Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Ilang tao ang nakulong sa isang apartment building sa Tondo dahil sa isang quarantine lockdown. Kasabay nito ang pagkakaroon ng di-umano'y epidemya sa loob. Ano nga ba ang tunay na nangyayari rito?

JESSICA


Hindi ako makapaniwala sa aking nakikita. Nasa harapan namin ngayon ang dati kong nobyo na si Ian. Pawisan ito at hinihingal na animo’y may hinahabol. Ano’ng ginagawa niya rito? Paano siya nakapasok dito?

“Kilala mo siya, Jessica?” narinig kong tanong ni Rafael.

Tumango ako bilang sagot pero ang aking tingin ay nakatuon pa rin kay Ian. Dali-dali siyang lumapit sa akin, at ikinagulat ko nang bigla niya akong yakapin. “Buti’t walang masamang nangyari sa `yo,” aniya.

Agad ko siyang itinulak palayo sa akin. Nakita ko ang gulat sa kaniyang mukha. Nanumbalik sa akin ang mga alaala at emosyon na idinulot niya sa akin. Bumalik ang alaala ng pagtataksil sa akin, isang bagay na hindi ko makakalimutan.

“Huwag mo akong pinaglololoko, Ian. Wala na tayo, `di ba? Nakipaglandian ka sa best friend ko! Siya ang bago mong jowa!” bulyaw ko.

Napakunot siya ng noo. “What! Si Karen? What are you talking about, Jessica?” tanong niya. Kinamot niya ang kaniyang manipis na balbas at hinawi ang mahabang buhok na nakatakip sa kaliwang bahagi ng kaniyang mukha.

Matinding galit ang biglang nangibabaw sa akin. Lumapit ako sa kaniya at agad siyang sinampal sa mukha. Napahawak sa pisngi ang lalaki.

“Ang kapal din ng mukha mo, `no! Huwag ka ngang umarte na wala kang maalala! Nakipag-sex ka sa best friend ko. Naging kayo! Sinaktan mo na ako, Ian. Hindi ko na hahayaan na saktan mo uli ako!” bulyaw ko.

“Saan mo `to narinig, Jessica? Si Karen ba ang nagsabi nito sa `yo? Walang namamagitan sa amin! Ikaw lang ang mahal ko!” sagot ni Ian. Laking-gulat ko nang makita ko ang luha mula sa kaniyang mga mata. Ano’ng nangyayari?

Alam kong hindi dapat ako magpaloko sa kaniya. Nagawa na niya dati `to sa akin at gagawin niya uli ito. “Bakit ka naririto, Ian? Bumalik ka na kay Karen!”

“H-hindi ko alam.”

“Ano’ng hindi mo alam?”

Napakunot ng noo ang lalaki. “Hindi ko alam kung bakit ako naririto,” sagot niya.

“What? Wala akong time para sa joke mo, Ian!” Akmang sasampalin ko na uli si Ian nang biglang hawakan ni Rafael ang kamay ko. Tumingin ako sa kaniya. “Ano?”

Umiling lamang si Rafael sa akin. Napunta ang atensyon niya kay Ian. “Hindi ka tagarito, `di ba?” tanong niya. Nang umiling ito, dagdag niya, “Paano ka nakapasok dito?”

“Paano’ng nakapasok? Siyempre sa harap na entrance ng building,” nagtatakang sagot ni Ian.

Bumalik ang tingin sa akin ni Rafael. “Mukhang hindi niya maalala kung bakit siya naririto,” wika niya.

“Imposible namang mangyari `yon!” bulyaw ko.

“May problema ba? Bakit ganito ang inaasal niyo?” tanong ni Ian.

Si Robert na ang sumagot sa kaniya. “Hindi ka makakapasok dito mula sa main entrance, Sir Ian. Naka-lockdown ang gusaling ito at walang sino man ang puwedeng pumasok.”

“What? I’m pretty sure na do’n ako pumasok.” Napakunot muli siya ng noo. “Hindi ko na matandaan.”

Ano’ng nangyayari sa dati kong nobyo? Parang kakaiba ang inaasal niya? Talaga bang wala siyang maalala? Muli ay nagkatinginan kami ni Rafael at bakas sa mukha niya ang pagtataka. Alam kong nakikita niya ito sa aking mukha.

Mayamaya’y hinila niya ako palayo kay Ian at Robert.

“Kailangan muna nating bumalik kina Anne. Kailangan natin siyang isama para malaman natin kung nagsisinungaling siya,” bulong sa akin ni Rafael. Mukhang minabuti niya na hindi ito marinig ni Ian.

“Paano kung malaman niya ang ginawa ko kay Karen?” tanong ko. Tumindig ang balahibo ko sa katawan nang isinariwa ko ang aking nagawa kamakailan lang.

“Hindi ko alam pero hindi natin siya puwedeng iwan. Siya lang ang nakaalam ng daan para makaalis tayo rito,” wika ng pulis.

Tumango na lamang ako. Labag man sa kalooban ko ay kailangan kong sumang-ayon. Kailangan naming makaalis sa lugar na `to. Kailangan namin ng tulong. Mukhang si Ian ang taong `yon.

“Babalik tayo sa tinataguan namin hanggang sa bumalik ang alaala mo, Ian,” wika ni Rafael.

“Alaala? Ano’ng pinagsasabi mo? Kakaiba na ang inaasta mo, pati na rin Jessica.” Nagsimula nang magalit ang lalaki.

“Totoo ang sinasabi namin, Ian. Nasa lockdown ang gusaling `to at walang sino man ang dapat na makapapasok pero nagawa mo. At hindi mo na ako girlfriend. Kayo na ni Karen,” pagpapaliwanag ko.

“That’s absurd! Hindi ko magagawa na makipag-break sa `yo!” sigaw niya.

“But you did. And we are over, Ian. I know na wala kang maalala at hindi ko alam kung paano `yon nangyari, but please, don’t treat me like I’m still your girlfriend,” wika ko.

Hindi na nakapagsalita si Ian. Nagsimula na akong maglakad, bitbit ang makapal na folder na naglalaman ng mga kontrata ng mga tao sa gusaling ito. Nabalot ng katahimikan ang paligid nang maglakad kami patungo sa hagdanan na magdadala sa amin sa ika-sampung palapag kung nasaan ang aking unit.

Akmang hahakbang na siya paakyat nang makarinig siya ng sigaw—mula sa isang tao na humihingi ng tulong. Nakarinig ako ng mga yabag na papalapit sa amin. Nang ilawan ni Rafael ang pinanggagalingan ng tunog gamit ang dala niyang flashlight, hindi ko inaasahan ang nakita namin.

Si Dra. Ingrid na nakasuot pa rin ng hazmat suit ngunit duguan na ito.

“Tulong,” tanging nasabi niya bago siya humandusay sa sahig.

Dali-dali kaming lumapit sa kaniya. Inalalayan siya ni Rafael para makaupo. Hinabol naman ng doktora ang kaniyang hininga. Hindi lamang sa kaniyang kasuotan may dugo. Mayroon sa kaniyang mukha’t leeg. Nangagaling ang karamihan nito sa animo’y saksak sa kaniyang tagiliran.

“Ano’ng nangyari sa `yo?” tanong ni Rafael.

“H-halimaw,” sagot ng doktora.

“Katulad ng pumatay kay Gilbert?” tanong ni Robert.

“G-Gilbert? Nakita ko siya… ang bangkay niya,” aniya.

“Paano mo nakita ang bangkay niya?” tanong ko. Nang napagtanto ko ang kanilang ginawa, agad kong sinabi, “Pumunta kayo sa lagusan palabas dito?”

Tumango si Ingrid bilang sagot. “Nando’n kami para maghanap ng clues tungkol sa ginagawa ni Yusof pero hindi namin inaasahan ang makikita namin.”

“Nagtungo kami ro’n pero hindi rin kami makadaan dahil sa may kung ano ro’n—isang halimaw, katulad ng sabi mo. Pinatay nito si Gilbert.” Rinig ko ang galit sa boses ni Rafael.

“Naroroon siya at inatake niya kami. Hindi ko alam kung paano ako nakatakas. Napagkabilis ng mga pangyayari,” ani Ingrid.

“Ano’ng pinag-uusapan niyo? Hindi ko kayo maintindihan!” biglang sabi ni Ian.

