Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




Learn When To Let Go

Image Description KyLiiemichy   |   05 January 2018


Learn when to let go, and love yourself more.

We kissed.

Yes. We did.

Naka-ilang pagtayo at higa na ba ako sa kama? Naka-ilang pabalik balik na paggulong na rin ba ako?

Nakakabaliw! Hindi maalis ang ngiti sa labi ko. Hindi ko maintindihan kung anong nararamdaman ko ngayon. Kulang ang salitang, maloloka na ako, nababaliw na ako, sa nararamdaman ko ngayon.

Grabe! Gan'to ba talaga ang epekto niya sa'kin?

Matinding eye bags ang bumulaga sa'kin nang maharap ako sa salamin kinaumagahan. Kulang na lang ay sapakin ko ngayon ang salamin dahil sa itsura ko na nakikita ko ngayon.

"Buti sana kung walang pasok! Makikita ko siya mamaya!" Halos pasigaw kong sabi. Nakailang padyak pa 'ko bago tuluyang pumasok sa banyo para maligo na.

Late. As always. Lagi naman e.

"O, Miss Kerr. Ano na namang palusot mo ngayong late ka ulit?"

Napanguso ako sa sinabi ni Ma'am Alison. Lalo na nang magtawanan ang mga kaklase ko.

Paupo ako sa desk kong sumagot. "Napuyat po Ma'am."

"Pinuyat ni Crane 'yan!" Sigaw ng isa kong kaklase.
"Nag-date sila kagabi ni Crane, Ma'am!" Hirit pa no'ng isa kaya nilingon ko 'yon at sinamaan ng tingin.

"Aba, Mr. Fuentes, may ganyan pala kayo ni Miss Kerr a," ani Ma'am na may himig ng panunukso kaya naman napa-face palm na lang ako. Literal!

Gustuhin ko mang lumingon kay Crane ngayon ay hindi ko magawa. Gusto kong makita ang reaksyon niya. Gusto kong makita kung pa'no niyang ikukunot ang noo niya at iiling. Kaso, lahat ata ng hiya sa buong mundo, nakain ko.

Well, ngayon lang naman.

"Hindi naman kami lumabas ni Mabe, Ma'am," rinig kong sabi ni Crane. Napuno tuloy ng tuksuhan sa klase.

"Hoo! Mabe, Crane a! Iba na 'yan!" Tukso na naman ng isa kong kaklase kaya napunong muli ng tawanan ang buong classroom.

"Aba! E 'di kayo na nag-e-enjoy," bulong ko na lang sa sarili ko.

Habang nag-o-order ako ng pang-lunch ay kanina pa 'ko kinukulit ni Yam. Pa'no, isa rin siya sa shipper ng Mabe love Crane na 'yan. Susme! Ang kilay ko, malapit na maging unibrow!

Hinarap ko siya. "Yam, pwede pakainin mo muna ako?"

Umirap siya at ngumuso. "Ganyanan naman e. Kapag ako, share agad. Kapag ikaw, ganyan. Lihim pa more!"

Napa-iling ako. "Paupuin mo muna kasi ako 'di ba? Magkukwento naman ako."

"Fine! Fine!" Aniya habang nakataas pa ang dalawang kamay sa ere, hudyat na suko na siya sa pangungulit sa'kin.

Nang maka-upo kami sa table ay agad na kumain si Yam. Aba, akalain mong mas gutom pa pala siya sa'kin dahil sa bilis niyang naubos ang pagkain niya. Ako, heto't wala pa sa kalahati e, busog na.

"Shetenginis! Nahihiya naman na ako! Nakakaloka!" Mahinang bulalas ko. Sakto lang para marinig ni Yam.

"E, ano ba kasing nangyari? Ano 'yong narinig kong may long night talks with Crane and Mabe raw na nangyari?"

Bahagyang nanlaki ang mata ko. Ang bilis talagang kumalat ng chismis.

"Anong 'late night talks with Crane and Mabe'?" Pag-uulit ko. Paninigurado lang. Mamaya kasi, OA na naman ang kwento.

"Hala. Nahalikan lang, nagka-amnesia na? Bago yan 'te! Push mo 'yan!"

Napatayo ako. "What?" Kulang na lang ay mapasigaw ako. "Sinong nagsabi sa'yo? Pa'nong alam mo 'yan?"

Hinila ni Yam ang kamay ko t'saka ako pinaupo ulit. "Eskandalosa ka 'te o. Umayos ka kung ayaw mong pagtinginan tayo."

"Yam! Ano nga?"

Ngumisi siya. "E 'di ikaw naman ang na-excite ngayon? Akala mo ba walang nakakita?"

"Sinong nakakita?" Bigla akong kinabahan.

Alam na ba ni Crane na may nakakita sa'min? Hala! Pa'no kung magalit siyang may nakaalam na no'n? Pa'no kung sabihin niyang ako ang nagsabi? Ano ba 'yan!

Mas lalo tuloy akong nanlumo. Mas lalong hindi ko alam kung pa'no siya kakausapin, o lalapitan man lang.

Narinig kong tumawa si Yam dahilan para mapalingon ako sa kanya. Inis ko siyang tinitigan ng masama.

"Walang nakakatawa! Yam naman e!"

"Meron Mabelle! 'Yang mukha mo!" Aniya habang patuloy siya sa pagtawa.

"Yamana!" Suway ko sa kanya.

Pilit niyang pinakalma ang sarili nang tawagin ko siya sa buo niyang pangalan.

"O siya, siya. Sorry na. Niloloko lang kita. Nagpahuli ka naman. Siyempre, ako 'yong nakakita," naka-peace sign niyang sabi dahilan para hampasin ko siya sa balikat. "Aray naman Mabe! Mapanakit ka talaga," nakanguso niyang sabi.

"Alam mo ba kung ga'no akong kinabahan sa sinabi mong may nakakita? Pa'no kapag nalaman n'yang may nakakaalam? Huh? Mamaya magalit pa 'yon sa'kin. Eish!" Maktol ko.

"E ano naman kung may nakakaalam?"

"Kilala mo si Crane, Yam."

She shrugged. "I do know him. At kilala rin kita. Para kayong tanga ngayon na hindi nagpapansinan at hindi nag-iimikan. Aba! Tinalo niyo pa ang pinukpok na snail, na lalabas lang kapag wala na ang isa. Nakakaloka!"

Sumandal ako sa upuan at bumuntong hininga. "Mas maloloka na ako Yam. Hindi ko talaga alam kung pa'no ko siya kakausapin."

"Sus. Si Mabe? Si Mabe na akala mo kung makipag-flirt kay Crane, walang hiya? Oh my. Spare me. Hindi ka kapani-paniwala."

"But this time is different." Umayos ako ng upo at tinitigan si Yam na akala mo ay hindi talaga naniniwala sa sinasabi ko. "Anong sasabihin ko sa lalaking pinilit kong halikan ako? Shetenginis lang!"

"Pinilit?" Kunot noong ulit ni Yam.

"Oo. Pinilit. At naulit. Naulit ng maraming beses."

Nanlaki ang mga mata niya. "'Marami? Teka. Isang beses lang 'yong nakita ko a."

Ngumisi ako. "Isang beses ka lang sigurong sumilip."

Tumawa siya. "Malandi ka!"

Ngumuso ako. "Kay Crane lang 'no!" Sabay na kaming tumawa pero agad ding natigil 'yon nang mahagip ko si Crane na kausap si Sally.

Nag-iwas na lang ako ng tingin nang mapalingon din sa gawi ko si Crane. Kung dati, pabiro ko siyang titigan ng masama t'saka ko siya iirapan dahil kasama niya si Sally, ngayon ay hindi ko na magawa 'yon. Kung dati ay makikita ko siyang ngingiti at pasimpleng lalayo kunwari dahil nga pinapakita ko sa kanyang ayaw kong may kinakausap siyang ibang babae, ngayon ay hindi ko alam kung ginawa niya 'yon.

"Ohh. Kasama niya si Sally niya. Ang Sally ng buhay niya. Na ka-Sally na sa future niya. Kay Sally na, patay na patay siya. Ayy. . . Waley ka na friend. Iwas na. Move on na. Tutal, natikman mo naman na," rinig kong komento ni Yam pero hindi ko siya pinansin. Nakayuko pa rin ako at napapikit na lang.

Move on? Ang dali naman kasing sabihin n'yan pero napakahirap gawin! Susme!

Huling lecture class namin. Nakaupo na ako sa upuan ko nang may tumabi sa'kin.

"Girl, 'di naman kayo nag-uusap ni Crane?"

Napa-angat ako ng ulo at nakita do'n si ate Lilac. Close friend siya ni Crane. Isa siya sa mga nag-pu-push sa'kin kay Crane at kung makatukso, wagas. Kumbaga sa fan, tinalo niya pa ang shippers ng JaDine at KathNiel.

Napabuntong hininga ako t'saka niyakap ang braso niya. "Ate Lilac. Maloloka na 'ko. Konti na lang, isusugod niyo na 'ko sa mental hospital."

Tumawa siya. Mahinhin lang na tawa. Gano'n naman si ate Lilac. Napakahinhin niya. Kaya minsan, kahit ga'no pa ka-churva ang mga words ko sa kanya, itatawa lang niya. Buti na lang e, naging close ko rin siya.

"Mag-usap kasi kayo a."

"E pa'no ko nga siya kakausapin ate?" Napakamot ako sa ulo sa 'di malamang dahilan.

"Hmm. 'Di niya rin daw kasi alam kung pa'no ka i-a-approach," aniya na nagpalaki ng mata ko.

"Ha? Sabi niya 'yon?"

Ngumiti siya. "Oo nga. Alam mo naman si Crane. Mahiyain din 'yon."

Ngumuso ako. "Sus! Torpe a kamo ate. Idagdag mo pang, ako na nga gumawa ng moves tapos ganito pa mangyayari. Nako! Kung alam ko lang talaga na gan'to mangyayari, 'di ko na lang sana ginawa 'yon."

Bago pa kasi mangyari nga ang halikan with long night talks with him nga, medyo close na kami. Nakakasama ko na siya sa labas. Hinahatid niya na ako sa sakayan bago umuwi. Nagtatawanan na kami ng kaming dalawa lang. Nakaka-jamming ko na siya sa mga karaoke, at kung anu-ano pa. Gano'n na kami ka-close e! Susme! Nang dahil lang sa nangyaring 'yon, back to zero na ulit kami.

Nakakapanlumo!

Lumapit sa'kin si ate Lilac at bumulong. "First kiss nga kasi niya."

Nilingon ko si ate Lilac t'saka ako ngumiwi. "Weh?" Ayokong maniwala. Hindi ako naniniwala.

"Oo nga girl," humagikgik siya. "A basta. Mag-usap nga kasi kayo," aniya t'saka na nagpaalam na may pupuntahan pa.

Ako? Heto. Nganga. Although may narinig akong wala pa siyang nagiging girlfriend, hindi ko naman akalaing wala pa talaga siyang nahalikang babae! Susme! Nagkasala nga ata ako!

Lumipas ang mga araw. Gaya no'ng mga nakaraan ay wala talaga kaming pansinan, unless it's necessary for me to talk to him. Iwasan ng tingin ang peg namin. Mahuli siyang taya, parang ganern! Charot! Ewan! A basta! Para kaming tanga! Lalo na 'ko! Lecheng hiya 'to! Nakaka-imbyerna!

Dinner. Nag-aya si kuya Jerby na kumain sa labas kasi nga kararating niya galing sa bakasyon. Ka-close namin siya ni Crane, at maging si ate Lilac. Kaso, ngayong gabi, ako, si kuya Jerby, si Crane at Kiel ang magkakasama. One of the boys talaga ako kahit kailan.

Nasa kalagitnaan kami ng pagkain, siyempre 'di ba? Malamang. Anyways, aabutin ko na sana 'yong sandok sa kanin pero malayo sa side ko. Sa kasamaang palad, kay Crane malapit. Tatayo na sana ako para kunin 'yon pero laking gulat ko nang iabot 'yon ni Crane.

"Thanks," mahinang sabi ko. Ewan ko kung narinig niya pero nagpasalamat na rin ako. Gano'n lang kami. Parang nagpapakiramdaman lang kung ano ang gagawin o kailangan ng isa. Kapag mag-uusap naman, ako at si Kiel ang mag-uusap. Minsan, ako at si kuya Jerby. Ta's, si Crane at kuya, or si Crane lang at Kiel.

Para talaga kaming tanga. Nakakaloka! Hindi naman halatang hindi talaga kami nag-uusap 'di ba?

After ng klase, kasama ko ngayon si Kiel. Gaya ni Yam ay close friend ko rin siya. Sa Café Angelo kami dumiretso para lang mag-unwind. Katatapos kasi ng exam namin.

"May na-kwento sa'kin si Crane," aniya kaya naman napalingon ako sa kanya. "Wow," tumawa siya ng pagak. "Basta talaga tungkol kay Crane, daig mo pa 360 degrees kung makalingon agad-agad e 'no?"

Nginusuan ko siya. "Ano nakwento niya? May kinalaman ako?"

He smirked. "Actually, about talaga sa'yo."

Napalunok ako. Nando'n na naman 'yong kaba na nararamdaman ko sa tuwing maalala ko 'yong ginawa ko kay Crane. 'Yon lang naman kasi ang kasalanan ko sa kanya, bukod sa araw-araw ko siyang pinagpapantasyahan siyempre, na ako lang dapat nakakaalam. Nga lang, sa kasamaang palad, alam na ata ng buong klase. Pa'no naman kasi, kung mang-asar ang mga naturingan kong kaibigan, wagas!

"Ano naman 'yan?"

"You kissed him?" Walang paligoy-ligoy na tanong ni Kiel kaya naman literal na napanganga ako.

Face palm! 'Yong totoo? Akala ko ba hindi madaldal si Crane tungkol sa mga gano'ng bagay?

Napailing ako. "Anong sabi niya?"

Umayos siya ng upo. "Kasi gan'to 'yan. Napansin ko kasing hindi kayo nagpapansinan. So I was like, anong meron sa inyo ni Mabe? May nangyari ba? Ta's sabi niya, what do you mean? E ako naman siyempre, chismoso ang lolo mo, kaya mega-question ulit ako. May nangyari nga ba kasi? Ta's super shake ng head ang kuya mo. E 'di sabi ko, meron nga. Ta's um-oo siya, then sabi niya nga hinalikan mo nga raw siya. E 'di nganga naman ako at mega-question ulit, tanong ko, sa'n? Tinuro niya cheeks niya, noo niya, ilong t'saka lips niya. Aba! Hindi mo naman siya masyadong kinain 'no?"

Hindi ko napigilang tumawa. Kapag nagku-kwento talaga 'tong si Kiel, walang preno. Ka-uri ko kasi 'yan, kaya ganyan!

"Gaga. Hindi kain 'yon. Papak pa lang 'yon. Kumbaga, tinikman ko lang. Ganern," kibit balikat kong sabi. Wala naman na akong magagawa kung nalaman niya na 'di ba? Alangang itanggi ko pa, e na-kwento na pala no'ng isa.

"Wow! An'sabi ng tikim mo 'te?"

Pareho na lang kaming natawa.

Pero, wow lang. Gano'n siya ka-komportableng nag-kwento kay Kiel? Sabagay, close sila. Pero, wow lang a. Hindi naman masyadong marami nang nakakaalam niyan.

"Pero alam mo, nagsisisi akong ginawa ko 'yon na hindi. Love-hate feeling siya? Ganern! Ambivalence ba. Kasi naman, okay na kami e. Close na kami. Ta's magiging gan'to lang," bumuntong hininga ako. "Back to zero na naman ang peg ko. Kulang na lang talaga, mag-cartwheel ako sa harap niya para pansinin niya ako."

Nakakaiyak. Nakakabwisit. Nakakaleche. Nakakaloka. Nakakabaliw!

"Nag-uusap naman na kayo a."

Kumunot ang noo ko. "Kailan?"

"Kinakausap ka naman niya."

"If it's necessary, yes. Pero 'yong biruan na tulad ng dati, waley na. As in, wala na! Nakakaiyak friend!" Umakto pa 'kong parang naluluha with matching pat-dry pa ng mata pero chos lang.

"Arte! Ang landi mo kasi."

"Kay Crane lang naman," nakangusong sabi ko.

"Malandi ka pa rin," nakairap niyang sabi kaya naman inirapan ko rin siya. "Tignan mo si Sally, 'di siya gano'n, kaya siguro siya ang gusto niya."

Leche! Oo na. Si Sally na. Si Sally na mabait, maganda, matalino, siya na. Sila na talaga!

Nangalumbaba na lang ako sa mesa. Kung may ihahaba pa ang nguso ko siguro umabot na kay Kiel at sinasapak na siya ngayon. Nakakainis lang kasi. Lagi na lang nila akong kino-compare kay Sally. Alam ko namang wala akong laban do'n e.

"Pero, try mo pa rin siyang kausapin. Malay mo, kausapin ka na rin niya," rinig kong sabi ni Kiel pero 'di ko siya nilingon at sa kape lang ako nakatitig.

"Nag-uusap naman kami."

"Naman pala."

"Kapag kailangan lang na mag-usap kami."

"E ano bang gusto mo?"

Nag-angat ako ng tingin at tinitigan si Kiel.

Oo nga. Ano nga bang gusto ko? Ano bang mangyayari once na mag-usap na kami ni Crane?

Well, duh! Friends na ulit kayo at siyempre, malalandi mo na siya ulit. Malalapitan. Mayayakap mo 'yong braso niya. Makakasabayang kumanta. Mga ganern.

Leche! Manahimik ka utak. Sa'yo ako minsan nadadali e!

"Hoy Mabe! Ano nga?" Pukaw sa'kin ni Kiel. Nakita ko siyang umiling. "Move on ka na kasi. Tutal, naka-score ka naman na sa kanya."

Napayuko ako at muling tumingin sa kape na nasa harap ko. 'Di ko pa 'yon mainom kasi mainit masyado.

"I miss him, Kiel. I miss Crane. I miss us, kahit walang kami. Namimiss ko 'yong mga asaran namin. 'Yong mga sagutan namin. 'Yong pagpapa-cute ko sa kanya. 'Yong titigan namin. 'Yong kahit anong irap niya, okay lang. 'Yong kami na gano'n. Gets mo?"

Kumunot ang noo niya. "Hindi girl. Nawindang lang ako sa sinabi mo."

Bumuntong hininga ako. "Basta, 'yon! 'Yong feeling na kapag malapit ako sa kanya, namimiss ko. Namimiss ko 'yong amoy niya, kahit pa si Sally ang nagbigay ng pabango na 'yon na gustong gusto niya. Miss na miss ko na siya, 'yon lang 'yon."

Actually, oo. 'Yon talaga ang nararamdaman ko. Namimiss ko na siya, sobra. Kung pwede ko lang ibalik 'yong dating kami, binalik ko na.

"Mahal mo na ba si Crane, Mabe?"

Nag-angat ako ng tingin kay Kiel. Kasabay no'n ay ang mabilis na pagtibok ng puso ko, na akala mo gustong kumawala sa hawla dahil nakakulong.

Umiling ako. Mabilis na pag-iling ang ginawa ko.

"Hindi a. Gusto ko lang siya," bulalas ko.

Inirapan ako ni Kiel. "Sinungaling."

"Hala. Over naman!"

"Oo na lang, Mabe. Sige lang. Paniwalain mo na lang ang sarili mong hindi mo siya mahal at gusto mo lang siya. Sa huli, ikaw din ang mababaliw. Mamaya, hindi ka na lang sa'kin nagsisinungaling, pati na sa sarili mo. Ang mahirap d'yan, kapag hindi mo na na-differentiate ang pagkakaiba ng mahal na at gusto lang," mahabang litanya ni Kiel na talaga namang mas lalong nagpagulo sa isipan ko.

Lalo na sa puso ko.

It's been a month. Yes. Isang buwan na kaming hindi nag-uusap, o nagpapansinan man lang ni Crane. Grabe na ba? Malala na ba?

"Oo. Malala na," pukaw sa'kin ni Vone. "Naka-ilang tanong ka na kung malala na 'yang sa inyo ni Crane. Naka-ilang sagot na rin ako ng oo. Paulit-ulit ka na lang. Kung kinausap mo na kasi siya. Ang tagal tagal ko ng sinasabi 'yan sa'yo. Para magkaroon ka na ng peace of mind. Okay?" Naka-irap niya pang sermon na nagpanguso sa'kin.

"'Di ko pa nga siya kayang kausapin."

"So? Ano na lang kung gano'n? Ganyan na lang? Lagi mo siyang bukambibig pero 'di mo naman maharap."

"Kung ikaw lang talaga nasa kalagayan ko Vone."

"Kung ako nasa kalagayan mo Mabe, matagal ng tapos 'yan. 'Di pa ba clear sa'yo na wala siyang gusto sa'yo? Na wala siyang pakielam sa presensya mo?"

"Aray naman."

"Oo. Aray talaga! At kapag hindi mo pa 'yan tinapos, mas lalong a-aray ka d'yan. Ang malala kapag may kasama ng paiyak iyak. Nako! Malaman ko lang talagang iniyakan mo si Crane, hay nako Mabe!"

Napasandal ako sa upuan at bumuntong hininga. Nasa isang bar café kami ngayon ni Vone. Hinihintay niya lang next class niya kaya sinamahan ko muna siya. Gaya nina Kiel at Yam, close friend ko rin siya.

"E ano ngang dapat kong gawin ngayon?" Halos naka-busangot ko ng tanong.

"Kausapin mo na nga. Eish! Paulit ulit!"

"Natatakot ako."

"Natatakot? Para sa'n? Natatakot kang marinig kung anong sasabihin niya? Na ma-reject, or something?"

"Natatakot akong hindi niya ako pansinin."

Biglang lumamlam ang mukha ni Vone. Lumapit siya sa'kin at hinimas ang likuran ko. "At least you've tried right? You need closure to end things. Things like this. Hindi ka kasi matatahimik kapag hindi mo nalaman ang side niya. His reasons why he did that."

Niyakap ko ang braso niya t'saka ko pinatanong ang ulo ko sa balikat niya. Tama naman kasi siya.

Nga lang, ang tanong, kaya ko bang talaga?

Lunch. Magkakasama kami nina Yam, ate Lilac, Kiel, at Crane. Sa isang bar and resto kami kumain.

Spell awkward?

Shemay! Kulang na lang talaga ay mawalan ako ng hininga nang iwan nila kaming dalawa ni Crane sa table. At kung napapanis lang ang laway, panis na 'yong sa'min.

Pasimple akong huminga ng malalim. Inipon ko na talaga lahat ng kakapalang mukha na meron ako.

Kailangan ko siyang maka-usap at heto nga't binigyan na kami some time alone ng mga loka lokang kaibigan namin.

Heto na. This is it. Bahala na si Batman. Bahala na rin si Superman. Susme! Ang lakas-lakas ng kabog ng dibdib ko. Kulang na lang hawakan ko 'yon dahil pakiramdam ko, any moment lalabas na siya sa ribs ko!

"A, C-Crane?"

Naka-earphones si Crane pero nang mapansin niya siguro akong magsalita, tinanggal niya 'yon.

"May sinasabi ka?"

Tumango ako. "Ayaw mong sumunod sa kanila?"

Umiling siya. "Dito na lang ako. Masyadong mainit sa labas."

"Hmm. . ." Umayos ako ng upo.

Juicecolored! Help me!

Isa pang breathe in and out ang ginawa ko. Nakita ko pang parang nagtataka si Crane sa ginagawa ko kaya pasimple akong napangiwi.

Hero na talaga! Wala ng atrasan 'to!

"Crane, galit ka ba sa'kin?"

Kumunot ang noo niya. "Huh?"

"Kako, galit ka ba sa'kin?"

"Hindi," kunot noo niya pa ring sagot.

"E ba't 'di ka namamansin?"

Bahagyang natigilan si Crane. Nakita ko siyang nag-iwas ng tingin at umiling.

"Pinapansin naman kita," aniya nang mag-angat siya ng tingin ulit sa'kin.

"I mean, 'yong pansinan na hindi natin kailangang mag-usap dahil nga kailangan lang. 'Yong usual na pag-uusap ang ibig kong sabihin." Napa-hawak ako tenga ko at pasimpleng hinimas 'yon. Ramdam ko na ang kaba. Sobra-sobra na.

Tumingala siya at dahan-dahang inihilamos ang kamay niya sa mukha. Nang magbalik siya ng tingin sa'kin ay diretsong nangalumbaba siya.

"Sige na. Papansinin na kita."

"Hindi mo sinagot ang tanong ko. Ba't kako hindi ka namamansin nitong nakaraan? Crane naman. Susme! Umayos ka naman ng sagot."

"Maayos naman ako."

Hindi ko na napigilang mapakunot noo at mapataas ng kilay. Nakaramdam ako ng inis. Iwas na iwas siyang sagutin 'yong tanong ko.

"Bakit nga hindi ka pumapansin?" Nasa himig ko na ang pagka-irita. Ewan ko kung napapansin niya, pero shetenginis! Ang manhid niyang sagad!

Muli ay umiling siya. Ni hindi na niya masalubong ang titig ko. Ibinaling niya pa sa phone niya ang tingin niya.

"Papansinin na nga kita. Sige na," aniya na lalong nagpa-inis sa'kin.

Tumayo ako at mataman siyang tinitigan. Nang tumingin siya sa'kin ay hindi nakaligtas sa paningin ko ang pagtataka sa mga mata niya na bigla ring napalitan ng pagkagulat.

"Mabe. . . Teka, ba't ka umiiyak?"

Umiiyak?

Pinakiramdaman ko ang pisngi ko at do'n ko lang nakapa na may luha nga ro'n. Agad kong pinahid 'yon t'saka ako napailing. Hindi ko alam pero bahagya na lang akong tumawa at muling umiling. Halo halong emosyon ang nararamdaman ko nang sandaling 'yon.

Hiyang hiya ako sa nagagawa ko ngayon at galit na galit ako sa sarili kong ginawa ko 'yon. I regret it. Every fucking single thing that I did.

I hate him. I hate him so much for making me feel like this.

"Mabe. . ." Rinig kong sabi niya pero wala na akong maisagot. Sa sobrang dami ng gusto kong isumbat sa kanya ay hindi ko rin naman kayang gawin dahil wala akong karapatan.

Dahil at the first place, ako ang nagpakita ng motibo. Ako ang gumalaw. Ako ang nagkagusto.

Ako ang nagmahal.

Ako lang.

At 'yon ang masaklap.

"Mabe, ano? Uy?" Pukaw ulit sa'kin ni Crane.

Huminga ako ng malalim at sinigurado kong wala ng luha sa pisngi ko nang punasan ko 'yon.

"Una na 'ko." Pagkasabi no'n ay halos patakbong lakad ang ginawa ko pero nang may humila sa braso ko ay natigilan ako at nilingon 'yon.

"Mabe, let's talk."

Ngumisi ako. "Are you kidding right now? I was just talking to you the whole time!" Halos pasigaw ko ng sabi. Pero parehas ata kami ni Crane na walang pakielam kung may ibang tao ro'n nang bigla niyang hawakan ang dalawang kamay ko.

"I said, let's talk."

Sinamaan ko siya ng tingin. "Let go."

"No."

Isang matunog na pagngisi ang ginawa ko t'saka siya pinakatitigan ng walang bahid na biro. "I said, let me go." Pilit kong hinila ang kamay kong hawak niya at nang makawala ako sa kanya ay humakbang ako palayo. "This will be the last time that I'm going to say this Crane." Ngumiti ako, at sa likod ng ngiting 'yon ay ramdam ko ang unti unting pagkawasak ng puso ko. "Gusto kita Crane. Gustong gusto kita. Kaso, isang araw, bigla na lang naging mahal 'yong gusto. Bigla na lang na, mahal na kita," umiling ako para lang maibsan ang bigat na nararamdaman ko sa dibdib ko. "Pero kanina, pinatunayan mo lang na wala lang talaga ako sa'yo. Na wala lang talaga ang Mabe sa buhay mo. Siguro nga, turing mo sa'kin, peste sa buhay mo e. Nitong nakaraan na buwan, alam ko namang wala lang talaga sa'yo kung 'di tayo mag-usap, kaso kasi, sa'kin hindi."

Nagsimula nang hamapdi ulit ang sulok ng mata ko. Uminit 'yon at nagbabadyang tutulo na ang luhang kanina ko pang pinipigilan. At hindi ako nagkamali. Nagsimula ngang tumulo ng tumulo ang luha sa mga mata ko. Hindi ko na napigilang mapahagulgol. Nang tangkain ni Crane na lumapit ay mas lalo akong umatras. Tumigil naman siya nang mapansin 'yon.

"Namiss kita. Sobrang miss na miss na kita. Kahit anong pilit kong gusto kang kausapin, hindi ko talaga kaya. Pero mas bilib ako sa'yo, dahil bawat lapit ko, siyang layo mo. 'Yon bang parang napipilitan ka pang kausapin ako kapag  kailangan talaga kitang kausapin. Parang kanina lang. Napipilitan ka masyado na 'yon na mismo ang nagpamukha sa'kin kung ga'no kababa ang tingin mo sa'kin ngayon." Huminga ako ng malalim. Hindi ko na rin kasi mapigilan ang paghikbi ko. "Don't worry. Last na 'to. Last na last na talaga tong magkakaganito ako sa'yo. Sorry. Sorry kung naging isang malaking panira ng araw ako sa'yo. Sorry kung palagi kitang naiirita. Sorry Crane. Sorry," humahagulgol kong sabi at kasabay no'n ay ang pagtalikod ko sa kanya t'saka na tumakbo palayo.

Tapusin na. Tama na.

May mga bagay na kahit ga'no mo kagustong makuha--na gagawin mo lahat para lang makamit 'yon, darating at darating ka sa puntong susuko ka na at tama na. Hindi dahil sa ayaw mo na siya, o dahil sa hindi mo na kaya. Kaya pa naman, pero sa tuwing kinakaya pa, masyado nang nasasaktan ang sarili—nakakapanliit. Mas naaawa at napapahiya ako lalo na sa harap ng taong gusto ko na ni minsan ay hindi naman mangyayaring magkaroon ng kami—masakit.

Mahirap? Oo naman. Mahirap pero alam kong malalagpasan ko rin lahat.

Learn when to let go, and try to love yourself more. Be strong. Kaya mo ‘yan. Kapit lang. Life happens ika nga ng matatanda.


~fin~


Comments

YOU MAY ALSO LIKE

Pink Letters

Hanggang kailan ka magiging masaya para sa taong mahal mo? Hanggang kailan mo kayang ipaglaban ang pagmamahal mo para sa kanya? Kakayanin pa ba? Kahit ang sakit-sakit na?

Image Description
KyLiiemichy | 16 January 2018