Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




ODESSAS REDEMPTION

Image Description Angelo-Pineda   |   30 June 2020


It is a story about a woman who has no memories of her past, She was a warrior and defender of humanity against the forces of darkness. To bring back her memories, Odessa dela Rosa must fight for it

PROLOGUE

MANILA, PHILIPPINES 1897...

             Napakadilim ng gabing iyon at walang taong dumaraan sa kalye ng Intramuros. Ang mga bituin ay nagkubli sa mga ulap habang ang buwan ay parang sumisilip sa mga maiitim na ulap na tila natatakot makita ang mga mangyayari sa paligid.

                 Maalinsangan ang panahon at walang hanging nakikipaglaro sa mga dahon ng mga mayayabong na mga puno. Ang nakakabinging katahimikan ay hudyat ng mga bali-balitang paglusob ng mga katipunerong Filipino laban sa mga sundalong Kastila. Halos lahat ng mga kababaihan, bata at matatanda ay maagang nagsipagtago sa kani-kanilang mga tahanan, samantalang karamihan sa mga kalalakihan ay matiyagang nakikiramdam sa kung ano ang mangyayari sa napipintong kaguluhan. Ang buong paligid ay nababalot ng tensiyon at takot sa posibleng kahihinatnan ng nagbabadyang kaguluhan. Kaguluhang puwedeng magpahamak sa kanilang simpleng mamamayan at malagay sa panganib ang kani-kanilang mga buhay.

               Mula sa pantalan ay sumakay ang isang dayuhang lalaki sa isang kalesa na nakaparada mula sa harapan ng istasyon ng barko. Matangkad ang dayuhang lalake, may suot itong maitim na sumbrero at it kapa na tumatakip sa kanyang suot na itim din na coat and tie. Ang kanyang kanang kamay ay may hawak-hawak na itim din na tungkod na may naka-ukit na mukha ng isang hindi pangkaraniwang nilalang na ang mga mata ay yari sa mamahaling bato. Sa kadiliman ng gabi ay di gaanong maaninag ang hitsura ng dayuhan na lalong nagpatindi sa kaba ng pitumpu’t-tatlong gulang na matandang kutserong si Victor Dela Cruz. Kanina pa niya inaaro ang balisa at takot na takot nitong kulay abong kabayo.

                Pagkasakay ng dayuhan sa kalesa ay may iniabot itong maliit na puting papel sa matandang kutsero. Pagkakuha sa puting papel ay napakamot ng ulo si Victor sa kadahilanang hindi ito marunong bumasa at sumulat. Itinapat niya ang papel sa mumunting gasera na nakasabit sa itaas na bahagi ng kalesa na nagbibigay ng mumunting ilaw sa kanila. Ang kanyang noo ay punong-puno ng pawis at patingin-tingin sa pasaherong dayuhan na napansin din niyang nakatitig sa kanya. Ibinuka ng matandang kutsero ang kanyang bibig para itanong na lamang kung saan niya ito ihahatid pero hindi niya ito itinuloy nang maalalang hindi rin niya alam kung paano niya kakausapin ang dayuhang lalake.

                 Tahimik ang dayuhang lalaki pero at tila naiinip na sa di pa nila paglisan sa lugar. Halos isang buwan din ang itinagal ng kanyang paglalakbay bago niya narating ang Pilipinas para sa importanteng pakikipagkita sa isang mayamang hacienderong Kastila sa bansa.

                 "Ha..." Ang tanging namutawi sa bibig ni lolo Victor sabay kamot sa nakakalbong ulo nito at nakangiting tumingin sa dayuhan. “Paano na ba ito? Anong gagawin ko?” ang sabi niya sa isip niya.

                  Tila napansin naman siya ng dayuhan at inilapit nito ang mukha niya sa matandang lalake. Sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang nakaramdam ng kakaibang takot Si Victor ng makita ang nagliliwanag na mga mata ng dayuhang lalake at ang mala-papel sa puting mukha nito na parang hindi na dinadaluyan ng dugo..

                  "Bu...buenas noches amigo." Ang isa sa mga iilang salitang Kastilang alam ni Victor nagbabakasaling maintindihan siya nito. Ngumiti naman sa kanya ang lalaki at kitang-kita niya ang mga mata nito na katulad sa mga pusa kapag nasisinagan ng ilaw kapag gabi. Tumango lamang ang dayuhan sa kanya bilang tugon sa kanyang pagbati.

               "Old man, I don't speak Spanish. We can talk in English." Muling ngumiti ang dayuhan sa matandang kutsero at itinuro ang nakasulat sa puting papel na iniabot niya kani-kanina lamang. "Can you take me in this address please?" Dagdag pa niya habang nakaturo ang naka-guwantes niyang daliri sa maliit na puting papel na may napakagandang sulat-kamay.

                  Lalong natulala ang matanda sa di maintindihang salita na sinabi sa kanya ng lalaki. Nagkamot uli ito sa kanyang maubang buhok sa kanyang ulo at muling tumingin sa dayuhan.

               "Señor, amigo..." Ang naka kunot-noong sabi ni Victor. "Naku, paano ito?" Ang pabulong na dugtong ng matanda. Parang naunawaan naman siya ng dayuhan at muling itinuro ng kanyang daliri ang nakasulat sa iniabot nitong papel.

                "This." Sabay turo sa nakasulat sa papel at tumingin siya sa matandang lalake. "Take me here, Escolta."

                 "Escolta, Señor?" Ang tila nabuhayang loob na sabi ni victor. Tumango lamang ang dayuhan pero parang naiirita na rin ito sa matanda. Muli ay sumandal na ang dayuhang lalake sa may likuran ng kalesa para umidlip at magpahinga. Sinumulan namang hinawakan ni Victor ng mahigpit ang lubid na nakatali sa kabayo at marahang inihampas ito sa katawan ng payat na kabayo na agad namang nagsimula na sa pagtakbo sa kahabaan ng kalsada palabras ng pier.

                Mag-iikasampu na ng gabi ng mga oras na iyon at sila lamang ang mga taong bumabagtas sa kahabaan ng kalsada. Ramdam na ramdam ng matanda ang kakaibang takot sa pasahero niyang dayuhan kaya minabuti na lamang niyang pumito ng mga nakagisnan niyang mga awitin na paboritong kantahin ng kanyang asawang si Naty. Pero hindi pa rin siya nagging kumportable dahil pakiramdam niya ay laging nakatitig ang dayuhang lalaki sa kanya kaya't hindi rin tumitigil sa pagkabog sa kanyang dibdib ang kanyang puso habang binabagtas ang kalsada sa kadiliman ng gabi.

                  Hindi niya dapat tatanggapin ang pagsundo sa dayuhan. Kung may magagawa lamang sana siyang tanggihan ang utos ng kanyang amo na nagmamay-ari ng kanilang lupaing tinitirhan at sinasaka ay nasa tabi sana siya ng may-sakit na asawa na iniwan niya sa kanilang mumunting bahay sa Libis.

                  Basang-basa na ng pawis ang puting camisa-de-chinong damit ng kutsero na bumabakat sa kanyang maliit at payat na pangangatawan. Ang kanyang sunog at kulubot na balat ay nagpapatunay lamang ng kanyang katandaan na ininda ang lahat ng sakit at hirap sa buhay bilang mga magsasaka na di kailanman nagkaroon ng sariling lupa.

                 Tanging ang mga yabag mula sa kulay abong kabayo ang maririnig lamang sa katahimikan ng gabi habang binabagtas ang daan papuntang Escolta. Ang dating huni ng mga paniking naghahanap ng makakain ay parang napipi sa pagdaan ng kanilang kalesa na tila nagbibigay babala sa napipintong kapahamakan.

                   May halos kalahating oras na rin ang kanilang pagbiyahe patungong Escolta sa Maynila at ninanamnam ni Victor ang sumasalubong na malamig na hangin sa kanyang katawan. Parehong tahimik ang matandang kutsero at ang dayuhang pasahero dahil na rin sa problema sa lengwahe. Nagsawa na rin sa pagpito ng mga awitin ang matanda kaya itinuon na lamang niya ang kanyang pansin sa pagpapatakbo sa kalesa. Nang bagtasin nila ang mapunong bahagi ng Maynila ay nakaramdam ng matinding pangingilabot ang matanda. Hindi niya alam kung bakit, pero ngayon lamang niya ito naramdaman sa buong buhay niya. Napakatahimik ng kapiligiran at walang kahit man lang huni ng kulisap na maririnig sa paligid. Kabilugan ng buwan ng gabing iyon na siyang bukod-tanging nagbibigay ng liwanag sa daang kanilang tinatahak. Nakaramdam ng pagsalubong ng malalamig na hangin si Victor kaya ilang saglit lang ay naramdaman nito ang panginginig ng kanyang baba. May kakaibang nangyayari sa kanilang paligid at alam iyon ni Victor dahil kabisado niya ang panahon kung kailan magsisimula ang panahon ng tag-lamig. Imposibleng magiging malamig ang temperatura sa mga panahong iyon dahil kakatapos lamang ng panahon ng Cuaresma sa Pilipinas. Walang anu-ano'y naramdaman niyang parang may malakas na hangin ang biglang dumaan sa mga sanga ng mga puno sa paligid na nakayungyong sa kahabaan ng kalsada. Napatingala si Victor sa kalangitan ngunit wala siyang nakita. Muli ay nakaramdam ng kaba ang matandang kutsero na hindi niya maipaliwanag. Gusto man niyang kausapin ang kanyang dayuhang pasahero ay natitiyak niyang hindi rin sila magkakaintindihan nito.

                  Misteryoso ang dayuhang lalaki. Sa tingin niya ay galing ito sa mayamang pamilya sa Europa. Pino ang kilos at napaka suplado ng kanyang mukha. Matangos ang kanyang ilong na bumabagay sa hugis ng kanyang balbas-saradong mukha, mabibilog ang kulay luntian niyang mga mata at buhok na basing-basa ng pamada na nagbigay tingkad sa kulay mais na buhok. May taas siya na halos anim na talampakan at lalong nagbigay tangkad sa kanya ang mga mahahaba niyang biyas at paa. Mamahalin ang suot niyang singsing sa kanyang daliri sa kanang kamay at pati na rin ang suot niyang damit. Noon ay gumuhit ang ngiti sa kulubot na pisngi ni Victor.

                    Binasa ng kanyang dila ang mga natutuyo nitong mga labi na kanina pa gustong uminom ng maraming tubig dahil sa dami ng lumabas na pawis sa kulubot niyang katawan. Naisip niyang malaki rin ang ibabayad ng dayuhan sa kanya at maibibili na rin niya ng panutsa ang may sakit niyang asawa na nag-iisa lamang sa bahay. Maya-maya ay may narinig siyang malakas na pagaspas mula sa madilim na kalangitan na parang isang malaking ibon na umaaligid sa kanila. Muli ay tumingala ang matanda sa madilim na kalangitan upang tingnan kung saan nanggagaling ang tunog na iyon, ngunit wala pa rin siyang makita. Tumingin siya sa may likuran ng kalesa, laking gulat niya nang wala na roon ang dayuhang lalaki. Kinabahan si Victor na baka sa kanilang paglalakbay ay nahulog ang kanyang pasahero sa kanyang kalesa. Naisip niya na bumalik sa kanilang dinaanan para balikan ang dayuhang lalake kung ito man ay nahulog sa dinaanan nilang kalsada.

                    Isang napakabilis at maitim na bagay ang napansin niyang lumipad sa mga sanga ng mga puno. Tila isang itong napakalaking ibon ayon narin sa tunog ng pagpagaspas ng mga pakpak nito. Napalunok siya sa kaba at sinundan niya iyon ng tingin.

                    Nanlaki ang kanyang mga mata ng makita niyang mula sa di kalayuan ay unti-unting ibinababa ng hangin ang isang nilalang na sa tingin niya ay isang tao. Kulay itim ang kabuuan ng kasuotan nito at kapang kulay itim na inililipad ng mahinang hangin. Tila nahahawig ang nilalang sa dayuhang lalakeng isinakay niya mula sa pantalan ng Maynila kani-kanina lamang.

                  Sinubukan hilahin ni Victor ang lubid na nakatali sa kabayo para pigilan sa pagtakbo ang kalesa. Ngunit mabilis pa rin sa pagtakbo ang kabayo na diretso mismo sa kahabaan ng kalsada na kung saan nakatayo ang nilalang na ibinaba ng hangin. Mabilis ang mga pangyayari kaya hindi namamalayan ng matandang kutsero na napakalapit na niya sa itim na nilalang. Biglang nailawan ng sinag ng buwan ang itim na nilalang at noon ay napagtanto ni Victor na ito ang lalaking dayuhan na sakay nito sa kanyang kalesa kani-kanina lamang.

                  Laking pagtataka ni Victor sa kanyang nakita at hindi ito makapaniwala na ang lalake sa kanyang harapan ay kayang lumapag na tila dala-dala ng hangin. Kitang-kita sa lalake ang mapupula nitong mga mata at nakapako ang tingin nito sa kanya.

                   Mahigpit at buong lakas na hinila ni Victor ang lubid ng kalesa para iwasan ang misteryosong lalake na nakaharang sa kalsada, ngunit hindi na nagawang mapahinto pa ang kabayo at tuluyan ng makakaladkad ang lalake sa kabayo. Laking pagkamangha ni Victor ng biglang ng napakataas ang lalaketumalon ang lalake at nagpasirko-sirko ito sa himpapawid. Pagkatapos ay tila isang tuyong dahoon na lumapag sa mismong kinatatayuan nito sa kalsada pagkaraan ng kalesa. Noon ay unti-unting bumagal na sa pagtakbo ang kabayo hanggang sa tumigil ito paglampas sa isang malaking puno ng Talisay na nakayungyong sa kalsada.

                   Mahigpit pa ring hinihila ni Victor ang lubid ng kabayo habang pigil ang kanyang paghinga dahil na rin sa nasaksihang kababalaghan. Lumingon siya sa kinaroroonan ng lalake at nakita niyang naroroon at nakatingin pa rin ang dayuhan sa kanya na nanlilisik ang mga mapupulang nitong mga mata.

                  Maging ang kabayo ay nakaramdam na rin ng takot at nagsimula itong dumamba na pilit kumakawala sa nakataling lubid sa leeg nito. Walang ibang gustong gawin si Victor ng mga sandaling iyon kung hindi ang makalayo na sa lugar na kinaroroonan niya dala na rin ng matinding takot sa pasaherong dayuhan. Napansin niyang nagsimula nang lumapit sa kanya ang dayuhang lalake na tila umuungol at naglalaway na tulad ng isang aso. Pinilit pa ring pinigilan ni Victor sa pagwawala ang alaga niyang kabayo para mapaamo ito’t kaagad na ring makaalis sa lugar na iyon. Sa di inaasahan ay nahulog si Victor sa kinauupuan niya sa kalesa at tumama ang kanyang bewang sa matigas na bahagi ng kalsada. Namilipit sa sobrang sakit ang matanda at halos hindi ito makatyo sa kinabagsakan sa kinabagsakan nito.

                  Mabilis na tumakas ang kabayo na dala-dala ang kalesa. Naiwan si Victor sa tabi ng kalsada kung saan siya nahulog at halos di na makalakad. Laking panlulumo ng matanda habang nakikita ang papalayo niyang alagang kabayo at naiwan siyang papalapit sa kanya ang lalaking dayuhan. Napadasal ng taimtim si Victor ng habang dahan-dahan sa kanyang paglingon upang tingnan ang lalakeng dayuhan. Laking gulat niya ng makitang wala na roon ang lalake. Nagpalinga-linga sa paligid ang matandang kutsero. Nang masigurong wala na roon ang lalake ay nakahinga ito ng maluwag at saka dahan-dahang tumayo pero binigo siya ng kanyang mga paa dahil sa naramdamang sakit. Muli ay dahan-dahang tumayo ang matanda at sa ikalawang pagkakataon ay hindi na siya nabigo. Mabilis na pinagpagan ang suot na pantalon ni Victor at sinimulang inihakbang ang kanyang mga paa. Naramdaman niya ang pananakit ng kanyang balakang sa bawat paghakbang na kanyang ginagawa para makalayo na sa lugar na iyon. Tiniis niya ang sobrang pananakit ng kanyang balakang at sinimulan na ring umusal ng dasal para gabayan siya ng may-kapal.

                  Muli ay naramdaman ni Victor ang malalakas na pagaspas ng tila isang napakalaking ibon mula sa itaas ng mga mayayabong na sanga ng mga punong-kahoy sa paligid. Muling bumalot ang matinding takot sa matanda at pilit na ininda ang nararamdamang sakit sa kanyang balakang. Hindi nito alam kung anong klaseng nilalang ang lumilipad sa mga snga ng mga puno na sa tingin niya ay sumusunod sa kanya at may balak itong masama. Sa tanda niyang iyon ay noon pa lamang niya naranasan ang ganong katinding takot sa buhay niya. Pinilit niyang tumakbo ng mabilis pero bigo siyang gawin ito dahil hindi pa kaya ng kanyang bewang.

                  Marahan niyang minashe ang kanyang payat na mga paa lalo na ang kanyang bewang para mabawasan ang pananakit nito. Pero kailangan na niyang lisanin kaagad ang kahabaan ng kalsada dahil ramdam niya na malapit lang sa kanya ang lumilipad na nilalang. Pinilit niyang tiniis ang sakit nararamdaman at sinubukang bilisan ang kanyang paglalakad kahit na paika-ika ay makalayo lamang sa lugar na iyon. Pakiramdaman niya ay may mga matang tila nagmamasid pa rin sa kanya sa bawat hakbang na kanyang ginagawa. 

                 Nang may makitang mga bahay sa paligid ng kalsada ay sinimulang kumatok sa mga pintuan ng mga ito para humingi ng tulong. Ngunit tila nagbibingi-bingihan ang mga taong nakatira sa mga bahay na naroon at hindi siya pinagbuksan ng pinto, o sadyang tuluyang umalis ang mga naninirahan sa kani-kanilang mga tahanan dahil na rin sa banta ng kaguluhan.

                  Pagod na pagod na rin ang matanda ng mga oras na ‘yon at halos mabaliw na sa sobrang takot na nararamdaman niya. Nagpalipat-lipat siya sa mga bahay para humingi ng tulong ngunit bigo siyang makahingi ng tulong.

                  Sa di kalayuan ay natanaw ni Victor ang kanyang kabayo na hila pa rin ang kanyang kalesa na nakaparada sa tapat ng isang malaking puno. Gumuhit ang ngiti sa mukhang matanda at nabuhayan ng loob na makakaalis pa siya ng buhay sa lugar na iyon. Di siya nagdalawang isip na puntahan kaagad ang kanyang kabayo at nakahinga ng maluwag ng malapitan niya ito at mahawakan. Agad-agad ay pinilit niyang sumakay sa kalesa at mabilis na pinatakbo ang kabayo upang makauwi na sa kanyang asawang may sakit. Nararamdaman niya na balisa pa rin ang kanyang kabayo, marahil ay may nararamdaman pa rin itong takot mula sa nangyari. Nagdasal ng pasasalamat sa Diyos si Victor dahil pakiramdam niya na ligtas na siya at tuluyan na siyang nilubayan ng dayuhang lalake.

                Biglang natigilan natigilan ang matandang kutsero nang may narinig siyang pumipito sa gawing likuran ng kanyang kalesa. Muling gumapang ang matinding takot sa matanda at ramdam niya mula sa kanyang batok paakyat sa kanyang ulo. Pamilyar sa kanya ang mga awiting pinipito ng taong nasa likuran niya. Dahan-dahan siyang lumingon at napasigaw sa kanyang nakita. Mula sa likuran ay ang lalakeng dayuhan na nakangiti sa kanya at takam na takam habang nakatitig sa kanya.

                Sa isang mumunting dampa ay nakaupo sa isang maliit na mesa ang isang matandang babae na pinagmamasdan ang paligid na parang may hinihintay. Kanina lamang ay inaapoy siya ng lagnat ngunit pinilit pa rin niyang tumayo para ipaghanda ng makakain ang kanyangpinakamamahal na asawa. Umaandap-andap ang isang gasera sa maliit na mesa na kung saan nakahapag sa isang maliit na plato ang dalawang piraso ng kamote at nilagang kangkong. Ito ang pagsasaluhan ng kanyang asawa para sa kanilang hapunan sa gabing iyon.

                  Sa tabi niya ay nakikipaglaro ang alagang pusa na ikinikiskis ang ulo at katawan nito sa kulubot at payat niyang kamay. Maya-maya ay hinimas niya ang ulo ng alagang pusa, binuhat niya ito at inilagay sa kanyang kandungan.

                  "Nining, malapit na siyang dumating. Hintayin na natin si Victor ko, para sabay-sabay na tayo sa pagkain." Ang sabi nito sa pusa na tila tao itong kausap. Para namang nakikinig sa kanya ang hayop na nakatingin sa kulubot na mukha ng matanda. Kung biniyayaan lamang sana sila ng sariling anak ng Diyos ay hindi sana sila tumanda ng walang kasama sa buhay.

                  Tumayo siya sa kanyang kinauupuan at mabilis na tinungo ang pintuan ng may marinig na mga kaluskos mula rito. Dahan-dahan ay binuksan niya ang pinto at nakita niya si Marissa na anak na dalaga ng kanilang kapitbahay na akma sanang kakatok sa pintuan. Sa kamay ni Marissa ay dala-dala niya ang isang mangkok na may nakatakip na platito na mukhang mainit-init pa sa pandama ng dalaga.

                 "Lola Naty, pinabibigay po ni nanay. Sigurado po na pagod na pagod si lolo Victor niyan kaya heto po ang tinolang manok." Ang nakangiting sabi ng dalaga. Tuwang-tuwa naman na tinanggap iyon ng matanda at kinuha sa dalaga ang iniabot na ulam.

                  "Salamat ineng. Wala pa si Victor ko, siguradoong nasa Maynila pa ‘yon at inihahatid ang panauhin ng amo namin. Pakisabi sa nanay mo maraming salamat ha." Ang tuwang-tuwang pasasalamat ni Lola Naty. Nanginginig ang mga kamay niya nang kuhanin kay Marissa ang mangkok sa kanya.

                   "Ganon po ba lola? Naku kawawa naman si lolo Victor.” Napansin niya ang nanginginig na kamay ng matanda. “Hay lola ako na po ang maglalagay sa mesa ninyo." Ang sabi niya kasabay ng pagkuha niya sa mangkok at mabilis na pumasok sa bahay. Inilagay niya ang mangkok sa ibabaw ngkawayang mesa na kung saan naroroon ang puting pusa na alaga ng matanda. Humarap si Marissa kay lola Naty at saka ngumiti. "O sige lola, mauna na po ako." Ang paalam ni Marissa sa matanda. Nakangiti itong hinawakan ang kamay ni lola Naty at saka nagmano.

                  "Sige apo. Maraming salamat ha?" Ang nakangiting sabi niya sa dalaga. Isang matamis na ngiti rin ang isinukli ni Marissa kay lola Naty at mabilis na nilisan ang bahay ng matanda.

                     Muli ay pumasok na ng bahay si lola Naty at umupo sa kinauupuhan niya kani-kanina lamang. Naghihintay ang kanyang alagang pusa na naroroon pa rin sa ibabaw ng mesa. Binuhat niya si Nining at inilagay sa kanyang tabi. Doon ay hinimas-himas muli ang alagang pusa at umusal pa ng mga paborito niyang mga tula na ginawa sa kanya ng kanyang asawa nang nanliligaw pa ito ng kabataan nila.

                    Sa harapan ng kanilang bahay ay narinig ni lola Naty ang pagtahol ng kanyang alagang aso. Tumayo siya at tinungo ang bintana, inuksan niya iyon at doon siya'y dumungaw. Mula roon ay nakita niya ang kanyang alagang aso na nakaupo sa harapan ng kanilang bahay na parang may hinihintay. Napangiti si Lola Naty dahil alam niyang ang kanyang asawa ang hinihintay ni Andoy, ang kanilang alagang aso. 

               "Andoy! Sino ba ang tinatahulan mo ha?" Masayang iwinasiwas ng aso ang kanyang buntot ng marinig niya ang boses ng kanyang among babae. "Salubungin mo si Victor ko pag dumating na siya ha?" Ang masayang sabi pa niya kay Andoy.

                    Pagtalikod niya ay tinungo na ang kanilang higaan. Kanina pa siya nakakaramdam ng antok ngunit pinipigilan niya para hintayin ang asawa. Sinubukan niyang mahiga muna dahil nakakaramdam pa rin siya ng panghihina dahil sa pagkakaroon ng lagnat kanina bago siya iniwan ng kanyang asawa upang sunduin ang panauhin ng kanilang amo sa pier sa Maynila. Ipinikit ni lola Naty ang kanyang mga mata at maka ilang-ulit na rin siyang muntikang makatulog, ngunit nagigising siya kapag may tinatahulan si Andoy. Noon ay bigla siyang nakaramdam ng pangamba para sa kanyang asawa. Matanda na si Victor, paano kung mayroong mangyaring masama sa kanya sa kalsada? Mabilis niyang iwinaksi ang mga pangamba sa kanyang isipan, mahal niya si Victor kaya bago siya humiga sa kanilang tulugan ay pumunta muna siya sa harapan ng kanilang altar at doon ay lumuhod at nagsimulang magdasal para sa kaligtasan ng kanyang asawa.

                   Mga ilang minuto rin ang nakakalipas nang magsimula si lola Naty sa kanyang pagdarasal. Mula sa labas ay narinig niyang muling tumatahol si Andoy. Gumuhit sa mukha ni lola Naty ang masayang ngiti at dali-dali niyang tinapos ang kanyang pagdarasal. Dali-daling nagkrus sa kanyang noo ang matanda gamit ang kanyang rosaryo. Hinalikan muna niyaang putting rosaryo bago ito isinabit sa imahen ng Birheng Maria sa kanyang altar. Nagmamadali tumayo si lola Naty mula sa kanyang pagkakaluhod sa harapan ng kanilang altar ng marinig niyang muli ang kanilang alagang aso sa pagtahol. Muli ay naging balisa si Andoy at panay ang tahol nito sa labas ng kanilang bakuran.

                  Ngunit kakaiba ang mga tahol ni Andoy, sa wari niya ay parang mayroon itong kinatatakutan. Dinig na dinig ng matanda ang pagsusumiksik ng aso sa kanilang pintuan para makapasok ito sa loob ng bahay. Mabilis na tinungo ni lola Naty ang pintuan ng kanilang bahay. Mula roon ay mabilis na tumakbo papasok ng bahay si Andoy. Luminga-linga si Lola Naty sa labas ng bahay para makita kung ano ang kinatatakutan nga ang kanilang alagang aso. 

                  "Andoy!" Ang tawag niya sa kanyang alaga. "Ano ba ang nangyayari sa'yo ha?" Ang naiinis na tanong nito sa aso. Bigla ay umalulong si Andoy sa ilalim ng mesa na kung saan ito nagtago. Kininilabutan naman si lola Naty sa pag-alulong ng kanyang alagang aso na hindi pa nito ginagawa kahit minsan.

                 "Itigil mo na yan Andoy!" Ang sigaw niya sa alaga niyang aso. Ngunit patuloy pa rin sa pag-alulong ang aso. "Andoy, ano ba?" Ang medyo naiinis na niyang pagbawal kay Andoy. Dumampot ng piraso ng kahoy mula sa kusina si lola Naty at dali-dali niya itong ibinato sa aso upang tumigil na sa pag-alulong. Tinamaan sa ulo si Andoy. Dahil sa pagkabigla ay mabilis itong tumakbo palabas ng bahay. Dumeretso ito sa kulungan ng mga manok at nanginginig itong nagtago kasama ng mga iilang mga manok.

                  Noon ay naramdaman na ni lola Naty ang unti-unting paggapang ng kilabot sa kanyang katawan. Lumabas siya ng kanilang bakuran at doon ay pinakinggan ang paligid. Kakaiba ang gabing iyon sa lahat ng gabing nasaksihan niya simula ng magkaisip siya. Iba ang amoy na dala-dala ng simoy ng hangin. Napakatahimik ng paligid at tanging mga huni ng kulisap at mga kuliglig ang kanyang narinig. Naisipan niyang baka nagkakagulo na sa Maynila at tuluyan nang lumusob ang mga Katipunero laban sa mga Kastila.

                   Lalong nangamba si lola Naty para sa kanyang asawa sapagkat sa Maynila naparoon ang kanyang asawa na si lolo Victor para sunduin ang dayuhang panauhin na mapapangasawa ng anak ng kanilang amo. Sa di kalayuan ay narinig ni lola Naty ang mga mahihinang yabag ng kanilang kabayo. Pansamantalang napalitan ng pagkagalak ang mga pangambang namamayani sa kanyang puso ng marininig niya ang pamilyar na yabag ng kabayo. Lumabas ang matandang babae sa kalsada at doon sinubukang maaninag ang kanilang kalesa na sinasakyan ng pinakamamahal niyang asawa. Nakahinga ng maluwag si lola Naty ng makita niya ang kanilang kulay abong kabayo na hilang-hila ang kanilang kalesa na naiilawan pa rin ng maliit na gasera. Halos hindi na makapaghintay si Lola Naty na salubungin ang asawa habang papalapit na ang kalesa sa kanya.

                   "Salamat po panginoon at ligtas ang aking asawa." Ang tanging naidasal niya. Ilang saglit lang ay nasilayan na niya ng maayos ang kulay abong kabayo na hila-hila ang kalesa, ngunit hindi nito sakay ang kanyang asawa. Tumigil sa harapan niya ang kabayo na balisa pa rin at tila may kinatatakutan din.

                  "Victor!" Ang sigaw niya. Inikutan ni lola Naty ang kalesa para tingnan kung naroroon ang kanyang asawa, pero wala roon ang kanyang pinakamamahal niyang si Victor . Noon ay nabalutan ng pangamba at takot si lola Naty. Nasaan si Victor? Nasaan na ang kanyang asawa? Ito ang mga katanungan sa kanyang isipan tungkol sa kinaroroonan ng kanyang asawa.

                  Pumukaw sa kanya ang lubid na nakatali sa kabayo nila. Hinawakan ni Lola Naty ang lubid upang tingnan ang mga mapupula at malagkit na likido na nakadikit dito at saka niya ito inamoy. Biglang bumigat ang katawan ng matandang babae at nanghina nang mapagtanto kung ano ang nasa lubid. Napaupo siya sa kalsada dahil hindi siya puwedeng magkamali. Napahagulgol si lola Naty dahil maaaring dugo iyon ng kanyang asawa. Nanginig ang kanyang mga kamay habang tinitignan ang dugo sa kanyang mga kulubot na daliri. Pilit niyang inaalis sa kanyang isipan na baka hindi naman iyon dugo ng kanyang asawa.

                   "Hinde..." Ang pabulong na sabi niya. Iginala niya ang kanyang mga mata na baka sakaling naroroon lamang ang kanyang asawa.

                   "Victor!" Ang umiiyak nitong sigaw at saka binitawan ang duguang lubid na yari sa mga hibla ng Abaca.

                  Tumayo si lola Naty at nagsimulang lakarin ang kahabaan ng kalsada kung saan nanggaling ang kanilang kabayo. Mabibigat ang kanyang mga hakbang, dahan-dahan ngunit pabilis ng pabilis hangang sa namalayan na lamang niya na tumatakbo na siya. Hahanapin niya si Victor, kailangang mahanap niya ang kanyang asawa. Tumakbo siya ng tumakbo hangang sa ang kanyang katawan ay sumuko na. Napa-upo siya sa kalsada at doon umiyak at sinisigaw ang pangalan ni Victor.

                 Sa di kalayuan ay napatingin si lola Naty at natanaw niya si Victor. Mabagal na naglalakad ito sa kalsada at tila hilang-hila ang kanan niyang paa. Ang dating suot na puting damit ay namamatsahan ng natuyong dugo. Ngunit may kakaiba sa kanyang asawa. Nanlilisik ang mga mapupulang mata nito, naglalaway at umuungol na parang baliw na aso. Mabilis na tumayo si lola Naty at halos patakbong sinalubong si Victor. Ang kanyang pangamba ngayon ay napalitan ng tuwa dahil buhay ang pinakamamahal na asawa.

                  "Victor!" Ang malakas na sigaw ni lola Naty sa pangalan ng asawa. Sa sobrang tuwa ay kaagad niyang niyakap si Victor. "Ano'ng nangyari sa'yo? Bakit duguan ang iyong leeg? Nasaktan ka ba?" Ang tanong niya na punong-puno ng pag-aalala kay Victor.

                  Nanatiling nakatitig lamang sa kanya si Victor. Marahil ay pilit nitong inaalala ang taong yumakap sa kanya. Maaaring pinipilitpa rin niyang pigilan ang halimaw na nasa kanyang katawan at ang nagbibigay ng masidhing gutom upang lapangin ang kanyang asawa. Umuungol ang matandang lalake at halos mabaliw sa naiibang amoy ng kanyang asawa. Takam na takam ito at nagsimulang maglaway habang nakatitig sa kulubot na balat ng leeg ni lola Naty.

                  Sa di kalayuan ay naroon si Andoy, pilit na tinatahulan ang kanyang among si Victor na mahigpit na nakayakap kay Lola Naty. Balisa ang aso, takot na takot ngunit ayaw niyang iwan ang babaeng amo. Umuungol si Andoy at pilit na lumalapit sa dalawang matandang amo.

                  Biglang tumigin si Victor kay Andoy na nagbigay ng matinding takot sa aso, dahilan para ibaba nito ang kanyang buntot at lumayo ng kaunti sa kanila. Naramdaman ni Lola Naty na pahigpit ng pahigpit ang pagkakayakap ng asawa sa kanya. Halos hindi na makahinga si lola Naty.

                  "Victor... bit...bitiwan mo 'ko." Ang sabi ni Lola Naty sa asawa ngunit parang hindi siya naririnig ng nito at lalo pa niyang hinigpitan ang pagkakayakaap nito sa kanya. Nagpumilit na kumawala si lola Naty sa pagkakayakap ng kanyang asawa pero wala siyang sapat na lakas para makawala pa rito.

                 "Victor..." Ang muling nasambit ni Lola Naty nang biglang nilundagan ni Andoy ang among lalake at mabilis na sinakmal nito ang leeg ng matandang lalake. Nakaramdam ng sobrang sakit si Victor at pinakawalan sa pagkakayakap ang kanyang asawa. Pilit niyang inaabot sa kanyang mga kamay si Andoy na hindi pinakawalan ang pagkakasakmal nito sa kanyang leeg.

                   Hindi makapaniwala si lola Naty sa nakikitang ikinikilos ng kanyang asawa. Hindi iyon si Victor, sigurado siya na hindi iyon ang kanyang asawa. Nang makabawi sa kanyang paghinga ay pinilit na tumayo ni lola Naty para awatin si Victor sa ginagawa nito. Nakita niyang nahagip ng mga kamay ni Victor si Andoy at tumilapon ang aso sa mabatong kalsada na labis na nasaktan.

                   Tumayo kaagad si Andoy sa kalsadang kinabagsakan at kaagad na tinahulan si Lola Naty na animo'y sinasabi nitong tumakas na. Ngunit hindi magawang ihakbang ng matandang babae ang kanyang mga paa. Hindi niya kayang iwan ang kanyang pinakamamahal na asawa.

                  "Victor! Ano'ng nangyayari sa'yo?! Tama na! Tigilan mon a yan, pakiusap." Ang umiiyak na sigaw ni lola Naty sa asawa na naging dahilan upang lumingon sa kanya si Victor at muling ibaling ang pansin nito sa kanya. Muli ay paika-ikang lumapit si Victor sa kanya, umuungol pa rin at naglalaway na parang asong ulol. Binalutan na nang matinding takot si Lola Naty nang masigurong hindi na talaga ito ang kanyang asawa, kundi isang demonyo na nagbalat-kayong si Victor.

                  Nilundagang muli ni Andoy si Victor upang iligtas sa ikalawang pagkakataon ang among babae, pero nahagip siya ng mga kamay ng matandang lalaki. Nagpupumiglas ang aso at pilit na kinakagat ang bawat mahagip ng kanyang panga sa katawan ni Victor. Pero hindi na nakakaramdam pa ng ano mang sakit si Victor. Hinawakan ni victor ang ulo ng aso at buong lakas na pinilipit ito at wala ng buhay nang bitawan ang kawawang aso sa damuhang bahagi ng kalsada.

                   "Andoy!" Ang umiiyak na sigaw ni Lola Naty sa pangalan ng alagang aso. Kitang-kita niya ang ginawa ng asawa sa alaga nilang si Andoy, napaiyak siya nang makita ang wala nang buhay nilang aso na pilit na inililigtas siya sa kamay ng kanyang asawa. Noon ay nahimasmasan si Lola Naty at sinubukang tumakbo papalayo, ngunit dahil sa kadiliman ng gabi, hindi niya nakita ang nakausling ugat ng isang puno, dahilan para matisod niya iyon at bumagsak samabatong lupa.

                    Para siyang sinuntok sa kanyang sikmura nang bumagsak sa lupa si lola Naty at pilit na hinahabol ang kanyang hininga. Natuklap ang balat ng kaliwang tuhod nito at nagsimulang dumaloy ang sariwang dugo mula rito. Sinubukan niyang tumayo ngunit matindi ang nararamdaman niyang sakit sa kanyang dumudugong tuhod. Hindi niya namalayan na naroon na si Victor sa kanyang harapan, naglalaway at takam na takam sa naaamoy niyang sariwang dugo.

                   "Vi...Victor?" Ang tanging nasambit ni lola Naty pagkakita sa asawa. Mula sa kadiliman ng kalsadang iyon na napapalibutan ng mayayabong na mga puno, isang malakas na sigaw ang pumunit sa katahimikan ng gabi. At ang buwan ay muling nagtago sa maiitim na ulap na tila ayaw nang masaksihan pa ang mga susunod pang mangyayari sa kadiliman ng gabi kung saan nagsimula ang muling pagbangon ng mga anak ng buwan.



  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

Best Buddies

Kuwento ito ng dalawang magkaibigang anghel na sina Juno at Gabo Kung may pagka-mainipin at makulit si Juno, kabaliktaran naman ito ni Gabo isang araw

Image Description
GretSanDiego
28 November 2019
One Night Ride

A ride to remember or a ride to be forgotten. Sexy, bold, daring story of passion, love, anger and betrayal. A ride that will take you to the past full of vengeance.

Image Description
Mar_Mojica
24 January 2020
The Heiress Poor Charming

Sushmita Costales is a smart, spoiled and heartless heir of Costales conglomerate Her father, thinks that she lacks heart and compassion towards other people Pinatapon siya ng ama niya sa Guimaras

Image Description
WeirdyGurl
31 December 2019