“Manahimik ka muna, Ian!” bulyaw ko. “Sasabihin din namin sa `yo ang lahat ng puwede mong malaman.”

Hindi na nagsalita muli ang lalaki.

“Kailangan nating bumalik do’n,” wika ni Rafael.

“Nahihibang ka na ba? Delikado na bumalik do’n, Rafael!” pasaring ni Robert.

“Naroro’n ang sagot sa mga katanungan natin. Hindi lang natin nakikita. Kailangan nating bumalik doon at harapin ang kung anong halimaw na naroroon,” pamimilit ni Rafael.

“Pero alam mo naman ang ginawa ng halimaw na `yon kina Gilbert at Dra. Ingrid!” sigaw ko. “Ayaw kong may buhay pang mawala.”

“Kung hindi natin `to gagawin, hindi tayo makalalabas nang buhay rito, tandaan niyo `yan,” wika ni Rafael. Nagkatitigan kami ni Rafael at kung ano sa kaniyang tingin na nagpatigil sa akin. Hindi ko na magawang makapagsalita pa.

“Kakailanganin natin ng armas kung gusto mong gawin natin `to,” ani Robert. “Wala sa atin ang mga baril natin.”

“May d-dala ako,” sambit ni Dra. Ingrid. Mula sa malaking bulsa ng kaniyang hazmat suit ay isang baril ang kaniyang inilabas. “Ginamit namin ang mga baril niyo para depensahan ang aming sarili pero sadyang mabilis ang halimaw.”

“Ipaghihiganti ko si Gilbert. Papatayin ko ang halimaw na `yon,” ani Rafael.

“Mag-iingat kayo. H-hindi ko alam ang nangyayari sa g-gusaling `to, pero may k-kung ano na nangingibabaw rito. Para b-bang isang buhay na nilalang ang l-lugar na `to. Kahit ako’y nata-tatakot,” sabi ng doktora.

“Bago tayo tumuloy, kailangan muna nating lunasan ang saksak mo,” ani Robert.

“Saksak?” biglang bulong ni Ian. Nang tumingin ako sa kaniya, pansin ko ang panlalaki ng kaniyang mga mata. Tila natulala na rin ito.

“Ian? May problema—” Natigilan ako nang makaramdam ako ng matinding sakit sa aking ulo. Tila ba may tumitibok sa loob nito, akmang sasabog na. Bumilis ang aking paghinga at nagsimula akong magsisisgaw.

Narinig ko ang sigaw ng aking mga kasama ngunit nasapawan ito ng sakit na aking nararamdaman. Tila naglaho lahat ng ingay sa paligid, tanging ang tunog ng isang pusong tumitibok ang aking narinig.

Biglang isang imahe ang aking nakita.

Isang bata na nakatayo. Pamilyar ito. May hawak siyang teddy bear, at isang pintuan ang kaniyang tinititigan. Kahit sa dilim ay nakikita ko ang ngiti sa kaniyang mga labi. Tumingin ako sa paligid at laking-gulat ko nang hindi ko makita sina Rafael, Robert, Ian, at Dr. Ingrid. Ako na lang ang natitira sa pasilyo kasama ang naturang bata—ang babae na ilang beses nang nagpakita sa akin.

“Ano’ng pakiramdam, Jessica?” tanong ng bata.

“Ng ano?”

Tumingin ang batang babae sa akin, ngiti’y nananatili sa kaniyang mga labi. “Ano’ng pakiramdam nang pumatay, Jessica? Masarap na dumanak ang dugo sa `yong mga palad?”

Nanlaki ang aking mga mata. “Paano mo nalaman?”

“Lahat ng mata niyo’y mata ko rin. Nakikita ko ang lahat. Alam ko ang lahat, Jessica.” Tumawa ang bata at muling tumingin sa pinto na kanina pa niyang tinititigan.

Napagtanto ko na pinto `yon ng storage room kung saan namin inilagak ang bangkay ni Karen.

“Malalaman at malalaman niya rin ang ginawa mo, Jessica.” Humagikgik ang bata sabay tingin sa akin. “Ano kayang magiging reaksyon ni Ian kapag nalaman niya na ikaw ang pumatay sa best friend mo?”

