni Roma, ngunit nagpigil siya dahil hindi siya sigurado sa nararamdaman sa kaniya ng dalaga. Sa halip ay tapik lamang sa balikat ang kaniyang nagawa. Tonto Nigel! Tonto!

“Good night,” ang sabi ni Roma at binuksan na ang pintuan. “I mean, umaga na pero you get the point.”

Ngumiti si Nigel at naglakad pabalik sa kaniyang sasakyan. Nais niyang sapakin ang sarili dahil sa pagkakataong kanyang pinapalampas. Bawat parte ng kaniyang katawan ay nais bumalik at yapusin sa yakap si Roma ngunit hindi niya alam kung maaari ba.

Bago makapasok ng tuluyan sa loob ng bahay si Roma ay tinawag ni Nigel ang kaniyang pangalan. Agad na lumingon ang dalaga.

“Roma,” ang sabi ni Nigel.

“Bakit?”

“Sana hindi ka mawirdohan sa sasabihin ko,” ang sabi ni Nigel. “I like you, Roma. I really, really like you.”

Zap!

Zing!

Blagadam!

Parang tinamaan na naman ng kidlat si Roma sa kaniyang narinig. Ang puso niya’y kumabog, kalamnan niya’y tila napuno ng mga bulaklak at nais ng kaniyang utak na mawalan ng ulirat dahil sa narinig. Sa isang iglap ay nasa kalawakan nang muli sina Roma at Nigel at nagpapalutang lutang sa kawalan.

Kaya nang mga oras na iyon, kung mayroon mang hopia sa pag-ibig ay hindi si Roma iyon.

“Nigel gusto din kita, gustong gusto din kita!”

Iyon ang nais sabihin ni Roma, but she was too stunned to utter even a sound.

Ngumiti si Nigel, nagpabaon ng huling kindat bago bumalik sa kaniyang sasakyan at umalis. Nakatulala lamang si Roma at hindi makagalaw hanggang sa biglang sumindi ang ilaw sa loob ng bahay at naabutan siya ng kaniyang Mommy at Daddy na nasa labas ng bahay at suot pa ang damit nito nang umalis ng bahay kagabi.

“Roma. Rose. Dela Cruz!” ang sabi ng nanggagalaiti niyang nanay. “Magpaliwanag ka!”

Napagalitan man at nasermunan ng wagas ay okay lang, wala nang makakasira ng araw ni Roma. Lalo na’t sinabi ng taong kaniyang napupusuan na sa kaniya’y may pagtingin din ito.

Kaya naman buong sigla siyang pumasok sa review center ng umagang iyon upang ipagtapat kay Nigel ang kaniyang nararamdaman. Sasabihin na niya ang mga salitang hindi niya nasabi noong gabing iyon.

Ngunit sa kaniyang pagpasok ay wala pa si Nigel. Bakante parin ang upuan nito. Baka nakatulog, pinagpalagay ni Roma.

Umupo si Roma sa tabi ni Charlene at niyakap niya ito. “Beh! This is it! This is really is it!”

“Anong sinasabi mo?” tanong ni Charlene na nagulat sa ginawa ni Roma. “Ang saya saya mo ah.”

“Oo naman beh! Ate Charlene this is definitely love!” ang sabi ni Roma.

Nang dumating si Cindy ay agad niyang ibinahagi sa kanila ang naganap noong nakaraang gabi – joy ride, criminal acts, beach, smores, iyong halik na naudlot, at iyong pagtatapat ni Nigel sa kaniya.

Kapwa tumili sina Charlene at Cindy.

“Beb I’m so happy for you!” ang sabi ni Cindy. “Hindi na Pusong Bato ang theme song mo! Nagmamahal ka na!”

“I know right?” tugon naman ni Roma.

“Basta ah, ingatan ang puso, ingatan ang sarili,” paalala ni Charlene. “Alam mo naman iyong nangyari sa akin, diba? Pero masayang masaya ako para sa’yo!”

Lumipas ang ilang minuto at dumating na ang kanilang reviewer. Nagsi-upuan na ang lahat at nakinig sa taong nakatayo sa harapan.

Ngunit nanatiling bakante ang upuan ni Nigel.

Ano kayang nangyari doon? Baka hindi nagising sa sobrang puyat kagabi? Tawagan ko kaya? Kaso wala pala akong number niya.

Lumipas ang ilang oras at nagsilabasan na ang lahat at naglakad sa ilalim na init ng araw upang maghanap ng makakainan at mananghalian.

Ngunit nanatiling bakante ang upuan ni Nigel.

Lumipas ang ilang araw, ilang linggo at mga buwan...

Ngunit nanatiling bakante ang upuan ni Nigel.

Pumasa si Roma sa board exam at kaniyang nakuha ang lisensyang kayhirap niyang pinagtrabahuan sa loob ng apat na taong pag-aaral at ilang buwang pagrereview.

...ngunit ang bakanteng upuan ni Nigel ay nanatiling bakante’t napupuno ng alikabok.

Sa pag-ibig walang natatalo. Kapag nagmahal ka, nasaktan ka man o hindi ay may matututunan ka kaya’t panalo ka parin. Hopia ka ma’y langit parin. Pero minsan, langit ma’y nagiging hopia na din. Tulad ni Roma, akala niya’y langit na, pero sa huli siya’y hopia parin.

Hindi na alam ni Roma kung nasaan si Nigel, wala na siyang balita dito. Pumasok si Roma sa isang medical school at nag-aral upang maging isang manggagamot. Ang orange na hoodie ay nasa loob na lamang ng kanyang aparador, nasa isang sulok at natabunan na ng ibang damit – nakalimutan na’t naibaon na sa limot.

Hanggang sa isang araw ay napanood niya sa isang singing contest sa TV ang isang binata. Napatitig si Roma sa kulot at magulong buhok nito, ang balat nito’y may kaputian at may katangkaran. Hindi malilimutan ni Roma ang ngiting nasa labi nito na noo’y kaniyang namalas. Si Nigel, hindi siya pwedeng magkamali, si Nigel iyon.

Nagpakilala siya, at siya nga si Nigel Floresca. Tumulo ang luha ni Roma – hindi dahil sa muli niyang nakita ang binatang sa kaniya’y unang nagpadama kung paano kiligin at nagturo kung paano umibig – kundi umawit ito ng isang awitin ni Michael Bublé.

Biglang nagbalik si Roma sa mga alaala ng gabing una’t huli nilang pinagsaluhan ni Nigel.

“Pero kung kakanta ako bukas, anong gusto mong kantahin ko?” tanong ni Nigel matapos siyang pakiusapan ni Roma na umawit sa harap ng lahat sa review center.

“Just sing a Michael Bublé song for me,” ang sabi ni Roma.

“Deal,” ang sagot ni Nigel. “The next time you’ll hear me sing, I’ll sing a Michael Bublé song.”

Ngunit ang kaniyang puso’y naubusan na ng kuryete at hindi na muling tumibok pa. Mula noon ay hindi na tinamaan ng kidlat si Roma. At ang puso niya’y parang hopia, naiwan sa kaniyang dibdib na inaamag na lamang.

Sa pag-ibig, langit ma’y nagiging hopia din.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

Best Buddies

Kuwento ito ng dalawang magkaibigang anghel na sina Juno at Gabo Kung may pagka-mainipin at makulit si Juno, kabaliktaran naman ito ni Gabo isang araw

Image Description
GretSanDiego
28 November 2019
One Night Ride

A ride to remember or a ride to be forgotten. Sexy, bold, daring story of passion, love, anger and betrayal. A ride that will take you to the past full of vengeance.

Image Description
Mar_Mojica
24 January 2020
The Heiress Poor Charming

Sushmita Costales is a smart, spoiled and heartless heir of Costales conglomerate Her father, thinks that she lacks heart and compassion towards other people Pinatapon siya ng ama niya sa Guimaras

Image Description
WeirdyGurl
05 March 2020