Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




Chasing The Sassy Girl

Image Description Makiwander   |   06 August 2018


A story of love, friendship and secrets of the past.

Maraming gustong maging simpleng tao. Simpleng estudyante, simpleng anak, simpleng kaibigan, simpleng babae. Madali lang naman 'yon i-achieve. Makipagsiksikan ka sa jeep, pausukan mo ang bagong shampoo na buhok, sumandal ka sa bakal ng tricycle na may grasa, at makipagpatintero ka kay Manong Guard dahil nakalimutan mo ang ID mo at katiting na minuto na lang late ka na.

"Prima Rose dela Cruz!"

Tsk. Late pa rin pala.

"Alam mo, hindi kita nakilala bilang pinakamatalino sa klase ko. Nakilala kita dahil lagi kang late!" singhal sa akin ni Mrs. Divina, ang professor ko sa Philippine Literature.

"Ma'am naman, 'wag mo akong pahiyain, nakakahiya naman kay Calix." Pumula ang pisngi ko at agad na naghiyawan ang mga kaklase ko.

Si Calixto Serrano III ay ang kaisa-isang abnormal sa simpleng buhay ko.

Kagaya ng dati, sumimangot na naman s'ya dahil sa panunukso. Ilang beses na ba n'ya akong nilapitan para patigilin ang panunukso ko sa aming dalawa, pero lagi lang akong umaarte na nahihimatay kaya hindi n’ya mabuo ang sasabihin n'ya. Matsing din ako, 'no?

"Puro ka kalokohan! Sit down!"

Napilitan akong sumunod sa sinabi ni Mrs. Divina. Napatingin ako sa katabi ko na walang tigil sa paghagikgik.

"Grabe ka, Prim," ani Jaja na tawa pa rin nang tawa.

Kumindat ako sa kanya kaya napailing na lang s'ya. Lumingon ako kay Calix at nahuli ko s'yang nakatingin sa akin. Okay sana kung hindi nanlilisik ang mga mata n'ya, kaya lang ay sobrang galit na galit na s'ya.

Kinindatan ko s’ya at nginitian. Sabi kasi ni Papa, walang hindi mabibighani sa ngiti ko. Si Calix nga lang ang exception to the rule.

Kaya nakakaaliw ang isang 'to, e.

"Hi, beh!" I mouthed. Mas lalo n’ya akong siniringan.

Napahagikgik na lang ako. Minsan hindi ko rin maintindihan kung bakit si Calix ang napili kong kulitin. Maraming may crush sa kanya. Conyo kasi, magaling mag-basketball. At 'wag ka, pagkatapos ng game, hindi pa 'yan maasim. 'Yong bango n’ya nape-preserve 'ata sa kasuluk-sulukan ng kanyang katawan.

So, bakit s'ya ang crush ko?

Minsan, iniisip ko sumasabay ako sa bandwagon, sakay sa uso. Uso si Calix, e, kaya dapat in ako.

Or, maybe, sinusupladuhan n'ya ako kaya masarap ding asarin. 'Di ba ganoon naman? Kung ano ang hindi mo makuha, e, 'di sungkitin hanggang bumigay. Tapos ipangangalandakan ko sa buong university na nagkaroon ako ng jowang kasimbango ng baby ang kilikili.

"Besh! Wala pa akong assignment sa Accounting One!" Inagaw ko kay Jaja ang columnar notebook n'ya. Masipag 'to, e. Itataya ko ang kaliwang kamay ko kapag walang assignment ang isang 'to.

Biglang lumungkot ang mukha ni Jaja na ipinagtaka ko naman.

"Wala nga, e. Si Nanay kasi, ang daming ipinabili sa akin sa bayan. Pagdating ko sa bahay biglang nag-brownout!"

Ay, binabawi ko na lang pala ang kaliwang kamay ko. Anyare naman kay besh? Tama nga 'ata si Papa, bad influence ako kay Jambalina. Hindi na rin gumagawa ng assignment ang loka.

"Saka mamaya a-absent ako, susunduin kasi ako ni Tatay dahil aabangan namin sa airport 'yong tito kong galing sa UAE," dugtong pa n'ya.

"HU-WAT?! As in solo flight ang beauty ko kay Ma'am Mercado? Paborito pa naman ako no'n tawagin! Kung mag-cut na lang din kaya ako?"

"'Wag gano'n, Prim. Isusumbong na kita sa kuya mo," banta sa akin ni Jaja.

Umirap ako. Si Jambalina na sumbungera ay kaibigan ang kuya kong sumbungero din, tapos 'yong nanay ko naman, OA. Tiyak na pagdadasalin na naman ako no'n ng novena mag-isa kapag may ginawa na naman ako.

"Paano na 'yan? Wala akong assignment!" Kulang na lang maglupasay ako sa sahig.

"Prima Rose dela Cruz! Out of my class, now!" Napalingon ako sa aking harapan. Nakalimutan ko na nagdi-discuss pa pala si Mrs. Divina. Napangiwi si Jaja at malungkot akong tiningnan, samantalang ako, nanatiling poker face.

Sanay naman ako. Mainit lang ang dugo ni Mrs. Divina sa mga masasayahing tao. Nasisira 'ata ang bad vibes n’ya kaya ayaw n'ya sa akin.

"Hindi ako nag-cutting, a. Pinalabas ako," pagdidiin ko kay Jaja bago isa-isang isinisiksik sa bag ko ang notebook, libro, at pencil case ko.

Bawat paglagay ko ng gamit, gumagawa iyon ng ingay. Sobrang tahimik pa naman ang klase. Imbes na mapahiya, tiningnan ko muli ang direksiyon ni Calix. Nakayuko s'ya at kunwari na may sinusulat. Alam na kasi n'ya ang susunod.

Ngumisi ako nang sobrang lapad. 'Yong mga kaklase ko naman punong-puno ng antisipasyon sa gagawin kong pakulo. Hinawi ko ang buhok ko patungo sa aking likod at buong kompiyansang naglakad patungo sa upuan ni Calix.

"Bye, beh! We may be apart now, pero later, may forever!" Nilapit ko pa ang mukha ko sa kanyang tenga.

Naghiyawan at nagpalakpakan ang mga kaklase ko. Kitang-kita ko na napapikit si Calix. Nagdiwang na naman ang puso ko. Ang cute-cute n'ya kapag naiinis! Parang bata!

Dahil tatlong oras ang klase kong 'yon, tatlong oras din akong mababakante. Inabala ko ang sarili ko sa pagpapa-photocopy ng librong sa tingin ko ay makakatulong sa pagsagot ko sa assignment ko sa Accounting. Nakatulala ako sa mga papel na iniluluwa ng photocopy machine at iniisip kung paano ako makakalabas sa kurso kong ito na hindi bumabagsak. 'Pag bumagsak kasi ako, ang kasunod no'n giyera kay Mama. Mag-aaway rin sila ni Papa kasi si Papa lagi akong ipinagtatanggol.

First year pa lang ako naghihingalo na ang mga marka ko! Paano pa kung umakyat pa ang baitang ko? Labo ni Nanay, gusto n'ya palang maging CPA, bakit hindi s'ya ang nag-aral? I-suggest ko kayang mag-enroll s'ya tapos ako na lang ang gagawa ng gawaing bahay? Palit kami ng posisyon para gets n'ya!

"Hoy, Prim. Lumulutang ka na naman! Wala pa ang classcards mo parang iiyak ka na." Inihampas sa akin ni Bobet ang mainit na mga papel mula sa photocopy machine.

Sinimangutan ko s’ya at ginantihan ng suntok sa tiyan. "'Sama mo! Palibhasa matalino kang hinayupak ka. Yabang mo."

"Hindi, sira 'to. Kailangan kong maging matalino para hindi ako matanggal sa pag-e-SA," sagot naman n'ya habang inaabot sa akin ang mga papel.

Oo nga pala, student assistant si Bobet. Libre tuition saka allowance, basta kailangan nilang tumulong sa gawaing school at kailangan mataas din ang grades.

"Bakit ba kasi Engineering ang kinuha mo?" naiinis kong tanong sa kanya. Hanggang ngayon hindi ko pa rin matanggap na napahiwalay s'ya sa amin ni Jambalina. May sepanx kasi ako, e. Tinubuan ako ng separation anxiety rito kay Bobet dahil simula Kindergarten kaklase ko na ang loko. Kaming tatlo nina Jambalina ang superfriends!

"Ang sabihin mo, naiinggit ka lang! Gusto mo maging interior designer, 'di ba? Bakit hindi mo sabihin kay Tita Heidi? Martir ka rin, 'no?" Natatawa pa si Bobet na para bang maliit na bagay 'yon. Traydurin ko kaya ito ng suntok?

"Panlalaki raw ang may kinalaman sa construction," simpleng sabi ko kahit na ang totoo nagdurugo ang puso ko.

Nanlaki ang mata ni Bobet. Mas malaki pa sa aktwal na malalaking mata n'ya tuwing inaantok. "Babae ka pala?" tanong n'ya, sabay sinundan ng nakakainsultong tawa. Aba't sumosobra siya sa pang-aalipusta!

"May crush kaya ako!" pagmamalaki ko.

Mas lalong natawa si Bobet. "Sino? Si Calix? Topak ka rin, e! Baka suntukin ka no'n. Lagi mong kinakanti 'yong tao…" Napapailing siya sa akin.

"Oy, 'wag kang ganyan. Crush ko talaga si Calix. Nabubuhay ang dugo ko kapag nakikita ko s'ya—"

"Ang sabihin mo, nabubuhay ang pagkapilya at pagiging makulit mo! Basta kapag sinapak ka no’n hindi kita maipagtatanggol, ha? Kita mo naman ang katawan ko, buto't balat ako. Kumpara mo kay Calix at sa mga tropa no'n."

"Wow, nakaka-touch ka talaga kahit kailan! Thanks for being a true friend, loko ka! D'yan ka na. Magmemeryenda lang ako. Hasta la vista, bibe!" pang-aasar ko sa kanya.

"Ikaw ang lider ng tatlong bibe!" pagpapamukha n'ya sa akin.

"Okay lang basta ako ang may pakpak sa ating tatlo!"

Masaya akong kumaway kay Bobet bago nagsimulang maglakad patungo sa Jollydee. Tamang-tama lang ng ingay roon para hindi ako antukin. Kapag sa library kasi paniguradong makakatulog lang ako.

"Hello, Sharon!" bati ko sa kahera. Takang-taka naman ang kanyang mukha. "'Yong pin mo, nakalagay na Sharon." I grinned. "Isang cheeseburger, cheesy fries, at sundae."

Mabilis na iniabot sa akin ang order ko. Pinapak ko na agad ang fries habang inaantay ang aking sukli. Ah! Kung pupuwedeng ganito na lang lagi! Umakyat ako sa second floor ng Jollydee para mag-panggap, este, mag-seryoso sa pag-aaral.

2 hours later...

"Debit Cash, credit Accounts Payable?" Sinilip ko ang pinagbabasehan ko ng sagot at halos masabunutan ko ang sarili ko dahil nakita kong baliktad ang entry ko.

Tsk! Gutom na naman ako wala pa ring pumapasok sa utak ko. 'Yong totoo? May utak ba ako o props lang ang brains sa internal organs ko?

Napagdesisyunan kong um-order muli ng panibago. Iniwan ko lang ang lahat ng gamit ko sa lamesa kung saan ako nakatambay. Ibinilin ko lamang iyon sa crew na abalang naglilinis ng sahig para walang umupo.

Medyo napupuno na ang Jollydee nang mga oras na 'yon. Nakikita ko na ang pamilyar na mukha ng mga kaklase ko. Napatapik ako ng noo, hudyat na ng Accounting One pagkatapos ng isang oras. Wala pa rin akong nasasagutan.

"Sharon! Isa pa ulit no'ng order ko kanina!" Hindi pa ako nakakalapit sa counter ay isinigaw ko na. Parang bubuyog kasi ang mga kaeskwela ko na pumapasok doon kaya nagpatiuna na ako. Sobrang gutom ang nararamdaman ko kahit alam kong nag-aksaya lang ako ng calories sa kunwa-kunwariang pag-iisip.

"Here's your change… One hundred, two hundred, three hundred fifty six…" Binilang pa ni Sharon sa harapan ko ang eksaktong sukli habang natatakam ako sa pagkain ng mga kasabay ko sa pila. "Kumpleto na po ang order!" nakangiting sambit niya.

Binuhat ko ang tray at nagsimula nang maglakad nang biglang—

"Ang cheeseburger ko!" Halos maiyak ako nang makitang naghiwalay ang mag-jowang tinapay at saka ang anak nilang patty at cheese.

"Sorry. Sorry…"

Napaangat ako ng tingin sa pamilyar na boses. "Calix?" gulat na gulat na sabi ko.

Mula sa pagiging apologetic na mukha, nagbago agad ang kanyang timpla. Nag-tiger look ulit s'ya sa akin.

"Hep!" Iniangat ko ang palad ko sa kanyang mukha. "'Wag kang masungit! Nilaglag mo ang lunch ko, o! Nauna pang nakinabang ang mga germs!"

"Bibilhan na lang kita ng bago," seryosong sabi n'ya. Ngayon ay nasa likod na n'ya ang mga kaklase namin.

"Ano 'yan, Calix? O, si Prim pala 'yan!" sabi ni Edgar na nakipag-high five pa sa akin. Tinanggap ko naman ang pakikipag-apir n'ya pero hindi ako masyadong ngumiti.

"Ano'ng akala mo sa akin, cheap? Oo, crush kita, pero isipin mo na lang ang oras na nawala sa akin! Hindi pa ako nakakasagot ng assignment sa Accounting—"

"Papakopyahin kita at papalitan ko ang pagkain mo. 'Wag ka na lang maingay," wika ni Calix.

Pinigilan ko ang panlalaki ng mga mata ko at pagtalon sa tuwa.

"T-talaga?" Tumikhim ako para ikubli ang masayang tono.

"Edgar, bilhan n'yo ako ng kagaya ng nand'yan sa sahig. Dalawang order." Kumuha siya ng isang libo sa wallet n'ya.

Namangha na naman ako kasi may isang libong papel s'ya! Nungkang bigyan ako ni Mama ng ganyan kalaking pera tuwing papasok ako.

"Saan ka nakaupo?" malamig pa sa yelong tanong n'ya.

Itinuro ko ang hagdan paakyat ng 2nd floor. Sumunod siya sa akin. At nang makarating kami, agad s'yang umupo sa harapan ko at hinalungkat ang bag n'ya. Pinasadahan n’ya ang pahina ng columnar notebook n'ya, pagkatapos ay iniabot sa akin.

"Kopya na," he said.

"Nakakahiya naman, Calix!" pabebe kong sabi, sabay ipit ng buhok ko sa likod ng tenga.

"Walang hiya-hiya sa taong malapit nang bumagsak."

Sumimangot agad ako. "Ang kontrabida mo," 'di ko napigilang sabihin.

Kitang-kita naman ang gulat sa mga mata niya. Ano’ng akala n'ya? Hindi ko s'ya gagaspangin porke't binubunyag ko na crush ko s'ya?

"Pero kokopya ako ngayon dahil wala na akong oras." Nginitian ko siya nang napakalapad. "Thanks, Calix!"

Mabilis kong kinopya ang kanyang sagot. Hindi ko na tiningnan kung tama ba dahil mabuti na'ng may sagot kaysa wala. At! Isa si Calix sa mga pinakamagaling sa amin sa Accounting. CPA at lawyer kasi ang parehas n'yang mga magulang. Ang ate naman n'ya ay doktor. Pamilya ng matatalino, kaya marami kaming may crush sa kanya.

Na-mention ko ba na matangkad siya, maganda ang mga mata at katawan? Hindi pa, 'no? P'wes, sinasabi ko sa 'yo, besh, maglalaway ka. Mga labi pa lang n'ya, pulang-pula na! At ang mga mata n'ya, emeygesh, kulay brown! Ang sarap ngang i-trace ang matangos na ilong n'ya gamit ang daliri mo tapos ipapahid mo sa nose mo baka sakaling mahawa ka sa katangusan ng ilong n'ya!

"Kumain ka na," untag sa akin ni Calix nang nasa panghuli na akong pahina ng assignment.

Nag-angat ako ng tingin at nginisian s'ya. "Oy, concerned." I winked.

Napailing na lang s’ya at tumingin sa malayo. Sungit talaga ng crush ko!

Binalatan ko ang cheeseburger ko at dahan-dahang kinagat 'yon. Siyempre, pa-girl ako mga beh!

"Para kang lalaki kumain," puna sa akin ni Calix.

Mabilis akong yumuko at tiningnan ang itsura ko. Wala namang masama sa T-shirt at pants! Kulay pink naman ang shirt ko!

"Subuan mo kasi ako para magmukha na akong babae," biro ko sa kanya.

Umusok na naman ang ilong n’ya.

"Asa!" aniya.

Ganoon lagi ang eksena sa pagitan naming dalawa. Kukulitin ko s’ya at magagalit s'ya.

I hate normality. Naks. Ang lalim ng term ko ro'n, mga besh! Palakpak na may kasamang confetti!

Pero seryoso. Pakiramdam ko talaga ang normal ng buhay ko sa college, tapos si Calix naman ang ice cream ng buhay ko. Kapag sumisimangot na s'ya, kilig na kilig na ako. Hahaha.








  • (1 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE