Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Ilang tao ang nakulong sa isang apartment building sa Tondo dahil sa isang quarantine lockdown. Kasabay nito ang pagkakaroon ng di-umano'y epidemya sa loob. Ano nga ba ang tunay na nangyayari rito?

RAFAEL


Sinimulan na naming buhatin ni Robert si Dra. Ingrid para dalhin sa unit ni Jessica. Kasunod namin sina Ian at Jessica habang tinatahak namin ang madidilim na pasilyo at hagdan, makarating lamang sa aming paroroonan.

Pansin ko ang katahimikan ng paligid na para bang walang nangyayari. Pakiramdam nasa isang abandonadong gusali kami at hindi ito isang apartment building kung saan maraming nakatira. Masama ang pakiramdam ko sa mga mangyayari.

“Saan tayo pupunta?” narinig kong tanong ni Ian.

“Sa unit ko,” sagot ni Jessica. “Kailangan muna nating magsama-sama para pag-usapan ang mga dapat gawin at para magamot si Dra. Ingrid.”

“Bakit sa unit mo pa? Out of all places, do’n pa?” ani Ian.

Napalingon na lang ako sa kanilang dalawa nang marinig kong sumagot si Jessica. “Ano’ng pake mo kung pinapapasok ko sila sa unit ko? Wala ka man maalala pero tandaan mo na wala na tayo, Ian. Hindi na kita boyfriend. Get it?”

Napatingin sa akin si Jessica. Ngumiti na lamang ako sa kaniya habang siya’y napabuntong-hininga. Hindi kami huminto sa paglalakad hanggang makarating kami sa aming paroroonan. Ngunit bago pa man kami makapasok sa unit ni Jessica ay isang tao ang agad na sumalubong sa amin sa labas—si Carlo.

Nang makalapit siya sa amin, doon ko lang napansin ang pagpapawis ng kaniyang mukha’t katawan. Natataranta nito at halos hindi makapagsalita.

“Si-si Anne!” nauutol niyang sigaw.

Napakunot ako ng noo. “Ano’ng nangyari kay Anne?” tanong ko.

“Nawawala siya! Natulog lang kami, nagpahinga matapos ng mga nakakatakot na pangyayari,” mabilis nitong saad. “Pagkagising namin ni Aling Martha, wala na siya!”

“Paano nangyari 'yon?” tanong ni Jessica.

“May nagbukas ng pinto. Marahil siya, marahil iba. Hindi ko alam!” Nagsimula nang umiyak ang lalaki. “Hindi alam ni Aling Martha ang kaniyang gagawin! Gusto niyang hanapin si Anne pero hindi niya alam kung saan magsisimula.”

Tumingin ako kay Roberto. “Dalhin muna natin sa loob si Dra. Ingrid,” wika ko. Tumango bilang sagot ang aking kasama at nagmadali kaming pumasok sa loob ng unit. Doon ko nakita si Aling Martha, patuloy na lumuluha habang nakaupo sa sofa. Nang makita niya kami niya kami ay dali-dali siyang tumayo para bigyan kami ng daan at espasyo sa sofa kung saan namin inilagay si Dra. Ingrid. Pansin ko na namamahinga na ito at hindi na nagsasalita pa. Kailangan na naming gumawa ng aksyon.

“Hanapin niyo si Anne, please,” pagmamakaawa ni Aling Martha.

“Ano ba’ng nangyari? Hindi aalis si Anne nang gano’n-gano’n lang,” ani Jessica pagkasara niya ng pinto ng unit kung nasaan kami ngayon.

“Lumalala ang mga bagay-bagay. Hindi ko maipaliwanag pero nakarinig kami ng mga boses,” sagot ni Carlo.

“Mga boses?” tanong ni Ian.

Napagawi ang mga mata ni Carlo sa direksyon ni Ian at napakunot siya ng noo. Nagkatitigan sila ni Jessica at napansin ko na iniwasan niya ito ng tingin. Tumikhim si Carlo at saka ibinalik ang atensyon sa lalaking nagtatanong.

“Mga boses nang namatay na. Narinig naming tatlo,” wika ni Carlo. Nanlalaki ang kaniyang mga mata, animo’y hindi pa rin makapaniwala sa kaniyang nasaksihan. “Narinig namin ang boses ni Magda at ng iba pa. Kumakatok sila sa pinto. Gusto nilang makapasok.”

“Paano nangyari 'yon? Narinig niyo silang lahat?” tanong ni Jessica.

Umiling si Carlo. “Hindi ko inaasahan na maririnig namin silang lahat. Para bang konektado lahat ng utak namin. Nasasaksihan ng isa ang nasasaksihan ng pangalawa. Ang weird. Minsan naman may nakikita ako na hindi nakikita ng iba. Tulad ng batang babae,” bulong niya. “Akala ko nga nababaliw na ako.”

Napakunot ako ng noo sa pagtataka. “Batang babae. Sino’ng bata ang tinutukoy mo?”

“One time kasi nakakita ako ng isang bata na ang weird magsalita. Para bang nagpapahiwatig siya sa mga nangyayari sa building na 'to. Sinasabi niya na mamamatay tayong lahat dito,” paliwanag ng lalaki.

Kinutuban ako. Masama ang pakiramdam ko sa kinukuwento ni Carlo. “Kaya mo bang i-describe ang hitsura ng batang 'yon?” tanong ko.

“Maputla siya, mahaba ang buhok. May dala siyang teddy bear sa pagkakatanda ko. Nakita ko siya habang kasama si Marivic, kaibigan ko, pero hindi niya nakikita 'yong bata. Pasulpot-sulpot na lang siya na parang kabute,” dagdag ng lalaki.

Nanlaki ang mga mata ko nang napagtanto. “Nakikita mo siya?”

“Huh?” Bahid ang pagtataka sa mukha ni Carlo.

“'Yong batang babae. Nakikita mo rin siya?” tanging nasabi ko. “Ang ibig sabihin, hindi siya nakikita ng lahat?”

Narinig ko ang singhap ni Jessica, ngunit hindi siya nakatingin sa amin. Bagkus ay nakatuon ang kaniyang atensiyon sa pintuan palabas ng unit. Nang napagawi ang aking mga mata sa bahaging 'yon, hindi ko inaasahan ang aking nakita.

Nakatayo roon ang batang babae, hawak-hawak ang kaniyang teddy bear.

Duguan ang kaniyang mukha.

Nagsimula itong bumungisngis. “Mamamatay na kayo. Mamamatay na kayo.”

“Sino ka? Ano’ng kailangan mo sa amin?” tanong ko.

“Si-sino ang nakikita niyo?” narinig kong tanong ni Ian. Halata ang kaba sa kaniyang nanginginig na boses.

Hindi niya nakikita ang bata, wika ko sa isipan ko.

“Sino ka? Bakit kami lang ang nakakakita sa 'yo?” tanong ni Robert.

Lalong lumapad ang ngiti nito na animo’y aabot na sa magkabilang tainga. Sinimulan niyang iugoy ang hawak na laruan habang patuloy sa pagbungisngis.

“Nasaan ang katuwaan doon? Ang tangi ko lang masasabi ay kilala niyo ako. Kilala ako ng mga nakakakita sa akin. Nakikita ako ng mga katulad niyo na malapit nang mamatay,” sagot niya.

Bigla itong humarap sa pinto at nagsimulang maglakad. At tulad ng isang multo, tumagos ito sa piraso ng kahoy at nawala na parang bula. Wala ako ideya sa sumapi sa akin dahil dali-dali akong pumunta sa pinto at binuksan ito. Narinig ko ang sigawan ng mga kasama ko ngunit hindi ko na sila pinakinggan pa.

Nang makalabas ako, isang kakaibang senaryo ang aking nasaksihan. Hindi kalayuan sa pintuan ng unit ni Jessica ay may tatlong kalalakihan na nag-uusap, pawang nagbubulungan. Walang bakas ng batang babae sa paligid.

“Rafael, nasaan na—” Napatigil si Jessica na mapansin niya ang tatlong lalaki.

At hindi na nagsasalita pa ang mga ito. Nakatingin na sila sa amin. Ngunit sa kadiliman ay hindi ko makita ang kanilang hitsura ngunit alam ko na ang atensiyon nila ay nasa amin. Hindi sila gumagalaw ngunit ramdam ko ang tingin nila sa amin ni Jessica.

“May hinahanap kayo?” narinig kong tanong ng isa sa tatlong lalaki.

“Isang bata,” agad ko namang sagot. Batid ko ang pagbilis ng tibok ng aking puso.

