Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




The Ghostwriter

Image Description iamjonquil   |   31 May 2018


Pamilyar ka ba sa #ghostwriter? Narinig mo na ba ito? Paano kung ang hinahanggan niyong manunulat ay hindi pala totoo? Na mayroong totoong writer sa likod ng sikat na sikat nitong kuwento?

NILARO-LARO ni Honey ang hawak na ballpen habang nakatitig sa notebook na nakapatong sa ibabaw ng lamesa. Isang linggo pa at tiyak na matatapos na niya ang isinusulat na kuwento. Isa iyong Mystery Triller na kuwento na may halong romance.

Kahit usong-uso ngayon ang mga digital writing platform ay mas nakahiligan pa rin ni Honey ang pagsusulat sa notebook. Ang katwiran niya ay hindi iyon nalo-low bat, maliban na lang kung maubusan na ng tinta ang ginagamit niyang ballpen sa pagsusulat ng kuwento.

"Ate Honey!" humahangos na tawag sa kanya ni Shei, ang nakababata niyang kabatid sa ina. Humihingal pa ito nang lumapit sa kanya. "Pinapatanong ni Inang Clarie kung gusto mo raw umekstra sa kanya sa Sabado?"

Mabilis niyang isinilid sa bag ang notebook at ballpen niya. Kapag kuwan ay hinarap ang katorse anyos na kapatid. Hindi alam ng pamilya niya na nagsusulat siya ng mga kuwento. Kahit mga kaibigan niya ay hindi iyon alam.

"Ano raw meron sa Sabado?"

"Magki-cater daw sila kina Gov," tukoy nito sa Gobernador sa lalawigan nila.

Lumawak ang ngiti niya sa narinig. "Sige, sabihin mo wala akong gagawin sa Sabado kaya sasama ako sa kanila."

"Okay," iyon lang at nagtatakbo na palabas ng bahay si Shei.

Kulang na naman sa tao sina Inang Clarie, ganoon tuwing malalaking event ang hawak ng mga ito.  At sigurado na may malaking pagtitipon sa Governor Mansion sa Sabado.

Kapag nagkataon ay iyon ang unang pagkakataon na makatatapak siya sa lugar na iyon. Sa bayan nilang iyon sa Poblacion Bertarelli ay animo palasyo ang Governor Mansion na nakatayo sa mataas na bahagi ng bayan nila. Kulay puti iyon kaya naman kitang-kita. Lalo na sa gabi dahil puro ilaw.

Tahimik naman sa lugar nila lalo na pagdating sa usaping politika. Wala ring krimen at kaguluhang nangyayari. Siguro nga sobrang suwerte ng mga tao sa bayan nila dahil hindi pinababayaan ng mga nakaupo. At dahil hindi corrupt ang Gobernador at mga tao nito sa munisipyo kaya mahal na mahal ng mga taga Poblacion Bertarelli. Madali ring lapitan sa oras ng pangangailangan. Wala ring tamad dahil may trabaho at pangkabuhayan lahat. Minsan mga tauhan pa sa munisipyo ang nag-aalok ng mga puwedeng trabaho sa mamamayan ng mga ito.

Kaya hindi siya nagtataka kung bakit patuloy ang pagsisilbi ng mga Cordova sa bayan at lalawigan nila hanggang ngayon.

Isa rin siya sa nabigyan ng full scholarship sa Bertarelli University kung saan third year college na siya sa kursong Bachelor of Science in Tourism Management, ng mga Cordova. Pangarap niyang maging flight attendant at makapag-around the world din pagdating ng araw.

Pero sa kabila ng pagiging full time scholar ay panay pa rin ang raket niya kapag may libreng oras. Hindi pa rin kasi maiwasan na may bilhing mga libro na kakailanganin niya sa pag-aaral niya.

Ang kanyang ina na lang ang nagtataguyod sa kanilang tatlong magkakapatid. Hindi niya kamukha ang dalawang kapatid dahil may ibang dugo na nananalaytay sa kanya. Half blooded Korean siya. Habang full blooded Pinoy naman ang mga kapatid niya. Mas nangibabaw sa kanya ang dugo ng ama. Ang mga mata niya ay may pagkasingkit, matangos ang ilong, payat na katawan at napakakinis na kutis. Namana rin daw niya ang katangkaran sa kanyang ama. Hindi lang niya iyon nakilala dahil ang kuwento sa kanya ng kanyang Mama Daiana ay hindi ganoon kaganda ang kuwento ng mga ito.

Noong kabataan pa ng kanyang ina ay party goer din ito. Sa isang bar sa Maynila ay nakilala ng kanyang ina ang ama niya. Nang gabi ring iyon ay halos ang dalawa lang ang magkasama at magkausap. Magkasama ring nagpakalango sa alak. Sa sobrang kalasingan ng ina ay hindi na nito alam ang ginagawa at nangyayari. Basta nagising na lang ang ina niya sa isang hotel habang katabi sa kama ang Koreanong kasama sa bar, parehas na walang saplot sa katawan. Walang paalam noon na umalis ang ina niya. Ni hindi nito alam ang buong pagkatao ng lalaki.

Hindi rin inaasahan ng kanyang ina na mabubuo siya. Sa kabila niyon ay pinanindigan nito ang pagbubuntis sa kanya. Makalipas ang apat na taon ay nakilala nito ang Papa Dan niya. Pinakasalan nito ang ina niya sa kabila ng pagkakaroon ng anak sa pagkadalaga. Nagkaroon ng dalawang anak ang mga ito. Pero makalipas ang labing isang taong pagsasama ay namatay sa isang car accident ang tumayong ama sa kanya. Kaya ngayon ay solong nagtatrabaho ang kanyang ina para sa kanilang tatlong magkakapatid.

May laundry shop ang ina niya sa mismong ibaba ng dalawang palapag na bahay nila. Kapag walang pasok ay tumutulong silang magkakapatid, lalo na pagkalabas mula sa school.

Inayos muna ni Honey ang sarili bago lumabas sa silid niya. Pinuntahan niya si Inang Clarie para malaman ang mga dapat niyang gawin sa Sabado.


"MISS."


Patuloy lang sa paglalakad si Honey habang may tulak-tulak na library book cart. Hindi pa siya hihinto kung hindi pa siya hahawakan ng kung sino sa kanyang balikat mula sa kanyang likuran.

Kunot-noo na hinarap niya ang kung sino man na nasa likuran niya. Muntik pa niyang mapigil ang paghinga nang masilayan ang mukhang iyon na tiyak na namumukod tangi sa lahat. Kulang ang salitang ubod ng guwapo para i-describe ito.

"Tsk. Kaya naman pala para kang walang naririnig," salubong ang kilay nito ng mas lumapit kay Honey at tanggalin ang nakapasak na headset sa magkabila niyang tainga. "Kanina pa kita tinatawag."

Lihim siyang napalunok. Nang makabawi sa ubod ng guwapong kaharap ay kinuha niya sa kamay nito ang headset niya. 5'6 ang taas niya pero halos tingalain pa rin niya ang lalaki na estudyante rin ng Bertarelli University base sa suot nitong uniform. Pero ngayon lang niya nakita ang mukha nito. Dahil na rin siguro sa sobrang lawak ng unibersidad na pinapasukan.

Naglalaro siguro sa six feet ang taas nito. Mukha ring mayaman dahil sa kutis na maputi at makinis. Malinis at mabango rin. Hindi rin basta-basta ang mukha nito. Kumbaga sa mga guwapong lalaki ay ito 'yung klase ng kaguwapuhan na iilan lang ang sinuwerteng magkaroon. His almond chinky eyes, pointed nose, kissable lips...

"Miss?" untag nito sa pagkatulala niya.

Napapahiyang nagbawi siya ng tingin. "A-Anong kailangan mo?" Masyado ba siyang obvious na pinag-aaralan niya ang hitsura nito?

Nakakahiya ka, Honey!

Tuwing Tuesday at Thursday ay bakante siya mula ala una hanggang alas dos ng hapon. At sa library niya inilalaan ang bakante niyang oras. Student assistant siya roon na parte rin ng pagiging-scholar niya.

"Puwede bang pahanap nito?" inilahad nito sa harapan ni Honey ang isang sticky note na kulay asul.

Kinuha niya ang papel at binasa ang nakasulat doon. Puro tungkol sa engineering course na libro ang nakasulat doon. Tatlong volume.

Sa isip ay napailing siya. Mayaman kaya tamad maghanap ng libro. Perks of being mayaman. Iuutos na lang kapag tinamad maghanap.

"Pagkahanap mo, dalhin mo na lang sa table ten. Doon ako maghihintay. Kailangan ko na rin 'yan ngayon."

Huminga si Honey ng malalim. Hindi niya nagustuhan ang tabas ng dila nito. Imbes na makisuyo ay animo inuutusan lang siya. Hindi naman siya katulong na utus-utusan lang.

Kung kanina ay hindi niya napigilan ang paghanga rito, ngayon naman ay nakaramdam siya ng inis. Hinawakan niya ang kaliwang kamay nito at inilagay roon ang kulay asul na sticky note.

"Bakit mo ibinabalik?"

"Simple lang. Dahil wala kang GMRC," iyon lang at tinalikuran na niya ito. Kahit ubod ito ng guwapo ay nunca na manghinayang siya.

Napamaang ang lalaking iniwan ni Honey. Hindi makapaniwala sa ginawa niya na iniwan na lang ito basta.

Tumigil si Honey sa isang book shelve at ibinalik doon ang libro galing sa book cart.

"At ako pa ang walang GMRC? Eh, ikaw nga ang basta na lamang nang-iiwan."

Blanko ang ekspresiyon ng mukha ni Honey nang muling harapin ang lalaki na bahagya pang napaatras.

"Kahit sabihin mo na student assistant ako sa library na ito, hindi mo ako basta-basta mauutusan lang na akala mo ay nag-uutos ka sa katulong ninyo. Matuto kang makisuyo kung may kailangan ka. Kung hindi ka marunong noon, bumalik ka sa elementary para turuan ka ng Good Manners and Right Conduct."

"Mukhang hindi mo yata kilala kung sino ang kinakausap mo," anito na tunog nang-iinis pa.

Minsan pa niyang tinitigan ang guwapo nitong mukha. May kahawig nga ito. Pero hindi pa rin niya ma-point out kung sino. Umiling siya bago ito tinalikuran at muling itinulak ang book cart.

"Hindi," tipid niyang sagot.

Hindi alam ng binata kung matatawa ba ito o maiinis sa inasal ni Honey.

"Fine. I apologize for my bad manner, Miss. Pero kailangan ko talaga ang mga books na ito. At alam ko na memoryado mo kung nasaan ang mga 'yan sa malawak na library na ito. Kaya nakikisuyo ho ako sa iyo na baka puwede mo pong hanapin ang mga librong ito para sa akin. Please?"

Bahagyang nakagat ni Honey ang ibabang-labi. Pigil ang mapatawa sa pagbabago ng tono ng boses ng binata. Tunog nakikisuyo talaga. Huminga muna siya ng malalim bago ito muling nilingon.

Nakaumang na naman ang kamay nitong may hawak na sticky note. Sinulyapan muna niya ang hawak nito bago ito tiningnan sa guwapo nitong mukha. Kinalma niya ang sistema niya dahil sa nakaka-distract ang presensiya nito. Walang salita na kinuha niya ang sticky note.

"Makikisuyo rin ako na baka puwedeng samahan ng kaunting bilis?" hirit pa nito na ngumiti pa.

Honey, kalma lang. Mga one hundred times, aniya sa isip. 'Yung pakiramdam na para siyang maiihi sa kinatatayuan dahil sa ngiti nitong iyon. Lord, kaunti na lang baka makita na niya na nagpipigil lang ako ng kilig sa harapan niya... Pahamak na ngiti niyang iyon.

"Hindi ako si superwoman," sabi na lang niya bago inilagay sa isang tabi ang book cart.

"Sa table ten, Miss," paalala pa nito nang maglakad na siya palayo.

"Okay."

Napangiti na siya nang sa wakas ay makalayo.


NAPAHINTO sa paglalakad si Honey nang makita sa table ten ang lalaking nagpakuha ng mga libro sa kanya.

Nakasuot na kasi iyon ng itim na sumbrelo, 'yung tipong halos itago na nito ang buong mukha. Tipong ayaw mapansin ng sino man. Nakayuko ito habang hawak ang cellphone at abala sa pagdutdot sa screen niyon.

Tahimik na nilapitan niya ito. May ilang estudyante sa ibang tables na mga mukhang wala ring pakialam sa paligid. Maingat na inilapag niya sa harapan ng lalaki ang mga libro. Saka lang ito nag-angat ng mukha.

Nang magtama ang mga tingin nila ay animo may sumipa sa dibdib niya kasabay ng tila paghinto ng mundo mula sa pag-inog. Bakit ganoon ang nararamdaman niya?

"Heto na 'yung mga libro mo."

Inayos nito ang sumbrelo sa ulo. "Thank you..." napasulyap pa ito sa suot niyang ID. Hindi pa nakontento at hinawakan pa iyon. "Honey?" Basa nito sa pangalan niya.

Pinalo niya ng bahagya ang kamay nito at binawi ang ID niya na hawak nito. Bakit mukhang amuse ito sa pangalan niya? At bakit iba ang dating sa kanya ng pagtawag nito sa pangalan niya?

"Honey ang pangalan mo?"

"Nakita mo na, hindi mo na kailangan pang itanong. Saka walang nakakatawa sa pangalan ko," aniya bago ito tinalikuran.

"Kinda cute," narinig pa ni Honey na wika nito.

Napalunok siya. Bakit nakaramdam sjya ng kakaiba sa lalaking iyon? Sobrang awkward na ewan. At isa pa, bakit gulat na gulat din ito ma hindi niya ito kilala? Sikat ba ito sa campus nila? Naipilig niya ang ulo. Ang dami niyang tanong. Kasalanan ng lalaking iyon na ginulo ang isip niya.

Hindi na rin siya nagtagal pa sa library dahil malapit ng magsimula ang klase niya sa hapong iyon.








  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

ACCIDENTALLY KISS IN SUMMER

#SummerFling I really hate summer, hindi dahil sa init ng panahon, hindi rin dahil sa wala akong pera para makapagbakasyon, swimming at magtampisaw sa beach. It was because of the heart breaks I had.

Image Description
Yazuakie
01 May 2018
ACTIVE NOW

What if you have fallen into love with the most unexpected person at the most unexpected time? Will you rather ignore your heart or follow its beat?

Image Description
Sassy Missy
24 April 2018