Vibrate

Image Description mysteriousweirdo   |   06 February 2019


Minsan, sadyang mapagbiro ang tadhana. Pero kapag nagbiro naman ito, kadalasan hindi nakakatawa.

Minsan, sadyang mapagbiro ang tadhana. Pero kapag nagbiro naman ito, kadalasan hindi nakakatawa.

“Sige, Bie, mag-ingat ka na lang sa trabaho mo,” paalam ko sa nag-iisa kong anak na nagtatrabaho bilang nurse sa isang pribadong ospital dito sa Camarines Sur.

Masayang ibinaba ko ang linya ng cellphone. Nakatitig pa rin ako rito sa Nokia 112 na may keypad pa, at ang wallpaper ay ang digital clock nito na may oras na 5:13p.m. sa kasalukuyan.

Hindi naman ako dating marunong gumamit ng cellphone. Noong una ay ayaw kong gumamit nito. Pero matiyaga akong pinilit at tinuruan ng anak kong si Ruby.

Naalala ko pa noong isang linggo nang matuto akong magtext gamit ang cellphone ko dahil sa kanya.

“Ayan, tay. Nagsend ako ng text sa’yo,”ang sabi niya habang nakahawak sa cellphone niyang touch screen.

“Text? Wala pa.”

“Ah. Kasi minsan, Tay, matagal dumarating ang ibang text dahil nagkakaroon din ng ito ng traffic.”

“Akala ko mga sasakyan lang ang natatraffic?”pagtataka ko.

“Ganun din ang text. May air traffic sila.”

“Air traffic?”

“Opo Tay. Subukan niyo naman pong mag-text sa’kin para matuto kayo. Tapos doblehin niyo po ang pag-send sa akin.”

“Teka lang, tumunog na ang cellphone ko. Dumating na ang text mo. Paano ko ba tatanggalin ang tunog nito pag magte-text ka?”

“Ilagay ko na lang sa vibrate para hindi maingay pero ramdam mo pa din na may nagtext?”

“Vibrate? Paanong vibrate?”

“Parang nanginginig lang ‘yong cellphone mo, Tay pero hindi siya tutunog.”

Nakangiti pa rin ako habang iniisip ‘yon. Magsimula noon ay araw-araw na niya akong tinetext. Kapag malelate siya ng uwi, kapagmagpapaalam siya na may pupuntahan, at kahit kapag papasok siya ng trabaho na wala pa ako sa bahay ay nagtetext siya para hindi kami nag-aalala ng nanay niya.

Bumalik ang isip ko sa kasalukuyan nang mapansin ko ang isang nurse na patakbong lumalapit sa akin mula sa Emergency Room.

“Mang Cardo, may banggaan na nangyari sa Nabua. Bus, motor at kotse ang nagkarambola malapit sa intersection sa simbahan,” ang sabi niya.

Pagkarinig ko nito ay mabilis akong sumampa sa ambulansiyang minamaneho ko. Agad namang pumasok sa loob ang dalawang lalaking nurse at ang isang kasama nitong doctor na may mga bitbit na emergency bag na pinaglalagyan ng mga first aid kits para sa mga ganitong sitwasyon.

Mula sa provincial hospital ay mabilis kong pinatakbo ang ambulansiya. Agad namang tumatabi ang mga sasakyan sa harapan ko nang marinig nila ang sirena mula rito

.Halos sampung taon na akong driver ng ambulansiya ng provincial hospital ng Camarines Sur. Sa sampung taon ring iyon ay nakita ko na ang mga eksenang madalas kinakatakutan ng mga pangkaraniwang tao. Nariyan ang mga pasyenteng mga hinimatay, duguan, at mga nag-aagaw-buhay. Mayroon ding mga pasyenteng patay na sa simula pa lang at mayroon din na sa sasakyan na binabawian ng buhay.

Noong unang mga taon ay natatakot pa ako pero no’ng sumunod na ay unti-unting nasasanay na ‘ko.

“Ang takot pala ay unti-unting nababawasan kapag paulit-ulit itong nangyayari,” bulong ko.

Sa loob ng labing limang minuto ay narating namin ang lokasyon ng aksidente. May mga pulis at dalawang ambulansiya na rin ang nauna sa amin.

Isang kahindik-hindik na eksena ang aking naabutan. Halos masuka ako at nangilabot ang buo kong katawan. Dapat sanay na ako sa mga ganitong eksena. Pero iba ito ngayon.

Halos mahati ang katawan at putol pa ang paa ng isang lalaking rider ng motorsiklo. Duguan at wala ng buhay. Sa tabi ng motorsiklo ay isa namang babae ang hindi na makilala dahil sa duguan ang buong katawan nito. Ito ang sinimulang ilagay ng mga nurse sa stretcher at ipinasok sa ambulansiya.

Sa loob naman ng nayuping kotse ay hindi magkamayaw ang mga rescuer sa paglabas ng mga biktima doon. Ang isang rescuer ay may karga pang isang sanggol na agad isinakay sa isang ambulansiyang kasabay kong dumating.

Sa gilid ng kalsada ay naroon ang iba pang mga taong nasaktan- dalawang bata, isang buntis, at isang lalaki. Kung hindi duguan ang braso ay may mga galos ang mga paa ng mga ito. May mga tao ring nakatayo sa gilid ng bus.

Mga sakay siguro ng bus, naisip ko.

“Mang Cardo, tara na!” sigaw ng Head ng Emergency na si Dr. Reyes.

Itinigil ko ang pagmamasid. Agad naman akong pumasok at pinaandar ang ambulansiya pabalik sa ospital. Ito ang standard procedure ng mga doctor, inuuna ang mas malala ang kalagayan na puwede pang mailigtas.

Pagdating sa ospital ay narinig kong nag-uusap ang doctor at ang nurse na kasama nito.

“Wala na. Kahit anong paraan na ang ginawa ko kanina pero dead on arrival na ‘to,” deklara ni Dr. Reyes. “Tawagan mo ang pamilya nito kapag nakilala niyo na siya,” utos niya sa mga kasamang nurse.

Naramdaman ko ulit ang pag-vibrate ng cellphone ko. Dinukot ko ito sa bulsa.

Tay, hindi po ako agad makakauwi bukas kasi may meeting po kami sa opisina ng Philippine Nursing Association.

Kakatapos ko lang basahin ang naunang text ni Ruby ay sunud-sunod ang pag-vibrate ng cellphone ko. Dinoble pala niya ang pagsend.

Double send na yan, Tay, para siguradong matanggap niyo.

Maya-maya ay nagvibrate ulit.

Tay, natanggap niyo na po ba ‘yong text ko?

Nag-reply ako sa kanya.

Oo. Basta mag-iingat ka.

Matapos kong makita ang send ay ibinalik ko ulit ang cellphone sa aking bulsa. Hindi ko rin ipinagpatuloy ang pakikinig sa pinag-uusapan nila Dr. Reyes at ang mga kasama nito. Sa halip ay binalikan ko naman ang biktimang idineklara ng doctor na dead on the spot. Ito ‘yong lalaki na nahati ang katawan at naputulan ng paa. Ilang pabalik-balik pa ay naisakay ko rin ang lahat ng mga sugatan patungo sa ospital.

Inabot ako ng gabi nang matapos ang aking shift. Pagud na pagod ang aking katawan sa aksidenteng iyon. Marahil ay dala na rin na nagkakaedad na. Isang taon na lang kasi ay malapit na akong mapasali sa mga senior citizen.

Pangalawang beses nang may naaksidente sa parte ng kalsadang iyon. Isang linggo lang ang nakakaraan ay isang bus at motorsiklo naman.

“Pero mas malala ang nangyari ngayon,” bulong ko sa aking sarili. Nasa ganito akong pag-iisip nang maalala kong tawagan ang aking asawa na naiwan sa bahay.

Hindi sinasagot?

Nakailang dial na ako ng numero niya pero nanatiling busy pa rin ito. Nagdesisyon na lang akong umuwi. Tutal, tapos na ang shift ko sa araw na ‘to.

Bago ako sumakay ng jeep pauwi ay bumili muna ako ng pasalubong na fried chicken para ulam namin sa bahay. Dalawa lang kaming kumakain nang hapunan dahil panggabi si Ruby sa kanyang trabaho sa ospital.

Pagdating sa aming bahay ay naabutan kong nakikipag-usap sa telepono ang asawa ko.

“O, sige,” sabi niya nang marinig ko bago ibaba ang linya.

“Anong nangyari?” tanong ko.

“Sinabi ni kumare na may malagim raw na aksidente sa Nabua. Buksan ko raw ang TV kasi laman ito ng lahat ng balita,” sagot ni Pining na bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha.

“Ah. ‘Yong karambola ng bus, motor at kotse sa simbahan. Eh, diyan kami nag-rescue kanina.” Umupo ako at binuksan ang TV pero nag-vibrate ang cellphone ko. “Kahit si Ruby nagtext sa’kin tungkol sa aksidente.”

“Anong sabi?”

“May aksidente raw sa unahan nila.”

“Buksan nga natin ang TV.”

“Isang malagim na aksidente ang nangyari kaninang alas singko ng hapon sa intersekyon ng Nabua, Camarines Sur. Nagkarambola ang isang bus, kotse at motorsiklo na ikinamatay ng apat kasama ang mag-asawang nagbalik-bayan mula sa Thailand at labing isa naman ang sugatan at ginagamot sa ospital. Ayon sa preliminary investigation ng Nabua Police ay nawalan ng preno ang bus kaya nabangga nito ang kasunuran na kotse. Ayon din sa ibang mga testigo ay napakabilis ng pagpapatakbo ng bus kaya nang mawalan ng preno ay tuluyan nitong nabangga sa unahan ang kotse at lumiko sa kabilang linya dahilan upang kasamang araruhin nito ang motorsiklo na may dalawang sakay sa kabilang linya.

Nauwi sa trahedya ang dapat sana ay masayang homecoming ng mag-asawang Peñaranda na sakay ng kotse ngunit isang himala namang maituturing ang pagkakaligtas ng kanilang isang taong gulang na sanggol na nagawang maihagis ng ina sa bintana bago pa sila tuluyang banggain ng bus…

“Diyos ko, kawawa naman,” nasabi ni Pining.

“Napakabait ng anak kong ‘yon. Siya ang nagpapadala sa amin para may pambili ako ng gamot. Excited na kaming makita at makilala ang pamilya ni Ramil. Nakahanda na nga ang tutulugan niya dito sa bahay. Pero matutulog na pala sila habang buhay.”

Natapos ang balita sa interview ng ama ng isa sa mga biktima ng aksidente.

Nanatili akong tahimik habang nanonood ng balita. Ramdam ko ang sakit na nararamdaman niya. Ang pinakamasakit na pangyayari para sa isang ama ay mawalan ng anak.

Nasa ganoon akong pag-iisip nang maramdaman ulit na nagvibrate ang cellphone ko sa bulsa. Galing ang text kay Dr. Reyes.

Mang Cardo, kailangan niyong bumalik dito sa ospital. Emergency!

“Pining, kailangan kong bumalik sa ospital. Nagtext sa’kin ang head ng Emergency.”

Isinusuot ko uli ang tinanggal kong sapatos kanina nang mapansin kong may kausap si Pining sa telepono. Biglang namutla ang mukha nito.

“Sasama ko sa’yo, Cardo.”

“Bakit?”

“Patay na raw si Andy,” sagot sa akin ni Pining na halos maluha-luha na ang mga mata.

“Si Andy?”

“Tumawag sa’kin si Manay. Kasama pala sa aksidente si Andy.”Basag na ang boses ni Pining. Halatang pinipigil ang iyak.

Pamangkin ko si Andy. Anak siya ng panganay na kapatid ni Pining. Agad naman kaming umalis at magkasamang pumunta sa ospital.