“Batang babae? Akala ko isang buntis ang hinahanap niyo,” wika ng isa pang lalaki.

Tumigil ang aking panghinga nang napagtanto ko kung sino ang kanilang tinutukoy. Bumilis ang aking paghinga nang nakaramdam na akong galit. Si Anne ang tinutukoy nila, sigurado ako. Pero paano nila nalaman na nawawala ang isa sa kasama namin?

“Sino kayo? At paano niyo nalaman na nawawala si Anne?”

Tumawa ang isa sa mga lalaki. “Hawak niya ang kasama niyo. Nakakatuwa, 'di ba? Naaayon na ang lahat sa mga plano niya.”

“Sino’ng ‘niya’ ang tinutukoy niyo?” narinig kong tanong ni Jessica. “At ano ang gagawin niyo kay Anne?”

“Simple.” Nagsimulang gumalaw ang ulo ng lalaking nagsasalita, pagewang-gewang na para bang hindi na nito kinakaya ang bigat ng sariling ulo. “Kailangan siya ng reyna namin.”

At isa-isang sumabog ang ulo ng mga lalaki. Bagama’t hindi ko kita ang kabuuan ng kaganapan, alam ko na dumanak ang dugo sa paligid. Ang katahimikan naman ay nabasag nang biglang sumigaw nang ubod ng lakas si Jessica. Ang nakakapagtaka pa rito ay nakatayo pa rin ang tatlong lalaki na animo’y walang nangyari sa kanila.

Umatras ako at hinarang ang aking sarili sa kaniya.

“Ano’ng nangyayari?” narinig kong tanong ni Aling Martha. Mukhang lumabas ng unit ang aking mga kasama.

“Namamalikmata ba ako o kalahati na lang ang ulo nila?” tanong ni Ian. Kahit madilim ay naaaninag namin mula sa ilaw sa labas ng mga bintana ang anino ng mga lalaki. Wala na ang itaas na bahagi ng kanilang mga ulo, katuld ng nangyari sa mga biktima dati.

Doon ko napansin na pawang may kakaiba. Mula sa tuktok ng kanilang mga ulo ay isang pares ng mahahaba at tila tubo na bagay ang siyang lumabas. Pansin ko ang tulis ng bawat dulo nito. Nagsimula itong gumalaw na para bang paa ng mga gagamba.

“Diyos ko,” narinig kong bulong ni Robert.

“Ano ang mga 'yan?” tanong ni Ian.

“Mga halimaw,” tanging nasabi ko.

“'Yan ang pumatay kay Gilbert,” dagdag ni Robert.

“Noong sumabog ang ulo nina Shana at Magda, wala naman tayong nakitang ganiyan?” ani Jessica.

“Dahil mabilis na silang lumaki ngayon.” Lumingon ako at nakita ko si Dra. Ingrid na nakasandal sa pintuan at katabi si Aling Martha. “Sobrang liit nila noong una kapag sumasabog ang ulo ng biktima nila pero ngayon, sa di-malamang dahilan, nagsisimula na silang lumaki. Nagiging handa na rin sila sa tuwing lalabas sila sa ulo ng biktima nila, na para bang alam nila ang nangyayari sa paligid.”

“Dahil kontrolado nila ang utak ng biktima nila?” tanong ni Carlo.

“Hindi lang 'yon. Dahil na rin sa may koneksyon sila sa isa’t isa. Nag-uusap sila nang hindi niyo alam. Alam nila ang bawat galaw niyo dahil sa infected kayo at nasa loob niyo sila,” paliwanag ng doktora.

“Hindi ko maintindihan,” ani Robert.

Isang kakaibang sigaw ang gumulat sa amin at kumuha ng aming pansin. Nang bumalik ang tingin ko sa tatlong lalaki, tila tatlong mala-gagambang halimaw ang lumabas mula sa ulo ng mga ito. Ang isa sa kanila ay nagsimula nang dumikit sa kisame gamit ang mga mahahabang paa.

“Pumasok na kayo, dali!” sigaw ko.

Dali-daling tumakbo ang aking mga kasama paloob ng unit ni Jessica. Patuloy lamang ako sa pag-aatras, hindi umaalis ang aking tingin sa mga halimaw na nasa aking harapan. Ang isa sa kanila ay nagsimula nang gumapang sa kisame at kumakaripas ng galaw patungo sa aking direksyon.

Bigla ay tumalon na lang ito sa akin, akmang susunggabin ako. Ngunit agad akong nakailang ay tumalon ako papasok ng unit ni Jessica. Mabilis namang isinara nina Jessica at Carlo ang pintuan. Sina Ian at Robert naman ay itinulak ang isang malapad na drawer bilang pangharang sa pinto.

Ang bilis ng aking paghinga. Pakiramdam ko’y sasabog na ang aking dibdib dahil sa gusto nang makawala ang aking puso sa matinding kaba.

Isang nakabibinging sigaw ang aming narinig mula sa labas at nagsimulang hatawin ng halimaw ang pintuan ng naturang unit.

Pawang hinahapo ang karamihan sa amin, gulat at takot sa kanilang nasaksihan. Napatitig ako sa aking mga palad. Bagama’t ilaw lamang ng kandila ang siyang nagbibigay ng ilaw sa silid, kita ko pa rin ang panginginig na aking mga kamay. Nananatili akong nakadapa sa sahig, hindi alam ang aking gagawin. Matuturing pa ba akong pulis kung matinding takot na ang aking nararamdaman sa ganitong situwasyon?

“Alam ng bawat halimaw sa lugar na ito ang nangyayari sa inyo at sa kasama niyo,” biglang sabi ni Dra. Ingrid mula sa inuupuan niyang sofa. Tila ba hindi siya nababahala sa naririnig naming kalabog sa pintuan at ang hiyaw ng naturang halimaw.

“They’re communicating. Sabi mo nga,” ani Jessica.

“Base sa naoobserbahan ko, they’re some kind of parasitic creature that can control their host. For example, Leucochloridium, a parasitic flatworm, can infect snails and make them look like caterpillars so they can be eaten by birds, the parasite’s main host. Same goes with Cordyceps, a fungus that infects ants,” paliwanag ni Dra. Ingrid. “The creatures living in this building live inside a host’s brain, slowly consuming it until it grows.”

Napuna ko ang paghawak ng iilan sa mga kasama ko sa kanilang mga ulo. Tumindig ako at lumapit sa kasama kong si Robert.

“These kinds of parasites live in their hosts, controlling them to do their bidding. Kapag tapos na at handa na silang lumaki ay papatayin na nila ang hosts nila. Sa kaso rito ay ang pagsabog ng ulo ng mga biktima,” dagdag ng doktora.

“May paraan ba para matanggal ang halimaw sa ulo namin?” tanong ni Aling Martha.

“We can find a cure, like an antibiotic drug that can kill the parasite. Kung desperado na ay surgery sa tingin ko. We can remove the parasite directly out of the brain,” sagot niya. “Another thing to do is find the source of this outbreak. Or else, lahat tayo ay magiging infected.”

“Pero paano natin magagawa 'yon?” tanong ni Jessica.

Bago pa man makasagot si Dra. Ingrid ay isa sa kamay ng halimaw ay bumaon na lamang at tumagos pintong kahoy. Dali-dali kaming umatras palayo sa pintuan. Tumingin ako sa paligid, naghahanap ng paraan para makaalis sa unit na 'to. Ngunit wala akong maisip na paraan. Nakakulong ngayon kami at makakapasok na ang mga halimaw sa unit ni Jessica.

Lumapit ako kay Dra. Ingrid. “Puwede ko bang mahirama ng baril mo?” tanong ko.

Tumango agad ang doktora at iniabot sa akin ang baril na kanina niya pa itinatago. “I trust you to save us and everyone in this building, Rafael. Nagtitiwala ako sa ‘yo.”

Humarap ako sa aking mga kasama, nakatinghas nang bahagya ang ulo. “Wala nang ibang paraan. Kunin niyo lahat ng sandata na puwede nating gamitin.”

“Rafael…” Nanlaki ang mga mata ni Jessica. Alam kong batid na niya ang aking ipinapahiwatig.

Ngiti lamang ang iginanti ko sa kaniya. Bagama’t nakakaramdam ako ng takot, may bigla bugso ng katapangan na nagsimulang dumaloy sa aking sistema. Pulis ako. Ito ang misyon ko. Kahit ano ang mangyari ay hindi dapat ako sumuko. Para sa sarili ko. Para sa mga kasama ko.

“Lalaban tayo,” wika ko.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE