Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




SA PILING NI NANAY

Image Description Refunshika16   |   31 May 2018


OFW Story.

"Class dismiss!" malakas na anunsiyo ng inyong gurò. Agad na nagkaguló ang iyong mga kaklase ngunit ikaw ay nanatiling nakaupó.

"Freya! Hindi ka pa ba uuwi? Tara, sabay na tayo," aya ng iyong pinsan na siya mo ring matalik na kaibigang si Merith. Nilingon mo lamang siya at marahan kang umiling biláng pagtanggi.

Hindi mo batid kung bakit, ngunit nais mo munang mapag-isa. Marahil ay dahil ito sa programang ilulunsad ng inyong paaralan sa darating na lìnggo.

"Tara na kasi, mamaya mo na isipin 'yun, umuwi ka muna para kumain."

Sadyang makulit ang iyong pinsan kayâ naman lumapit na ito sa iyo at pilit kang iginigiya palabas ng silid-aralan. Wala ka naman nang magawa kaya nagpatangay ka na lang. Saglit mong iniligpit ang iyong gamit at tuluyan nang lumabas ng silid-aralan.

"Bakit kasi kailangan pa 'yun? High school na tayo tapos may family day pa. Tapos igagawa pa ng tula 'yung nanay. Mabuti sana kung may nanay akó." Hayan ka na naman at nagsimula ka nang muli na isatinig ang iyong mga agam-agam. Napakamot na lamang sa ulo ang iyong kasama na si Merith.

"May nanay ka naman, e. Bukas nga ang uwi ni tita, 'di ba? Hindi ka ba sasama sa pagsundo sa kanya sa airport?"

Imbis na sumagot ay isang malakas na pag-ismid ang naging tugon mo sa kanya. Matapos noon ay wala nang sumunod na pag-uusap hanggang sa makarating kayo sa tapat ng inyong bahay.

"Sama ka bukas sa papa mo, sasama akó. Bye!" Hindi na niya hinintay ang pagsagot mo at nagpatuloy na sa kaniyang paglalakad patungo sa kanilang bahay na isang kanto lamang ang pagitan sa inyo.

"O, 'nak... nand'yan ka na pala. Tara, kain na," bungad sa iyo ng iyong ama. Tumangó ka lamang at lumapit dito upang magmano.

"Bakit parang matamlay yata ang anak ko?" may lambing na tanong sa iyo ng iyong ama.

Saglit ka namang tumigil sa pagkain at hinarap mo ito.

"May program po kami sa school sa sunday, family day raw po pero need na igawa ng poem ang nanay. Ayokong gumawa." Agad kang nagbawi ng tingin sa iyong ama at nagpatuloy sa pagkain.

"Anak naman, hanggang ngayon ba galit ka pa rin sa mama mo? Para din naman sa iyo ang ginagawa niya."

Hindi ka sumagot at nagpatuloy lang sa pagkain.

"Sumama ka pa rin bukas sa airport. Nakakahiya naman kay Merith kung siya lang ang kasama ko na sumundo sa mama mo."

Hindi ka na lang umangal kahit na sa loob-loob mo ay ayaw mo talagang sumama. Alam mong wala kang magagawa dahil pipilitin ka pa rin ni Merith kahit na alam naman niyang ayaw mo.

Hanggang gabi kang mag-isang nagngingitngit. Hindi mo maiwasang magalit sa isiping magkikita kayong muli ng iyong ina. Ang tinatawag mo noong "Mama" at ang taong paborito mo noong kasama na lagi kang nagpapakarga. Napalis lang ang lahat nang magdesisyon siyang tumungo sa ibang bansa upang magtrabaho. Sinabi mo noon na ayaw mong umalis siya at umiyak ka pa, ngunit tumuloy pa rin siya. Inisip mong mas mahal niya ang pera kaysa sa iyo na anak niya. Nagsimula ka sa pagtatampo na nang lumaon ay naging galit na.

Tila isang mabilis na pag-ihip ng hangin ang iyong pagbabalik-tanaw sa nakaraan, hanggang sa hindi mo na namalayan ang oras at nakatulog ka na.

Kinaumagahan ay pupungas-pungas ka pang bumangon nang dahil sa malalakas na pagtawag sa iyo ni Merith.

"Hala, Freya! Gumalaw-galaw ka na, tatanghaliin na tayo!" bungad sa iyo ni Merith.

Labag man sa kalooban mo ay kumilos ka na upang maaga kayong maka-luwas.

Mahaba-haba rin ang inyong naging byahe at kitang-kita mo sa mukha ng iyong ama at pinsan ang kasabikan na makita muli ang iyong ina na si Alyana.

"Tito Fred, gumawa po akó ng banner para mas madali tayong makita ni Tita Yana. Iyan naman kasing si Freya, paniguradong hindi gagawa." Saglit ka nitong tinapunan ng nakalolokong ngiti na siya mo namang sinagot ng masamang tingin.

Wala kang naging imik hanggang sa lugar na paghihintayan ninyo ng iyong ina.

"Freya, anak! Ayan na ang mama mo!" masiglang anunsiyo ng iyong ama. Agad mo namang sinundan ng tingin ang direksyon na itinuturo nito.

Sa loob nang mahigit anim na taon, ngayon mo na lamang nasilayang muli ang iyong ina. Napansin mo agad ang mas gumanda niyang kutis at mukha. Naramdaman mong tila may isang parte sa iyo na nais itong salubungin ng yakap at halik. Ngunit, hindi. Hindi ang sabi ng iyong isip.

Walang emosyon mo itong pinagmasdan hanggang sa makalapit siya sa iyo. Kitang-kita mo ang malaking ngiti ngayon sa kanyang mga labi. Mabilis itong nilapitan ng iyong ama upang yakapin. Gayon din ang iyong pinsan na yumakap na rin.

Saglit lang at dumapo na sa iyo ang tingin ng iyong ina. Agad itong kumawala sa pagkakayakap ng iyong ama at pinsan upang lapitan ka.

"Na-miss kita, Freya, anak." Sabay yakap nito sa iyo, ngunit hindi ka tumugon.

Hanggang sa makabalik kayo ng inyong bahay ay nanatili kang walang kibo.

Nang magpaalam na sa iyo ang iyong pinsan ay isang marahan na tango lamang ang iyong naging tugon.

"Anak, magpahinga ka na at kumain. May pasok ka pa raw sabi ng papa mo." Saglit mo siyang tiningnan at agad mong nakita ang malamlam niyang mga mata. Naisip mong inaantok na ito at kailangan pa ng pahinga.

May isang parte sa iyo na nais itong alukin na magpahinga muna, ngunit binalewala mo ang isiping iyon.

Muli ay wala kang naging tugon. Nagtungo ka sa iyong silid upang umidlip ngunit hindi ka dalawin ng antok kayâ naman naligo ka na lamang muli at inayos ang iyong mga gamit.

Pagkalabas ng iyong silid ay agad kang nagtungo sa inyong kusina upang maghanda ng iyong makakain. Batid mong hindi ka napaghanda ng iyong ama ngayon na gaya ng madalas niyang gawin dahil nakatulog agad ito pag-uwi.

Pagdating mo sa kusina ay nagtaka ka kung bakit may mga nakahain na sa hapag-kainan.

"O, anak, kumain ka na. Mamaya na lang kami ng papa mo paggising niya."

Hindi mo tinapunan ng tingin ang iyong ina at tahimik mo lang na tinapos ang iyong pagkain. Hindi mo man lang naisipan ang magpasalamat at matapos kumain ay agad kang nagtungo sa labas. Nakita mong nakahanda na rin ang iyong susuotin na sapatos at medyas.

Kinabukasan ay ganoon din. Naihanda na ng iyong ina ang lahat ng iyong kailangan at papasok ka na lamang. May parte sa iyo na ikinatutuwa ito, ngunit mas nangingibabaw sa iyong isipan na biyernes ngayon at sa ayaw at sa gusto mo, muling pag-uusapan sa inyong silid-aralan ang programang gaganapin sa darating na linggo.

"Anak, mag-iingat ka. Lingon muna sa kanan at kaliwa bago ka tumawid, ha. Mahal ka ni mama, tandaan mo 'yan." Isang mabilis na paghalik sa noo mo ang ginawa nito sayo at hindi ka na naka-angal. Hindi mo pa rin ito kinikibo ngunit alam mo sa sarili mo na sa kaunting panahon na nakasama mo ang iyong ina ay gumagaan na muli ang loob mo para dito.

"At para naman hindi maubos ang ating oras sa pagbabahagi ninyo ng tula, gagawin nating 2 stanzas lang per student ang maximum length ng inyong mga tula."—Iyan ang mga salitang naglalaro sa iyong isipan hanggang sa makauwi ka ng inyong bahay. Kung gagawa ka o hindi ay pinag-iisipan mo pa.

Kagaya kahapon ay nakahanda na ang lahat nang ikaw ay umuwi. Kakain ka na lamang at magpapahinga. Napansin mo rin na mas naging malinis at maayos ang inyong bahay kumpara no'ng wala ang iyong ina. Naging mas maaliwalas din ang iyong silid at nakita mong maayos na nakasalansan ang iyong mga gamit. Batid mong ang iyong ina ang may gawa ng lahat ng ito. Pilitin mo man na balewalain ay hindi mo maitatanggi na natutuwa ka sa mga nasasaksihan mo.

Lumipas ang buong araw ng sabado at naging saksi ka sa kung paano asikasuhin ng iyong ina ang lahat ng gawaing-bahay. May ilang pagkakataon din na sinubukan mong tumulong dahil sa hindi ka na sanay nang hindi gumagalaw tuwing sabado, ngunit pinigilan ka lamang nito at sinabing hayaan na siya ang umasikaso sa lahat.

Sa tinagal-tagal ng panahon ay ngayon mo na lamang naranasan ang humilata sa buong araw ng sabado.

Nang sumapit ang gabi ay naging sabik ka sa pagkain dahil paborito mong ulam na sinigang na baboy ang inihain ng iyong ina.

Matapos mong kumain ay hindi mo mapigilan ang ngumiti. “Salamat po sa pagkain, Ma.” mahina mong usal habang nakatingin sa iyong ina. At iyon ang kauna-unahang pagkakataon na ginawa mo iyon simula nang dumating siya.

Pumasok ka sa iyong silid na may ngiti sa mga labi. Sa pagkakataong iyon ay napagpasyahan mo nang gumawa ng tula para sa iyong ina.

“Freya, anak! Gumising ka na! Nag-text si Ma’am Anastacio, 8:00am na raw ang start ng program at hindi na 9:00am. Bumangon ka na d’yan!” hiyaw ng iyong ama sa labas ng iyong silid.

Kahit inaantok ka pa at napuyat dahil sa pagsulat ng tula ay pinilit mo nang bumangon.. Bahagya ka pang napa-iling nang maalalang umabot nang limang saknong ang ginawa mong tula para sa iyong ina.

“Kakain po muna akó bago maligo,” bungad mo sa iyong ama nang buksan mo ang pinto ng iyong silid. “Tara na, nakahain na,” tugon naman nito at nauna nang tumungo sa kusina.

“Mr. and Mrs.Villonar, doon na po kayo umupo sa nakalaang seat sa inyo at si Freya naman po ay dadalhin ko muna sa likod ng stage kasama ang mga classmate niya,” ani Mrs. Anastacio.

Ilang minuto na lang ang nalalabi bago magsimula ang programa nang dumating kayo at kahit alam mo na ang lahat ng mga kaklase mo ay magsasalita sa harap ay hindi mo pa rin maiwasan ang kabahan.

“Hoy, Freya!” malakas na tawag sa iyo ni Merith. Nakapila na ito kasama ang ilan niyo pang kaklase. Mabilis kang lumapit sa kinatatayuan nito.

“Gumawa ka ba ng tula?” agad na tanong nito sa’yo. Marahan ka lang na tumango bilang sagot. “Kinakabahan akó,” hindi mo napigilang sabihin.

“Ayos lang ‘yan. Káyang-káya mo ‘yan.” Bahagya pa nitong tinapik ang balikat mo bago bumalik at umayos sa pila.

“Okay, class. Mag-start na tayo within 5 minutes. Alfaro, i-ready mo na ang piece mo. Alphabetical order tayo,” turan ni Mrs. Anastacio na ang pinatutungkulan ay ang kaklase mong si Winnie Alfaro.

Bahagyang nawala ang kaba mo dahil batid mong ikaw ang huling magsasalita dahil sa iyong apelyido.

Unti-unti ay nababawasan na kayo sa pila dahil matapos itanghal ang naisulat na tula ay hindi na muling babalik sa pila ang estudyante at pupunta na sa upuan na nakalaan sa kanila kasama ang kani-kaniyang magulang.

“Merith V. Urbani, ikaw na ang sunod,” paalala ng inyong guro na si Mrs. Anastacio.

Muli ay umusbong na naman ang kaba sa iyong dibdib. Batid mong matapos si Merith ay ikaw na ang kasunod. Kinapa mo pa ang papel sa iyong bulsa na pinagsulatan mo ng iyong tula kagabi at saglit kang lumapit sa iyong guro na si Mrs. Anastacio.

“Ma’am, limang stanza po ang nagawa kong tula para kay Mama. Ayos lang po ba na basahin ko na lahat ‘yun? Akò naman na po ang huling magsasalita.” Saglit pa itong pinag-isipan ng iyong guro bago tuluyang tumango bilang tugon.

“Salamat po,” turan mo nang may tipid na ngiti sa iyong mga labi.

“Hoy,” tawag sa iyo ni Merith na ngayon ay paaakyat na ng stage. “Good luck!” sabi nito na may kasama pang kindat. “Oo, good luck din sa’yo!” hiyaw mo naman.

Saglit mong pinasadahan ng basa ang iyong naisulat at mariing pumikit. “Káya mo ‘yan, Freya,” turan mo sa iyong sarili.

“Freya, ikaw na. After mo basahin, diretso ka na sa puwesto nina mama at papa mo para sa next activity. Good luck!” ani Mrs. Anastacio.

Halos isang minuto ka rin na nakatayo lang at pinagmamasdan ang mga tao sa iyong harapan. Pinilit mong ipunin ang lahat ng lakas ng loob na mayroon ka bago mo tuluyang simulan ang pagbigkas sa iyong naisulat na tula.

SA PILING NI NANAY
sa panulat ni Freya Villonar

Agad na nagpalakpakan ang tao. Hindi mo man alam ang ibig sabihin nito ay bigla ka na lamang nakaramdam na tila nabawasan ang kaba sa iyong dibdib.

Bahagya kang ngumiti at nagpatuloy.

Lulan ng mapait na kahapon ang aking pag-iisip,
Sa bawat pagtulog ay may mapait na panaginip,
Isang nakaraan na hindi na nais masilip,
Nang iwan mo akó habang nasa malalim na pagkakaidlip.

Ilang taon ang nagdaan na hindi kita kasama,
Ang tampo ko noon sa iyo ay naging galit na,
Bakit nga ba mas pinili mo’ng iwan akó at ang aking ama?
Para nga lang ba sa trabaho o sa pera?

Ang sabi nila ito ay para din sa akin,
Sinubukan kong unawain ito at intindihin,
Ngunit hindi, hindi ko magawa
Pakiramdam ko’y sadya akong binalewala.

At ngayon nga ay bigla ka na lamang dumating,
Muling nagbalik sa aming piling,
At heto akó at napaiiling,
Nagmatigas sa una, ngunit nakuha mo rin sa iyong paglalambing.

Sadyang iba pa rin talaga kapag ikaw na ang kasama,
Aking ina, sana’y hindi na umalis pa.
Ipapangakong simula ngayon ay mas mamahalin ka na.
Sa piling mo sana’y hindi na mawalay pa.

Nang matapos ka ay noon mo lamang din napagtanto na nanginginig na ang iyong kamay na may hawak sa iyong kodigo, at nang bumalik ka ng tingin sa mga tao, nakita mo ang iyong ina na papalapit na sa iyo.

Namumugto ang mga mata nito, ngunit isang malawak na ngiti ang masisilayan sa kaniyang mga labi.

“Salamat, anak. Mahal na mahal ka ni mama. Oo, hindi na akó aalis pa,” turan nito nang makalapit sa’yo at hindi na nagdalawang-isip na yakapin ka. “I love you too, Ma.” At yumakap ka rito pabalik.

Naramdaman mo na may isa pang yumakap at nang nilingon mo ito ay nakita mo ang iyong ama.

Narinig mo na lamang ang malakas na palakpakan ng mga tao. Hindi mo maiwasan ang mangiti. Heto na nga, magsisimula na. Ang panibagong yugtô ng inyong samahan bilang pamilya ay sisimulan niyo na.

PHOTO CREDITS TO GOOGLE


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

ACCIDENTALLY KISS IN SUMMER

#SummerFling I really hate summer, hindi dahil sa init ng panahon, hindi rin dahil sa wala akong pera para makapagbakasyon, swimming at magtampisaw sa beach. It was because of the heart breaks I had.

Image Description
Yazuakie
01 May 2018
ACTIVE NOW

What if you have fallen into love with the most unexpected person at the most unexpected time? Will you rather ignore your heart or follow its beat?

Image Description
Sassy Missy
24 April 2018