“H-hindi ako ang pumatay sa kaniya!” tanggi ko. Nagpatuloy ang bilis ng tibok ng aking puso. Nahihirapan na akong huminga. Animo’y may bumabara sa aking lalamunan.

“Kahit ano’ng tanggi mo, Jessica, alam mo sa sarili mo na ginawa mo `to. Ikaw ang pumatay sa kaniya!”

“HINDI!” sigaw ko bago ko takpan ang aking mga kamay.

Ngunit ang kaniyang tawa’y umalingawngaw sa buong kapaligiran. Paulit-ulit. Palakas nang palakas. Nagsimula akong sumigaw, itinatanggi ang krimen na aking ginagawa, ngunit ang boses ng batang babae ay patuloy pa rin na nangingibabaw. Ang tawa nito’y nagpatindi ng takot na aking nararamdaman.

Ipinikit ko ang aking mga mata at sumigaw nang ubod ng lakas. Para bang nakadepende rito ang buhay ko. Halos mamaos na ako at mawala ng hininga.

At nang idilat ko ang aking mga mata, nawala bigla ang sakit ng aking ulo. Hindi na ako nakatayo, bagkus ay nakaluhod na ako sa sahig. At naririnig ko muli ang boses ng mga kasama ko. Hindi ko na rin nakikita ang pinto ng storage room.

“A-ano’ng nangyari?” tanong ko sa sarili ko.

“Okay ka lang, Jessica?” narinig kong tanong ni Ian.

Tumingin ako kay Ian nang may takot sa aking dibdib. Kailangang hindi niya malaman ang aking ginawa. Hindi ko hahayaan na malaman niya na pinatay ko si Karen. Kahit ano’ng mangyari, mananatili ang bangkay ni Karen sa silid na `yon. Hinding hindi na `yon makikita. Hindi maaari.

“Sumakit na namana ng ulo mo?” tanong ni Robert.

“Isang sintomas,” banggit ni Dra. Ingrid.

“Sintomas ng pagsabog ng ulo? Aware kami ro’n,” sagot ni Rafael.

Umiling si Dra. Ingrid. “Wala talaga kayong ideya sa kung ano’ng nangyayari rito?”

“Dahil ayaw mong sabihin sa amin!” sigaw ni Robert. “Kailangan mo nang umamin! Isang outbreak ba ang nangyayari rito? May ideya ka na sa kung ano ang cause nito?”

“Totoo na isa itong act ng bioterrorism na gawa ni Yusof. Ang hindi niya alam ay hindi lang simpleng pagsabog ng ulo ang nagaganap sa gusaling ito, may mas malala pa,” saad ng doktora.

“Ano pa’ng nangyayari?” tanong ko. Napalunok ako nang mariin, hinihintay ang sagot ng doktora.

“I r-realized na ang halimaw na n-nakita namin sa lagusan dito ay h-hindi pangkaraniwan. Hindi s-siya ginawa ng isang tao—o ni Yusof,” sagot niya. “Isa talaga siyang nilalang na hindi galing sa planeta natin.”

“What do you mean?”

“It’s not a creature here on Earth. It came from somewhere else. At si Yusof ang unang nakadiskubre nito,” dagdag ng doktora.

“How can you be so sure?” tanong ni Rafael.

“Wala akong taglay na data to prove this, but they’re here, and they live within us.”

Napakunot ako ng noo. Wala akong maintindihan sa sinasabi niya. Para bang isang puzzle ang sinasagot ko at hindi ko ito mabuo-buo.

“Hindi ka namin maintindihan, Dr. Ingrid,” wika ni Rafael. Tumango ako bilang pagsang-ayon.

“They’re all in your heads. Nakatira sila sa mga ulo ng mga taong nakatira rito, at ang pagsabog ng mga ulo niyo ang hudyat ng paglabas nila sa mundong `to.”

Tila ba nanuyo ang dugo sa aking katawan. Hindi ako makagalaw dahil sa gulat.

Hindi lang nag-iisa ang halimaw na nakita namin sa lagusan. Marami sila at nakatira sa bawat residente na nasa gusaling ito, naghihintay na lumaki at makalabas sa mundo.

At ang hudyat nito’y ang pagsabog ng aming mga ulo.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE