Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Ilang tao ang nakulong sa isang apartment building sa Tondo dahil sa isang quarantine lockdown. Kasabay nito ang pagkakaroon ng di-umano'y epidemya sa loob. Ano nga ba ang tunay na nangyayari rito?

ANNE


Pawirdo nang pawirdo ang nangyayari sa gusaling ito, at hindi na talaga ligtas para sa amin ng aking anak ang manatili pa rito. Pero paano kami makalalabas? May kung anong halimaw na gumagala sa lugar na ito. Bantay-sarado ang labas. Walang makaaalis dito nang buhay.

Lagpas isang oras na ang nakalilipas at hindi pa rin nakakabalik sina Rafael. Ligtas kaya sila? Nahanap kaya nila ang kailangan nilang mahanap? Makakabalik pa kaya sila? Hindi ko mapigilan ang mabahala simula no’ng kakaibang nangyari sa amin.

Imposible na sabay-sabay naming narinig ang boses ng mga namatay, lalo na kung ilusyon lamang `yon sa aming isipan. Lahat ito’y narinig namin. Lahat kami’y nasindak.

“Hindi ko na alam ang nangyayari sa akin,” narinig kong sabi ni Carlo nang isara niya ang pinto ng unit ni Jessica. “Isang minuto sinasabi ko sa sarili ko na ayaw ko pang mamatay, pagkatapos ng ilang minuto, handa ko na isugal ang buhay ko.”

“Gawa ito ng kung ano na naglalaro sa isipan natin,” ani Aling Martha. “Nakakatakot isipin na ang mga ilusyon na nakikita natin ay puwede ring magpabago sa bawat aksyon natin.”

“Paano kung ganito ang nangyari kay Jessica?” narinig kong bulong ni Carlo.

Tumindig ang balahibo ko sa katawan.

“Iniisip mo ba na puwede ring magawa mo ang ginawa niya?” tanong ko.

Hindi siya nakatingin sa akin. Kahit sa kaunting liwanag na dulot ng kandila na nagliliwanag sa silid, kita ko ang takot at pag-aalala sa mukha ni Carlo. Nagsimula na rin siyang pagpawisan nang todo.

“Huwag lang tayong padadala sa takot,” sambit ni Aling Martha. “Hindi ko man alam ang nangyayari sa loob ng utak natin pero mas makabubuti na hindi tayo pangingibawan ng takot at galit. Sa gano’ng paraan ay hindi tayo maaapektuhan ng mga ilusyon at pagbabago na nakikita’t nararanasan natin.”

Tumango ako. “Mas mabuti na magpahinga muna tayo. Let’s clear our minds for a while. That way, maiiwasan pa natin ang mas matindi pang kaguluhan.”

“Kailangan mo nang matulog, Anne,” ani Aling Martha. “Hindi makabubuti sa bata kung stressed at pagod ka.”

“Tama po kayo.” Hinayaan ko na lang ang sarili ko na mahila ni Aling Martha sa kalapit na couch. Humiga ako at pumikit, pilit na iwinawaksi ang imahe ng mga nangyari sa amin. Pinilit ko ang sarili ko na makatulog at huwag problemahin ang mangyayari sa susunod.

Hindi ko alam kung dahil ba sa pagod at takot pero agad din akong dinalaw ng antok.

****

Idinalat ko ang aking mga mata at agad na umatake sa akin ang matinding kirot sa aking tiyan. Animo’y may ilang libong sinulid na itinuturok do’n. Isang malakas na sigaw ang aking inilabas. Dali-dali akong bumangon at hinawak ang aking naglolobong tiyan.

“A-ano’ng na-nangyayari sa a-akin?” sigaw ko. “Ah!”

Nagpatuloy ang pagkirot ng aking tiyan. Umiikot uli mula sa aking puso papunta sa bahagi kung saan nagtatagpo ang aking tiyan at dibdib. Paulit-ulit. Pabalik-balik. Manganganak na ba ako? Ngunit hindi pa pumuputok ang aking panubigan? Cramps lang ba ito, senyales na lalabas na ang bata? Hindi ko alam.

Bigla ay may kung ano na umumbok sa kaliwang bahagi ng aking tiyan. Napatigil ako nang maramdaman ko ang paggalaw nito. Iniangat ko ang suot kong t-shirt upang tingnan ang nangyayari sa akin tiyan, at laking-gulat ko nang makita ko ang paggalaw sa bahaging `yon. May kung ano na naninirahan sa aking tiyan.

At hindi ko `yon anak.

“Tulungan niyo ako!” sigaw ko habang hinahanap sina Aling Martha at Carlo. Nakahiga sila’t na natutulog sa kumot na nakalatag sa sahig ng sala. “Aling Martha! Carlo! TULONG!”

Ilang beses kong tinawag ang kanilang pangalan ngunit ayaw nilang magising. Pinilit kong umalis sa couch at nagsimulang gumapang sa kanilang puwesto. Hindi ko na magawang tumayo dahil sa matinding sakit.

Tinawag kong muli ang kanilang mga pangalan ngunit hindi sila nagigising. Ano’ng nangyayari? Bakit ayaw nilang magising? Sinimulan ko silang hilain. Ginawa ko na ang lahat pero hindi na sila gumagalaw pa. Patuloy lang sila sa pagtulog.

Nagsimula nang dumaloy ang luha sa aking mga mata. Halos hindi ko na maidilat ang mga ito dahil sa sakit na akong nararamdaman. Kumalat na sa buo kong katawan ang sakit na aking nararamdaman.

“Hindi mo lang alam kung ano ang `yong dinadala, Anne,” sabi ng isang pamilyar na boses sa akin.

Nang tingnan ko ang pinagmumulan ng boses na `yon, nakita ko ang batang babae sa paanan nina Aling Martha at Carlo. Hawak-hawak niya ang teddy bear na lagi niyang dala. Sa kailaliman ng gabi’y kita ko ang ngiti niya na mala-Cheshire Cat.

“Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong ko. “Ano’ng ginawa mo sa kanila?”

“Wala akong ginagawa,” tanggi ng bata. “Katawan niyo na ang gumagawa ng mga `yan.”

“Hindi kita maintindihan.”

“Kakaiba ka, Anne. Mayro’n ka na wala ang iba sa gusaling `to. May dinadala ka sa iyong sinapupunan. Kaya espesyal ka,” sagot ng bata.

Napahawak ako sa aking tiyan. Nagiging mas matindi ang paggalaw nito. “Ano’ng ginawa mo sa anak ko? Ano’ng mangyayari sa kaniya?”

“Relax lang, Anne. May rason kung bakit nagiging ganito ka at ang magiging anak mo. Matutuwa sila kapag inilabas mo na `yan.”

Nanlaki ang aking mga mata sa sinabi ng bata. “Sinong sila? Ano’ng pinagsasasabi mo? Layuan niyo ang anak ko.”

Inilagay ng bata ang kanang hintuturo niya sa kaniyang labi. “Huli na ang lahat para riyan, Anne. Naghihintay na sila para sa `yong magiging anak.”

“H-huwag mong sabihin m-magiging h-halimaw ang anak ko!”

Nanatiling nakangiti ang bata. “Secret.”

Humakbang paatras ang bata bago humarap sa pinto palabas ng unit. Hinawakan nito ang doorknob ngunit hindi niya ito binuksan. Huminto ito at ilang segundong katahimikan ang sumunod.

“Magkikita uli kayo,” wika niya bago niya binuksan ang pinto at lumabas. Iniwan niyang nakabukas ang pinto at nanatili akong nakatingin sa kadiliman sa labas nito.

Kalaunan, nawala rin ang sakit na aking nararamdaman. Tumigil na rin ang paggalaw ng kung ano sa aking tiyan. Sa isang iglap, tila ba walang nangyari. Huminga ako nang malalim at tumingin sa natutulog na katawan nina Aling Martha at Carlo. Marahil ay isa lamang uli itong ilusyon. Nagising lamang ako sa isang nakatatakot na bangungot.

Ngunit nang makita ko muli ang pintong nakabukas, batid kong hindi lamang bahagi ng imahinasyon ko ang naganap. Totoo itong nangyari. Pero paano?

Hindi ko na namalayan na nanginginig na pala ang aking mga kamay. Ano ito? Dahil ba sa takot? Iniisip ko ang magiging kahihinatnan ng aking anak. Hindi ko mawari ang ipinapahiwatig ng batang babae. Ang alam ko’y may masamang mangyayari sa aking anak.

Dali-dali akong pumunta sa kusina na katabi lamang ng sala at kumuha ng baso para uminom ng tubig. Doo’y umugaw ng aking pansin ang pares ng kutsilyo na nakalagay malapit sa lababo. Napalunok ako nang isang ideya ang pumasok sa aking isipan.

Tila ba kusang gumalaw ang aking katawan. Ibinababa ko ang hawak kong baso at saka kinuha ang isa sa mga kutsilyo. Tinitigan ko ang patalim na aking hawak. Bagama’t mahina lamang ang liwanag ng paligid, naaaninag ko pa rin ang aking repleksyon sa naturang patalim.

Gamit ang dalawa kong mga kamay ay itinutok ko ang kutsilyo sa aking tiyan. Bumilis ang aking paghinga habang iniisip ang kailangang kong gawin.

Kailangang mamatay ng anak mo.

Maliligtas ka kung mawawala siya.

Kapahamakan lang ang idudulot ng batang `yan sa `yo.

“Kailangang mamatay ng bata,” bulong ko. “Ayaw kong mabuhay siya sa mundong katulad nito.”

Handa na ako. Ito lamang ang naiisip kong paraan. Sa tuwing naiisip ko ang tungkol sa nangyari, kamakailan lang, hindi ko maiwaksi ang takot na nararamdaman ko sa aking katawan. Tila ba hindi na anak ko ang naninirahan sa aking sinapupunan. Iba na ito. Hindi na siya ang anak ko. Isa na itong halimaw.

At kailangan niyang mawala.

Humigpit ang hawak ko sa patalim. Nanginginig man ay kailangan ko pa ring gawin. Kung tama ang batang babae, naghihintay sila para sa aking anak. Hindi ko hahayaan na makuha nila ito. Hindi ako papayag na magiging halimaw ang aking anak.

Ipinikit ko ang aking mga mata at pingil ang aking hininga, nagbabaka sakali na hindi ako makararamdam ng sakit kapag ginawa ko ito.

Tapusin mo na ito.

Ikaw lang ang makapipigil ng puwedeng mangyari.

“Babe?”

Isang pamilyar na boses ang gumulat sa akin. Agad kong nabitawan ang hawak kong patalim. Hindi katulad kanina, boses naman ng lalaki ang aking narinig. Isang malalim at pamilyar na boses na akala ko’y hindi ko na maririnig pa.

Muli’y tumula ang luha sa aking mga mata. At ngayo’y kirot sa puso na ang aking nararamdaman. Hinabol ko ang aking hininga at tumingin sa pinanggagalingan ng boses na `yon.

Hindi maaari. Patay na siya.

“J-James?” tawag ko.

At doon siya, nakatayo sa pinto, nakangiti sa akin habang nakakunot ang kaniyang noo. Ang tikas ng kaniyang katawan ay hindi pa rin nagbabago. Ang haba ng kaniyang buhok na abot sa kaniyang balikat ay pareho pa rin no’ng huling kita ko sa kaniya.

Naririto siya sa aking harapan, animo’y hindi siya nawala sa aking buhay. Na animo’y hindi siya namatay.

“No…”

“Why, Babe? Bakit mukhang stressed ka? May problema ka?” tanong niya. Nagawin ang tingin niya sa sahig—sa kutsilyo na nailaglag. “Bakit may hawak kang kutsilyo sa dilim?”

“James? Hindi `to totoo,” tanging nasabi ko. Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya.

Napakamot ng batok ang aking asawa. “Babe, tinatakot mo ako. May problema ba sa `yo?”

Agad ko siyang niyakap nang lumapit ako sa kaniya. “Imposible `to. Nando’n ako no’ng ilibing ka pero naririto ka ngayon sa aking harapan,” ani ko.

“Babe, hindi ako namatay. Ano’ng pinagsasabi mo?”

Tiningnan ko ang kaniyang mukha—ang pamilyar na tao na pinakamahalaga sa aking buhay. Hinawakan ko ito at sinariwa ang bawat hugis at kurba ng kaniyang mukha. “Buhay na buhay ka. Miss na miss na kita.”

Ngumiti ang aking asawa. “Kailangan mo nang lumabas. Masyado ka nang nabuburyo rito sa loob. Kailangan mo ng bagong scenery.”

Napakunot ako ng noo.

“Lalabas tayo, okay?” sagot niya. 

“Paano? Walang sino man ang pinapayagan na lumabas dito. May kung ano na nangyayari sa lugar na `to. Naka-lockdown daw ang building na `to,” wika ko.

Kumindat ang aking asawa. Pakiramdam ko’y tumigil ng isang segundo ang aking puso sa pagtibok. “Ako ang bahala sa `yo. May alam akong daan,” aniya.

Agad niyang hinawakan ang kaliwang kamay ko at hinila ako. Lumabas kami ng unit ni Jessica at dinala niya ako sa isang madilim na pasilyo. Ilang hagdan ang aming tinahak hanggang makarating kami sa unang palapag. Doo’y dinala niya ako sa isa sa mga silid. Dali-dali siyang pumasok nang wala man lang sinasabi sa akin.

Natigilan ako sa labas ng pinto. Bakit nadala ako ng aking nakikita? Agad akong naniwala sa mga nasasaksihan at nararamdaman ko. Hinawakan ko ang aking tiyan at hinimas ito. Kamuntikan ko pang mapatay ang anak ko at ang aking sarili.

“Para bang hindi ko na kontrolad ang aking katawan,” bulong ko.

“Babe, okay ka lang? Pumasok ka na,” narinig kong tawag ng boses ng aking boses.

Hindi, patay na ang aking asawa. Kung gayon, sino itong naririnig at nakikita ko? Sino itong nagpapanggap na aking asawa? Nahawakan ko siya ngunit dapat ay patay na sila. Nagpaalam na ako sa kaniyang puntod. Lagi ko siyang binibisita. Pero bakit nasa harapan ko siya ngayon?

Hindi ko na namalayan na nasa loob na pala ako ng naturang silid. Kapansin-pansin ang mga nakasinding kandila na nagkalat sa paligid.

Nasa gitna ng unit si James, ang likod ay nakaharap sa akin.

“James, patay ka na,” sabi ko.

“Ano’ng pinagsasabi mo, Babe? Buhay na buhay ako,” sagot niya.

Tiyak ako na boses niya `yon. Ngunit nananatili pa rin siyang nakatalikod sa akin. Di-kalaunan ay bumilis ang tibok ng aking puso.

“Hindi ikaw si James. Patay na siya!” sigaw ko.

“Kung alam mong patay na ako, bakit mo ako sinundan?” tanong niya.

“D-dahil—”

“Dahil hinihiling mo na sana’y buhay pa rin ang `yong butihing asawa? Poor Anne, holding on to memories of someone who died. You should’ve moved on,” sagot nito. Ngunit napansin ko ang pagbabago ng kaniyang boses.

Hindi na boses ni James ang aking naririnig.

“Nagbago ang boses mo,” sambit ko.

“Your mind is playing tricks with you. Wala talaga si James dito.” Nang lumingon ang lalaki sa aking harapan, isang napasinghap ako nang malakas. Hindi na siya James ang nasa harapan ko. Iba nang lalaki na siyang pamilyar sa akin.

“Paano—”

“Laging maling desisyon ang pinaggagagawa niyo. Ikamamatay niyo `yan,” nakangiting sabi nito.

“Sino ka?” kinakabahan kong tanong.

“Oh, I forgot to introduce myself,” wika ng lalaki. “Ako pala si Yusof Castro. Welcome to the beginning of the end, Anne.”


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE