Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




It’s Not You, It’s Me

Image Description KyLiiemichy   |   02 February 2018


#WalaKayoSaExKo “..We are all addicted to something that ruins us, and yours was probably our relationship..”

Gasgas na linyahan na ‘yan ‘di ba? It’s not you, it’s me na tema—sa istoryang ito, siguradong mapapa-it’s not you, it’s me pa rin ako talaga. Hi Ex, malaman mo man ito o hindi, bahala ka nang humusga.

Saan ba ako magsisimula? Sa mga tanong ba nilang, ilan na ang naging Ex mo? O sino’ng mga naging Ex mo? Kahit ano naman diyan ang itanong, ikaw pa rin ang isasagot ko. Kahit pa sabihin kong marami na akong naging boyfriend kuno noon—ikaw lang naman ang seneryoso ko.

Second year high school ako noon at third year high school ka. Typical love story na nag-umpisa sa mga salitang, crush kita. Hindi ko mapigilang mapangiti nang maalala ‘yon. Napaka-cute mo kasing tignan sa koronang nakapatong sa ulo mo bilang itinanghal kang King of our High School—‘yong may botohan siyempre. Feeling mo gwapo ka? Sabi ko, cute. Cute lang, huwag ka na umasa—pero fine. Pampalubag loob na lang, sa paningin ko noon, ikaw ang pinaka-gwapo sa lahat.

Naaalala mo rin ba yung mga love letters natin noon sa isa’t isa? Mga teddy bear na ibinibigay mo kapag nagpupunta ka sa ibang lugar? Ang sweet mo lang ‘di ba? ‘Yong tipong ako pa rin ang naiisip mo kahit malayo ka. Kaya nga alam kong minahal kita e, kasi bukod sa napakabait mo ay iba rin ang dulot ng lahat ng ginagawa mo sa puso ko. Tapos iyong kanta na halos lahat related sa ating dalawa kahit pa Forevermore ng Side A ‘yan, iba’t ibang kanta ng Parokya ni Edgar at Suntok sa Buwan ng Session Road. Sobrang saya lang natin noon ‘di ba?

Napahinga ako ng malalim at naisip na tumagal pala tayo ng halos apat na taon. Apat na taon o higit pa—hindi ko na maalala. Masyado akong naging busy—nawalan lang talaga ako ng time sa’yo na ultimo pag-ce-celebrate ng monthsary natin nung mag-3 years na tayo, hindi ko na binibilang pa. Madalas nga ay ikaw pa ang nakakaalala.

Ikaw na lang ang nakakaalala.

Pareho na tayong college noon, magka-iba tayo ng University na pinapasukan. Member ako ng dance squad kaya kapag may practice, kahit late na, manunundo ka. Kapag sinabi kong huwag na, ipagpipilitan mo pa ring pupunta ka. Alam kong gusto mo lang na safe ako, pero nagalit ako sa’yo kasi ayoko talagang sunduin mo ako. Ayokong nakikita ng mga barkada kong kasama kita. Hindi sa ikinahihiya kita, ayoko lang sabihin nilang—hindi siya pwede, susunduin ‘yan ng boyfriend niya—sa tuwing magkakaayaan kaming lumabas at gumala.

At umabot nga tayo sa puntong 4 years and counting, pero may mas malala pa palang mangyayari maliban sa hindi na ako madalas magparamdam sa’yo, hindi na ako madalas na pumayag lumabas kasama mo, ayoko nang palagi mo akong sinusundo o hinahatid, ayoko nang palagi kang nag-te-text at tumatawag, ayoko nang alam mo ang password ng social media accounts ko—nagsawa ako. Nagsawa ako sa’yo.

Nagsawa ako sa tayo.

Nagsawa akong maging mundo mo.

Ang hindi ko pa makakalimutan ay ‘yong dumalaw ako sa bahay ninyo. Nagluluto ako no’n at kung hindi ako nagkakamali, gusto ko noong bumawi sa’yo at maging okay pa ang relasyon natin. Pero noong makita kitang hawak mo ang phone ko, mas mabilis pa ako kay Flash na kinuha ‘yon mula sa’yo.

“Anong ginagawa mo?” Asik ko sa’yo pero nginitian mo lang ako.

“Ang ganda ng costumes niyo sa sayaw niyo,” nakangiting sabi mo t’saka mo pinisil ang pisngi ko.

Nang tumalikod ka, tinignan ko kung anong mga hindi mo nai-close na tab at nang makita kong isa ro’n ay ang mga messages ng mga lalaking may interes sa’kin, gano’n na lang ang kabog ng dibdib ko.

“Pa, nakita mo? Nabasa mo?”

Nilingon mo ako at muling nginitian. “Nasusunog na ‘yong niluluto mo, Ma. Ayokong kumain ng sunog,” tumatawang sabi mo t’saka ka tumalikod at umupo sa harap ng computer mo. “DOTA lang ako ha? Tawagin mo ‘ko kapag luto na.”

Paano akong babawi? Paano pa ako makakabawi? Kung alam ko namang kahit nasasaktan ka na ay hindi mo magawang sabihin sa akin. Ni hindi mo ako sinubukang kausapin para liwanagin ‘yon. Ni hindi ka nagtanong ng bakit at kung sinu-sino ‘yon.

Ni hindi mo man lang ako sinabihan o sinuway na huwag kong i-entertain ang mga text na ‘yon.

Nagdaan pa ang ilang buwan na halos sa Facebook na lang tayo kung mag-usap, at alam kong sa bawat dahilan o rason ko sa’yo kung bakit hindi ako nakakapag-reply, o sa hindi ko pag-sagot ng tawag mo, pilit mong iniintindi ang lahat ng ‘yon. Ang sarap lang talagang murahin ng sarili ko that time. Ang sarap lang na ipamukha sa sarili ko na I don’t deserve someone like you anymore—but, I still decided to hold on to us, para sa atin at sa apat na taong relasyon natin.

Believe me, sinubukan kong panghawakan ang meron tayo, but I falied. At nag-desisyon nga akong tapusin na.

Nga lang, sa isang maling paraan.

Nag-palit ako ng Facebook account. Nag-palit ako ng number. Lumipat ako ng apartment. Hindi ako nagparamdam sa mga kaibigan kong nakakausap mo. Hindi ko kasi alam kung paano akong makikipaghiwalay sa’yo lalo na’t panay ang sabi mo ng, mahal na mahal kita at ayokong mawala ka sa buhay ko. That reminded me of what I used to believe in and that was, we’re all addicted to something that ruins us, and yours was probably our relationship.

Pero nakapag-decide na ako. Hindi lang para sa’kin, pero para na rin siguro sa’yo. Ayoko na talagang ituloy pa kung ano mang meron tayo. Lalo pa’t alam kong nasasaktan na kita, na pwede pang maging mas malala kapag nalaman mong masaya na ako sa iba. Siyempre ang sasabihin mo, lalakero naman talaga ako—kinuwento kaya ng kapatid ko ‘yon nung nagkita kayo at sinabi niya ring nakita mong ilang beses kitang tinaguan at tinakbuhan sa tuwing pupunta ka sa University ko para suyuin ako.

Hindi ko na matandaan kung ilang months bago tayo muling nagkita. Dahil nga sa close kayo ng kapatid ko ay lumabas kayo no’n at sinundo mo siya sa kung saan na ako nakapirmi no’ng time na ‘yon. Fudge—sa totoo lang hindi ko alam kung paano kitang haharapin no’n. Hindi mo alam kung gaano katindi ang kabang nararamdaman ko nang makita kitang naghihintay sa labas ng gate. But guess what? I was more like, surprised. Bawat tingin at sulyap mo, maski ang pananalita at kilos mo nang makaharap mo ako, walang nagbago—walang pagbabago.

Ni hindi ka nanumbat, o nagalit o nagtanong man lang kung anong nangyari sa’tin. Kung bakit ako biglang hindi nagparamdam at lumayo. Naisip ko, baka alam mo na kung ano yung main reason, at ‘yon yung hindi na kita mahal. Na pinili mong intindihin na lang gaya ng ginagawa mo noon. Na pinili mong manahimik na lang kasi kahit pa pag-usapan natin ang nakaraan ay wala nang patutunguhan ‘yon. Na kahit marinig mo pa mismo sa akin ang dahilan, ay hindi naman na mababalikan pa ang nakaraan at hindi na maitatama ang nagawa kong pagkakamali.

“Kamusta ka?” Pinilit kong mag-salita. Ayokong tahimik tayong magkaharap habang mataman ka lang na nakatitig sa’kin.

“Okay lang. Ikaw ba? Kamusta ka?”

“Hmm.. Ayos naman.”

Bahagya kang tumawa kaya naman natuon ang paningin ko sa mukha mo. Maski pala ang gustong gusto kong ngiti sa mga labi mo ay hindi pa rin nagbabago. Maski ang papansin mong dimple ay parang nagsasabing, ako lang naman ang pinakawalan mo. “May boyfriend ka na?”

Mabilis akong umiling. “Wala. Pass na muna ako sa ganyan.” Dahan-dahan kang tumango. “Ikaw?”

“Hmm, oo.”

Tipid akong ngumiti. Hindi ko alam kung bakit pero parang hindi ko ata nagustuhan no’ng sagutin mo ng oo ang tanong ko. “Talaga? Yung nasa Facebook ‘no?” Oo. Palihim pa rin akong sumusulyap sa Facebook mo. Weird ba ‘yon?

“Friends pa rin tayo sa Facebook?”

Tumango ako. “Oo.” Ayoko namang sabihing ini-activate ko ulit yung luma kong Facebook.

“Ahh. . . Akala ko, ini-unfriend mo na ‘ko.”

Muli akong umiling. “Hindi. Grabe ka naman.” Tumayo na ako. “Tawagin ko na ‘yong babaeng ‘yon. Napakatagal magbihis,” tukoy ko sa kapatid ko pero hindi pa man ako nakakalayo ay mabilis mong hinawakan ang kamay ko kaya wala sa sariling natabig ko ang kamay mo.

Ayoko ng pakiramdam na ‘yon nang madikit ang balat mo sa balat ko.

Kitang-kita ko kung paanong nanamlay ang tipid na pag-ngiti mo. “Bakit?” ‘Yon na lang ang tanging nasambit ko. Nadagdagan na naman tuloy ang konsensyang meron ako para sa’yo.

“Ayaw mo talagang sumama sa’min? Kasama naman natin sina Vin,” tukoy mo sa barkada mong halos apat na taon ko ring nakilala.

“Hindi. Kayo na lang. May pupuntahan din kasi ako,” pagsisinungaling ko t’saka ako tumalikod at dumiretso sa loob ng kwarto.

Lumipas ang ilang araw. Nakita ko na lang sa Facebook na monthsary nga ninyo ng bago mong girlfriend. With matching scrapbook ata ‘yon kung hindi ako nagkakamali—ah basta! May picture ninyong dalawa. Puro picture ninyong dalawa. Laman ng scrapbook na ‘yon, laman ng timeline mo, laman ng bawat status mo at maski nga siguro camera roll mo puro mukha niya na ang laman at wala na ‘yong mukha ko na never man lang nai-post sa timeline mo, o kahit sa status mo. Na-realize ko lang na ni walang bakas ang relasyon nating dalawa sa social media maliban sa Friendster na hindi ko na alam ang password kaya pala laging may nagtatanong noon na kaibigan mo kung tayo pa ba. Oo nga ‘no? Bakit wala? Pero siyempre, ang sigurado kong sagot mo, dahil wala rin namang bakas ng tayo sa timeline ko.

And that was the end of us. Hindi na ako ‘yong bini-baby mo. Hindi na ako ‘yong sasamahan mong lumabas ng hating gabi basta lang makain ko kung anong kini-crave ko. Hindi na ako ‘yong tinititigan mo sa gabi bago ka matulog. Hindi na ako ‘yong sinasabihan mo ng, “Last game na lang” with matching lambing pa kapag naglalaro ka ng DOTA at inaabot ng hating gabi. Hindi na patungkol sa akin ang mga kanta ng Parokya ni Edgar at Siakol na lagi mong kinakanta.

Hindi na ako ‘yong iniiyakan mo, iniisip mo at mahal mo.

Hindi na ako, kasi wala nang tayo.

But hey, kahit wala nang tayo may gusto akong sabihin sa’yo. Gusto kong malaman mong minahal kita ng totoo kahit pa balde-baldeng pagdududa ang meron ka sa akin at sa relasyon natin noon. Hindi ko naman matatandaan ang lahat ng ‘to kung hindi ka naging importante sa buhay ko ‘di ba?

Muli akong napabuntong hininga. Hanggang ngayon parang napakahirap pa ring sabihin ng mga katagang, sorry kung nasaktan kita—alam kong nasaktan kita, and you deserve this apology. For what I’ve done, sa’yo at sa relasyon nating matagal mong iningatan. Sorry kung ako ‘yong unang sumuko. Sorry kung mas minahal at mas inuna ko ang sarili ko. Sorry kung hindi ko napantayan ang pagmamahal na inilaan mo sa’kin.

I’m so sorry.

But hey, I am thankful as well. Sa’yo ko natutunan kung paanong mag-compromise sa isang relasyon. Sa iyo ko natutunang magkaroon ng mahabang pasensya at maging open minded sa lahat ng bagay. Sa’yo ko na rin ata natutunan ang maging understanding. At higit sa lahat, natutunan ko kung gaano kahalaga ang communication para mabigyang linaw ang lahat—na wala sa atin noon.

Na hindi puro ako lang sa salitang tayo.

Kung sakaling mabasa mo ‘to, ito lang naman ang mga kahilingan ko para sa’yo: sana ngayon masaya ka na. Sana lahat ng pangarap mo noon, unti unti mo nang natutupad. Sana malaya mo nang nasasabi ang nararamdaman mo.

Ex, salamat sa mga masasayang alaalang nagpapangiti sa’kin sa tuwing naalala ko ang noong tayo.

At dahil diyan, isa lang ang masasabi at maipagmamalaki ko, hashtag: WALA KAYO SA EX KO.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

ACCIDENTALLY KISS IN SUMMER

#SummerFling I really hate summer, hindi dahil sa init ng panahon, hindi rin dahil sa wala akong pera para makapagbakasyon, swimming at magtampisaw sa beach. It was because of the heart breaks I had.

Image Description
Yazuakie
01 May 2018
ACTIVE NOW

What if you have fallen into love with the most unexpected person at the most unexpected time? Will you rather ignore your heart or follow its beat?

Image Description
Sassy Missy
24 April 2018