Naabutan namin na umiiyak ang pamilya ni Manay Siling katabi ang isang bangkay sa morgue ng ospital. “Pining, wala na si Andy.” Patuloy ang pag-iyak nito habang hinihimas ng umiiyak ding si Pining ang likod nito. “Wala na si Andy. Wala nang maghahatid-sundo sa atin. Wala nang magmamaneho ng motor.”

“Wala na ring maghahatid kay Ruby sa trabaho,” segunda ni Pining.

Nagpaalam muna ako sa kanilang dalawa para puntahan ang head namin sa Emergency Room na isa ring doktor. Pag kasi ito nagsabi ng Emergency sa text ay kailangan pumunta agad. Karaniwang dahilan ay hindi dumating ang karelyebo ko sa pagmamaneho ng ambulansiya.

“Cardo, may kailangan kang makita. Kailangang kilalanin mo kung kamag-anak mo ngaba siya,” malungkot na pahayag ni Dr. Reyes.

Sumunod ako sa kanya na naguguluhan. Sa morgue ang direksiyon ng aming pinupuntahan. Naroon na sa kabilang kuwarto sila Pining at Manay Siling na umiiyak kanina.

Si Andy?

Pero sa ibang kuwarto kami pumunta. Sa loob ng morgue ay may lamesang naroon. Sa ibabaw nito ay may isang katawan na tinatakpan ng puting tela.

Itinuro nito sa akin ang nasa ibabaw ng lamesa.

Nakaramdam ako ng kaba, ng pag-aalala at higit sa lahat, ng takot. Tinungo ko ang kinalalagyan ng bangkay. Habang humahakbang ako papalapit ay nagdarasal ako nang tahimik na wag naman sanang totoo ang aking iniisip. Pero nahinto ang pag-iisip ko nang masama nang maramdaman ko ulit ang pagvibrate ng cellphone ko.

Nagtext si Ruby.

Tay, mag-iingat na lang po kayo sa trabaho niyo. Mahal ko kayo ni Nanay.

Nabunutan ako ng tinik nang mabasa ko ang text ng anak ko. Lihim na nagpasalamat habang nagpakawala ng malalim na buntung-hininga. Naging kampante ang loob ko na lumapit sa bangkay. Sigurado na kasi ako.

“Siya ang nakasakay sa likod ng rider ng motorsiklo. Tayo ang nagrescue sa kanya kanina,” pahayag ng doktor. “At ikaw ang nagmaneho sa kanya papunta dito sa ospital. Isa pala siyang nurse.”

Nang tinanggal ko ang takip ng mukha nito ay nawalan ng lakas ang tuhod ko. Nanginig ang buong kalamnan ko. Halos gumuho ang mundo ko.

“R-ruby? Paanong? Bakit nandito si Ruby, Doc?” Tuluyang umagos ang mga luha sa mga mata ko nang makilala ko ang mukha ng anak ko.

At nangyari nga ang pinakakinakatakutan ko bilang isang ama- ang mawalan ng anak at ang makitang nauna siyang namatay sa akin.

“Paanong mangyayaring patay na si Ruby? Nakatanggap pa ako sa kanya ng text ngayon lang.”

Bigla kong naalala ang itinuro niya.

“Ah. Kasi minsan, Tay, matagal dumarating ang ibang text dahil nagkakaroon din ng ito ng traffic.”

“Akala ko mga sasakyan lang ang natatraffic?”pagtataka ko.

“Ganun din ang text. May air traffic sila.”

“Air traffic,” bulong ko habang patuloy pa rin sa pag-agos ng mga luha ko.

Talagang mapagbiro nga ang tadhana, pero kadalasan hindi nakakatawa ang biro nito kundi nakakapanginig, nakakakilabot at nakapanindig balahibo dahil nagsasama ito ng takot. 

-Wakas-


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

REVENGE OF THE REAL WIFE

Na-comatose si Ashlene dahil naaksidente sila noong katatapos pa lang ng kasal nila ni Jonathan. Subalit paggising niya ay wala na siyang maalala at nasa kandungan na ng iba ang asawa niya!

Image Description
ad_sesa
19 July 2018