Kathryn Bernardo for a Day

Image Description Alora Sasam   |   23 August 2018


Hi. Hello. Ako po si Alora. And I’m a certified fangirl.

5 4 3 2 1 ACTION


Hindi pa rin kumakalma ang sikmura ko sa mga sandaling iyon. Pagtapos mahanda ang mga camera at lights, tumayo na kami ni Daniel sa gitna ng garden. Nasa likod ko siya. Hindi kami nag-usap habang inaantay ang direktor. Kailan ba ako huling tumakbo? Kaya ko naman sigurong tumakbo. Nakipaghabulan naman ako sa mga kaibigan ko noong bata ako. Ang problema nga lang iba ang takbong ito. Kunwari sweet. Kunwari nobyo mo ang humahabol sa iyo. “Yun na nga! Hindi ka pa nagkanobyo!” Sigaw ng utak ko. “Nakipaghabulan ka na kaso ikaw lang ang naghabol.” Hugot naman ng apdo ko.

Napapailing na lamang ako sa aking naiisip. Kailangan kong magfocus. Trabaho ito. Normal na kabahan pero huwag kang magpalamon sa kaba. Labanan at pagwagian. Aarte ka lang. Sa mga segundong iyon napahiling ako na sana saniban ako bigla ng espirito ni Kath para naman maarte ko ito ng tama.

“5 4 3 2 1, action!” Sigaw ng direktor. Nagsimula na nga akong tumakbo. “Huwag kang madadapa. Huwag kang madadapa.” Paalala ko sa sarili ko. Lumingon ako kay DJ. Tumakbo na rin siya. Biglang tumalon iyong puso ko. Nakakawindang! Ang guwapo naman ng humahabol sa akin. Hindi lang basta guwapo, saksakan ng guwapo. Literal na tall, dark and handsome. So ganoon pala kiligin habang hinahabol ka. Hayaan niyo na po akong kiligin. Kathniel din po ako. Pero hindi mo rin talaga mapipigilan na hindi kiligin kung mismong ang King of Hearts ang humahabol sayo habang nakangiti. Ang nakakaloka sa kaluluwa ay naramdaman ko pa iyong yakap niya nang maabutan niya ako.

“Jusko!” Sigaw ng apdo ko. Ganoon pala ang pakiramdam ni Kath sa tuwing niyayakap siya ni Daniel. Tapos back hug pa. Nakakamatay naman sa kilig ang eksenang ito. Hindi na ako kailangan pang umarte na kilig. Basta na lang namutawi ang kilig sa mukha ko. Ano ba ang ginawa ko to deserve this? Baka ito na ang premyo ko noong hindi ko pinatay ang ipis kahit na feeling butterfly itong lumilipad papunta sa akin.

“Okay good. Sige layo na kayo.” Instruction ni Direk. Sa magkabilang side kami ng garden tumayo ni DJ. Naramdaman ko na ang pawis sa likod ko. Naalala ko ulit ang kili-kili ko. Sana naman hindi niya ako iwan sa ere at ipahiya. Kritikal ang susunod na eksena kasi bubuhatin na ako ni DJ. "Naka-limang cups of rice ako kanina." Tawa ko para maibsan man lang ang kaba. Nagconcentrate ako sa kaguwapuhan niya para kiligin ako ng bongga at magawa ko ng tama ang eksena. “Kili-kili huwag mo akong ipahiya.” Paki-usap ko sa underarms ko bago tumakbo papunta kay DJ. PAPUNTA KAY DJ. Sino ang mag-aakalang mangyayari sa akin ito? Isang fangirl lang ng Kathniel. Habang papalapit ng papalapit si DJ, nagtumbling naman ang puso ko. May lumabas ata na rainbow sa likuran niya. Alam ba ni Kath na ang guwapo guwapo ng ka loveteam niya? Hindi na kailangan pang antayin ang editing para mag slow mo ang mundo. Sa mga mata ko nagslow mo si DJ patakbo sa akin. Naalala mo iyong mga time na nasa school ka tapos nakasalubong mo bigla si crush a corridor? Yung feeling na huminto lahat ng papauwing estudyante sa paglalakad. Tanging si crush lamang ang gumagalaw. Mabagal. Tapos hinahawi ng hangin ang buhok niya. Usually napapanganga ako sa mga ganitong pangyayari pero pinigilan ko dahil wala ako sa school kundi nasa shooting.

Pagdating namin sa gitna, bumuwelo kami pareho. Hinawakan ni DJ ang bewang ko. Tumalon ang adam’s apple ko kahit wala naman akong adam’s apple. HINAWAKAN NI DJ ANG BEWANG KO! Totoo ba ito? O isang pahina lang sa nobela ng paborito kong romantic novel author? Tumalon ako ng konti para tulungan siyang mabuhat ako. Biglang nagdiwang ang mga calories at taba ko sa katawan. Akalain mong nabuhat sila ni DJ? Nagpaparty sa loob ng tyan ko ang butterflies habang inikot ako ni DJ sa ere. All the while, nakangiti lang ako. Todo clap your hands naman ang atoms ko sa mga ngiting binibigay rin ni Daniel.

Ramdam ko ang hingal pagcut ng direktor. At bigla ko agad pinaalalahanan ang sarili ko na eksena lang iyon. Tapos na ang eksena. Hindi na ako si Yna kunwari. Back to Alora mode na. “Wow nabuhat mo ako! Congratulations.” Sabi ko kay DJ. Tumawa ito. Nag inhale exhale ako ng napakalakas. Kulang na lang humingi ako ng oxygen tank sa staff dahil kulang na kulang na ata ng oxygen ang sistema ko. Hinigop ata ng karisma ni Daniel.

Habang inaayos ng production ang kamera para sa susunod na eksena, humanap talaga ako ng tsempo na amuyin ang kili-kili ko. Buti na lang at hindi uso ang ganda ko kaya walang nakatingin. Pasimple akong namewang at pasimpleng inamoy kili-kili ko. Gusto kong umiyak! Umiyak sa saya dahil hindi ako pinahiya ng kili-kili ko! Mabango pa rin siya kahit pinagpawisan ako kanina. Gusto ko ngang halikan kili-kili ko para magpasalamat. Ngiting nabunutan ng tinik ang namutawi sa aking mga labi.

Pagkatapos maaayos ang lente ng kamera ay pinapuwesto na ulit kami sa gitna ng garden. Humiga na raw kami para sa third part. “O ikaw naman ang kabahan.” Sabi ng kili-kili ko sa aking bilbil. Pero bago pa man magkainisan ang kili-kili ko at bilbil ay nawindang namang muli ang buong laman loob ko. “Huwag ka munang humiga.” Narinig kong sabi ni DJ. “Medjo basa ang damo.” Turo niya sa baba. Tumango lang ako. Puti nga naman iyong palda ko kaya siguradong madudumihan iyon. “Kuhanan mo si Alora ng papel para maupuan niya.” Ramdam na ramdam ko ang dahan-dahang paglaki ng eyeballs ko sa sinabi ni DJ sa PA niya. Agad namang humingi ang PA niya sa staff ng papel.

Napaka-maalalahanin naman ng guwapong ito. Gusto ko bigla magpasalamat kay Ms. Karla Estrada dahil napalaki niya ng maayos si DJ. Pagdating ng PA niya ay agad nitong nilapag ang papel sa damuhan. “Ay salamat po.” Pinigilan kong ngumiti. Uupo na sana ako nang maramdaman kong hinawakan ako ni DJ sa siko. Nagbunyi ang kanang siko ko! Inalalayan ako ni DJ habang paupo ako sa papel. Ganito pala ang pakiramdam makatrabaho ang isang gentleman. Kahit sobrang sikat niya, hindi siya nagdiva-divahan bagkus ay tumulong pa sa co-actor niya. Kahit na hindi naman ako si Kath, inalalayan niya pa rin ako.

Naupo na rin siya. Nahiga na ako. Nahira na rin siya at pinatong niya ang ulo niya sa tyan ko. Bigla atang nagstop ang metabolism ko. Palihim akong napadasal na sana huwag namang biglang tumunog ang tyan ko sa gutom at marinig ni DJ. Huminto sa paglipad ang mga paru-paro sa tyan ko. Umupo sila at pinakiramdaman ang bigat ng ulo ni King of Hearts. Hindi na ako gumagalaw. Ayokong gumalaw. Baka sa paggalaw ko, marinig ni DJ ang tunog ng fats ko sa tyan. Gusto kong magjoke bigla para mawala ang focus ko sa bilbil ko. Pero kung kelan na kailangang kailangan mo ang kabaliwan ng utak mo, hindi mo naman mapakinabangan sa minutong iyon.

“Okay ka lang?” Biglang tanong ni DJ. “Bakit? Tumunog ba tyan ko?” Gusto ko sanang itanong. “Oo. Okay naman. Ikaw?” Tumango lang ito. Napansin kong napapangiwi siya sa sikat ng araw. At doon ko lang napansin ang sikat ng araw. Sa sobrang focus ko sa bilbil ko hindi ko na napansin ang araw. “Gawin mong unan tong kamay ko.” Sabi niya bigla. “Ha?” Naguluhan ako. Nalito pero sinunod ko naman siya habang siningit niya ang kaliwang kamay niya sa pagitan ng ulo ko ang ng damuhan. “Omaaayhaaad! Ganito pala pakiramdam ng kamay ni King of Hearts!” Sigaw ng buhok ko. Tapos hinawakan ng kanang kamay niya ang kaliwang kamay ko. Nagbunyi ang mga daliri ko. Baka nga nagblush pa ang mga nails ko sa sobrang kilig.

Kinagat ko ang inner cheeks ko para huwag magpadala sa nangyayari. Kasi kung hindi ko pipigilan ang cheeks ko baka kanina pa ito nakangiti sa sobrang kilig. Totoo talaga ang sabi nila. Napaka-gentleman ng isang Padilla. Ganito pala ang pakiramdam ng maalagaan ng isang Padilla. Papel at kamay nga lang ang ebidensya ko, ano pa kaya si Kath? Iyong mga nakikita nating sweetness nila, buti nakaya ni Kath. Ganito pala ang feeling maging Kathryn Bernardo. Ang lakas makababae. Maraming salamat babae ako!

“Pikturan mo kami. Send mo kay Kath. Matatawa yun.” Sabi ni DJ sa PA niya. Actually pakausap na lang kay Kath para makahingi man lang ng tips kung paano makayanan ang isang Padilla. Nauubusan na ako ng fighting spirit para huwag kiligin. Kanina pa ako natatalo sa kilig.

Pagsigaw ng action ni Direk ay sabay na kaming ngumiti ni DJ. Kunwari sweet. Ang cute niyang ngumiti habang nilalabanan ang sikat ng araw. Sa isip ko, napaka-professional naman ng artistang ito. Sumusunod talaga sa eksena kahit medjo nahihirapan. Kanina ko pa siya hindi naririnig magreklamo kahit anong ipagawa sa kanya.


Description: Macintosh HD:Users:emmanuelgloria:Desktop:Alora Kwentong Fangirl:Alora Articles:Kathniel:6A.jpg

Sweet-sweetan sa damuhan.


Sa last part ng spoof na iyon ay halos hindi kinaya ng energy ko. Magtititigan lang naman kami ni DJ habang hinahawakan niya ang mukha ko tapos sasabihin niyang may surprise siya sa akin. Nakakaloka! Doon pa lang sa tititigan baka himatayin na ako, tapos hahawakan pa mukha ko? Buti at nagtoothbrush naman ako bago magshoot. Hindi naman kami maghahalikan pero buti na lang iyong safe tayo sa mga pasaway na amoy ng bawang sa ulam.

Nakatingin ako sa shoulders ni DJ habang hindi pa nagbibilang si Direk. Nag-iipon ako ng lakas. “Ito na talaga ang ikakasira ng career mo.” Biro ko para mamatay ang nerbyos ko at buti natawa naman siya. “5 4 3 2 1, action!” Sabay nang pagtitigan namin ang paghawak niya sa mukha ko. Grabe ang mga mata ni DJ. Parang hinihigop ang kaluluwa ko. Nakaka-proud sa sarili na kinaya kong makipagsabayan sa titigan. Buti na lamang at comedy ang atake ng mga eksena kaya napaglalaruan ko ang mga ekspresyon ko. Kinikilig pa iyong cheeks ko sa hawak ni DJ. Hirap talaga kapag NBSB ka pa. Nakakapanibago ang mga ganitong eksena.

“May surprise ako sayo.” Sabi ni DJ.

“Ano yun?” Pabebe kong tanong.

“Pikit ka muna.”

Pumikit ako sabay lumipat siya sa likuran ko at tinakpan ang mga mata ko. Naririnig ko si Direk habang sinasabi nitong huwag akong didilat. Nalito pa ako sa instruction. Hindi ko alam kung bakit ako pinapapikit. Pero hangga’t hindi nagcut ang director, bawal kang huminto sa pag-arte. Naramdaman kong tinanggal na ni DJ ang mga kamay niya sa mata ko. Nakarinig ako ng may sumigaw na dumilat na raw ako. Pagdilat ko, nilingon ko si DJ sa likod ko. At talaga namang ganun na lang ang gulat at sigaw ko ng makitang multo na pala ang nasa likuran ko. Sa gulat ko ay napatakbo ako palayo. Nawala ng kaguwapuhan ni DJ at napalitan ng multong naka-madre na costume at puting-puti ang mukha. Nakita kong tawang-tawa lang si DJ sa gilid ng kamera. Narinig ko si Direk na tumakbo lang daw ako.

Bigla namang nagbago ang mundo. Kung kanina si King of Hearts ang humahabol sa akin, biglang napalitan ng Sister of Horror. Kanina kinikilig pa ako pero bigla akong nagulat at sandaling natakot. Pagsigaw ng cut ng direktor ay nagpalakpakan na lahat. Hindi ko alam kung matutuwa ako sa palakpak nila. “Direk! Ano pong kasalanan ko sa inyo?” Biro ko habang hinihingal sa pagtakbo. “Para authentic ang reaksyon mo.” Tawa ni Direk. Nasa script naman talaga iyong may horror effect ang spoof namin pero hindi ko naman akalaing ganun ang gagawin ni Direk. Hindi ako na inform. Napagod man ako sa kakasigaw at least maganda naman ang kinalabasan ng eksena.

Iyon na ang last part ng spoof kaya ni-release na ng production si Daniel. Nagpaalam na ito sa aming lahat. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na ang bait niya at gentleman. Ma suwerte si Kath sa kanya. At napaka-professional niyang artista. Pero isang tipid na “Thank you” na lamang ang binitawan ko.

Habang naglilipat na ang production ng mga gamit sa kabilang location, napaupo muna ako sa mono block chair. Huminga ng malalim. Nagpakalma. Tapos na ang pagpapanggap na Yna. Back to Alora mode na. Tapos na ang feeling Kath. Back to Alora mode na. Kinuha ko agad ang phone ko at tinext si Kath. “Grabe ang sarap pala maging ikaw!” Sabi ko. “Nakakababae no?” Reply ni Kath. Sumagot agad ako ng “Sobra! Buti kinakaya mo!” Mula noon tuluyan na akong naging fangirl ni Daniel. Na-recruit ako ng pagiging gentleman at mabait niya.


Next Chapter: BAKIT KATHNIEL


Read more of my stories:


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE