Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Ilang tao ang nakulong sa isang apartment building sa Tondo dahil sa isang quarantine lockdown. Kasabay nito ang pagkakaroon ng di-umano'y epidemya sa loob. Ano nga ba ang tunay na nangyayari rito?

Malalim na ang gabi. Tanging maririnig na lang sa lansangan ng Tondo ang mga dyip na patuloy na dumadaan, mga drayber na patuloy na naghahanap ng pasahero kahit na hatinggabi na. Sa harap ng isang malaking gusali na may sampung palapag, isang puting taxi ang tumigil. Lumabas ang isang lalaki at sinalubong ng isang malalim na paghinga ang pagtapak niya sa labas ng tinitirhan.

Tuluyan nang umalis ang taxi at nananatiling nakatitig pa rin ang lalaki sa malaking gusali, isang apartment kung saan siya nagrerenta ng isang unit. Nasa edad trenta na ang lalaki, nagsisimula nang magkalbo ang kanyang ulo, maputi, at may kakisigan. Ang kanyang mukha ay may bahid ng pighati, na para bang ayaw na niyang bumalik sa lugar na iyon.

Pero wala siyang magagawa. Napapagod na siya at kailangan niyang mamahinga.

“Cristie,” bulong niya. Ang tono ng kanyang boses ay napaghahalataang may kasamang kalungkutan. Ipinikit niya ang mga mata at umiling. Nanunumbalik na naman ang sakit ng kanyang ulo. Mas matindi na ito kaysa sa dati.

Muli niyang tinitigan ang gusali. Lumang luma na ito, hindi na napipinturahan ang mga pader na may mga bitak. Ang mga salamin ay halos nangingitim na’t hindi nalilinis. Patay na ang ilaw sa bawat unit ng mga okupante.

Humakbang na ang lalaki papasok ng naturang gusali. Ang bigat ng kanyang mga hakbang. Nang buksan niya ang pinto, sumilip siya para batiin ang guwardiya. Ngunit laking gulat niya nang hindi niya ito makita. Karaniwan kasi itong nakapuwesto sa isang sulok, nakaupo sa isang upuan at binabantayan ang pinto sa mga taong hindi naman tumitira sa gusaling iyon.

Hindi na pinansin ng lalaki ang kawalan ng presensya ng guwardiya. Nagsimula na siyang pumanhik sa ika-sampung palapag ng gusali gamit ang elevator. Pagkasakay ay sumandal siya sa pinakamalapit na pader ay bumuntong hininga. Matinding pagod na ang kanyang nararamdaman at ginagawa niya ang lahat para makalimutan ang mga nangyari sa kanyang buhay.

Walang anu-ano’y napasigaw ang lalaki at hinawakan ang ulo. Nakakaramdam na siya ng matinding sakit. Halos bunutin na niya ang natitirang buhok sa kanyang ulo dahil sa tindi ng kanyang nararamdaman.

“Ano ba `tong nangyayari sa akin? Shit!” pagmumura ng lalaki. Napaupo na siya sa sahig dahil hindi na niya makaya pa ang pagpintig ng kanyang ulo.

Biglang bumukas ang pinto ng elevator. Hindi na namalayan ng lalaki na nasa ika-sampung palapag na pala siya. Halos hindi na niya kasi mabuksan ang mga mata dahil sa sakit na nararamdaman. Hinanap niya ang pintuan at kumapit doon. Saka niya inalalayan ang sarili sa pagtayo.

“Puta, bakit ba mali ang timing ng migraine ko?! Gusto ko nang magpahinga!” bulyaw niya. Umaalingawngaw lamang ang kanyang boses.

Pagkalabas niya sa elevator ay agad siyang naghanap ng pader na puwedeng kapitan. Nanatili muna siya roon at humiling na sana’y humupa na ang sakit na nararamdaman ng kanyang ulo. Sa loob ng isang araw ay pabugso-bugso itong nangyayari at palala pa ito nang palala.

Laking gulat na lang niya nang bigla itong tumigil. Napadilat siya at napatingin sa paligid. Hindi na siya nakakaramdam ng sakit sa ulo, na para bang hindi ito nangyari. Ganito na lang parati ang nangyayari. Magpaparamdam ang karamdaman niya at mawawala rin matapos ng ilang minuto. Ngunit sa bawat pagdating nito’y mas lalo itong tumitindi.

Bumilis ang kanyang paghinga. Gayon din ang pagtibok ng kanyang puso. Para bang may nararamdaman siyang kakaiba at natatakot siya rito. Sinisayat niya ang bulsa ng kanyang pantalon at nakuha ang susi ng kanyang unit.

“Marahil ay sobrang pagod lang talaga ito,” bulong niya sa sarili.

Ilang araw na kasi siyang overtime sa trabaho, at lagi na niyang napapabayaan ang sarili lalo na’t siya na lang ang mag-isa sa unit. Sumagi sa isipan ng lalaki ang mga panahong hindi siya nag-iisa. May inuuwian siya. May naghahanda sa kanya ng pagkain. May nag-aalaga sa kanya.

Walang ano-ano’y tumulo ang luha mula sa mata ng lalaki. “Nami-miss na kita, Cristie,” iyak niya. “Bakit mo kasi ako iniwan?”

Nagsimula siyang maglakad. Tuliro at wala na sa sarili. Nanunumbalik na naman kasi ang mga nagpapaalala sa kanya na siya na lang ang mag-isa, iniwan na siya ng kanyang pinakamamahal. Tuluyan itong nagapi ng kanser, isang malalang sakit na sumira sa buhay ng lalaki. Isang malubhang sakit na hinihiling niya’y pumatay rin sa kanya.

Nang makarating na siya sa pinto ng kanyang unit ay binuksan na niya ang pinto at pumasok. Binuksan niya ang pinto nang nanghihina at hindi na pinapansin ang paligid. Pagkasara ng pinto’y hinanap na niya ang switch ng ilaw at binuksan iyon. Aabante na sana siya ngunit isang bagay ang umagaw ng kanyang pansin.

Isang tao na nakatayo sa gitna ng kanyang unit.

Nakasuot ito ng pulang bestida, may maikling buhok na abot lamang hanggang balikat, maputla ang balat, at mabibilog ang kanyang mga mata. Napagtanto agad ng lalaki kung sino ang naturang babae. “Cristie,” ang kanyang bulong.

Ginantihan naman siya ng babae ng isang matamis na ngiti. “Leonardo. Kumusta ka na, Honey?” bati ng babae.

Napaatras si Leonardo at napasandal sa pinto ng kanyang unit. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita. Si Cristie ay buhay at nakatayo mismo sa kanyang harapan na para bang walang nangyari. Na parang hindi siya namatay. Paano ito nangyari?

“Bu-buhay ka?” nauutal na tanong ni Leonardo. “I-imposible.”

Napakunot ng noo si Cristie. “Bakit naman, Honey? Buhay na buhay ako. Bakit mo naman itinatanong `yan? Hindi pa ako patay!” sagot ng kanyang kasintahan.

Umiling ang lalaki. “Namatay ka na four months ago! Paano ito nangyari?” nagtatakang tanong ng lalaki. Takot pa rin siyang lumapit sa kanyang yumaong kasintahan na mukhang buhay ngayon. “Hindi ito totoo! Hindi ito totoo!”

Bigla na lang nagbago ang hitsura ni Cristie, ang kaninang nakangiti ay napalitan ng nakakatakot na ekspresyon. Matinding galit ang nakikita sa kanyang maputing mukha. Nakaramdam ng takot si Leonardo. Kailanman, hindi niya pa nakikita ang ganitong ekspresyon sa mukha ng kasintahan.

“Kasalanan mo `to, Leonardo! Gusto ko pang mabuhay pero sumuko ka na! Hinayaan mo na tanggalin ng mga doktor ang makina na bumubuhay sa akin! Gusto pa kitang makasama, Leonardo! Paano mo ito nagawa sa akin?” galit na paglalahad ni Cristie. Nagsimula na itong humakbang patungo kay Leonardo.

“Ayaw na kitang mahirapan pa! Unti-unting nadudurog ang puso ko sa tuwing nakikita kitang nahihirapan, Cristie! Ayaw ko na!” sigaw ng lalaki. Nagsimula nang tumulo ang luha mula sa kanyang mga mata.

Nagsimulang manlaki ang mga mata ni Cristie. Naging itim na rin ang kabuuan nito. Ang kanyang panga ay nagsimulang humaba. “GUSTO KO PANG MABUHAY! BAKIT MO AKO PINATAY?!” malakas na sigaw nito. Lumapit siya kay Leonardo at hinila ito sa kuwelyo ng kanyang kasuotan. Itinulak niya ito bunga upang tumama sa kabilang pader ang lalaki. Napaupo ito sa sakit ng katawan na kanyang natamo.

“TULONG!” sigaw ng lalaki ngunit tinawanan lamang siya ng Cristie, na nanunumbalik na sa dati ang kanyang hitsura.

“Walang makakarinig sa `yo, Leonardo. Mamamatay ka na ngayon. Magsasama na tayo,” wika nito.

“Hindi—” Nakaramdam muli ng matinding sakit sa ulo si Leonardo. Mas matindi na ito kaysa sa kanina. Para bang may kung ano na nais lumabas mula sa kanyang bungo. Isang malakas na sigaw ang inilabas ng lalaki.

Naririnig niya ang pagtawa ni Cristie ngunit hindi na niya ito makita pa. Nagsisimula nang tumirik ang kanyang mga mata. Nais humingi ng tulong ni Leonardo ngunit hindi na niya magawa dahil sa nanginginig na ang kanyang katawan. Napupuno na ng pawis ang kanyang katawan.

Unti-unting bumubukas ang panga ni Leonardo ngunit pag-ungol na lamang ang kanyang nagagawa. May namumuo na ring bukol sa itaas ng kanyang ulo at palaki ito nang palaki. Sa tagpong iyon, isang nakabibinging sigaw ang lumabas sa bibig ni Leonardo. Halos lumabas na ang kanyang lalamunan sa kanyang pagsigaw.

At nagsimulang sumabog ang itaas ng kanyang ulo! Tumalsik ang dugo sa bawat bahagi ng unit, napipinturahan ng pulang likido ang lumang mga pader. Naligo ang katawan ng lalaki sa pulang dugo, umaagos sa sementadong sahig.

Humandusay ang katawan ni Leonardo. Halos hindi na matukoy pa ang mukha nito. Bukas ang itaas na bahagi ng ulo niya at nagkalat ang utak niya sa paligid. Ang kaliwa niyang mata ay nakalaylay na sa kaliwa niyang pisngi. Ang gilid ng kanyang labi ay tila ba napunit dahil sa paghihiwalay ng kanyang mga panga.

At sa loob ng kanyang ulo, sa bahagi kung nasaan sana ang kanyang utak ay may kung ano na gumagalaw, nabubuhay...


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE